Noong tinanong ng host si Lu Jinnian kung magkano na ang kinita nito sa stock
market, dali-daling tumingin si Zhao Meng kay Qiao Anhao para makiusisa,
"Qiao Qiao, magkano ba talaga yung ininvest ng asawa mo sa stock market?"
Sa totoo lang, wala talagang alam si Qiao Anhao sa mga ginagawa ni Lu Jinnian
lalo na pag tungkol sa trabaho, kaya umiling siya bilang sagot sa tanong ni Zhao
Meng. Bagamat matagal na silang nagmamahalan, ngayon lang sila nabigyan ng
pagkakataon na makilala ng lubusan ang bawat isa kaya marami pa siyang hindi
alam tungkol dito kahit pa naging legal na silang mag-asawa. Ang alam niya
lang, palagi itong nasa study room at nagtatrabaho o di naman kaya may mga
kameeting sa ibang lugar, pero wala talaga siyang ideya kung gaano ito
kayaman.
"Qiao Qiao, anong klaseng asawa ka ba??!! Hindi mo man lang inaalam kung
magkano ba talaga ang pera ng asawa mo…" Habang nasa kalagitnaan ng
paglilitanya, biglang natigilan si Zhao Meng nang muli niyang marinig ang boses
ni Lu Jinnian mula kanyang phone. "Para suportahan si Qiao Qiao." Base sa
pagkakakilala niya kay Lu Jinnian, hindi ito basta-bastang nagsasalita sa publiko
kaya napanganga siya sa sobrang pagkagulat at imbes na magpatuloy sa
pagpapagalit kay Qiao Anhao ay kinikilig niya itong tinignan at sinabi, "Qiao
Qiao, grabe ka talaga! Ikaw na ang pinaka swerteng babae sa buong mundo!"
"…" Inirapan lang ni Qiao Anhao si Zhao Meng at muling tumingin sa screen
para magpatuloy sa panunuod. Oo…pinilit niya lang na magmukhang kalmado
sa harapan ng kaibigan niya, pero sa loob loob niya, halos mamatay na siya sa
sobrang kilig…
-
Hindi makapaniwala ang host sa ginawa ni Lu Jinnian kaya gulat na gulat itong
napatingin sakanya. "Mr. Lu, nagtatrabaho ka ng sobra para suportahan ang
asawa mo?"
Mula noong pumasok si Lu Jinnian sa entertainment industry, kilala ito bilang
misteryoso dahil walang sinuman ang nagkaroon ng pagkakataon na makakuha
ng impormasyon tungkol sa pribado nitong buhay, kaya ngayon nagkaroon ng
pagkakataon ang host na ungkatin ang kapiranggot na bahagi ng buhay nito,
sinamantala na rin ng organizer ng show na maghanda ng mga dagdag na
tanong. "Mr. Lu, pwede mo bang ikwento sa amin kung paano kayo nagumpisa
ni Miss Qiao?"
Mahinahong sumagot si Lu Jinnian, "Oo naman."
"Mr. Lu, kelan kayo nagkita ni Miss Qiao? At paano?"
Kahit na matagal na panahon na ang nakakalipas, nakatatak pa rin sa isip ni Lu
Jinnian ang bawat detalye ng mga pinagdaanan nila, na para bang kahapon lang
nangyari ang lahat, kaya noong sandaling magsalita siya, para nalang siyang
literal na nagkwekwento sa host.
"Noong first half ng third year ko sa junior middle school, lagi ko siyang
nakikitang nagbabike sa football field na pinaglalaruan namin ng mga kaibigan
ko. Doon ko siya unang nagustuhan."
Siguro dahil tungkol sa nakaraan nila ni Qiao Anhao ang pinaguuusapan, parang
bigla siyang naging interesado magkwento. "Pero first year high school palang
kami noong una ko siyang nakita."
"First year high school?" Hindi makapaniwala ang host sa mga rebelasyon ni Lu
Jinnian.
"Oo, first year high school," mahinahon na pag'ulit ni Lu Jinnian. "Pero sa
pagitan ng third year ng junior middle school at high school namin, yun yung
unang pagkakataon na nagkausap kami."
"Nagkausap?" Interesadong tanong ng host.
"Umuulan noong araw na 'yun at sakto, pareho kaming walang dalang payong
kaya sumilong muna kami sa iisang bubong."
"Ohhhh nakakakilig naman… Naalala ko tuloy yung lyrics sa kanta ni Jay
Chou… Ano nga ulit 'yun?" Masyado ng nadala ang host kaya marami pa sana
siyang isisingit, pero bigla niyang naalala na nasa live interview nga pala sila.
Si Lu Jinnian, na hindi mahilig makipagusap, ay sinakyan din ang host at muling
sumagot. "Hindi ang tag'ulan ang maganda, kundi, ang makasama ka na
palipasin ito sa ilalim ng iisang bubong."
"Yan nga. Mukhang kabisado mo yan, Mr. Lu ha! Ibig sabihin, tumatak talaga
yan sa puso mo." Masayang sagot ng host bago ito muling magtanong, "So.. Mr.
Lu, nainlove ka na sa tag'ulan mula noong nakasama mo si Miss Qiao na
magpatila sa ilalim ng iisang bubong?"