HIGH SCHOOL days. Mundo ng katarayan at kasupladahan na walang pakialam sinuman ang masagasaan.
Ito ang panahon ng barkadahan na kusang nabubuo, kuwentuhang walang katapusan, at ubod ng sarap na panlasa sa junk foods. Panahon din ng mga lakarang hindi nalalaman ng mga magulang, dahil tiyak din namang hindi papayagan kung magpapaalam.
Isa sa kanila si Gladys, third year noon sa isang private school sa Pasig. Si Gladys ang lider ng nabuong barkadahan kasama ang notorious sa campus na si Michael de Vera.
Matagal na niyang naririnig noon sa school nila ang pangalang Michael de Vera o Mike. Sino ba naman ang hindi magiging pamilyar sa pangalang iyon na laging usap-usapan ng mga teacher dahil pasaway sa klase? Kahit ang mga guard sa gate ng school nila ay nangangarap na makahataw ng batuta o makasapok man lamang sa taong may-ari ng pangalang iyon.
Sikat ang pangalang Mike o Michael de Vera. Siga raw, adik, at kung anu-ano pang negative adjectives na ikinakabit sa pangalan. Pero madalas din niyang naririnig sa mga estudyanteng babae -- marespeto sa girls at cute.
At mayaman.
Isang umaga, bigla na lang nagising si Gladys na papasok siyang fourth year high school na. Noon ay school year 1985-1986. Pakiramdam niya, parang minadyik ang mga araw, ang bibilis lumipas.
Nang maisip niyang magtatapos na siya ng high school, naalala niya ang mga araw na inihahatid pa siya ng mommy at daddy sa nursery school. Bumalik sa kanyang alaala ang masasayang araw nila, ang nakaraang napakasimple pa ng mundo para sa kanya, ang magandang samahan nila bilang pamilya, nasusunod niya ang lahat ng sinasabi ng ama't ina at wala siyang anumang reklamo sa buhay nila.
Aminado si Gladys na hindi siya lumalaking mabuting anak. Alam niyang mali ang panggigiit niya ng kanyang mga pansariling kagustuhan, pero hindi niya maintindihan kung bakit paulit-ulit niyang iniisip na siya ang nasa tamang katwiran.
At sila, ang palaging mali.
Alam din niyang mali ang pagsagut-sagot niya ng mga salitang pabalang at masakit pakinggan, kung bakit naman madalas pa rin niyang nagagawa. Hindi niya maalala kung paano nagsimula ang pagkakasuot niya sa sitwasyon na kahit alam niyang mali, palagi pa rin niyang ginagawa.
Ang pag-akyat sa mataas na bakod ng kanilang compound kung gabing natutulog na ang mommy at daddy niya, alam din ni Gladys na talagang mali, madalas pa rin niyang gawin.
Kumpleto na ang kanyang katawan para matawag na dalaga pero hindi niya matiyak kung karapatdapat na siyang tawaging ganoon o bata pa rin, kung kailangan na ba talaga niyang mag-astang grown-up o pabayaan na lamang ang panahon na dalhin siya sa stage na iyon. Pakiramdam ni Gladys, parang dalawang tao siya sa isang katawan na palaging nagtatalo sa mga oras ng pag-iisa.
Iyon ang mga araw na sinasabihan siya ng kanyang mommy na matanda na siya para makipaglaro ng habulan sa mga kaibigan niya sa village, pero napagsasabihan namang bata pa kapag nakakakita ng love letters na natatanggap niya.
Mula sa lumiliit na mundo sa loob ng bahay, unti-unti niyang nalaman na may mas malaking mundo pala na naghihintay sa kanya sa labas. Na bukod sa bahay at pamilya niya ay may shopping malls at fastfood centers na ginagawang tambayan ng mga kaibigan na laging naghihintay sa kanya.
FOURTH YEAR.
Sa dati niyang section ay may mga nabawas na inilipat sa iba. Kung ilan ang binawas, ganoong bilang din naman ang ipinalit. Kung bakit gayon na kinakailangan pang mapahiwalay sa kinasanayan nang mga mukha at samahan, at dalhin sa ibang section ang mga kaklaseng kinagaanan na ng loob. Kontra man, wala naman siyang magagawa. Iyon ang sistema at desisyon ng school administration. Isa lang siya sa maraming mag-aaral na walang kakayahang pigilan ang mga ganoong pagbabago. Kagaya rin sa mundo na marami siyang hindi nagugustuhang mga pangyayari, pakiramdam ni Gladys ay nag-iisa lang siya at walang makakausap man lamang na sasang-ayon sa hinahangad niyang dapat na kaayusan ng mundo.
Si Liza na best friend niya, sinasagot lang siya ng tingin na parang kasalanan ang pagpapahayag ng sariling opinyon.
Hindi rin sang-ayon si Liza sa sinabi niyang hindi dapat napunta sa section nila si Michael de Vera.
"Eh, bakit naman wala kang reklamo na nalipat din sa atin si Eugene?" nang-aasar na tanong ni Liza.
Matagal na niyang crush si Eugene Bacani, ang editor-in-chief ng kanilang school paper.
Si Mike. Nakalaban pa niya ito sa botohan ng class president. Natalo niya. At totoo nga, gentleman sa girls. Napatunayan mismo niya nang kamayan siya.
"Sports lang tayo!" ang sabi. "Saka sikat ka, eh!"
Pero naging vice pa rin niya. Kung bakit ba naman kasi alam na ng mga kaklase niya na hindi maganda ang reputasyon, parang ito pa ang may karisma sa lahat ng naglaban-laban para vice president.
Nainis siya sa mga kaklase niya. Lalo pa siyang naasar nang magpadala ang mga ito sa pangangampanya at pambubuska ni Mike kay Eugene na ini-nominate nito sa posisyon ng secretary. Ramdam niyang may malisya at may kalokohan si Mike, gusto nitong ipahiwatig na bakla si Eugene.
Hindi niya itinago ang pagkaasar niya. Sa simula pa lang ay tinaray-tarayan na niya si Mike, at lalo pa niyang binara-bara sa pagpapasimuno sa nangyari.
Ang crush pa niya ang pinagtripan!
"Super yabang and corny! 'Kala mo kung sinong umasta!" reklamo niya kay Liza.
"Hindi naman, ah!" sagot nito. "Gusto rin s'ya ng classmates natin. Ikaw lang naman kasi 'tong may allergy sa kanya."
HINDI NIYA inasahan na magiging kaibigan niya si Mike.
Pero kabaligtaran ang nangyari. Naging malapit ang loob niya rito kaysa kay Eugene na mas inasahan niyang makakasundo niya.
At sina Mike at Eugene na magkabaligtad ang personalidad, naging best of friends.
Naguluhan at may mga katanungan na naman sa sarili si Gladys. Hindi niya maipaliwanag kung paano sila naging magkaibigan ni Mike. Lalong hindi niya lubos maisip kung paano sila nakabuo ng grupo na pinangalanan nila ng FELMG2, mula sa initials ng pangalan ng bawat isa.
Si Felicito Santos na inilagay sa unahan dahil ang sabi ni Mike, ito raw ang pinakaguwapo, gayong kabaligtaran. Freddie Mercury ang tawag ni Mike kay Santos na malalaki ang ngipin na palaging nakalitaw kahit nakatikom naman ang bibig. Pag-iipunan at gagastusan daw ni Mike ang pagpapadugtong nito ng labi para tuluyang matakpan ng upper lips ang mga ngipin. Si Santos pa mismo ang pinakamalakas tumawa sa ganitong mga biro ni Mike. E for Eugene Bacani na kinasanayan nila sa palayaw na Yod, L for Liza Cabrera. M for Michael at G2 dahil dalawa silang may initial na G -- si Gina Chanco at siya.
Glady ang tunay niyang pangalan, Glady Ramirez. Ayon kay Liza, malalaman agad sa kanyang pangalan ang personality niya. Glady. Glad. Bungisngis. Glayds (Glides) ang madalas na tawag sa kanya ng barkada.
Marami pa silang ibang kaklase at schoolmates na kung minsan ay nakakasabit sa grupo pero silang anim ang core group. Araw-araw silang magkakasama, may pasok man o wala. Hindi sila nauubusan ng mapagkukuwentuhan, laging maingay, at sabay-sabay na lumalabas ng school tuwing uwian. Palagi silang kumpleto sa mga party at outing.
"Uminom na naman kayo?"
Ito ang laging linya ni Gladys kina Mike, Yod at Santos, pasigaw at pasita.
"Baka naman 'di na beer lang ang nagpapapungay sa mga mata ninyo," idudugtong ni Gina.
"Puwera drugs kayo, guys, ha?" si Liza.
"Liza naman," isasagot ni Mike habang ginagawa ang mannerism nitong pagkamot ng batok, "beer lang!"
"At saka konti lang naman, eh!" ihahabol ni Santos. "Paminsan-minsan lang naman, di ba?"
Liza: "Hay naku! 'Yang paminsan-minsan ninyong 'yan ang miminsan sa inyo!"
"Sa impiyerno ang bagsak n'yo!" si Gladys.
Si Mike na laging namomilosopo: Nandito na raw sa lupa ang impiyerno, Glides. Kaya nga kami umiinom para sa heaven naman kami."
"Yuck!"
"Bad influence ka kasi!" galit nang sabi ni Gladys. "Pati si Yod idinadamay mo sa mga kalokohan mo!"
Ngiti lang ang isasagot nina Yod at Santos. Pero si Mike, laging ilulusot ang sarili.
"Alam mo ba, Glides? Kung lahat ng tao sa buong Pilipinas 'sang taon na sabay-sabay maglalasing? Ang mga pulitiko, titigil na sa kananakaw. Ang mga NPA at mga sundalo, 'di na sa bala mamamatay, sa sakit na sa atay at baga. Lahat mamamatay. Eh, di sa wakas, magiging payapa na ang bayang api."
"Oo," galit na talaga si Gladys, "at kung mamamatay ang mga lasenggo, ikaw na sana ang mauna!"
"Dadalhan ko si San Pedro ng 'sang case para papasukin niya ako."
"Ang ingay mo! Kailan ka ba mamamatay?"
Poporma si Mike, titingin ng diretso sa kanya.
"Kung mahal na mahal n'yo na ako nang husto, Glides, Para 'di n'yo 'ko makalimutan."
Hindi sineryoso ng grupo ang sinabing ito ni Mike.