webnovel

Chapter 25

Wala nang nagawa si Maya kun'di ang sundin ang utos ng kaniyang kapatid. Nakakaramdam na rin siya ng matinding antok at pagod dahilsa ginawa nilang mabilisang pagbalik sa bayan. Hinayaan na lamang niyang ang kapatid niya ang umasikaso ng kanilang nakuha sa gubat.

Kinatanghalian, ay nagkaroon uli ng masayang salo-salo sa munting bayan ni Pedring. Ang isang baboy ramong kanilang nahuli at nilinis at inihaw nila iyon habang ang iba naman ay pinaghati-hatian ng bawat pamilya at kaniya-kaniya na sila sa paggayak nito upang maimbak nila ito ng mas matagal.

"Napakalaking tulong talaga nitong ginawa niyo Milo. Pero nagtataka ako, paano kayo nakabalik agad nang gano'n kabilis?" nagtatakang tanong ni Pedring. Napakamot naman sa ulo si Milo bago alanganing tumawa.

"Mabilis po kaming tumakbo at isa pa po, kagabi pa kami umalis, kita niyo at tulog na tulog pa ngayon si Maya sa sobrang antok." kaila ni Milo na agad naman tinanguan ni Pedring. Mayamaya pa ay tumulong na rin ito sa paglilinis ng mga karne, si Pedring na ang naghiwa ng mga sahog para sa mga putaheng lulutuin nila. Ang ibang kababaihan naman ay nagsaing na rin ng bigas at ang iba naman ay naghiwa na ng prutas para sa panghimagas nila. 

Ilang sandali pa ay natapos na nilang lahat ang paghahanda ng kanilang pagkain. Masaya nilang pinagsaluhan ang mga nakahandang pagkain habang walang tigil ang pasasalamat sa ginawa ng tatlong dayo sa kanilang bayan.

"Hulog kayo ng langit sa amin. Hindi pa rin kami nakakalimutan ng Panginoon. Ang buong akala namin ay hindi na kami makakatikim ng ganito kasarap na pagkain." Mangiyak-ngiyak na saad ng isang matandang babae. Emosyonal ito habang sumusubo ng kanin at ulam, bawat butil ay hindi nila sinasayang.

Tila naging isang fiesta ang araw na iyon.

"Kuya Milo, maari mo ba akong turuan kung paano mangaso? Para paglaki ko, makakasama na ako kina Tatay sa bundok at makakapag-uwi din kami ng ganito karaming huli." Inosenteng wika ni Lucas, kasama nito ang dalawa pang batang lalaki na nangingislap ang mga matang nakatingin sa kaniya, naghihintay ng kaniyang sagot.

Natawa naman si Milo at hinaplos ang buhok ng bata.

"Napakabata mo pa para sa ganito kabigat na gawain Lucas. Pangako, gagawin ni kuya ang lahat para hindi niyo na kailangan pang mangaso sa malayong gubat." Sambit ni Milo at nanlaki ang mga mata ni Lucas.

"Paano niyo po gagawin iyon?" Tanong ulit ni Lucas. Napakamot naman si Milo dahil hindi niya alam kung paano niya ito ipapaliwanag sa bata na maiintindihan agad nito.

"Mahirap ipaliwanag Lucas eh, pero isang araw sa paggising mo, makikita mo na lang na masagana na ulit ang bayan niyo. May mga puno na at mga berdeng damong tutubo sa lupa, mga bulaklak na siyang magpapaganda rito. Mabubuhay ulit ang mga hayop at muli nang dadaloy ang tubig sa mga natuyong ilog." Sagot ni Milo na lubhang ikinamangha ni Lucas at nang iba pang mga bata.

Hindi man sabihin ng ibang nakakatanda ay maging sila ay nasasabik sa bagay na nabanggit ni Milo. Bawat araw ng kanilang buhay ay hinihiling at pinapanalangin nila na muling mabuhay ang nakalimutan nilang bayan. Na sana ay makawala na sila sa sumpang iginawad sa kanila ng Panginoon.

"Hindi ang Panginoon ang nagsumpa sa inyo, kagagawan ito ng mga nilalang na nakahanay sa lupon ng kadiliman. Hindi kailanman hinahangad ng ating Maylikha na pahirapan at pasakitan ang kaniyang mga lalang. Kaya sana, huwag niyong sisihin ang Panginoon sa lahat ng ito. Patuloy kayong manalangin sa kaniya, at lahat ng ito ay diringgin niya sa takdang panahon." Malumanay na wika ni Simon. Muling naging emosyonal ang mga tao, lalo na ang matatanda at mga kababaihan. May iilan ding kalalakihan ang hindi maiwasang mapansinghot dahil sa nararamdaman nilang kaluwalhatian habang nagsasalita si Simon.

Maging si Milo ay nagulat sa reaksyon nang mga tao. Ramdam din kasi niya ang bawat salitang binitiwan ng binata ay tumagos sa kaniyang puso.

Ganoon naman talaga ang mga tao minsan. Sa tuwing may nangyayaring hindi maganda sa buhay nila ay napakadali nilang kinukuwestiyon ang Panginoon. Subalit sa panahon naman ng kagalakan ay walang nakakaalala sa Kanya. Ito rin ang madalas na ipaalala sa kaniya ni Lolo Ador, bawat simula ng araw at sa pagtatapos nito ay ugaliing magpasalamat sa taas.

Sa kalagitnaan ng kanilang mumunting kasiyahan ay nagulat sila nang biglang sumugod sa kanila ang mga tao galing sa kabilang parte ng bayan. May mga dala pa itong mga pinatulis na kawayan, itak at sundang. Para bang susugod sa gyera ang mga ito sa pamumuno ng isang lalaki na sa pakiwari nila ay nasa kwarenta mahigit ang edad.

"Pedring, ibigay mo sa amin ang mga dayong kasama niyo. Mga salot ang mga iyan. Dahil sa kanila, dalawang buhay na ang nawala sa bayan namin." Sigaw ng lalaki, halata sa boses nito ang galit. Agad na napatayo si Pedring at lumapit sa lalaki para kausapin ito.

"Lucio, masama ang magbintang ng walang ebidensya. Buong gabi at buong araw ning kasama sa bahay ang mga batang ito. Ano ba ang nangyari sa inyo? Maari bang huminahon ka muna?" Kunot noong tanong ni Pedring sa lalaking nagngangalang Lucio.

"Kagabi inatake ng isang nilalang ang bahay ni Rona, buntis ang anak ni Rona na si Kayla. Umaga na nang matagpuan ang malamig na bangkay ni Kayla sa kuwarto nito, wakwak ang kaniyang dibdib at tiyan. Nawawala ang kaniyang puso, wala na din ang mga lamang-loob niya, maging ang bata sa kaniyang sinapupunan na halos magsi-siyam na buwan na." Paliwanag ni Lucio na ikinagulat naman ni Pedring.

"At bakit naman ang mga bata ang sinisisi mo? Wala silang ginagawang masama." Pagtatanggol ni Pedring sa kanila. Tahimik na pinagmasdan ni Milo ang grupo ng mga kalalakihan bago lumapit kay Simon at bumulong.

"May naaamoy akong masangsang sa grupo nila." Bulong nila na nagpangiti kay Simon. Tinapik niya ang balikat ni Milo na animo'y binabati siya nito.

"Sa tingin mo, sino ang pinagmumulan ng amoy na naaamoy mo Milo?" Nakangiting tanong ni Simon. Muling ibinaling ni Milo ang tingin sa mga kalalakihan at isa-isang sinipat ang mga ito. Ilang sandali pa ay napatda ang kaniyang mata sa isang lalaking may dalang itak na nasa sentro ng grupo.

"Yung lalaking may dalang itak, nakasuot mg kulay lupang damit at nakasalakot." Bulong na sagot ni Simon at napangisi naman ang binata.

"Magaling, tumatalas na talaga ang pakiramdam mo. Hindi ka na madaling nalalansi ng mga kalaban." Wika ni Simon. Hindi na sila umiimik pa at patuloy na nagmasid habang si Pedring naman ay nakikipagtalo pa rin kay Lucio.

"A' basta palayasin niyo na ang mga dayong, dahil hangga't nandirito ang mga iyan, patuloy na mayro'ng mamamat*y sa bayan namin." Galit na sigaw ni Lucio na agad namang sinang-ayunan ng mga kasama nito.

"Kung sila ang umatake sa lugar niyo e' 'di sana mas nauna kami dahil kami ang mas malapit, bakit sila mag-aaksaya ng panahon na pumunta pa sa lugar niyo? Baka nga isa pa sa inyo ang may gawa ng krimen at kung sinu-sino na lang ang pinararatangan niyo." Giit naman ni Pedring.

"Napakatigas ng ulo mo kahit kailan. Kaya kayo minamalas dahil sa baluktot niyong pag-uugali. Mga kasama , tara na baka mahawa pa tayo ng kamalasan ng mga taong ito." Utos ni Lucio bago marahas na tinalikuran sina Pedring at ang iba pa. Napailing na lamang si Pedring at agad na humingi ng dispensa kay Simon, Milo at Maya.

"Salamat Manong Pedring sa pagtatanggol sa amin. Pero natatawa ako sa kanila dahil hindi nila alam na isa lang sa kanila ang paniguradong may gawa." Natatawamg sambit ni Maya. Nanlaki naman ang mata ni Pedring nang marinig ito.

"Oo nga, amoy na amoy ko ang sangsang ng isa sa kanila. Kaya kayo, bago sumapit ang ala-sais ng gabi at magsara na kayo ng mga pinto at bintana. Wala nang lalabas at kung may kakatok man sa hatinggabi ay huwag niyong pagbubuksan." Paalala ni Simon.

"Isa sa kanila? Sigurado kayo? Mahirap ang magbintang, Simon." Tarantang wika ni Pedring. Nabahala din ang ibang mga taon sa munting bayan nila.

"Hindi po kami nagsasalita kung hindi kami sigurado. Alam namin na may aswang sa grupo nila. Mukhang matagal na nilang kasama iyon at ngayon lang nagkaroon ng pagkakataong makapaminsala dahil sa pagdating namin." Sagot pa ni Simon.

"Ang mas mainam na gawin niyo, maglagay kayo ng mga pangontra sa bawat sulok ng bahay para hindi kayo mapasok. Tandaan niyo, huwag kayong magbubukas ng pinto sa hatinggabi kahit pa anong marinig niyo. " Dagdag ni Simon.

Tahimik lang si Milo habang pinagmamasdan ang mga taong naroroon. Hindi siya papayag na may masamang mangyari sa isa man sa mga taong nandoon.

Pagsapit ng hapon ay pinagmasdan nila ang paglubog ng araw. Nasa labas sila ng bahay ni Pedring habang hinihintay ang pagsapit ng dilim. Hawak-hawak ni Milo ang kaniyang tabak habang nakatanaw sa di kalayuan. Habang ang magkapatid naman ay panay na ang pagpapalipad hangin sa paligid.

"Siguradong may bibiktimahin na naman ang aswang na iyon. Hindi pa natin alam kung mag-isa lang siya o marami sila, kaya pagdating natin mamaya sa bayan, maging alisto tayo." Turan ni Simon.

Nächstes Kapitel