Nang marating nila ang dalampasigan ay nakita nila si Maya na nakatayo sa isang malaking bato malapit sa dagat, merong itong hinuhugot sa tubig na kung ano at tila ba hirap na hirap ito. Nagmamadaling lumapit sila sa dalaga at nanag marating nila ang kinaroroonan nito ay narinig nila ang pagsigaw ni Maya sabay ng pag-angat ng mga kamay niya. Nasa dulo ng hawak niya ang isang batang Mayarinan na nasa anim na taong gulang pa lamang.
"Simon ang tatay niya, natangay ng magindara." Sigaw pa ni Maya at dali-dali namang lumusong sa tubig si Simon at sumisid doon.
Mabilis na kinuha ni Milo ang bata kay Maya nang makita niya ang pagkalapnos ng parteng nababad sa tubig dagat. Napaupo si Maya sa buhangin habang humihingal na iniinda ang hapdi ng kaniyang sugat na natamo.
"Ayos ka lang ba Maya?" Tanong ni MIlo nang masigurado niyang nasa maayos nang kalagayan ang bata.
"Nakikita mo naman 'di ba. Walang-hiyang magindara 'yon muntik na niya akong mahatak sa tubig, mabuti na lang at nakahawak ako sa bato. Huwag kang mag-alala, mawawala din ang hapdi nito mayamaya lang," tugon ni Maya ngunit bakas pa rin sa maamong mukha nito na may iniinda siyang matinding sakit. Agad namang ipinatong ni Milo ang kaniyang kamay sa buhangin at nagdasal doon, tumubo ang isang berdeng halaman na patulis ang dahon. Dali-dali niyang binalatan iyon at kinuha ang laman nito at dinurog iyon sa kaniyang palad bago inilapat sa mga paso ni Maya.
Narinig pa niya ang pagbuntong-hininga ni Maya nang maramdaman ang malamig na sensasyon galing sa halamang-gamot na inilapat sa kaniya ng binata. Napangiti siya at agad na ginulo ang buhok ni Milo gamit ang kaniyang maayos na kamay.
"Gumagaling ka na talaga sa larangan ng panggagamot, salamat at naibsan ang sakit." wika pa ni Maya at bahagyang pinamulahan si Milo dahil sa ginawa ng dalaga. Pakiramdam niya ay napahiya siya dahil hindi na siya bata para tratuhin nang ganoon kapag may nagagawang mabuti. Magkagayunpaman ay hindi na lamang siya umimik at tahimik na ikinalat sa lapnos na balat ni Maya ang gamot.
Ilang sandali pa ay hindi pa rin umaahon si Simon, kaya naman nag-alala na si Milo, iniwan niya ang bata kay Maya at mabilis na lumusong sa tubig at sumisid. Magli-limang minuto na mula nang sumisid si Simon kaya siguradong nasa malalim na parte na sila ng dagat ngayon. Mabilis siyang lumangoy pailalim habang pigil-pigil ang kaniyang hininga, ginamit na rin niya ang tangan niyang mutya ng tikbalang upang mas maging malakas ang kaniyang mga paa sa paglangoy. Hindi naglaon ay nakita niya si Simon na hawak-hawak ang isang walang malay na lalaki habang pilit na kumakawala sa isang malaahas na nilalang. May buntot ito na maihahalintulad mo sa isang isda, habang ang pangitaas na katawan nito ay sa tao ngunit ang wangis nito ay sa isda rin.
Mabilis siyang lumapit sa nagbubunong kaibigan at nilalang, hinugot niya mula sa taguban ang kaniyang tabak at buong lakas na itinaga iyon sa kamay ng nilalang na nakahawak sa binti ni Simon. Sa sobrang bilis ng kilos ni Milo ay hindi agad iyon napansin ng nialang dahil abala ito sa paghatak kay Simon, huli na nang makita niya si Milo at putol na rin ang kaniyang brasong nakahawak sa binti ng kaibigan niya.
Mabilis naman na pumaibabaw ng langoy si Simon kasama ang lalaking hindi nila alam kung buhay pa ba. Naiwan naman si Milo at muling itinarak ang kaniyang tabak sa puso ng nilalang bago siya sumunod kay Simon. Nang maabutan niya ito ay agad din niyang tinulungan si Simon at mabilis na silang lumnagoy pabalik sa itaas ng laot.
Napapaubo pa si Simon nang tuluyan na silang makaahon, ramdam na ramdam niya ang sakit ng kaniyang dibdib dahil sa matagal na pagpipigil niya ng kaniyang hininga, marami na din siyang nainom na tubig alat dahil sa tagal niya sa ilalim. Dali-dali naman nilang inilapat ang lalaki sa buhangin at pinakinggan ni Simon ang dibdib nito. Nang marinig niyang may mahinang pagtibok pa roon ay agad niyang idinikit ang palad at kamao niya sa bandang sikmura nito bago iyon malakas na idiniin. Ilang ulit din niyang ginawa iyon hanggang sa matauhan ang lalaki at marahas na umubo bago isuka ang mga tubig alat na nainom nito.
Pinatagilid ito ni Simon at marahang hinaplos ang likod ng lalaki hanggang sa tuluyan na nga itong kumalma at maging banayad na ang paghinga nito. Nanghihina pa rin itong nakasalampak sa buhangin subalit agad nitong hinanap ang batang kasama nito kanina.
"Ligtas na ang kapatid mo, bakit ba kayo nandito sa dalampasigan, gabi na a'." Malumanay na tanong ni Simon habang pinipiga ang tubig sa kaniyang suot na damit.
"May narinig akong tumatawag, ang buong akala ko ay si Ama." Simpleng tugon nito habang naiiyak na. Natahimik pareho si Milo at Simon dahil sa tinuran nito. Si Maya naman ay marahas na tumayo ay sinipa anag tagiliran ng lalaki. Muli itong napaubo at napabaluktot sa paglalahiga sa buhanginan.
"Sa susunod kung nagpapatiwakal ka, huwag mong isama ang kawawang bata. Muntik nang mawala ang kapatid mo dahil sa kat*ngahan mo, alam mo ba iyon?" Gigil na sermon ni Maya na labis namang ikinabigla ng dalawang binata. Nanlilisik kasi ang mga mata ni Maya habang nagngingitngit ito sa galit at inis. Nasa likod nito ang batang babae na noo'y nakakapit sa kaniyang leeg at may malay na din.
Humagulgol na din sa pag-iyak ang binatang Mayarinan at paulit-ulit na humihingi ng tawad sa kapatid nito.
"Liya, patawarin mo ako, hindi ko sinasadya." Paulit-ulit na sambit nito habang umiiyak.
Matapos makapagpahinga ng kaunti ay mauli na silang bumalik sa baryo ng Mayarinan upang pare-pareho na silang makapagpahinga. Inihatid na nila amg magkapatid at natagpuan nilang ang dalawang matanda na balisamg naghihintay sa labas ng kubo.
Pakiwari nila ay iyon ang mga lolo at lola ng dalawa.
"Mahabaging Bathala, maraming salamat at ligtas kayo." Hagulgol na wika ng matandang babae at niyakap ang mga ito.
"Maraming salamat sa paghahatid sa aming mga apo, tuloy muna kayo at nang makapagpalit ng damit." Alok naman ng matandang lalaki na malugod naman nilang tinanggap.
Matapos makapagbihis ng kasuotang katulad sa suot ng mga Mayarinan at natagpuan naman nilang nakaupo sa harap ng mesa ang mag-anak. May nakahandang tatlong tasang gawa sa kawayan sa ibabaw ng mesa at bahagya itong umuusok.
"Nagpainit ako ng gatas ng kambing, pasensiya na kung ito lang ang aming maiaalok sa inyo, halina kayo at nang mainitan ang inyong mga sikmura. Alam naming sa dagat niyo sila nakuha. Naging pabaya kami, hindi namin nabantayang mabuti sina Liya at Yano. Muli ay nagpapasalamat kami sa inyo." Saad ng matandang lalaki.
Lumapit na sila sa mesa at naupo doon. Nakangiting tinanggap nila ang mainit na gatas ng kambing at marahang hinigop iyon.
"Walang anuman po iyon. Maraming salamat din po sa gatas. " Sambit ni Milo at napangiti na ang Matanda. Kalaunan ay nagpakilala ito sa pangalang Tandang Hina at Tandang Kuda.
Ayon pa sa mga ito ay biktima din ng mga magindara ang ama ni Liya at Yano ang ina naman nila ay namayapa na matapos maipanganak si Liya.
"Kailan po nangyari ito?" Tanong ni Simon.
"Isang taon na din ang nakalilipas, hindi siya pinalad tulad nitong mga apo ko." Tugon naman ng matandang babae na noo'y naluluha na naman.
Tahimik lang na ankinig ang tatlo sa kuwento ng buhay ng pamilya ng dalawang kanilang niligtas. Tulog na noon si Liya ngunit si Yano ay tahimik lang din na nakamasid sa kanila. Malungkot pa rin ang mukha nito na tila ba nagsisisi pa rin sa kaniyang ginawa kanina.
"Alaala ng iyong ama ba ang ginamit na pang-akit ng magindara sa'yo?" Tanong ni Maya.
Napaangat ng mukha ang binata at bahagyang tumango. Muling naglandas sa pisngi nito ang masasaganang luha ngunit walang hikbi silang naririnig.
"Sa susunod kapag may narinig kang tumatawag sa iyo o umaawit, sugatan mo ang sarili mo at pigaan mo ng kalamansi o pahiran mo ng asin. Mabisang panlaban iyan sa pang-aakit ng isang magindara upang mawala sa sa kanilang engkantasyon." Wika ni Maya.
"Hindi nila kayo maabot rito at ang tanging magagawa lang nila ay akitin kayong lumapit sa kanilamg kinaroroonan." Dagdag pa ni Simon.
"Kaya nilang magbalat-kayo bilang malalapit na kamag-anak o magagandang dilag upang mang-akit ng kanilang mabibiktima, kapag nahulog ka sa patibong nila ay paniguradong hindi ka na pakakawalan pa." Seryosong wika ni Simon at tinapik ang balikat ni Yano.
"Masuwerte ka at malalakas ang pandinig ng mga kasama ko at narinig nila ang awit ng magindara. Kung nagkataon wala kami rito, ay malamang naging hapunan na kayo ng mga nilalang na iyon." Saad pa ni Simon.
Matapos makausap ang mga ito ay agad ma din silang magpaalam upang bumalik sa kubo ni Apo Sela. Batid nilang kanina pa ito naghihintay sa kanila kaya hindi na rin sila nagtagal pa.
Pagdating sa kubo ng Apo ay sakto namang lumabas ang matanda upang tanawin ang pagdating nila. Dali-dali na silang pumasok sa kubo nito at ikinuwento ang mga pangyayari.