webnovel

Kabanata Dalawa [3]: Unang Atake

Rumihistro ang takot sa mukha ng lalake nang makita ang hawak-hawak niyang cutter. Ang namumula nitong mukha sa galit ay unti-unting napawi at naging maputla, bagay na nagpa-angat sa tuwang nadarama niya. At ang katawan naman ng lalake'y pawis na pawis, walang tigil ang pagtagaktak nito at parang naliligo na siya.

Dala-dala ang cutter ay umikot siya papunta sa likod ng lalake, "Sa anim na buwang nagdaan, hindi mo talaga binura itong tattoo sa braso't kamay mo. Maraming salamat dahil dinala mo sa 'kin ang pag-asang matagal ko nang hinahanap." Aniya at hinaplos ito ng cutter.

"Nakikilala mo pa ba ako?" Tanong niya sa lalake.

Ngunit tanging malakas at kabadong iling lamang ang sagot nito.

"Siguro, hindi nga kasi ibang-iba ako no'ng ginahasa n'yo ako sa sementeryong iyon. Ang dumi-dumi ko no'n at napakahina pa." Pahayag niya't hinarap ang lalake.

Nanlaki ang mata lalake nang marinig niya iyon; ang mga mata nito'y takot na takot na nakatingin sa kaniya at nagsimula na itong maluha. Sobrang lalim na rin ng paghinga nito habang may kung anong inuusal sa likod ng duct tape na nakabusal.

Ramdam niyang nagsisisi ang lalake sa ginawa niya; umiiyak na ito at halatang nagmamakaawa. Pero sadyang wala na siyang puwang sa puso para patawarin ito—nangayari na talaga ang lahat at 'di na 'yon mababago pa.

"Ano 'to?" Tanong niya't itinutok  ang cutter sa tattoo sa kanang dibdib ng lalake, "Ano ang ibig sabihin nitong itim na tatsulok?"

Marahas niyang inalis ang busal sa bibig ng lalake't agad na inilapat ang talim ng cutter sa gilid ng lalamunan, "Sagutin mo 'ko ng maayos at h'wag mo ring subukang sumigaw. Pangako, sisiguraduhin kong babaon talaga ang cutter na ito sa lalamunan mo bago ka pa man makakuha ng atensyon."

"P-patay ka n-na. P-papaano k---"

"Buhay ako 'yon ang totoo," pagputol niya sa sinasabi ng lalake.

"N-Nevada, m-maawa ka. Nagsisisi na ako. H'wag mo akong saktan."

"Sana sinabi mo 'yan no'ng inilibing n'yo akong buhay," aniya, "Huling beses ko nang itatanong ito, ano ang ibig sabihin ng tattoo na 'yan."

"B-Black Triangle, 'yan ang s-simbolo ng grupo namin." Nauutal na sagot ng lalake.

"Ang lahat ba ng miyembro ng grupong 'yan ang gumahasa sa 'kin no'ng gabing iyon?" Tiim-bagang na tanong niya.

"O-Oo,"

Hindi siya nakapagsalita at tahimik na hinarap ang nakayukong lalake. Mistulang kumulo ang dugo niya at sobrang bilis ng tibok ng kaniyang puso. Ang kamay naman niya'y nagsimula nang mangingig at mas humigpit pa ang hawak niya sa cutter.

"Mga demonyo kayo!" Asik niya.

Ang mga alaala niya sa gabing iyon ay sumariwa at naghatid sa kaniya ng parehong kilabot at galit. Bumakas sa isipan niya ang kahayupang ginawa nila at kung paano binaboy ang walang kalaban-laban niyang katawan. Isang bangungot ito na paulit-ulit niyang dinaranas, tulog man siya o gising.

Pumikit siya't malalim na suminghap ng hangin, pinuno niya ang kaniyang loob nito saka dahan-dahan itong ibinuga. Paulit-ulit niya itong ginawa hanggang sa nagbalik na sa normal ang ritmo ng paghinga niya't kumalma na ang loob niya.

Pagdilat niya'y marahas niyang hinawakan ang baba ng lalake't pinatingala ito at nagtagpo ang namumugtong mata ng lalake at ang kaniyang matalim na titig.

"Dapat siniguro niyong mamamatay talaga ako sa kabaong na 'yon, sana binaril n'yo man lang ako o ginilitan ng leeg para matapos na ang paghihirap ko." Pahayag niya't saka binitawan ang lalake.

Tumalikod siya't hinarap ang mga kagamitan sa kusina na nakalapag at maayos na nakahanay. Isa-isa niya itong tinignan at hinanap ang maaari niyang magamit.

"Nevada, pa-patawarin m-mo ako---"

"Kailangan mo ito," sabi niya't ipinakagat sa lalake ang hinablot niyang gawa sa kahoy na sandok.

Akmang ilalabas sana ito ng lalake nang pigilan niya ito; tinakpan niya ang bibig nito at mariing hinawakan animo'y gustong durugin ang panga niya.

Nang hindi na nanlaban ang lalake ay saka lang niya ito binitawan. Yumuko siya at pinagtuonan ng pansin ang dibdib ng lalake, tahimik niyang hinaplos ang tattoo sa dibdib nito at dinama ang balat ng lalake.

"Huminga ka ng malalim, magiging masakit ito."

At walang pagdadalawang-isip niyang ipinadaan ang talim ng cutter sa dibdib ng lalake. Malakas na napaungol ito at mariing napakagat sa sandok dahil sa 'di mawaring hapdi na nadarama. Sa kabilang dako'y tuwang-tuwa naman siya't ipinagpatuloy lang ang pag-ukit o paghiwa ng parisukat na hugis sa paligid ng tattoo.

Masyadong mababaw lang ang ibinaon ng talim ng kaniyang cutter, ngunit ang tindi ng sakit na hatid nito sa lalake ay lubusan at parang ikakamatay na niya. Umaagos na ang dugo nito at gumapang pababa ng katawan niya.

Habang dahan-dahan na ginuguhit ng kanang kamay niya ang parisukat na hiwa ay nakahawak naman ang kabilang kamay niya sa balikat ng lalake, pinipigilan ito sa paggalaw lalo pa't bayolente na ito kung magpumiglas.

Nang tuluyan at matagumpay niyang naiguhit ang parisukat sa dibdib ng lalake ay tinuklap niya ang balat nito mula sa linya ng hiwa. Mas napadaing ang lalake't muling nagsibagsakan ang mga luha nito. Pero hindi pa rin siya tumigil at dahan-dahan niyang hinila ang balat nito pahiwalay sa katawan ng lalake.

Habang pinupunit niya ang balat ng lalake ay binitawan niya muna ang balikat nito. Ang kanang kamay niya'y humihila sa balat samantalang ang kaliwa'y hawak-hawak ang cutter at hinihiwa nito ang manipis at puting bagay na namamagitan sa balat at laman ng lalake.

Nanginginig at naliligo na ng pawis ang lalake habang iniinda ang hapding dulot ng pagkahiwa ng kaniyang balat na nahaluan ng pawis. Pilit nitong iniiwasan ang makita ang sinapit ng dibdib niya't nakatingala lamang ito sa kisame habang umuungol.

Ramdam niya na napakarami na ng dugong umaagos palabas nito na humahalo sa pawis niya sa tiyan. Sumasakit at nangangalay na rin ang kaniyang bibig 'pagkat bumabaon na ang kaniyang ngipin sa sandok, sobrang diin na pagkagat niya't parang mabibiyak na ang kaniyang ngipin.

Ilang saglit pa ay tuluyang naalis ni Nevada ang hugis parisukat na balat na may markang tatsulok sa gitna; may bahid itong dugo na nagsisimula nang lumapot sa kamay niya.

Hinayaan lamang niyang dumaing at umiyak ang lalake sa kinauupuan at sinuri muna ang nakuha niyang piraso ng balat. Hindi siya sigurado pero parang pinaso ng nagbabagang hugis tatsulok na bakal ang dibdib ng lalake at kalaunang kinulayan lamang ng itim sa pamamagitan ng pagta-tattoo.

Ang tattoo na iyon ang simbolo ng pagiging miyembro sa grupong iyon---ang Black Triangle. Ang grupong matagal na niyang hinahanap matapos ang malagim na gabing iyon.

Siguiente capítulo