webnovel

Chapter 77

Nagtaka naman ang dalawa nang mapansing huminto si Milo sa pagbubungkal ng lupa at nakatingin ito sa kawalan.

"Hoy pre, bakit ka naman nakatunganga diyan?" Untag na tawa ni Ben.

"Ha? A' wala ito pre, nagulat lang ako sa hanging dumaan." wika ni Milo at pinagpatuloy na ang kaniyang ginagawa. Nakatuon ang pansin niya sa lupang kaniyang binubungkal ngunit ang isip niya ay lumilipad sa kung saan. Hindi pa rin mawala sa isip niya ang kakaibang pakiramdam na iyon. Para bang nagtayuan ang kaniyang mga balahibo sa katawan dahil sa kakaibang takot at pangamba.

Hapon na nang matapos ang kanilang gawain. Nauna nang umuwi si Ben at nardo dahil ang plano ni Milo ay tunguin ang taniman ng kakao sa dulo ng lupain ng kaniyang lolo. Sakop pa naman iyon ng lupa nila at isa rin ito sa mga pinapatrabaho ni Lolo Ador sa mga kababaryo nilang nais magkapera. Hindi namang kalawakan ang tanimang iyon na ayon pa sa lolo niya ay ang kaniyang ama mismo ang nagtanim ng mga kakao doon, noong hindi pa siya ipinapanganak. 

Parehong masipag si Lolo Ador at ang nag-iisa niyang anak, kaya naman napalawak nila ng husto ang lupain nila magpahanggang ngayon. Marahil kung hindi ito namat*y ng maaga ay mas naging malawak pa ang kanilang lupain dahil sa kasipagan nito. Pagdating sa naturang taniman ay namataan pa ni Milo ang mga magsasakang siyang umaani sa mga hinog nang kakao. Binabati siya ng mga ito at masayang nagpapaalam sa kaniya na mauuna na. Tinanguan lang ito ni Milo at tinungo ang gitna ng taniman.

Naupo siya at mula doon ay hinintay niyang tuluyan nang lumubog ang araw at magpakita na ang bilog na buwan sa kalangitan. Sa pagtakip ng kadiliman sa liwanag ay paisa-isa na ding lumabas ang mga gabay ni Milo na malimit sumama sa kaniya kahit saan man siya magpunta. Tumango si Karim at pinaikutan siya ng mga ito, ipinikit naman ni Milo ang kaniyang mata at pinakiramdaman ang paligid. Iniusal niya ang mga salitang itinuro sa kaniya ni Karim at marahang iginuhit ang kaniyang daliri sa lupang kaniyang kinauupuan.

Matapos ang kaniyang pag-uusal ay iminulat niya ang kaniyang mga mata. Sa kaniyang pagmulat ay tumamabad sa lahat ang kaniyang matang tila nagbabago ng kulay at nagliliwanag. Nagpalinga-linga siya habang hinahanap ang pinanggagalingan ng boses na tila ba tumatawag sa kaniya. Boses iyon ng isang bata, ngunit maliit iyon pero hindi masakit sa tainga.

Napatda ang tingin niya sa isang puno ng kakao na ubod ng payat, ngunit kapansin-pansin ang pagiging matibay nito sa malakas na hangin sa nagpapagalaw sa lahat ng punong naroroon. Kakatuwang isipin na sa mapayat nitong katawan ay ito ang bukod tanging nananatiling hindi gumagalaw sa bawat pag-ihip ng malakas na hangin.

Tumayo si Milo at marahang nilapitan iyon at sa pagtayo niya sa harapan nito ay bigla naman huminto ang malakas na hangin. Mula sa punong iyon ay nakita niya ang nag-iisa nitong bunga na kulay itim. Noong una ay nagtaka pa siya dahil sa pagkakaalam niya dilaw at pula ang uri ng kakao na mayro'n sa taniman nila. Ito ang unang beses na nakakita siya ng itim na bunga, nagingintab din ito at kumikislap pa sa bawat pagtama ng sinag ng buwan. Dito niya napagtanto na marahil iyon na ang mutyang hinahanap niya. Tama si Karim, kahit anong mutya na naiisin niya ay maaari niyang makuha.

"Isang paalala Milo, ang mutyang ito ay hindi maaaring ipasa sa kahit sino. Ang tanging makakagamit lang nito ay ang taong mismong nakakuha nito. Sa oras na ipagkaloob mo ito sa iba ay kusang mamamat*y ang gabay ng mutya at magiging ordinaryong buto na lamang ito." Wika ni Karim.

Tumango naman si Milo at marahan inabot ang bunga. Sa pagdampi pa lamang ng kaniyang kamay sa balat nito ay nakaramdam agad siya ng kakaibang kuryenteng dumadaloy mula rito patungo sa kaniyang katawan. Nang tuluyan na niya itong mapitas ay agaran din ang pagliwanag ng bunga, nang mawala ang liwanag ay naging isang maliit na buto na lamang ito, magaspang ito sa pakiramdam niya ngunit dama niya ang kakaibang init na nagmumula roon.

Katulad ng bilin sa kaniya ni Karim ay inilagay niya ito sa langis na punong-puno ng dasal ay isinilid sa pulang tela na kaniyang dala. 

"Bumalik na tayo upang tapusin ang panghuling ritwal." Wika ni Milo, bigla namang naglaho sa paningin niya ang kaniyang mga gabay kaya dali-dali na siyang bumalik sa kanilang bahay. 

Nakaabang na sa labas si Lolo Ador nang marating niya ang kubo ng matanda. 

"Lo, bakit ho kayo nasa labas?" Tanong ni Milo at inakay na ang matanda papasok sa kubo.

"Hinihintay talaga kita, kamusta nakuha mo na ba?"

"Opo lo, gagawin ko na lang po ang huling ritwal na itinuro ni Karim upang mapagana ko na ang mutya." tugon ni Milo sa tanong ng matanda.

"Mabuti naman, o' siya, huwag na huwag mo yang ipapakita sa kahit sino, kahit sa akin apo. Sa kuwarto mo na gawin ang ritwal. Kapag nagutom ka, may iniwan akong tinolang manok sayo, may kanin na din sa kusina. Kumain ka bago ka magpahinga." bilin ni Lolo Ador, napangiti naman si Milo at agad na sumang-ayon.

Halos hatinggabi na nang matapos isagawa ni Milo ang ritwal, sa pagkakataong iyon ay nakaramdam agad siya ng gutom. Kahit nanghihina ay pinilit niya ang sariling tunguin ang kusina nila upang makakain na. Malalim na ang gabi at tahimik na din ang buong paligid. Kitang-kita naman niya mula sa kaniyang kinauupuan ang napakagandang buwan.

Matapos kumain ay bumalik na siya sa kaniyang silid upang magpahinga. Akmang hihiga na sana siya nang makita niyang nagliliwanag na ang mutya ng kakao na iniwan niya sa mangkok habang nakababad sa langis na inorasyonan niya.

Iyon na ang hudyat na sinasabi sa kaniya ni Karim, ibig sabihin buhay na ang mutya at ang gabay nito. Mabilis niyang kinuha iyon at inilagay sa palawit na inihanda niya bago pa man niya ito kunin. Maging ang palawit na iyon ay balot na balot ng dasal at orasyon na ginawa naman ng kaniyang mga gabay.

Nakahinga na nang maluwag si Milo nang mga oras na iyon, kaya naman nagpahinga na rin siya. Kinabukasan ay maaga pa lamang ay nagising na siya. Muli niyang sinuri si Aling Lara at doon niya nakita ang isang kakaibang marka sa braso ng ginang na marahil ay gawa ng berbalang.

Kulay itim ang markang iyon na maihahalintulad mo sa isang pasa. Hugis kamay din iyon, ang nakapagtataka ay paano iyon nakuha ng ginang.

Kinuha ni Milo ang dinsalan niyang langis na pinagbabaran niya ng mutya ng kakao. Naglagay siya sa kaniyang palad at pinagkiskis iyon bago ipahid sa braso ng ginang kung nasaan ang marka ng berbalang.

Nakita niya ang pagbuntong-hininga ng ginang na animo'y nabunutan ng malaking tinik sa dibdib. Guminhawa rin angpaghinga nito at muli na itong nakapagmulat ng mata.

"Milo, gumaan na ang pakiramdam ko, parang nawala ang bigat sa dibdib ko, magaling na ba ako?" mahinang tanong ni Aling Lara sa kaniya.

"Hindi pa po kayo magaling pero malapit ho, konting tiis na lang." Nakangiting wika ni Milo.

"Ipagluluto ko lang po kayo ng lugaw para makakain na kayo. Kailangan niyong magpalakas para mas mabilis kayong gumaling at para na din sa anak niyo." dagdag pa ni Milo at napangiti naman ang ginang.

Nagluto na si Milo at nang matapos siya ay si Mang Nestor na ang nagpakain sa kaniyang asawa habang sila naman ni Lolo Ador ay tumungo sa hardin nito sa likod bahay upang manguha ngmga sariwang gulay na maaari nilanag ipakain kay Aling Lara.

"May nakita po akong marka sa katawan ni Aling Lara lo, marahil ay matagal na ito roon ngunit nakita ko lamang ito nang makuha ko na ang mutya ng kakao. kakaiba iyon sa ibang marka ng mga aswang na nauna ko nang makita. Kulay itim iyon na hugis kamay, animo'y nakahawak talaga sa braso ni Aling Lara. Nang mawala ang marka ay napansin ko agad ang pagbabago ng sitwasyon ng awra niya. Nawala na rin ang mabigat na presensya sa katawan niya." Paliwanag ni Milo at napatango naman ang matanda.

"Mukhang tama nga si Gustavo, ang mutya lamang ng kakao ang tanging paraan upang magapi ang nilalang na iyan." Napapailing na lamang ang matanda dahil dito.

Habang nag-uusap sila ay natalakay din nila ang isang tanong na nakalimutan na palaging nakakalimutan ni Milo.

"Lo, paano ko kaya makakausap ulit ang isa ko pang katauhan?" Tanong ni Milo at napatingala naman sa kaniya ang lolo niya.

"Magkadugtong na ang buhay niyo ngayon, kahit anong oras ay maaari mo siyang gisingin upang makausap. Sa kung paano mo iyon gagawin, ay hindi ko rin alam. Subukan mong pakiramdaman siya sa iyong katawan apo." Turan ni Lolo Ador at napatahimik naman si Milo.

Nang matapos na sila ay agad na silang bumalik sa harap ng kanilang bakuran para makapasok na sa loob ng kubo. Akmang papasok na si Milo nang bigla niyang maramdaman ang isang hindi pamilyar na presensya. Marahas siyang napalingon at namataan niya ang isang matandang lalaki na nakatayo sa harap ng kanilang bakod.

Nakatingin ito sa kaniya nang matalim, nanlilisik ang mga mata nitong tila galit na galit sa kaniya.

"Magandang umaga ho manong, mag kailangan po ba kayo?" Pat*y malisya niyang tanong dito.

Lalong nanlisik ang mga mata nito bago niya narinig ang boses nitong tila nanggaling pa sa ilalim ng lupa.

"Nabura mo man ang aking marka, hindi ako papayag na hindi makuha nag babaeng iyan. Akin siya at ang sanggol sa sinapupunan niya, magiging lamang tiyan ko rin sila, at hindi mo ako mapipigilan."

Isang ngiti ang gumuhit sa labi ni Milo nang marinig ito. Alam niyang ito na nag nilalang na hinahanap niya at mukhang nasa anyong tao ito ngunit nasa espiritual na wangis din ito.

"Sino'ng kausap mo diyan apo, pumasok ka na at nang makapagluto na tayo ng tanghalian."

"Lo, hindi niyo ba siya nakikita, isang matanda ang nakatayo sa harap ng ating bakod." Saad pa ni Milo ngunit napailing lang si Lolo Ador.

"Wala akong nakikita, bakit may nakikita ka ba?" Seryosong tanong nito.

"Opo lo, mukhang ito na nag sinasabing berbalang ni Manong Gustavo." Tugon ni Milo. Nakita pa niyang ngumisi ang nilalang na iyon bago tuluyang naglaho sa kaniyang paningin. Tila ba tinangay ng hangin ang wangis nito kaya bigla itong nabura sa paningin niya.

"Pagsisisihan mo ang pangingialam mo bata."

Iyon lamang ang mga katagang iniwan nito sa kaniyang kamalayan.

Nächstes Kapitel