webnovel

Chapter 20

"Wala kang karapatang siya ay saktan dahil hindi ikaw ang kanyang ina." Wika ng boses na may kasamang gigil at pagtitimpi. Agad na naalarma si Tata Teryo pagkarinig ng boses na iyon. Inilabas niya ang kanyang medalyon ngunit isang malutong na tawa lamang ang tanging naisagot ng nilalang rito.

"Wala akong intensyong masama ginoong albularyo, kung isa akong masamang nilalang, hindi ako makakapasok sa bahay mo." wika nito at lumitaw sa kanilang harapan ang isang napakagandang nilalang. Makinis ang kutis nito na maihahalintulad mo sa sa puti ng nilagang itlog, habang ang mata naman nito ay may napakagandang kulay ginto. Habang ang mahaba nitong buhok na maayos na nakatali sa likod nito ay kulay abo at napapalamutian ito ng iba't ibang klase ng makukulay na bato.

Matikas ang tindig nito at may mabalasik itong awra, ngunit ang mga mata nito ay maamong nakatingin sa dalagang noo'y nakanganga lamang habang nakatitig sa nilalang. Walang takot na namumutawi sa ekspresyon nito bagkus ay panghanga ang siyang nagingibabaw.

"Ikaw ang lagi kong nakikita sa mga panaginip ko?" wika ng babae at napangiti lamang ang nilalang. Ibinaling naman nito ang tingin kay Mina at bahagya itong yumukod sa dalaga.

"Kinagagalak kitang makilala, tunay na itinakda." wika nito at marahas na itinulak naman ang babeng kasama ng dalaga na inakala nilang nanay nito. Nabuwal ito sa pagkakatayo at natumba ito sa sahig, dahilan upang mapasigaw ito sa sakit. Akma pa sanang magagalit ito nang titigan ito ng masama ng nilalang at tila napipilan ito at nawalan ng boses.

"Walang araw na hindi ako nagtitimpi sayo tao. Isang beses mo pang saktan si Maya at mananagot kana sa angkan ko." Wika nito bago lumapit sa dalaga.

"Isa kang engkanto, bakit mo binuntis ang dalagang ito nang walang kamalay-malay?" tanong ni Mina.

"Ito lang ang paraan upang mapanatili kong mabuhay ang aming lahi. Itinakda hindi lingid sa iyong kaalaman ang unti-unting pagka-ubos ng mga lahi ng mabubuting engkanto dahil na din sa pag-usbong ng pwersa ng isang babaeng itinakda." wika nito.

"Nais ko man na magkamabutihan muna kami ni Maya ay wala akong magagawa kundi ang madaliin ito. Patawarin mo ako Maya, nang dahil sa akin ay nalalagay sa kapahamakan ang buhay mo." sambit nito ng may pagsisisi.

Hindi naman alam ng dalaga kung ano ang sasabihin dahil hindi pa rin siya makapaniwalang nagdadalang-tao siya at isang engkanto ang ama. Ni hindi niya alam kung paano nangyari iyon gayong ni minsan ay hindi niya maalalang naging malapit sila sa isa't isa. Ang tanging natatandaan lamang niya kapag magkasama sila sa mga panaginip niya ay ang masaya nilang tawanan at pag-uusap. 

Habang nakayuko ang nilalang ay bigla naman itong nag-angat ng ulo nang may bigla itong naaalala.

"Isa ako sa nagmamatyag sa bundok ng Siranggaya. Unti-unti na itong nasasakop ng mga masasamang elemento. Mag-iingat kayo dahil isa sa mga araw na ito ay bababa sila upang salubungin ang inyong pagdating rito." wika nito at napaisip naman si Mina.

"Nakita mo ba nag babaeng nakaitim?"

"Oo, mahal na takda ang tawag nila rito. Meron itong hawak-hawak na tabletang gawa sa bato na siyang maaring pinanggagalingan ng kasamaang bumabalot sa buong kabundukan. Ayon pa sa narinig ko, may binabalak silang kunin sa inyo na gagamitin nilang sisidlan ng kung anong nilalang na kanilang bubuhayin. Hindi ako sigurado dahil malayo ang aking pinagkukublian sa mga ito. " salaysay ng nilalang at tumango lamang si Mina. Sapat na sa kanya ang impormasyong iyon, sa ngayon. At ang tanging magagawa na lamang niya ay ang hintayin ang pagbaba ng mga ito, upang kanya na din itong masilayan.

Matapos lapatan ng proteksyon ni Mina si Maya ay minabuti na nilang kunin ito sa proteksiyon ng kanyang madrasta. Ayon na din kasi sa engkanto ay madalas saktan ng babae si Maya. Matagal ng ulila sa ina ang dalaga at ang ama naman nito ay nagtatrabaho sa malayong bayan. Minsanan lang din kung makauwi ito kung kaya't wala itong kaalam-alam sa mga bagay ng ginagawa ng kanyang kinakasama sa kanyang anak.

Lumaki namang may angking kabaitan si Maya sa lahat ng tao at nilalang. Masipag din ito at kahit anong pagmamaltrato ng ina-inahan nito sa kanya ay hindi mo ito nakitaan ng pagtatanim ng sama ng loob dito.

Ito rin ang dahilan kung bakit mabilis na nahumaling sa kanya ang engkantong si Antonio, isang maharlikang engkanto na namamahay sa kagubatan di kalayuan sa Siranggaya.

Tahimik namang namumuhay doon ang angkan ni Antonio ngunit nagbago iyon nang dumating sa Siranggaya ang babaeng nakaitim at ang hukbo nito.

Dahan-dahang nagkasakit ang kanilang mga kabataan at iilan dito ang namatay. Dahil sa pangyayaring iyon, lubhang nabawasan ang bilang ng mga ka angkan ni Antonio. Dahil na din dito ay hinimok siya ng kanyang ama na magtatag ng sarili nitong pamilya upang magkaroon na sila ng panibagong supling. Nang mga panahong iyon ay palihim nang pumupuslit si Antonio palabas ng mundo nila patungo sa mundo ng mga tao upang masilayan at makasama si Maya.

Dahil na din sa biglaang utos ng kanyang ama ay nawalan siya ng pagkakataong ligawan ng maayos ang dalaga hanggang ng sa mapagdesisyunan na niyang taniman na ito ng kanyang binhi.

Wala namang nagawa ang ina-inahan nito kundi ang iwam si Maya sa poder ng albularyo. Bukod pa sa tinakot nila itong magsusumbong sa tatay ni Maya ay naroroon din si Antonio na walang ginawa kundi ang pagbantaan ang buhay nito.

Kinagabihan ay naisaayos na nga nila ang kwartong tutuluyan ni Maya sa bahay ni Tata Teryo.

Natuwa naman ang matanda rito dahil hindi ito gaano mareklamo. Matapos nilang maghapunan ay nagsipagpahinga na rin sila. Hindi naman makatulog si Mina, kung kaya't sinamahan muna niya sa labas ng bahay si Isagani.

Sa kanilang pananatili sa labas ay bahagya naman nilang napag-usapan ang tungkol sa sinabi ni Antonio sa kanya. Sa kanilang pag-uusap ay natalakay naman nila ang tungkol sa babaeng itinakda din umano.

Maging si Isagani ay hindi maintindihan kung bakit lumitaw sa mundo ang isang tulad nito. Ano ba talaga ang gampanin nito sa buhay nila at sa buhay ng mga tao sa mundo. Wala namang maisagot si Mina dahil kahit siya ay naguguluhan sa mga nangyayari. Pilit man niyang itanong ito sa sarili ay wala pa din siyang makukuhang sagot.

Sa paglalim pa nga ng gabi ay doon nila naramdaman ang mga nilalang na pasimpleng umiikot sa baryo. Mahinang presensya lamang iti kung kaya't maigi muna nila itong minatyagan.

Walang anu-ano ay nagulat na lamang sila nang makarinig sila ng sigaw di kalayuan sa kanila. Sigaw iyon ng isang ginang, mabilis silang tumakbo patungo sa sigaw na iyon at napadpad sila sa isang barong-barong. Ang bubong nito ay gawa sa nipa na pinagtagpi-tagpi. Sa itaas naman nito ay isang itim na nilalang ang gumagapang roon ay pilit itong binubutasan. Dahil hindi naman ito katibayan ay madali itong nasira ng nilalang at doon na nga ito napansin ng mga nakatira doon dahilan upang ito ay mapasigaw.

Hindi naman natinag ang nilalang na iyon at pilit nitong isiniksik ang katawan sa nagawa nitong butas sa bubong. Nang maabutan ito nila Isagani ay halos nasa loob na ng bahay ang kalahati ng katawan nito. Mabilis na tumalon si Isagani sa bubong ay marahas na hinawakan ang madulas na braso ng aswang at ibinalibag ito sa lupa. Napakalakas ng pagkakabagsak nito at ang tanging nagawa nito ay mapasigaw at mapaungol sa sakit.

"Dem*nyo ka, anong ginagawa mo sa bahay na iyan?" Angil ni Isagani at pinagsasapak nito ang nilalang. Wala namang nagawa ang nilalang dahil sa napakalakas na tigalpong binitawan ng binata. Para lang siyang laruan noon na pinaglalaruan ni Isagani habang si Mina naman y nakatanaw lang sa mga ito.

Hindi na iyon binuhay pa ni Isagani dahil ramdam nito ang kasamaan sa katawan ng aswang. Nang mapaslang na ito ni Isagani ay mabilis naman niya itong hinatak at itinamon sa malayong talahiban. Pagkuway' agaran din ang pagbalik niya sa kinaroroonan ni Mina.

Nakita niya uting kausap ang ginang na umiiyak habang hawak nito ang isang sanggol na halos kakapanganak pa lamang.

"Gani, gagamutin ko lang ang batang ito, magbantay ka muna diyan sa labas. " Utos ni Mina at pumasok ito sa bahay ng ginang.

Inilapag na nila ang sanggol sa higaan nito at sa pagtama ng liwanag ng gasera doon ay noon lang napansin ni Mina ang pamumutla nito. Mabilis siyang nag-usal at nilapatan iyon ng paunang dasal na pang-proteksyon. Dahil sa isa pa itong sanggol ay wala pa itong kakayahang labanan ang anumang elemento ng magtatangkang sakupin ang kalooban ng bata.

Matapos maisagawa ni Mina ang paunang dasal ay doon na niya kinapa-kapa ang tiyan ng bata. Nakapikit ang kanyang mga mata habang ang kamay naman niya ay nakapatong sa maliit na tiyan nito. Napahinga naman siya ng maluwag nang mapagtantong kompleto at walang anumang pinsalang natamo ang mga laman-loob nito.

"Huwag ho kayong mag-alala, nasa maayos nang kalagayan ang inyong anak." Wika ni Mina at lubos naman ang ginawang pagpapasalamat ng ginang.

"Magdoble ingat ho kayo sa araw at sa gabi. Kapag sumapit ng hapon, magsunog kayo ng bao ng niyog o di kaya naman ay goma para maitaboy ang anumang masasamang nilalang na ibig kayong gambalain. " Paalala ni Mina bago nito nilisan ang bahay ng ginang.

Nächstes Kapitel