webnovel

Chapter 70

Sa pagkakataong iyon ay sabay-sabay na silang umatake kay Asu-an gamit ang kani-kanilang mga sandata. Pinaulanan nila ng atake si Asu-an ngunit tila ba walang nangyayari sa mga atake nilang iyon.

Walang kahirap-hirap lang nitong iniilagan ang bawat atake nila. Para silang mga langgam na nagpapakahirap na pasl*ngin ang kanilang pagkain na higit na mas malakas at malaki sa kanila.

"Walang silbi ang pagpapakahirap niyo mga bata. Mapat*y niyo man ang mga kampong tinawag ko, hinding-hindi niyo ako magagapi. Ito ang kaibahan ng isang Diyos sa mga hamak na taong katulad niyo." Giit ni Asu-an. Walang kahirap-hirap na ibinalibag nito sa lupa sina Milo at Simon, maging si Maya ay walang nagawa nang ihambalos siya ng nilalang sa lupa.

Galit na galit naman si Milo nang makita ang masamang pagbagsak ni Maya sa lupa. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang halos gumapang na sa lupa ang dalaga. Duguan ang ulo ito at may malaking sugat na rin ito sa kaniyang hita.

"Magbabayad ka Asu-an, wala akong pakialam kung mas malakas ka o kung sino ka pa." sigaw ni Milo, dahil sa galit ay nag-iba ang ihip ng hangin sa palibot ng binata. Naglabasan ang mga ugat nito sa braso, maging ang mga mata nito ay nanlilisik na at nagliliwanag, naglalaro na ang mga kulay nito.

Dahan-dahang humaba ang mga buhok ng binata, kasabay ng pagiiba ng kulay nito mula sa itim ay naging mapusyaw na ginto ito. Nanggagalit ang nag-uumapaw na awra ni Milo na ikinangisi naman ni Asu-an. Gulat at pagkamangha naman ang naramdaman nina Simon nanag makita ang pagbabagong anyo ni Milo.

Malayong-malayo ito sa wangis ng mga tagubaybay na siyang kadugo nito at lalong mas ikinagulat nila ang tila pag-iba ang presensya ng binata.

----

Sa kabilang panig naman ng kalupaan ay biglang napatingala si Lolo Ador habang abala ito sa pag-aani ng mga kamatis sa maliit nitong bakuran. Akmang pipitas pa sana siya ng isang kumpol ng bunga ng kamatis nang makaramdam siya ng pamilyar na presensya mula sa kalangitan.

"Patnubayan nawa ni Bathala ang aking apo. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari ngayon sa kanila, ngunit ang presensyang ito ay napakapamilyar sa akin. Magigising na ba ang natutulog na isa pang katauhan ni Milo?" wika ni Lolo Ador na bakas sa mukha ang matinding pagkabahala.

----

Ramdam na ramdam ni Milo ang pag-init ng buo niyang katawan, kasabay nito ang paggaan naman ng kaniyang pakiramdam na animo'y tinatangay siya ng isang malamig na hangin. Mayamaya, mula sa kaibuturan ng kaniyang kamalayan ay nakarinig siya ng mahihinang pagtawa ng kung sino. Hindi pamilyar sa kaniya ang boses na iyon ngunit nakapagtatakang tinatawag nito ang kaniyang pangalan na para bang matagal na silang magkakilala.

"Milo, gising. Huwag mong hayaang kainin ka ng galit mo. Huminahon ka, kung magiging mapusok ka ay lalong wala kang maililigtas sa mga kasama mo." Wika ng isang boses.

"Sino ka?" Tanging naitanong ni Milo nang hindi maintindihan ang mga nangyayari.

"Ako ikaw at ikaw ako, saka ko na ipapaliwanag sayo ang lahat. Milo, hayaan mong ako muna ang makipaglaban kay Asu-an. Ipahinga mo muna ang iyong espiritual na kalakasan, habang ako ang nakikipaglaban." Wika pa nito, hindi man maintindihan ni Milo ay kusa niyang ipinikit ang kaniyang mga mata. Isang kakaibang presensya ang yumakap sa pagkatao niy na nagbigay sa kaniya ng kapanatagan ng loob.

Hindi man niya mawari kung sino at ano ang boses na iyon ay panatag ang loob niya na ipaubaya dito ang labang kaniyang kinakaharap. Tama ito, kailangan niya ng pahinga—isang kaloob ni bathala ang pagdating nito.

Sa pagbabagong anyo ni Milo ay hindi lamang ang mga kasama nito ang nagtaka maging si Asuan ay nabigla dahil pamilyar ang presensyang bumabalot ngayon sa katauhan ng kaniyang kaharap.

"Sino ka—alam kong hindi na ikaw ang kalaban ko kanina. Kakaibang presensya ngunit napakapamilyar." Umaangil na wika ni Asu-an.

Nagmulat ng mata si Milo at lumantad sa kanila ang ginintuan nitong mata na animo'y umaapoy. Nakangisi ang wangis ni Milo at agad na naramdaman nina Maya na ibang nilalang na ang may hawak sa katawan ng kanilang kaibigan.

"Tama ka, hindi ako ang kaharap mo kanina, pero ako pa rin naman ito. Magulo hindi ba, subalit paumanhin dahil hindi ka karapat-dapat na malaman kung sino ba talaga ako." Saad ni Milo. Kisap-mata lamang ng mawala siya sa kaniyang kinatatayuan, animo'y simbilis siya ng liwanag at kisap-mata lang din nang tumilapon si Asu-an na tila ba napakalakas na puwersa ang umatake rito.

Napanganga naman si Simon sa nangyari. Halos di nila masundan ang laban ni Asu-an at Milo. Maging si Maya na nasa anyong aswang na ay nahihirapan masundan ang mga ito.

"Hindi siya si Milo pero nakapagtatakang naroroon pa din si Milo na para bang natutulog lang siya." Wika ni Maya.

"Mamaya na natin problemahin ang nangyayari kay Milo, atupagin muna natin ang mga dem*nyong ito. Lalo yata silang dumarami." Wika pa ni Simon ay nagpatuloya na sa pakikidigma sa mga aswang.

"Malapit na ring mag-umaga, konting-tiis pa mga kasama. Walang susuko!" Sigaw pa ni Mang Isko sabay tarak ng kaniyang itak sa aswang na nasa harapan niya.

Napakaraming aswang na ang napabagsak nila ngunit tila hindi nauubos ang mga ito. Hingal na hingal na sila sa sobrang pagod ngunit tila hayok na hayok ang mga aswang sa pag-atake sa kanila.

"Maya, sa likuran mo!" Sigaw ni Liway nang makita ang napakalaking aswang na susunggab sa dalaga. Huli na nang mapagtanto ito ng dalaga dahil sa bilis ng pangyayari ay hindi kaagad siya nakagalaw.

Napapikit na lamang si Maya at hinintay ang paglapat ng pangil ng nilalang sa kaniya ngunit ang malakas na atungal nito ang siyang nagpamulat sa kaniyang mga mata.

Isang lalaki ang kaniyang nabungaran, nakasuot iyon ng itim na sutana na pamilyar sa kaniya. Isang tao lang ang natatandaan niyang nagsusuot ng ganitong kasuotan. Lumawak ang pagkakangiti niya nang tuluyang makilala ang lalaki.

"Padre Miguel, ikaw nga." Gulat na sigaw ni Maya, bakas sa mukha nito ang pagkagalak sa pagdating ng lalaki at mabilis na inilibot ang kaniyang paningin.

Hindi nga siya nagkamali, dahil sa 'di kalayuan ay nakita niyang nakikipaglaban ang kaniyang inang babaylan ang ama niyang gabunan kasama ang iilan sa mga gabay at kasangga ng mga ito.

Napaiyak naman si Liway nang makitang ang mabilis na pagbagsak ng mga aswang na nagpahirap sa kanila. Tila noon lamang sila nilukob ng sobrang pagod kaya naman mabilis na nanlambot ang kanilang mga tuhod at bumagsak na sila sa lupa. Magkagano'n paman ay kitang-kita nila ang pagpulasan ng mga aswang. Nagtangka pa ang mga ito na tumakas ngunit wala silang naging kawala sa bagsik ng gabunang si Isagani.

Isang malakas na atungal mula rito ang nagpaluhod aa mga nilalang at walang kahirap-hirap niyang pinugutan ng ulo ang mga ito. Nanlalaki ang mga mata ni Gustavo nang makita iyon. Kilala niya aang gabunang iyon dahil minsan na itong nakalaban ng kaniyang ama. Nakakapangilabot ang presensya nito na maging siya ay napaluhod na sa lupa at pikit-matang ikinubli ang sariling presensya rito.

"Hindi ka gagalawin ni ama dahil kilala na niya ang presensya mo manong." Nakangiti ngunit nanghihina nang wika ni Maya. Pagbaling naman niya sa kinaroroonan ni Milo ay patuloy pa rin itong nakikipaglaban kay Asu-an. Kung gaano sila kabilis kanina ay wala pa ring pinagbago ito, tila ba walang kapaguran si Milo at kahit walang tigil ang pag-atake at pag-ilag niya ay nasasabayan pa rin niya ang Diyos ng mga aswang.

Malakas na hiyawan nang mga tao ang humatak sa atensyon ni Maya pabalik sa labanan. Doon niya nakitang tuluyan nang naubos ng kanilang magulang ang mga aswang. Mabilis naman siyang inalalayan ni Padre Miguel na makatayo.

"Padre Miguel, salamat at dumating kayo." Wika niya at ngumiti ang Pari.

"Kanina pa dapat ngunit napakaraming aswang na ang nakaharang sa bukana kaya natagalan kami. Ayos ka lang ba?" Tanong nito at lalong nangunot ang noo ng dalaga.

"Pero Padre, hindi ba't nasa kabihasnan ka? Kailan ka pa nakabalik? Ang huling sabi ni ina sa amin ay nagpunta ka sa malayong lugar at matatagalan ang inyong pagbabalik." Nakangiting tugon ng pari habang tinutulungan siya nitong makaupo ng maayos sa isang puno. Nandoon na din si Liway at Simon na tinulungan naman ng mga gabay ni Mina.

"Salamat Padre." Wika ni Maya at muli na silang napatingin sa kinaroroonan ni Milo. Sa pagkakataong iyon ay naroon na din si Mina at Isagani upang tulungan ang binata. Mangha at pagkagulat naman ang nadarama ni Gustavo at Liway nang makita ng harapan kung paano makipaglaban ang mga ito.

Nakakamangha rin si Milo na nagagawang tumagal sa laban sa kabila nang mga pinsalang natamo niya mula sa mga pag-atake ni Asu-an. Dumadagundong ang bawat pagtatama ng kanilang mga sandata habang pinagtutulungan ng tatlo ang Diyos ng mga aswang. Walang paglagyan naman ang kasiyahan ni Asu-an sa mga nakikita niya. Humahalakhak pa ito habang pinapaulanan ng taga sina Milo, Mina at Isagani.

Akmang magpapakawala na ng isang malakas na pag-atake si Asu-an ay bigla namang kumulog ng malakas at isang maliwanag na kidlat ang gumuhit sa madilim na kalangitan. Natigilan si Asu-an at napatingala, nagngingitngit sa galit ang kaniyang bagang habang hindi makapaniwalang napatitig sa kaniyang kamaong tila ba nawalan ng lakas.

"Guguran!!!"

Nächstes Kapitel