webnovel

Chapter 170

Editor: LiberReverieGroup

Matapos ang limang araw at limang gabi ng patuloy na paglalakbay, pagod na pagod siya, at siguro ngayon ay makakapagpahinga na siya.

Bigla, lahat ng naipon niyang kabiguan ay naglaho. Paano maipaliliwanag ng isang pangungusap kung tama o mali ang isang bagay? Ang pulang dugo na dumadaloy sa plataporma ng Jiu You ay malalim pa ring nakatanim sa kanilang isip, at sinamahan niya si Yan Xun sa lahat ng kapahamakan na nag-aabang sa loob ng palasyo. Ganoong pagkapoot, ganoong galit. "Patuloy na mabuhay! Patayin silang lahat!" umaalingawngaw pa rin sa tainga niya ang pinangako nito. Ang hindi mabilang na nanunuyang tawa, ang hindi mabilang na plano laban sa kanila, at ang hindi mabilang na pagpapahiyang naitanim sa kanilang mga puso na parang punla nang mahabang panahon. Kay Yan Xun, ang kagustuhang sirain ang tarangkahan ng palasyo ng Sheng Jin at pabagsakin ang pader ng syudad ng Zhen Huang ay mas malakas kaysa kanino. Ngunit, para sa kanyang mga sinabi, bumalik siya. Paano niya hindi malalaman ang nararamdaman nito?

Ang paniniwalang hinayaan si Chu Qiao na makatiis ay gumawa ng pagpumiglas sa kanyang puso. Mayroong galit, pagsisisi, kasiyahan, kalungkutan. Mayroong parehong sakit at saya habang nahahati siya sa dalawang magkasalungat na emosyon. Tanging hanggang ngayon, nang malumanay niyang sinabi ang mga pinag-aalala nito tungkol sa kanya, saka niya lang tunay na napagtanto ang gusot sa kanyang puso.

Nilamon ng digmaan ang lahat—ang takipsilim, pandigmang kabayo, ang mga sandata, ang hiyaw ng mga mandirigma, ang irit ng mga sibilyan, at lahat ng pananampalataya at moralidad. Ngunit sa huli, hindi nito natanggay ang nararamdaman nila sa isa't-isa.

Hindi niya nakuha ang tiwala ng lalaking pinangakuan niya ang katapatan, at binigay ang lahat ng makakaya niya para depensahan ang syudad. Sa proseso, hindi mabilang na mandirigma ang namatay, nagtipon ang kanilang dugo sa ilog, at ang kanilang mga buto ay kumalat sa lupain. Bilang kanilang kumandante, dapat siyang makaramdam ng poot at galit, ngunit bilang babae, natanggap niya ang nakakadaig nitong nararamdaman. Sa pagitan ng teritoryo at siya, sa pagitan ng ambisyon nito at ng kanyang puso, binigyan siya ni Yan Xun ng sagot na walang pagdadalawang-isip. Anong karapatan niya na makaramdam ng galit?

Nang magising si Yan Xun, nakita niya si Chu Qiao na natutulog sa tabi niya, ang maliit nitong katawan ay parang bolang naka-umpok habang ang kamay nito ay mahigpit na nakahawak sa kanyang kamay. Madilim pa rin sa labas ng bintana. Nakasuot ng maluwag na damit, tumayo si Yan Xun sa harap ng bintana habang nakatingin sa manyebeng bundok. Ganoon ang estado ng lupain ng Yan Bei. Ang buong lupain ay kulang ng mapagkukunang yaman at napakalamig. Tila ba ganito lagi ang kinakaharap na problema ng lupain na ito. Kahit sa matiwasay na pamumuno ng kanyang ama, ganito na ang lupain na ito. Ngunit kung bakit siya ay may tiyak na matigas ang ulong maling kuro-kuro na ang Yan Bei ay palaging isang magandang lugar na may mga bulaklak na patuloy na namumulaklak?

Siguro, katulad nga ito ng sinabi ni Lady Yu. Nagbago siya, at lumaki siya at nakakita ng marami pang bagay sa mundo. Kasama nito, lumaki din ang ambisyon niya. Bukod sa paghihiganti, mayroong malalim na paniniwala sa loob ng kanyang puso, at hindi niya napagtanto ang problema hanggang ngayon. Ang kanyang karanasan sa paglipas ng mga taon ay ganap na pinaalam sa kanya ang kahalagahan ng kapangyarihan at lakas. Kung wala noon, walang magagawa. Tulad ng isang ibon na may pinutol na pakpak ay mahahanap na imposibleng lumipad. Ngunit ngayon, bigla siyang nakaramdam ng takot sa paniniwalang iyon. Ang kanyang mga kilos ay halos ikinamatay na ni Chu Qiao. Tuwing maiisip niya iyon, nakakaramdam siya ng ginaw pababa ng kanyang likod.

Nakatingin sa madilim na bintana, naalala niya ulit ang berdeng pastulan ng lupain sa silangan ng Chi Shui. Malinaw pa rin niyang naaalala kung paano niyang pinangunahan ang kanyang mga tauhan tungo sa Yanming Pass, ang kanyang puso ay puno ng ambisyon at ang kanyang dugo ay kumukulo sa masimbuyong paghahangad. Sayang lang na hindi niya nahuli sa huli ang kabisera. Sa dulo, nandyan lang ang imperyo ng Xia para sakupin niya, ngunit kung mahuli siya ng isang araw sa pagbalik, ano nalang mangyayari kay AhChu? Maginhawa siyang napabuntong-hininga. Maswerte nalang na ayos lang ang lahat.

Naramdaman na malamig ang kamay niya, nagising si Chu Qiao. Nakitang nakatayo sa may bintana ang pigura ni Yan Xun, naisip niya na ang anino nito ay tila napakalayo.

"Yan Xun?" tawag niya, ang tunog ng boses niya ay tila inaantok pa siya.

Tumalikod ang lalaki at nagtanong, "Gising ka na?"

"Oo. Anong iniisip mo?"

Lumapit si Yan Xun at kinandong si Chu Qiao, bago mahinang sinabi, "Wala naman."

Sumandal si Chu Qiao sa dibdib nito. Sa manipis nitong pangtulog, naririnig niya ang malakas na tibok ng puso nito. Tila ba, sa oras na ito, nakumpirma na niya na nakabalik na ito.

"Yan Xun, pinagsisisihan mo ba?"

Pirming nakatingin sa kanya, bahagya niya itong pinisil. "Hindi."

"Pero pagsisisihan mo ba ito sa hinaharap?"

Natahimik si Yan Xun. Nang makita iyon, nanlumo si Chu Qiao at nanigas siya. Matapos ang mahabang sandali, narinig na niya sa wakas ang sagot nito, "Nagsisisi ako na nahuli ako ng dating."

Biglang naramdaman ni Chu Qiao na lumabo ang paningin niya. Siniksik ang kanyang mukha sa dibdib nito, pumukit siya at kinagat ang kanyang labi. Ano pa ba ang hihilingin niya? Alam niya na hindi siya pwedeng maging sobrang makasarili. Kahit na lagi niya itong sasamahan, ilan sa mga inaalala nito na makakatulong siya? Gaano karami sa kalungkutan na mula sa pagkawala ng buong pamilya nito ang maiintindihan niya? Hangga't naaalala siya ni Yan Xun, naiisip siya, at inaalagaan, sapat na iyon.

"Yan Xun, hindi ka na dapat magtago ng kahit ano sa akin sa susunod."

"Oo. Sige." Sagot ni Yan Xun.

Nakatulog ulit si Chu Qiao. Ang panaginip ay napaka tamis at init. May matatag na nakahawak sa kamay niya na parang walang hanggan siyang hindi bibitawan nito. Inaantok, napaisip siya kung saan niya nakita ang panaginip na ito dati. Tama, sa imperyo ng Tang, isang magandang lugar na puno ng sikat ng araw at init. Ngunit, pakiramdam ni Chu Qiao ay hindi kasing init ng lugar na iyon ang Yan Bei. Nakatayo sa lupaing ito, ang kanyang puso ay napuno ng init at kahinahunan sa kabila ng hindi mabilang na bundok at walang katapusang nyebe.

Sa wakas ay tumigil na ang pag-ulan ng nyebe habang ang mahinang sikat ng araw ay suminag sa tuyot na sanga ng puno. Matapos makabalik ni Yan Xun, tila kahit ang panahon ay mas bumuti. May asul na kalangitan at maliwanag na mainit na araw, ang malawak na manyebeng kapatagan ay mas makislap pa.

Ang nakalipas na ilang labanan ay hindi lang iniwan na sira ang Yan Bei, tinulak din nito si Chu Qiao lagpas sa kanyang pisikal na kakayahan. Matapos niyang makapagpahinga, agad siyang lubhang nagkasakit. Nakakuha ng malubhang sipon, inapoy siya ng mataas na lagnat, na may walang tigil na pag-ubo sa gabi. Sa kabila ng pag-inom ng tila walang katapusang gamot, hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Patuloy sa pagdating ang mga manggagamot tulad ng merry-go-round. Kahit na laging nakasarado ang mga pinto niya, naririnig pa rin niyang malupit na pinagagalitan ni Yan Xun ang mga manggagamot. Ngunit, tuwing magkikita sila, lubos siyang kalmado, tila ba walang nangyari. Paminsan-minsan, aaluin siya nito, "Huwag kang mag-alala, sakit lang iyan. Gagaling ka matapos mong magpahinga."

Tila ay hindi pa siya kailanman nagkasakit ng ganito sa mahabang panahon. Sa kanyang alaala, ang isa pang beses ay noong mas bata pa sila. Nagkasakit si Yan Xun, at umalis siya para magnakaw ng gamot para dito. Matapos mahuli, seryoso siyang nabugbog bilang parusa. Sa kasamaang palad, ang gamot na pinaghirapan niyang kuhanin ay hindi epektibo sa pagpapagaling kay Yan Xun. Hindi lang iyon, ngunit para mailigtas siya sa panggugulpi, nalantad ulit si Yan Xun sa lamig, at nagsimulang mag-apoy na may mataas na lagnat sa gitna ng gabi, sa puntong kung ano-ano na ang sinasabi nito. Hindi angkop na direktang buhusan ito ng malamig na tubig dahil papalalain lang nito ang kondisyon ng lalaki, kaya sariiling katawan nalang niya ang ginamit niya. Tumakbo palabas sa lamig, hinayaan niyang lumamig ang sarili bago bumalik at yakapin ang lalaki gamit ang napakalamig niyang katawan. Matapos ang isang gabing paulit-ulit na ganoon ang ginagawa, bumuti na ang pakiramdam ni Yan Xun. Ngunit, nagkasakit siya ng seryoso. Simula noon, lagi nang hindi niya makayanan ang lamig. Kahit na nasa harap siya ng apoy, nilalamig pa rin ang mga binti niya. Ngunit, ang tensyon ng buhay at kaligtasan, kasama ang walang katapusang pakikipaglaban at digmaan ay pinagpatuloy siya. Pinipilit ang sarili na tagalan ang sakit, lagi niyang tinitiis kanyang paghihirap gamit lang ang kagustuhan niya. Hindi na nakakagulat nang nagkasakit na siya, sabay-sabay na sumabog ang mga problema.

Inaalala iyong maingat at masakit na mga taon, tila ba napakatagal na ng mga ito. ang sakit at poot noon ay napakalinaw na isang araw ay nangako silang aalis sa ganoong desperadong mga sitwasyon at sisiguraduhing ang mga nang-api sa kanila ay magbabayad. Ngunit, naninimiss niya iyong mga taon ng simple lang, kung saan tila silang dalawa lang ang nasa mundo. Namimiss niya iyong mga araw na wala silang maasahan kung hindi ang isa't-isa lang.

Nang dumating si Lady Yu, hapon na iyon. Suminag ang liwanag tungo sa papel na bintana, gumagawa ng batik na anino sa sahig. Tulad pa rin ng dati si Lady Yu, sa kanyang mapusyaw na kilay at madilim na mga mata, ang kanyang manipis na leeg at matalas na baba. Ang kanyang mukha ay bahagyang maputla katulad ng dati. Nakasuot ng puting blusa, tahimik siyang pumasok at sumandal lang sa pinto. Hindi gumagawa ng ingay, nag-obserba lang siya.

Bigla siyang nakita, nagulat si Chu Qiao. Hinawakan ang dulo ng higaan bilang suporta, umupo siya. May paos na boses, nagtanong siya, "Lady Yu? Kailan ka dumating? Bakit hindi mo ako sinabihan?"

Lumapit si Lady Yu at ngumiti. "Kakarating ko lang. Gusto lang kitang bisitahin."

"Pakiusap, maupo ka."

Umupo sa tapat niya si Lady Yu at maingat na inobserbahan si Chu Qiao ng matagal bago sumimangot at nagtanong, "Bakit bigla kang nagkasakit ng malala?" pumulot ng roba, ipinatong ito ni Lady Yu kay Chu Qiao.

Sumandal si Chu Qiao sa unan at may hindi natural na maputlang kutis, ngumiti siya. "Sa tingin ko ay matagal akong nalantad sa lamig."

Tumingin si Lady Yu sa kanya at bumuntong-hininga. Malumanay niyang sinabi, "lagi ka talagang isang matigas na ulong bata. Sa batang edad, mayroon ka na agad hindi gumaling-galing na karamdaman?"

Nasa 26 o 27 lang si Lady Yu, at hindi pa maikokonsiderang matanda iyon. Ngunit, ang kilos niya ay laging binibigyan ang tao ng pakiramdam ng may gulang, tila ba bata pa talaga si Chu Qiao para sa kanya.

"Ayos lang ako. Kailangan ko lang magpahinga."

"Tama iyon. Dumarating ang sakit na parang isang tsunami, ngunit umaalis na parang isang ilog. Dapat kang magpahinga at huwag munang kung ano-ano ang isipin. Ang pag-isip ng marami ay aapektuhan din ang iyong kalusugan."

Tumango si Chu Qiao. Bigla, may naalala siya. "Binibini, nakita mo ba ang mga opisyales ng Southwest Emissary Garrison?"

Medyo kumislap ang tingin ni Lady Yu bago kalmadong pumakli, "Hindi ba't kakasabi ko lang na huwag kang mag-isip ng masyado? Nakalimutan mo na ba?"

Umiling si Chu Qiao at sumagot, "Medyo nag-aalala lang ako."

"Kung handa ang Kamahalan na umatras mula sa Yanming Pass para sayo, sa tingin mo ba ay hindi niya mapapatawad ang ganoong mga sundalo?"

Sa lahat ng naisip niya na biglang nalantad, hindi maiwasan ni Chu Qiao na makaramdan ng hiya. Matapos lumubog sa mahabang katahimikan, mahina siyang nagsalita, "Nag-aalala lang ako na magiging magaspang at bastos sila, at kapag nagalit si Yan Xun sa kabastusan nila..."

Ngumiti si Lady Yu at inalo siya, "Huwag ka mag-alala. Alam ng lahat ang hangganan nila."

Nakaramdam ng kaginhawaan si Chu Qiao. Nag-angat ng tingin, nagtanong siya, "Mananatili ka ba dito sa Beishuo?"

Ang masaganang sikat ng araw ay suminag sa kanilang mata mula sa bintana. Magaang sumagot si Lady Yu, "Malapit nang mag-umpisa ang digmaan sa Silangan. Hindi ako magtatagal dito. Siguro sa ilang araw lang, tutungo ako sa Yanming Pass."

Naging seryoso si Chu Qiao at nagtanong, "Gaganti na agad ang imperyo ng Xia?"

"Inokupa ng Kamahalan ang buong hilagang-kanlurang rehiyon. Paano magiging handa ang imperyo ng Xia na tanggapin ang pagkatalo? Narinig ko na nagsimula na silang magtipon ng mga sundalo."

"Ganoon kabilis? Sinong mamumuno? Si Zhao Che?"

Ngumiti si Lady Yu. "Bukod sa kanya, wala nang magiging kandidato pa. Matanda na si Meng Tian, at ang lalaking iyon sa palasyo ng Sheng Jin ay siguradong hindi magtitiwala sa ibang tao para mamuno. Maaaring kahit na siya ay may reserbasyon tungkol sa pagpapadala ng anak niyang ito paalis."

Tumango si Chu Qiao. Ngayon, mainit ang silid, at ang amoy ng insenso ay sinimulang paatukin si Chu Qiao. Binalaan niya si Lady Yu, "Binibini, kailangan mong mag-ingat. Iba si Zhao Che kay Zhao Qi, at hindi magiging madaling hawakan para sayo."

"Huwag kang mag-alala. Sasamahan ako ni Daoya." Ngumiti si Lady Yu. Ang kanyang mga mata ay medyo masigla habang ang kanyang ekspresyon ay tila walang problema.

Sa kaloob-looban, masasabi ni Chu Qiao ang nararamdaman ni Lady Yu, ngunit wala siyang masyadong sinabi. "Dahil pupunta din si Ginoong Wu, mas magiging matatag ito."

"Bumalik ka na sa pagpapahinga. May mga bagay akong kailangan daluhan. Aalis na ako."

Tumango si Chu Qiao bago nagpasalamat dito, "Binibini, tungkol sa bagay dati, maraming salamat."

Bahagyang tumigil ang lakad ni Lady Yu. Tumalikod, kalmado ang kanyang tingin kahit na may bahid ito ng kasiglahan. "AhChu, isa ka talagang matalinong tao."

Nasasagabal dahil sa kanyang sakit, tumango nalang siya pabalik, at inihatid ng tingin. "Binibini, magkita ulit tayo sa susunod."

Matapos makaalis ni Lady Yu, pumasok ang mga tagasilbi para painumin si Chu Qiao ng gamot. Kinuha ang mangkok, ininom ang mapait at nakakangiwing gamot sa isang lagukan.

Sa totoo lang, hindi mahirap hulaan. Sa talino ni Yan Xun, paano siya mawawalan ng solusyon sa bawat problemang nahulaan niya? Ang tanging rason kung bakit iniwan niya si Lady Yu ay para masigurado na lalayo si Chu Qiao sa pinaka lugar ng digmaan. Ngunit, sa Beishuo, hindi rin aktibong sinubukan ni Lady Yu na dalhin si Chu Qiao sa syudad ng Lan. Sa ibang pagkakataon, ilang ulit niyang hinayaan na gawin ni Chu Qiao ang kung anong gusto niya. Sa huli, naging prangka si Chu Qiao sa plano ni Yan Xun na lusubin ang imperyo ng Xia. Lahat ng ito ay ginawang mas malinaw ang kanyang totoong intensyon. Pinagkatiwalaan siya ni Yan Xun at itinalaga sa kanya ang trabahong ito. Ngunit sayang lang na kahit lubos na tapat si Zhong Yu, nang nagsalungat ang Yan Bei at ang posisyon ni Yan Xun, ang katapatan niya kay Yan Xun ay lubhang mababawasan. Isa itong punto na maiintindihan nilang dalawa ni Yan Xun. Tulad nito, kahit na naharap ang Yan Bei sa isang dalawang panig na digmaan sa parehong silangan at Meiling Pass, pinadala pa din ni Yan Xun si Wu Daoya kasama si Lady Yu. Dahil dito, hindi niya masasarili ang lahat ng kapangyarihan. Siguro ay naiintindihan din ni Lady Yu iyon, at hindi lang ito inilabas. Siguro ay wala lang talaga iyon sa kanya. Kumpara sa kapangyarihan at awtoridad, siguro ay mas masaya siya kahit kasama lang si Ginoong Wu.

Siguiente capítulo