LOPEZ MANSION...
"Opo lolo!" Biglang sagot ni Ellah sa takot.
Nanlaki ang mga mata ng abuelo kaya biglang bawi siya.
"I mean, ako nga pero wala kaming relasyon ni Gian at 'yong sa twenty million, binayad ko sa bank loan."
Unti-unting kumalma ang don. "Kung gano'n, ikaw nga talaga ang nanakit do'n sa babae," pagkukumpirma ng matanda na ikinatahimik niya.
"Ellah, hindi mo alam na itong ginawa mo, panibagong alas na namang gagamitin ng mga kalaban natin. Alam mong maraming nag-aabang ng pagkakamali mo!"
"S-sorry po, pero kasi mukha namang hindi reporter ang babae."
"Kahit na!" Bulyaw ni don Jaime na ikinaigtad niya.
"Kahit sino pa 'yang sinaktan mo, ang habol nila ang nanakit at ikaw iyon! Tiyak aapekto na naman ito sa stocks ng kumpanya."
"Gagawa po ako ng paraan, sa sabado babawi ako."
Humagkis ang tingin ng abuelo sa kanya.
"Bakit nga pala kasama mo si Villarreal?"
"Ahm...kasi po-"
"Sinasabi ko sa'yo Ellah, huwag na huwag ang lalaking iyon! Marami akong nirereto sa'yo pero wala kang nagustuhan kahit isa!"
Umayos siya ng pagkakatayo at sinalubong ang mga tingin ng abuelo, kailangan nito ng tapat na sagot at ibibigay niya.
"Wala kaming relasyon ni Gian."
"Gusto mo ba siya?"
Umiwas siya ng tingin bago sumagot. "Hindi po. Gwardya lang siya, mababang kalidad wala siyang panama sa mga lalaking nararapat sa akin na inirereto ninyo."
Sumigla ang don kahit paano.
"Isa pa last assignment na niya ang pagsama sa akin sa sabado."
"Hindi ka mag-iisa sa event na iyon, dahil sasama ako."
Nabaghan ang dalaga sa narinig.
Lumipad ang tingin niya sa mga binti ng don.
"Pero lolo, ayos lang bang makikita kang naka wheel chair sa publiko?"
"Pipilitin kong makatayo kahit alalayan lang ako ni Alex."
"Pero bakit pa kailangang pumunta kayo roon sa-"
"Dahil sa ginawa mo!" Muling bumalasik ang anyo ng abuelo na ikinatahimik niya.
"Kailangan kong magpakita ng suporta sa mga kawang-gawa natin. Kailangang makita ng publiko na may silbi pa rin ako."
Natahimik siya. Ang chairman, nirerepresent ng President sa mga trabaho sa kumpanya at kapag kailangan ang presensiya nito ay siya ang papalit.
"Kailangan ko na ring magpakita sa opisina. Huwag kang mag-alala malapit na akong gumaling." Ang malamig nitong saad ay mas lalong nagpainit ng kanyang pag-aalala.
"Pwede naman po kayong pumunta kahit naka wheel chair kayo lolo. Huwag niyong piliting tumayo."
"Huwag kang makialam sa desisyon ko. Paghandaan mo ang nalalapit na event at huwag na huwag kang gagawa ng eskandalo."
Tumango siya ng walang imik.
"Huwag mo na ring papuntahin ang Villareal na 'yon, hindi natin siya kailangan."
Nanlaki ang mga mata niya at dismayadong tumingin sa abuelo.
"Lo napag-usapan na natin 'to!"
"Kung wala kang ginawang kalokohan! Nagbago na ang isip ko, mas makakaladkad tayo sa eskandalo sa oras na makita sa publikong magkasama kayo ni Villareal."
Unti-unting gumapang ang hinanakit niya sa abuelo at nagtiim ang mga ngipin.
"Hindi na lang ako pupunta."
"Anong sinabi mo?" Mapanganib ang tono ng don na nilingon siya.
Yumuko siya at mahinang nagsalita. "Hindi niyo kasi naiintindihan ang nararamdaman ko."
"At anong nararamdaman mo?"
Pumikit siya.
"May gusto ka sa Villareal na 'yon? Gano'n ba!"
---
AMELIA HOMES...
Kasalukuyang nag-i empake si Gian ng mga damit at gamit dahil sa mga sunod na araw ay flight na niya.
Kailangan na lang niyang paghandaan ang sabado para sa huling trabaho sa mga Lopez.
Madali lang naman 'yon.
Tumunog ang kanyang cellphone at agad sinagot ang tawag.
Kumabog ang dibdib niya.
"Detective kumusta? Nakita mo na ba sila? Anong balita?"
"Sir, hindi ko pa rin nakikita ang mag-anak na iyon. Parang wala namang bata o binatilyo sa condo na iyon, merong bata, pero nasa walong taong gulang pa naman."
Kumunot ang noo niya. "Sigurado ka?"
"Oo sir! As in wala! Isang linggo na akong nagmamasid."
Nahimas niya ang batok at nagsimulang magpalakad-lakad.
"Sigurado kang nasa condominium na 'yan?"
"Yes, sir. Pero ang pinagtataka ko wala namang bata."
Marahan siyang napaupo sa kama at matamang nag-isip.
"Walang bata. Walang bata..."
'Sigurado namang sa condo na 'yon nakatira ang mag-anak pero bakit walang bata?'
Hinarap niya ang laptop at binuksan na nasa ibabaw ng mesa.
Hinanap niya ang larawan ng mag-anak na ipinasa sa kanya ng detective.
Pinakatitigan niya itong mabuti sa bawat anggulo.
Bata pa talaga ang apo ni Manolo maging ang mag-asawa ay medyo bata pa rin.
"Wala na bang ibang larawan? Baka may makuha tayong lead?"
"Wala na sir. Ayon doon sa kamag-anak ng lola niyo, iisang larawan lang ito ng pangalawang pamilya ng lolo niyo bago nila pinutol ang anumang kaugnayan sa pamilya Villareal daw."
"Ilang taon 'yong nakausap mo?"
"Matanda na sir, siguro nasa otsenta na."
"Kailan sila huling nakipag ugnayan?"
"Matagal na raw sir. Galit sila kasi isang taon pa lang daw ang anak ng mga ito ng hiwalayan ang pinsan nila na lola mo."
"Nag-asawa ng bago?"
"Yes, sir."
Mataman siyang nag-isip.
'Isang taon si papa saka nag-asawa ng iba. Posible na na nagkaanak din agad.'
"Detective..."
"Sir?"
"Ang larawang na sa'yo ay luma na."
"Ha?"
"Kung isang taon pa lang si papa at nag-asawa agad si Manolo, posibleng nagkaanak din agad at magkasing edad sila ng ama ko.
Sa mga panahong ito, si papa ay nasa singkwenta mahigit na, pero ang nasa larawan ay wala pang kwarenta."
"Oo nga ano? Pero sir kahit mag edad pa ng gano'n dapat makikilala ko pa rin, kaunting deperensiya lang naman eh. Pero wala talaga."
Napapikit siya. Hanggang sa may napagtanto.
"Ang bata!"
"Wala ngang bata sir-"
"Detective, ang bata ay kasing edad ko ngayon."
Saglit itong nawala sa linya.
"Puta! Oo nga ano?! Tanga ba't hindi ko naisip iyon?"
Nawala ito saglit sa linya.
"Detective?"
"Kumpirmado sir, matagal na ang picture, may petsa pala sa ilalim."
Agad niyang tiningnan at napatango.
"Posibleng ang apo ni Manolo ang nandiyan kaya hindi mo nakikita ang mga magulang niya."
"Shet! Hindi ko ito naisip! Kaya pala hindi ko talaga makita. Sir Gian ang galing mo!"
Tipid siyang napangiti.
"Bantayan mong mabuti ang apo ni Manolo."
"Areglado sir!"
Huminga ng malalim ang binata pagkatapos makipag-usap.
Saka naman tumunog ulit ang cellphone.
"Yes, chief?"
"Gian nakausap ko si don Jaime, hindi ka na raw dapat magpunta sa sabado."
Kumunot ang kanyang noo sa narinig.
"Bakit daw chief? Alam ba ni Ellah?"
"Hindi ko alam, ayaw niyang madamay ka sa gulo."
"Salamat, chief."
Pagkuwan ay si Ellah ang tinawagan niya ngunit hindi naman ito makontak.
Bumuga siya ng hangin. Bakit gano'n? Parang hungkag ang nararamdaman niya? Parang nanghihinayang siya?
'Kung wala na ang sabado, ibig sabihin huling pagkikita na namin ni Ellah 'yong dinner?
Ano kaya kung yayain ko siya ng dinner ulit? Pambawi lang kasi siya naman nag-aya noon, ako naman ngayon. Last deal na."
Muling tumunog ang cellphone niya at agad sinagot ang tawag ni Ellah.
"Kumusta?"
"Gian, I need your help."
"Sige, ano 'yon? Hindi na ba matutuloy sa sabado?"
"Matutuloy, sinong nagsabi sa'yong hindi?"
"Pumapayag pa ba ang lolo mo?"
"Wala akong pakialam, basta pumunta ka."
"Ano? Susuwayin mo ang lolo mo?"
"Gian may iba akong problema, tungkol do'n sa babaeng nasampal ko."
Nagtiim ang bagang niya. "Anong tungkol do'n?"
"Kumalat na sa social media, alam na ni lolo at pabagsak na ang stocks. Kailangan ko tulong mo."
"Anong ipapagawa mo?"
"Alamin mo lahat ng impormasyon tungkol sa babaeng iyon, ang sabi mo hindi siya reporter."
"Oo, halata sa tanong niya. Ang sabi mo internal ang tungkol sa pera."
"Tama, kailangan kong malaman ang lahat tungkol sa kanya. Magbabayad ako ng malaki gawin mo lang."
Nadismaya siya sa sinabi ng dalaga.
"Tsk, lahat ba talaga sa pera niyo pinapadaan? Mag lolo nga talaga kayo ni don Jaime."
"Ha?"
"Wala, kailan mo ba kailangan?"
"Kung pwede bukas sana."
"Sige, ibibigay ko bukas."
"Salamat! Salamat talaga Gian! Pumunta ka pa rin sa sabado ha?" Ramdam niya ang kasiyahan sa boses ng dalaga.
Gano'n pa man malamig ang tugon niya.
"Pag-iisipan ko."
"Gian, please!"
"Saka na natin 'yan pag-usapan, ang mahalaga magawan ng paraan ang problema mo ngayon."
"Tama ka. Maraming salamat talaga."
"Mag-iingat ka."
"Salamat.
Nahigit niya ang hininga at agad sinimulan ang utos ng isang Ellah Lopez.
Hinanap niya ang video na kumalat sa social media at nang makita ay kinuhanan niya ng larawan ang kabuuan ng mukha nito, kasama na rin ang ID na may pangalan ng kumpanya ng istasyon ng midya.
---
MEDC OFFICE...
Mabilis ang mga hakbang ni Ellah papasok ng opisina at lahat ng makakasalubong niya ay umiilag.
Wala siya sa mood.
Sino ba namang gaganahan kung hindi masaya?
Paulit-ulit na lang silang nagtatalo ng abuelo tungkol sa charity event sa sabado.
"Good morning Ms."
Tumango lang siya ni hindi sumagot.
Dumeretso siya sa kanyang pribadong opisina at umupo.
"Ms. May urgent meeting daw po kayo, nagpatawag ang mga BOD ngayon."
Iritadong hinarap niya ang sekretarya.
"Ano? Bakit na naman?"
Umiling lang ito. "Palagay ko po dahil doon sa reporter."
"Bakit? Wala namang napabalita ah? Ano papatulan na nila ang social media?"
Inilabas ni Jen ang tablet nito at may ipinakitang video.
"Nahaharap ngayon sa kasong physical assault ang nag-iisang apo ng kilalang negosyanteng si don Jaime Lopez na si Ellah Lopez dahil sa pananampal nito sa isang reporter na nagngangalang Jackie Diaz. Sa ngayon wala pang pahayag ang kampo ng mga Lopez-"
"Shit!" Nasapo niya ang noo at tumayo.
Nilingon niya ang babae. "Call the lawyer Jen."
"Yes, Ms."
Pagpasok niya ay lahat ng mga mata natuon sa kanya.
"Good morning ladies and gentlemen." Taas-noo niyang bati sa lahat bago humakbang patungo sa dulo, kung saan kaharap niya ang presidente na nakaupo sa kabisera.
"Ms. Lopez kaya ka namin ipinatawag ay dahil sa lumalabas ngayong balita na nanampal ka ng isang reporter." Isa sa mga direktor ang nagsimula at nagsunod-sunod na ang pagsasalita ng mga ito mapa babae man o lalaki.
"Alam mo bang dahil sa ginawa mo, naaapektuhan ang stocks?"
Napapikit siya.
"Bakit mo 'yon ginawa?"
"Alam mo bang sasampahan ka ng kaso?"
"Bakit magkasama kayo ng dati mong bodyguard?"
"Sunod-sunod na ang kapalpakan mo bilang manager."
"Karapat-dapat ka pa ba sa posisyon mo?"
Nang dahil sa sinabi ng isa pang direktor ay naidilat niya ang mga mata.
Walang kahit sino man ang dapat mag kwestyon sa kanyang posisyon.
"Iisa-isahin kong sagutin ang mga tanong ninyo.
Tungkol sa stocks, gagawa ako ng paraan para mawala ang issue at matigil ang reklamo.
Ginawa ko 'yon dahil may nagmamanipula sa babaeng iyon, at hindi siya reporter. Kung kailan nangyari ang insidente ay siya ring araw na natanggap siya."
Nagbulungan ang mga ito.
"Reporter pa rin siya," anang isang opisyal na babae.
Tumingin siya rito. "Mrs. Tsang, reporter siya ng araw na 'yon, hindi na ngayon."
Dahil sa kanyang sinabi ay napatingin ang lahat sa cellphone at tablet ng mga ito na parang kinumpirma.
"Tama si Ms. Lopez," pahayag ng presidente na nakatingin sa kanya.
"Na hire noong araw na iyon at natanggal din kinabukasan."
Tumango siya sa opisyal.
"Isang araw lang siyang reporter, hindi ba nakakapagduda 'yon?" dagdag ng isa pang direktor.
"Tama si direktor Han," sang-ayon ng bise presidente.