Gulat na gulat si Gian nang matauhan at mabilis na itinulak ang babae dahilan ng muntik nitong pagkatumba.
Tila naman nakaramdam ng hiya si Isabel sa ginawa.
"Ba't mo 'yon ginawa?" hindi 'yon tanong kundi paninita.
Hindi tama na basta na lang ito manghahalik lalo pa sa gaya niyang may mahal ng iba at alam nito 'yon.
"S-sorry nabigla lang ako, " anang babae na hindi makatingin.
"Nabigla? Sinadya mo 'yon. Walang nagtulak sa' yo para sumubsob sa akin at para manghalik," napailing siya sa pagkadismaya.
"You're a decent woman Isabel but you disappointed me."
"Gian please-" akmang hahawakan siya nito ngunit umatras siya.
"No!" Tinalikuran niya ito.
Hindi niya napaghandaan ang ginawang paghalik ni Isabel dahil hindi niya naisip na gagawin nito ang ganoon.
Ang yakap ay walang kahulugan ngunit iba ang halik.
Kahit sabihin pang hindi sinasadya ni Isabel hindi niya gusto ang nagawa nito dahil parang pagtataksil na rin 'yon sa pinakamamahal niyang si Ellah at ayaw niya ng gano' n.
Kahit hindi sila magkasama alam nitong matino siya at nagpapakatino siya.
"O, Gian? Nakabalik ka!"
Umangat ang tingin niya at nakasalubong ang ama ni Isabel.
"Mang Isko kumusta?"
Kinabig siya nito at saglit na niyakap bago pinakawalan ulit.
"Kailan ka lang nakabalik?" masayang tanong ng matanda.
"Ngayon lang ho."
"Naku buti na lang at bumalik ka na nanganganib ang kaibigan mo ngayon."
"Kaya ho ako bumalik."
"Saan ka ba galing at nag-alala kaming lahat sa'yo."
Naalala niya ang mga malungkot na mga mata ng abuelo, umaasa ito sa kanyang pagbabalik.
"Diyan lang ho nagpalamig lang."
Tumingin ito sa likuran na alam niyang ang anak nito ang naroon.
"O anak, nagkita na ba kayo ni Gian?"
"O-oho tay."
"Mabuti, ah teka mamaya nga pala magkakaroon ng meeting ang organisasyon," muling tumingin sa kanya si mang Isko.
"Ayaw mo bang makilala sila Gian?"
"Tay, hindi ho pwede, sapat na sa kanilang alam nilang may tumutulong sa atin at si Gian 'yon," si Isabel ang sumagot.
"Tungkol ho ba saan ang meeting?"
"Sa anibersaryo ng club sa susunod na linggo na 'yon eh."
Naalala niya ang tungkol doon.
"Nagawa niyo ho ba ang pinapagawa ko?"
"Oo, pero mamaya na natin 'yan pag-uusapan. Magpahinga ka muna."
"Sige ho."
"Ayaw mo bang makilala ka nila?"
"Hindi pwede dahil kahit si mang Roger ay hindi natin sinabihan ng tungkol kay Gian eh sila pa kaya?"
"Ah, eh iyon lang naman ay kung pwede."
"Hindi nga pwede tay!" naiiritang sagot ni Isabel.
"Oo na, pasensiya na."
Napatingin siya kay Isabel.
'Hindi alam ni Roger ang tungkol sa akin?'
Napailing si Gian.
Alam na ni don Jaime ang tungkol sa kanya at hindi naman siguro traydor ang Roger na 'yon.
"Hindi niyo ba pinagkakatiwalaan si Roger?" tanong niyang nagpatigil sa mag-ama.
"Iba pa rin kapag tayo lang ang nakakaalam," tugon ni Isabel.
Tumango siya.
Hindi na rin dapat malaman ng mga ito na alam na ni don Jaime ang tungkol sa kanya. Sina Ellah at Vince na lang ang hindi pa.
"Magpahinga ka na Gian, anak ituro mo ang kwarto ni Gian."
"Ha?" napamaang na tanong ng ama nito.
Sinulyapan niya ito ngunit nakatingin sa ama.
"May ano, may gagawin pa po ako tay, kayo na lang muna."
"Anong gagawin mo?"
"Paghahandaan ko ang meeting mamaya."
"Sige, ako ng bahala. Tayo na Gian."
Tumango siya at sumunod sa matanda ngunit kumunot ang kanyang noo nang makitang pabalik siya sa pinanggagalingang silid.
Hindi nga siya nagkamali nang tumapat sila sa pinto na pinanggalingan ni Isabel kanina.
"Ito ang kwarto mo, pinaghanda ni Isabel 'yan kasi alam naming darating ka."
"G-gano'n ho ba?"
"Oo, naku ewan ko ba sa batang 'yon at siya pa mismo ang nag-asikaso eh may staff naman."
Hindi na siya umangal nang buksan nito ang pinto.
Agad niyang napansin na panlalaki ang kulay na dark blue at grey combination.
Maaliwalas at mukhang relaxing.
"Nagustuhan mo ba?"
" Oho. Salamat."
"Naku sige at aalis na ako mabuti at nagustuhan mo nag-alala pa naman ang anak ko na baka hindi mo magustuhan."
"Maayos ho siya. Sige ho, mang Isko salamat."
"Ay sandali kumain ka na ba?"
"Oho mang Isko."
"Sige, pahinga ka na."
Isinara niya ang pinto pagkaalis nito.
Umupo ang binata at wala sa loob na hinaplos niya ang labi.
Ipinilig niya ang ulo upang kalimutan na ang ginawa ni Isabel.
Mabait ang mga ito sa kanya katunayan ay pinagamit siya ng mag-ama sa pangalan ng pinsan nitong nagngangalang James Dela Cruz upang makapasok nang walang pasikot-sikot at noong kinausap na siya ng staff at iyon ang kanyang sinabi ay wala ng problema.
Kaya't palalagpasin niya ang ginawa nito.
Hinubad ng binata ang suot na jacket at humiga.
Nakaramdam siya ng kaginhawaan paglapat ng likod sa malambot na kama.
Ngayon niya lang naisip ang ginawa sa mga kamag-anak at sa abuelo.
Isang gabi lang niyang kinuha ang mana at nakabalik na sa Zamboanga gano'n kabilis.
Binuksan niya ang bag na may lamang envelope na nanggaling kay don Manolo.
Inisa-isa niya ang mga dokumentong nakapangalan sa kanyang ama at ang iba ay nakapangalan sa kanya.
Pera at ari-arian nasa kanyang pangalan lahat.
Ngunit wala siyang planong patagalin 'yon sa bangko dahil may mas mahalaga siyang paggagamitan.
Huminga siya ng malalim at ibinalik ang mga papeles ngunit kumunot ang kanyang noo nang may makapa pa na ibang bagay sa loob nito.
Dinukot niya ang bagay na 'yon at nagimbal siya sa nakita.
"Bakit nasa akin ang card ni don Manolo?"
Ito ang black card na ibinigay sa kanya noong nasa D' Morvie suits pa siya na hindi niya tinanggap may kasama pang pin code sa loob ng lalagyan.
Kumabog ang dibdib niya sa kaba at naisip na may naglagay na iba roon upang madiin siya.
Mabilis niyang hinagilap ang cellphone at tinawagan ang abuelo.
Nakailang ring lang nang may sumagot sa kabilang linya.
" Gian hijo kumusta? "
Napigil niya ang paghinga nang marinig ang masayang tinig ng don.
"Don Manolo, bakit nasa akin ang card ninyo?"
"Gian ngayon mo lang ba nakita? Sinadya kong ilagay diyan dahil alam kong hindi mo tatanggapin kailangan mo 'yan apo dahil ang sabi mo kailangang mo ng pera. That is mine and I'm giving it to you.
From now on, what is mine will be yours.
Humiling ka lang ng kahit ano apo at hindi ako magdadalawang isip na ibigay sa'yo. "
" Tatandaan ko ang sinabi mong 'yan don Manolo."
"Pangako apo ko, ibibigay ko lahat sa' yo."
Napailing ang binata.
Sa kanyang pagbabalik ay tutuparin niya ang hiling ni don Manolo bilang kapalit ng mga ibinigay nito sa kanya.
Wala siyang planong maghiganti sa bagong pamilya ng don ngunit hindi niya maiwasang mapoot dahil ang mga ito pa ang malakas ang loob na itakwil siya gayong siya ang nauna at pangalawang pamilya lamang ang mga ito.
Pagkatapos ng usapan ay humiga ang binata at matamang nag-isip ng tungkol sa darating na anibersaryo ng club.
Pinag-iisipan niya kung paano makapasok doon dahil siguradong pupunta si Delavega dahil isa ito sa mga miyembro.
Sigurado siyang dadalo nga ito dahil mga bigating tao ang nararapat doon.
Tinawag ang organisasyon ng Zamboanga Business Club.
Lahat ng maimpluwensiyang tao sa buong Zamboanga Peninsula na miyembro ng naturang organisasyon ay mag-aabot para sa pagtitipong 'yon.
Pulitiko, negosyante at iba pa.
Apat na probinsiya ang mayroon ang Zamboanga Peninsula.
Ito ang Zamboanga City, Zamboanga Del Sur, Zamboanga Sibugay at Zamboanga Del Norte.
Ipinikit niya ang mga mata upang magpahinga na.
Alas onse ng gabi siya nakarating kaya't kailangan na niyang matulog.
Bukas kakausapin niya ang mag-ama tungkol sa pinagawa niyang paghahanap ng mga ebidensiya.
Nararamdaman niyang malapit na ang katapusan ng mga Delavega.
---
"MGA INUTIL!"
Napaigtad ang lahat ng mga tauhan ni senior Roman nang hampasin niya ng tubo ang mesang babasagin sa harapan.
"Nag-iisang pipitsuging parak hindi niyo naitumba?"
Walang nangahas magsalita sa takot.
"Ano walang kayang magpaliwanag!"
"S-senior may dumating na back up kaya-"
Hindi nito natapos ang paliwanag nang bigla niyang pagbabarilin ang naturang lalaki.
Tumimbuwang ito at napaigtad sa pagkagimbal ang mga natirang buhay pa.
Umaga at napakatahimik sa kampo ng mga Delavega ay umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril.
"Kaya kayo pumalpak gano'n ba? Eh talaga naman palang mga pulpol kayo! Bakit hindi ninyo pinag-isipan ang tungkol diyan!"
Wala uling nagsalita.
"Sumagot kayo!"
Walang nagsalita.
"Sumagot kayo kung ayaw niyong uubusin ko kayong lahat!"
"Senior, hindi lang talaga namin inasahang makakahingi siya ng tulong naghahabulan kasi ang mga sasakyan namin at... agh!"
Hindi rin natapos ng isa pa ang pagpapaliwanag ng barilin niya sa dibdib sentro sa puso.
Natumba ito at nangisay bago binawian ng buhay.
Nagkagulo ang mga tauhan at isa-isang umatras.
Natatakot na ang mga ito ngunit walang pakialam ang senior.
Lumapit ang kanang kamay niyang si Warren.
" Senior mauubos ang tauhan natin. "
"Isa ka pa!"
Ibinaling niya ang baril sa noo nito.
Ngunit hindi man lang ito kumurap.
Humagkis ang matalim niyang tingin sa mga natirang tauhan.
"Mga palpak! Linisin 'yan! Mga basura!" anang senior bago umalis.
Hinarap ni Warren ang mga tauhan.
"Linisin 'yan," turo nito sa mga bangkay.
"Sa susunod na pumalpak ulit kayo alam niyo na ang mangyayari," saka nito binirahan ng alis.
"Xander!" sigaw ng senior paglabas niya.
Naroon ang anak sa beranda nakatalikod ito at may hawak na kopitang may lamang alak sa kanang kamay.
Tila may kausap sa cellphone.
"Yes, we will attend," pagkuwan ay hinarap nito ang ama.
"Dad?"
"Mga palpak itong mga tauhan natin! Ipagkakatiwala ko na sa'yo ang Maravilla na 'yon."
"I will dad."
"Malaking kawalan sa atin si Danilo at hindi rin pwedeng pyansahan."
"Nandyan pa naman si Mondragon siya ang pinakamalakas nating sandigan."
"Na minsan na ring pinatumba ng demonyong Villareal na 'yon. Na maging tayo ay iniwan sa ere ng tarantado noong naipit na!" bulyaw ni senior Roman.
Hindi nakapagsalita ang anak.
Natatandaan niyang lumapit sa kanya si Mondragon noong nahulihan ito ng mahigit isang bilyong halaga ng droga at mga high powered guns.
Siya ang tumulong dito upang matahimik ang kaso kahit pa nakakakulong na ito.
Ngayon ang anak naman nito ang nagpapatakbo at anak niya ring si Xander ang kasosyo.
"Kailangang sa lalong madaling panahon ay mawala na 'yang Maravilla na 'yan. Siguradong buhay pa ang Villareal na 'yon at sa oras na mapasakamay na natin ang kaibigan niya lalabas sa lungga ang demonyong 'yon."
"Hindi ba natin itutumba?" naguguluhang tanong ni Xander sa ama.
"Hindi... muna saka na kapag wala ng pakinabang."
"Hindi rin pwede sa ngayong panahong ito dad, may malaking event sa club at kailangan nating pumunta roon.
Pupunta rin si Jeric Mondragon."
Namulsa, ang senior at hinarap ang anak.
"Iyong tungkol sa anniversary ng club?"
"Oo, kailangang pumunta tayo roon dahil malaking kawalan sa atin kapag hindi tayo pupunta."
Alam niya ang tungkol sa anibersaryo ng organisasyong kinabibilangan nila.
At ang lahat
miyembro ay dapat dadalo sa nasabing pagtitipon.
Kapag hindi pupunta ang isang miyembro ay mawawala ito sa sirkulasyon na ang ibig sabihin ay mawawalan ng kapangyarihan, malalaos ang pangalan at higit sa lahat ay magiging ordinaryo na lang.
Planado na niya ang lahat tungkol doon kahit pa sa isang linggo pa 'yon.
"Pupunta tayo dahil tiyak naroon ang kalaban."
Lihim na napangiti ang senior.
'Itataob kita Jaime maghintay ka lang!'
---
"Kailangang bang pumunta natin sa aniversary na 'yon lolo?"
Nilingon si Ellah ng abuelo.
Nasa opisina siya nito at dahil break time ay siya na mismo ang dumalaw sa abuelo at sabay silang nananghalian na pina order niya kay Jen.
"Oo hija, kailangan."
Natahimik ang dalaga sa kinauupuan.
Natatakot siyang baka pagmulan ito ng gulo lalo pa't nasangkot ang kasintahan sa kanila.
Ayaw na niyang mabanggit ulit at pag-usapan ng lahat ang masakit na nangyari sa pinakamamahal na nobyo.
Wala itong kasalanan ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nalilinis ang pangalan nito.
Bagama't inisa-isa na nila ang mga pader na sinsandalan ni Delavega ay hindi pa rin gano'n kadaling linisin ang pangalan ng kasintahan dahil hanggang ngayon ay nawawala pa rin ito.
Salamat kay Vince na hindi nagsasawang tumulong sa kanila.
Sa bawat araw na lumipas na hindi niya kapiling ang nobyo ay iginugol niya 'yon sa pagpapalakas ng loob, pagharap sa mga problema at paghahanap ng solusyon kung paano makakatulong sa paglilinis ng pangalan ng kasintahan.
Nagpapasalamat siya dahil lahat ng nais niya ay sinusunod ng abuelo kagaya ng pagkausap nito kay Judge Valdemor, pagpapatalsik kay Cordova at paghahanap ng ebidensiya ni Vince laban kay Delavega.
Hindi na nag-aalangan at natatakot ang kanyang lolo kaya madali na lang kahit papaano ang pagkilos nila.
Salamat din kay Jen na laging positibo ang sinasabi kapag nakakaramdam siya ng lungkot.
"Sa gabing 'yon ay iaanunsiyo ang dapat mabigyan ng parangal sa lahat ng miyembro.
Kaya pupunta tayo apo dahil baka tayo ang mapaparangalan."
"Hindi ko naman hinangad na mag ka award tayo lolo ang sa akin lang ay kung masaya kayo pupunta tayo."
"Masaya talaga ako hija, kasi magaganap din ang palitan ng share of stock sa bawat kumpanya pagkakataon na nating humanap ng matinong investor kaya pupunta tayo."
Alam niya ' yon.
Taon-taon laging may bilihan ng stock sa organisasyong 'yon at doon halos umaasa ang mga miyembro na makakakakuha ng mamumuhunan.
Ngunit sigurado siyang hindi lahat ng miyembro ay legal ang negosyo, may kumpanyang legal ngunit siguradong may ilegal kagaya ni Delavega.
Kaya hindi ito nahuhuli ng basta dahil kahit may ilegal itong negosyo ay may legal din.
"Isa pang dahilan na pupunta tayo dahil siguradong pupunta si Delavega."
"Natatakot ako lolo, paano kung magsimula siya ng gulo?"
"Pinaghahandaan ko na 'yon. Alam ko kung paano mag-isip si Roman."
Kahit paano ay nakaramdam ng kapanatagan ang dalaga ngunit natatakot pa rin siya sa gagawin ni Delavega.
"Sana nga lolo, sana ay magtagumpay kayo laban sa Delavega na 'yon."
Ngumiti ang don na minsan na lang nasisilayan ng dalaga.
"Apo, magtiwala ka sa akin lahat gagawin ko para mapigilan si Roman sa gagawin niya. Magtiwala ka lang dahil doon ako kumukuha ng lakas ng loob."
Mataman niyang pinagmasdan ang abuelo at hinawakan ang kamay nitong nasa ibabaw ng mesa.
"Ofcourse lo, nagtitiwala ako sa inyo, kayo lang naman ang nag-iisa kong pamilya hindi ko pa ba kayo pagkakatiwalaan? Kahit hindi niyo sabihin 'yon gagawin ko po talaga."
"Apo, nagpapasalamat ako sa lahat ng mga planong naisip mo noon, salamat din dahil hindi mo ako iniwan sa lahat ng mga pinagdaanan ko.
Salamat din kay Gian dahil binigyan niya ako ng lakas ng loob para lumaban."
Napalunok ang dalaga nang magsimulang mag-init ang sulok ng kanyang mga mata.
"Lolo ako po dapat magpasalamat sa inyo dahil hindi na kayo natatakot at nag-aalangan kahit pa pangalan niyo na ang nakataya rito."
"Hindi na ako natatakot hija, magbabayad ako ng kasalanan ko basta tumaob lang ang hayop na Roman Delavega na 'yan."
"Nararamdaman kong malapit ng matapos ang kasamaan ni Delavega, " aniyang nakakuyom ang kamay.
Tumiim ang tingin ni Ellah sa kawalan.
Naisip niya ang kasintahan na kasama nilang magpapabagsak kay Delavega noon, kung nasaan man ito ngayon sana ay buhay pa ito at nagpapagaling lang.
Hindi niya kakayanin na mawala ito ng tuluyan sa kanya.
Ang tanging pinanghahawakan niya lang ay dahil naniniwala siyang buhay pa ito at balang araw babalik sa kanya.
"Alam niyo ba kung bakit ko nagustuhan si Gian lolo?" pag-iiba niya ng usapan.
Napatingin ang don sa apo.
"Wala kang sinabi hija pero sa nakikita ko ay dahil mabait siya at pinoprotektahan ka."
Napangiti ang dalaga dahil tama 'yon ngunit hindi iyon ang dahilan kaya umiling siya.
Ang sabi nila walang rason o dahilan kung bakit mo mahal ang isang tao.
Imposible 'yon, at hindi totoo.
May rason nga kung bakit hindi mo mahal mas lalong may rason kung bakit mahal mo.
Paano mo mamahalin ang isang tao kung wala kang nakikitang dahilan?
Isa ng dahilan doon ay mapagkakatiwalaan mo ang taong 'yon at kaya mong umasa sa kanya, panatag ka sa piling niya, at higit sa lahat alam mong mahal ka niya.
Isa lang 'yan sa mga dahilan kung bakit mo mahal ang taong 'yon.
Kung ang nararamdaman mo ay walang dahilan at basehan hindi 'yan magtatagal at maglalaho lang.
May mga dahilan at rason siya noon kaya hindi niya nagustuhan si Gian.
Una isa lang itong gwardya, mababa ang estado kumpara sa kanya.
Tinitingala siya ngunit si Gian ay tinatapakan.
Kahit nalaman pa nilang pulis ito ay mababa pa rin ang katayuan.
Mahirap ito at mayaman siya.
Malayong-malayo ang kinagisnang buhay nito sa kanya.
Ngunit hindi nagtagal ay nakilala niya ng husto ang binata.
Busilak ang puso nito at mabuting tao.
Lahat ng mga rason niyang pag-ayaw ay unti-unting naglaho at napalitan ng paghanga hanggang sa lumalim ang paghangang iyon at naging pag-ibig.
"Kaya ko nagustuhan at minahal si Gian ay dahil iisa ang hangarin namin.
Ang mabigyan ng katarungan ang lahat ng nabiktima ni Delavega noon at tapusin ang kasamaan niya, ay siyang naging dahilan kaya ko natutunang mahalin si Gian.
Si Gian lang ang para sa akin lolo, akin siya.
Kahit hindi natin siya kasama ngayon alam kong akin pa rin siya kahit nasaan man siya ngayon."
" Sa'yo pa rin siya hija at naniniwala ako roon. "
Tumingin sa kawalan ang dalaga.
Alam niyang kanya pa rin ang kasintahan kahit pa hindi sila magkasama.
---
"Malapit na ang pinakamalaking selebrasyon sa Zamboanga, anong plano mo Gian?" si Mang Isko 'yon na kaharap niya sa mesa katabi ang anak nitong si Isabel.
Tanghali na nang magising siya at kasalukuyan silang kumakain at nag-uusap sa isa sa mga VIP room ng hotel.
" Nagawa niyo na ba ang pinapagawa ko? "
" Nagawa na namin pero may iilan pang hindi kaya hindi pa natatapos."
"Ilan ang natapos ninyo?" seryoso niyang tanong.
"Apat pa lang pero may isang tao na matindi ang kapangyaharihang may kaugnayan sa kanya."
"Sino?"
Nagtinginan ang mag-ama bago nagsalita si mang Isko.
"Si Mondragon."
Napaupo siya ng tuwid.
Hindi siya makapaniwala na kasangga ito ng mga Delavega.
"Salamat kay Vince dahil sinusunod niya ang mga sinasabi namin na nanggaling din naman sa'yo."
Habang wala siya ay pinahahanap niya ng ebidensiya na maaaring gamitin laban kay Delavega ang mag-ama at ito na 'yon.
Salamat kay Vince dahil ginagawa nito ang utos ng isang sibilyang gaya niya ngunit hindi nito alam 'yon.
" Walang alam si Vince tungkol sa' yo ang alam niya kami mismo ni tatay ang nag-iisip nito."
Hindi maaaring malaman ni Vince na siya ang nag-uutos dahil tiyak na papalpak ang plano niya.
" Paano ninyo napasunod si Vince? "
" Sinabi naming kaya naming pabagsakin si Delavega sa pamamagitan ng tulong niya."
Napatango siya gano' n din ang sinabi nito noon sa kanya.
"Kumusta na siya?"
Nagkatinginan ang mag-ama.
"Hindi namin siya nadalaw dahil hindi siya nagpa ospital nang mangyari ang pananambang sa kanya."
Kumunot ang kanyang noo sa narinig.
"Nasaan siya?"
"Noong nagkausap kami ay hindi naman niya sinabi basta siya lang daw ang makikipagkita sa amin kapag gumaling na siya."
Tumango ang binata sigurado siyang sa kampo ito nagpapagaling.
"Taon-taon ipinagdidiriwang ng club ang anibersaryo nila at dadaluhan 'yon ng mga bigating tao sa lipunan, " pahayag ni Isabel.
"At kasama si Mondragon na dadalo roon."
"Siguradong darating si Delavega diyan," ani mang Isko.
"Sigurado ring darating si don Jaime," si Isabel.
"At si Ellah," dugtong niya na ikinatahimik ng babae.
"Kaya tayo ay pupunta rin," dagdag niya.
Agad naalarma ang mag-ama sa kanyang tinuran.
"Gian alalahanin mo wanted ka kapag nakita ka roon siguradong katapusan mo na!"
"Isa pa pang bigating tao lang ang dapat doon ordinaryo lang naman tayo," si mang Isko 'yon.
"Hindi kailangang magpakita roon kapag pumunta tayo."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Hindi tayo papasok aabangan lang natin ang pagdating ni Delavega."
Ito ang naisip niyang plano bago makatulog kagabi.
"At pagkatapos anong gagawin mo?"
Tumalim ang tingin niya sa kawalan at kumuyom ang kamay.
"Papatayin ko siya."
Nagimbal ang mag-ama sa narinig.
"Gian hindi pwede 'yang naiisip mo. Magkakagulo at kapag nagkataon madidiin ka na naman!"
Humagkis ang tingin niya sa babae.
"Ano ngayon? Ang mahalaga mamatay na siya."
"Gian please!"
Ibinaling niya sa ibang dereksyon ang tingin nang tila nagmamakaawa na ito.
"Parang awa mo na, huwag mong gawin 'yan.
Marami pang paraan para makapaghiganti. Paano na ang pinaghirapan nating isa-isang pagbabagsak sa mga sinasandalan ni Delavega kung ganyan na ang plano mo ngayon?"
Nagtagis ang kanyang mga ngipin.
"Pinakulong niya ako ng walang kasalanan. Kung hindi niya ako pinapatay siguradong nakakulong ako.
At hindi ako papayag na makulong na walang kasalanan at kung may gagawin man akong kasalanan iyon ay ang patayin siya."
Natahimik ang mag-ama.
"Ang sinasabi ko ang sundin ninyo at gagawin ko ang plano ko," matigas niyang wika sa dalawa.
"Paano kung naroon si Ellah? Magagawa mo ba 'yan?"
Natahimik siya.
Hindi sa ganitong paraan nais ng kasintahan na pabagsakin ang kalaban kundi ang makita ng taong bayan sa pagbabayad nito ng kasalanan.
"Gian..." sinadyang putulin ni Isabel ang sinasabi kaya nang lingunin niya ito ay kinakagat ang labi habang nakayuko.
"Ano 'yon?" kaswal niyang tugon.
"Sana kung sakaling magkita kayo ni Ellah ay magawa mong magpanggap na hindi siya kilala."
"WHAT!" Agad uminit ang kanyang dugo sa narinig.
"Para sa kaligtasan mo ito Gian, kapag nakita ka ni Ellah o nagkita kayo at umamin ka katapusan na ng ng mga plano natin.
Kaya kung magkita man kayo magkunwari kang hindi siya kilala."
"I trust her."
"Oo nagtitiwala ka pero ang mga medya ay hindi. Sa oras na makita nila kayong magkasama tiyak dudumigin si Ellah at madadamay ka."
Natahimik ang binata.
Hindi iyon ang ikinakatakot niya kundi ang maeeskandalo siya at madadamay ang kasintahan.
Nilingon niya ang mag-ama.
" Maghanda kayo at tayong tatlo ay may iba-ibang trabaho doon. "
" Anong gagawin mo? " tanong ni Isabel.
Tumiim ang tingin niya sa dalawa.
Ito ang plan B niya kapag hindi ubra ang plan A.
"Papasok ako at magpapamiyembro sa club."
"HA!" Nagkasabay ang mag-ama sa pagkagulat.
"Gian nagbibiro ka ba? Para lang 'yon sa mga mayayamang tao paano tayo papasok kung ala tayo ni isang kusing?" tarantang paliwanag ni mang Isko.
"Tumatanggap pa rin naman sila ng bagong miyembro hindi ba?"
"Oo, teka lang anong ibig sabihin nito?"
nagtataka ng tanong ni mang Isko .
Tumiim ang tignin sa kanya ni Isabel.
"Maliban na lang kung isa kang bilyonaryo Gian?"
Hello po salamat sa mga naghihintay ng update.
Pasensiya na po talaga sa paghihintay ng matagal lagi na lang po akong humihingi ng pasensiya.
Kahit gustuhin ko mang araw araw may update hindi po kaya ng oras ko kasi medyo mahaba po ang bawat chapter.
Pinag-iisipan ko rin po ng husto ang bawat chapter.
Sa mga nagrereview po pakiusap 'yong kaya po basahin at kayang intindihin.
I hope this update is worth waiting for.
I hope you enjoy reading po.
Maraming pong salamat.