webnovel

Chapter 18

Halos lahat ng batang nakikita niya sa loob ng bahay ay wala nang anino. Hindi naman mawari ni Mina ang dahilan ng kawalan ng mga ito ng anino, ngunit isa lang ang alam niya. May hindi kanais-nais na nilalang ang ngayo'y palihim na umaatake sa buong baryong ito. Hindi na muna niya ipinagsabi iyon upang hindi na mag-alala ang mga kalalakihang kasama nila. Kung hindi kasi siya nagkakamali, lahat ng naiwang kababaihan at mga bata roon ay wala nang mga anino at itong tatlong lalaki na lamang ang natitira. 

'Mina, kapag ang tao ay nawalan ng anino, maging ang kalukuwa nitong nasa kanyang katawan ay wala na rin. Para na lamang itong isang sisidlang walang laman. Hindi mo na maililigtas ang mga taong iyan.' wika ng isang boses sa kanyang isipan. Nanlumo naman si Mina sa kanyang narinig dahil ito ang kauna-unahang pagkakataong wala siyang magagawa para matulungan ang mga ito.

"Hindi ko gusto ang lugar na ito, nananayo ang balahibo ko." wika naman ni Isagani.

Napatingin na lamang si Mina sa tatlong lalaki bago inilibot ang tingin sa pamilya nito.

"Manong, meron akong ilalahad sa inyo, nasa sa inyo na kung paniniwalaan niyo kami o hindi." wika ni Mina at tumango naman ang mga ito. Dahan-dahang inilahad ni Mina ang kanyang mga nakikita sa pamilya ng mga lalaki. Habang tahimik naman nakikinig ang mga ito. Maya-maya pa ay unang napaluha ang isa sa mga ito. Humagulgol ito ng iyak na animo'y doon lamang ito natauhan sa mahaba nitong pagkakatulog.

"Hindi panaginip ang mga nakita ko noon? Nakita ko, bago pa man kami inutusang umakyat ng kabundukan, isa-isang pinapupunta ng lider nila ang mga tao roon, maging ang matatanda at bata. At kapag bumabalik na sila ay wala na ang mga ito sa sarili nila. Nakatingin na lamang sila sa malayo." salaysay nito.

"Ang buong akala ko ay dahil lamang sa sobrang pagkatakot kaya hindi nila magawang kumibo o sumagot man lang kapag tinatanong sila. Wala na ba itong lunas?" tanong nglalaki habang humuhikbi.

Umiling naman si Mina bilang tugon at doon na naglupasay ang mga ito sa lupa. Hindi nila matanggap ang sinapit nag kanilang mga kaanak. Ginawa naman nila ang mga utos ng mga ito ngunit bakit ganoon pa din ang resulta? Wala pa rin silang nagawa, parang mga uto-uto lamang sila na sinusunod ang mga ito ngunit wala pa ring pinatunguhan ang kanilang mga sakripisyo.

"Hanggang kailan sila magtatagal na ganyan? Hanggang kailan sila magiging isang manika?" tanong ng isang lalaki.

"Hanggang hindi sila nasisikatan ng araw ay mananatili silang ganyan. Kapag ang katawan ng tao na walang anino ay matamaan ng sikat ng araw ay kusa itong magiging abo." pahayag ni Mina at nagkatinginan ang tatlong lalaki. Isang plano ang nabuo sa kanilang mga isipan.

Agad naman nila itong inilahad sa grupo nila Mina dahil kakailanganin nila ang tulong ng mga ito. 

Noong gabi ding iyon ay tahimik na tinipon nila Mina ang mga taong naroroon sa baryo. Lahat ng taong walang anino ay tinipon nila sa bahay ng tatlong lalaki. Halos magsiksikan sika sa maliit na bahay na iyon ngunit hindi nila ito ininda.

"Hindi na ba magbabago ang desisyon ninyo?" tanong ni Amante sa mga ito.

"Ang pamilya na namin ang aming buhay. Kung wala sila, ano pa ang silbi ng mga buhay namin. Hindi namin ito pagsisisihan, kahit sa ganitong paraan man lang ay maipaghiganti namin ang aming mga mahal sa buhay." wika pa ng isa habang gumagawa ito ng pampasabog gamit ang mga pulburang nakuha nila sa mga rebelde.

"Lisanin na ninyo ang lugar na ito bago paman sumikat ang araw bukas. Sapat na ang tulong na ibinigay ninyo sa amin. Maraming salamat sa inyo, dahil nagkaroon kami ng pagkakataong maipaghiganti ang aming mga mahal sa buhay. Naway maging ligtas at maayos ang inyong paglalakbay." wika pa ng isang lalaki sa kanila.

Tahimik lang na nagkatinginan ang grupo ni Mina. Alam nila sa mga sarili nila na buo na ang loob ng mga ito sa planong kanilang nabuo. Wala na silang magagawa kundi ang igalang and desisyon ng mga ito.

Kinabukasan , maaga pa lamang ay ipinagtabuyan na sila ng mga lalaking iyon sa kanilang baryo. Tahimik silang lumisan roon na dala-dala ang bigat ng loob na makita ang mga itong nahihirapan. Ganun pa man agaran ang kanilang pagsunod sa utos ng mga ito. Lumabas sila ng baryo ngunit hinintay nila roon ang unti-unting pagsikat ng araw.

Sa unang pagsilip ng liwanag ng bukang-liwayway ay patuloy na naghahanda ang tatlong lalaki sa loob ng kanilang bahay kasama ang mga taong wala nang anino.

Patuloy sa pagtatangis ang mga ito at walang patid ang pagtulo ng kanilang mga luha. Isa-isa nilang niyakap ang kanilang mga kabaryo bilang huling pamamaalam sa mga ito. Niyakap at hinagkan naman nila ang kanilang mga anak at asawa bago sila ng alay ng isang panalangin para sa kanilang lahat.

Nabalot ng matinding emosyon ang buong bahay dahil sa pag-iyak ng tatlo. Lubos ang kanilang kalungkutan at pagsisisi dahil sa mga nangyari. Inihanda na nila ang kanilang mga armas na ipinuslit galing sa mga rebelde, maging ang mga ginawa nilang pampasabog. Hindi man nila maubos ang mga ito, kahit makalahati man lang sana nila ang mga rebeldeng naging mitsa ng kanilang mga pagdurusa ngayon.

Sa kanilang paglabas ay hatak-hatak nila ang mga taong wala ng anino. Nakatali ang mga ito sa kani-kanilang beywang na animo'y nasa isang prosesyon sila. Hindi pa noon tuluyang sumisikat ang araw kung kaya't hindi pa sila tinatamaan nito. Sa kanilang pagdating sa sentro ay naabutan pa nilang nagtitipon-tipon ang mga rebelde sa iisang lugar. Nang makita nila ito ay agad nila itong pinaulanan ng bala at hinagisan ng mga pampasabog. Dahil sa bilis ng pangyayari ay wala ni isang rebelde ang nakapaghanda. Nagulantang na lamang sila sa mga putok at pagsabog na siyang kumitil sa kanilang mga buhay. Walang sali-salita ang nangyari, dahil sa sobrang galit ng mga ito ay halos masira nila ang buong paligid. Nang makabawi naman ng putok ang mga rebelde ay hindi na nila ito iniwasan. Kasama kasi sa plano nila ang mamatay noong oras na iyon. 

Nang akma na silang magpapaputok muli ay nakarinig sila ng malakas na pag-angil na nanggagaling sa loob ng isang kubo. Lumabas roon ang isang malaking lalaki na siyang pinuno ng mga rebelde. Namumula at nanlilisik ang mga mata nito, habang putlang-putla naman ang mga balat nito. Naglalaway din ito habang masamang nakatitig sa kanila. Sa bawat pag-aangil nito ay unti-unting nag-uuslian ang mga pangil nitong kasing talim ng mga ngipin ng isang mabangis na lobo.

Nanginginig na sila sa takot nang mga oras na iyon na halos magtatakbo na sila, ngunit naging matatag sila at mabilis itong pinaulanan ng bala. Subalit sa hindi inaasahang pagkakaton, lahat ng bala nila ay tumatalbog lamang sa balat nito na animo'y tumatama ito sa bakal.

"Mga pangahas na tao. Nahihibang na ba kayo? Bakit hindi na lamang kayo tahimik na maghintay hanggang sa maisipan kong kayo ay kainin?" Galit na angil ng nilalang. Hindi naman nakakibo ang mga ito nang bigla silang lapitan ng nilalang na iyon. Nanigas ang buong katawan nila nang masilayan nila ang katakot-takot nitong pagmumukha sa malapitan. Para silang nakatagpo ng isang D*monyo nang mga oras na iyon. 

Nang mahinuha nilang wala na silang pag-asa ay itinutok naman ng tatlo ang mga baril nila sa kani-kanilang ulo. 

"Para sa mga taong minamahal namin. May awa ang panginoon para sa mga taong naniniwala at nananampalataya sa kanya. " Sabay- sabay nilang sigaw bago nila sabay-sabay na kinalabit ang gatilyo. Halos sabay ding bumagsak ang kanilang mga katawan sa lupa at nawalan ng buhay. Kasabay niyon ay ang pagtama naman ng sikat ng araw sa mga taong wala ng anino at isang iglap lamang ay naging abo na ang mga ito na tinangay naman ng malakas na hangin na biglang umihip sa pagkakataong iyon. 

Halos walang natira sa mga rebeldeng naroroon at tanging ang nilalang na lamang ang natirang nakatayo na nag-aangil . Dahil sa galit na namumutawi sa kanyang buong pagkatao ay hindi na niya namalayan ang palakol na patungo sa kanyang kinatatayuan na siyang mabilis na naghiwalay ng kanyang ulo sa kanyang katawan.

Pagbagsak ng ulo nito ay siya ring paglaho ng palakol na iyon sa hangin.

"Nagawa na ninyo ang parte ninyo. Hayaan niyong tapusin namin ang ugat ng inyong pagdurusa." wika ni Mina.

Maluha-luhang inilabas ni Luisa ang apoy sa kanyang mga kamay at idinampi iyon sa katawan ng tatlong lalaki. Mabilis na kinain iyon ng apoy ng santelmo hanggang sa maging abo na lamang ang mga ito. Nag-alay naman ng dasal si Mina para maayos at matiwasay na makatawid ang mga kaluluwa nito sa kabilang buhay.

Matapos nilang gawin iyon ay agaran na din nilang nilisan ang lugar. Mabigat man sa loob, ay kailangan nilang tanggapin na hindi sa lahat ng pagkakataon ay magagawa nilang mailigtas ang lahat ng tao kahit gustuhin man nila. May mga bagay talaga na kahit gustuhin mo ay hindi maaring maibigay sa iyo, dahil may ibang plano ang panginoon para dito at ang tanging magagawa mo lamang ay tanggapin ang lahat at ipagpatuloy ang buhay mo.

Sa mga susunod na kabanata ay mararating na nila ang Kabundukan ng Siranggaya. Mula roon ay makikilala na nila ang misteryosong babaeng matagal nang bumabagabag sa damdamin ni Mina.

Nächstes Kapitel