Sa kanilang paglisan sa baryong iyon ay naiwang masaya ang matandang si Rosing kasama ang bago nitong anak-anakan na nakilala sa pangalang Toto. Ang engkanto namang naatasan upang mangaso para sa matanda ay naging malapit na rin dito sa paglipas ng panahon. Dahil na din sa kabutihan ng matanda ay iilan pang mga engkanto ang tila ba naakit nito na siya namang bukal sa loob na nagbantay sa matanda hanggang sa ito ay namaalam na sa mundong ibabaw, pero nangyari pa iyon sa hinaharap.
Balik tayo sa kwento.
Muli nang tinahak nila Mina, Isagani at Gorem ang daan papalabas ng Baryo. Sa pagkakataong iyon ay hindi na sila tumigil sa mga baryo at dumaan na lamang sila sa kagubatan.
Sa kanilang patuloy na paglalakbay ay isang binata ang kanilang nakasalubong. Normal naman ang kasuutan nito ngunit ramdam nila ang angkin nitong lihim na karunungan. Hindi na sana nila ito papansinin ngunit bigla silang hinarang nito sa kanilang daraanan.
"Saan ang tungo niyo? Kung ako sa inuo hindi ako dadaan diyan." Wika nito.
Nagpanting naman ang tenga ni Isagani at bahagya niyang pinakawalan ang kanyang pwersa upang sindakin ito. Hindi naman natinag ang binata bagkus ay napangisi p ito.
"Isa kang gabunan? Interesante." Wika nito at mabilis na sinipat si Mina at Gorem. " Isang Gabunang aswang, isang kalahating engkanto at isang normal na tao?" Nakakapagtakang kombinasyon pero pinapaalalahanan ko lamang kayo. Wala akong masamang hangad sa pagpigil ko sa inyo. " Wika pa ng binata.
"Maari mo bang ilahad ang dahilan upang amin itong maintindihan?" Tanong ni Mina sa binata.
"Binibini, ang landas na inyong tinatahak ay patungo sa pugad ng mga mararahas na mambabarang. Kapag pumasok kayo riyan ay hindi na kayo kailanman makakalabas ng buhay. Kung nais niyo talagang makatawid, meron akong alam na daan ngunit hindi ligtas kung ngayon kayo tutuloy. " Wika pa nito at maigi itong pinagmasdan ni Mina. Ramdam niya ang katapatan nito at wala rin siyang nararamdamang masamang balak sa binata.
"May alam ka bang pwede naming matuluyan rito?" Tanong ni Mina.
"Wala kayong matutuluyan rito, pero pwede kayong sumama doon sa kubo ko kung ayos lang sa inyo." Wika pa ng binata.
Agaran naman sumang-ayon si Mina na lubos na ipinagtaka ni Isagani pwro hindi na ito umimik dahil alam niyang ikabubuti nila amg desisyon ng dalaga.
Naglakad na sila papalayo sa landas na iyon at tinahak ang daan patungo sa kubo ng binata. Nang masipat naman nila ang kinaroroonan ng kubo nito ay nakaramdam naman sila ng kapayapaan. Ang kubo kasi nito ay nakatirik sa gitna ng ilog na tila ba hinaharangan ng mga naglalakihang baging. Sa likod nito ay isang napakataas na talon kung saan ramdam at dinig nila ang kalakasan ng pagbagsak ng tubig. Napakalamig din ng simoy ng hangin roon na tila ba napakalinis nito. Manghang-mangha naman si Gorem at agad na naglaro ito sa tubig kasama ang kanyang alagang aso.
"Ingat lang sa malalim na parte." Paalala ng binata bago binuksan ang pintuan ng kaniyang kubo.
"Siyanga pala, hindi pa ako nagpapakilala, tawagin na lamang ninyo akong Amante." Wika nito at tuluyan nang binuksan ang pintuan nito. Agad na bumungad sa kanila ang mga boteng nagsisilbing dekorasyon nito sa loob ng bahay. Makukulay ang boteng iyon at dahil sa talas ng kanilang paningin ay agad din nilang nasipat ang mga insektong nasa loob ng mga boteng iyon.
"Huwag niyong pansinin ang mga iyan. Natural niyong makikita ang mga ganyan sa bahay ng mga mambabarang. Oo, tama kayo ng narinig, isa akong mambabarang. Ngunit huwag niyo sanang husgahan ang aking tinatahak na landas. Isa nga akong mambabarang ngunit kahit kailan ay hindi ko ginamit ang aking aral sa kasamaan. " Maagap nitong paliwanag at ngumiti lamang si Mina.
"Hindi ka namin huhusgahan. Ako man ay may dugo na galing sa kaliwa. " Wika naman ni Isagani.
"Mag-isa ka lamang dito?" Tanong ni Mina habang inililibot ang mata sa buong bahay.
"Oo, simula nang mamatay ang aking Lola, mag-isa na lamang ako. Ang aral ko naman ay minana ko sa aking Lola. May mga libreta siyang iniwan at mga orasyon na akin namang pinag-aralan." Wika ni Amante.
"Ang mga insekto namang nasa bote ay ginagamit ko para makakuha ng balita o mga halamang gamot na kailangan ko. Nanggagamot rin ako kaso ang mga dasal ko puro galing sa kaliwa. " Paliwanag nito na lubos na ikinamangha ni Mina. Nakita niya kasi ang mga halamang gamot nito na nakasalansan sa estante ng kanyang bahay.
Maya-maya pa ay patakbong pumasok sa bahay nila si Gorem at may bitbit na itong malaking isda na ikinatawa naman ni Amante. Mabilis niyang kinuha ang Isda kay Gorem at agaran din niya itong nilinisan para lutuin.
Kinagabihan, ay pinagsaluhan na nila ang isdang nahuli ni Gorem. Simple lamang ang kanilang pinagsasaluhan. Inihaw na isda, kanin, nilagang saging at mga prutas na nakuha pa nila sa kagubatan. Matapos kumain ay doon na isinalaysay ni Amante ang dahilan ng pagpigil niya sa grupo ni Mina na pasukin ang pugad ng mga mambabarang.
Ayon dito, mapupusok ang mga mambabarang na nagpupugad doon. Hindi rin ito nakakaramdam ng awa sa kahit anong nilalang na mapadpad roon. Maging ang mga hayop ay pinangingilagan ang parteng iyon ng gubat. Punong-puno ng peste at mga barang ang lugar na iyon. Kalimitan ay nananalasa sila sa bayan upang manguha ng mga pagkaing kailangan nila. Takot rin ang mga tao sa kanila kung kaya buwan-buwan ang mga karatig lugar na malapit doon at naghahanda ng alay na pagkain para sa mga ito.
Kapag merong hindi nakakapagbigay ay agaran nila itong binibigyan ng sakit na kahit ang mga albularyo ay hindi kayang gamutin.
"Ang kabundukan ng Sierra ay kilala dahil sa pinamumugaran ito ng mga mambabarang. Ilang siglo na din ang nakalipas simula ng unang maitatag ang angkang ito. Aaminin ko, naging parte ang pamilya ko sa angkan na iyon noon. Kaparte ang nanay ko sa pinakamataas na uri ng mga mambabarang na namuno sa angkan. Ang Lola ko ang pangatlo sa hanay ng naging pinuno doon. Subalit mapaglaro ang tadhana. Napatalsik ang Lola ng lupon ng matatandang mababarang dahil masyado itong mahigpit sa pagbibigay ng sakit sa mga tao. " Wika pa ni Amante.
"Amante, bukod sa pagiging mambabarang mo, may isa pa akong nararamdamang pwersa na nananahan sa katawan mo." Wika ni Mina habang nakatitig ito sa binata.
"Ako rin, kanina ko pa iniisip kung anong uru ito." Wika ni Isagani.
Napakamot lamang sa ulo si Amante habang tatawa-tawa.
"Isa din ito sa dahilan kung bakit itinakwil ang aming pamilya sa angkan. Ang tatay ko ay isang manggagaway. Natatakot ang mga mambabarang na baka sakupin sila ng mga manggagaway at ipasailalim sa kapngyarihan nito. Nagkibit balikat lang ang tatay ko at nagdesisyon umalis . Dito kmi naninirahan kung saan walang nakakakita. "
Ayon pa sa binata, ang buong lugar na iyon ay hindi makikita ng kung sino lang. Balot na balot ng sabulag ang buong parte ng gubat na iyon na siyang iniwan ng kaniyang tatay bilang proteksyon nila sa mga mambabarang na tumutugis sa kanila.
Manghang-mangha naman si Mina at Isagani dahil hindi basta-basta ang paggawa malawak na sabulag na nagtatagal ng ilang taon.
"Nakikita niyo ang hangganan ng ilog na iyon at sa talon? Lahat ng iyan ay hindi mo makikita kapag nasa labas ka ng lugar na ito. Magmimistulang bakante ang lugar na ito sa mata ng mga normal na tao at sa mata ng mga may masasamang dugo o hangarin. Hindi nila ito makikta at hindi sila makakapasok dahil bago sila makapasok ay sasakupin muna sila ng isang nakakapangilabot na sumpa."
"Wala namang nangyari sa akin kahit may dugong aswang ako." Wika ni Isagani habang sinisipat ang katawan niya.
" Dahil pinahintulutan kitang pumasok. Hindi mo lang napansin pero nilapatan kita ng isang bertud na siyang magbibigay karapatan sayo sa pagpasok rito. " Nakangising wika ni Amante at nangilabot si Isagani. Totoong wala siyang naramdamang kahit na ano kung kaya katibayan iyon na isang nakakatakot na kalaban si Amante.
"Amante, wala ka bang planong lisanin ang lugar na ito?" Tanong ni Gorem at napaisip ang binata.
"Gustuhin ko man, hindi ako maaaring umalis. Maraming tao ang mangangailangan sa akin dito." Sagot ni Amante. Ito kasi ang gumagamot sa mga taong binibigyan ng sakit ng mga kauri niyang mambabarang kung kaya't hindi ito makakaalis sa lugar na iyon.
"Kapag ba, nilipol namin ang mga mambabarang na iyon, sasama ka sa amin?" Tanong ulit ni Gorem at napahagalpak ng tawa si Amante. Isang malaking biro kasi ang sabihing lilipulin ang mga mambabarang. Masyadong mapaminsala ang mga ito at wala pang albularyo ang nagtangkang sugurin ang pugad na iyon. Subalit sa kaibuturan ng kanyang puso nais niyang malipol na ang mga ito. Para na din sa magulang at Lola niyang nakipaglaban para sa kaligtasan ng mga tao. Ngunit anong magagawa ng isang tulad niya kundi ang magtago roon at palihim na magbigay lunas ng hindi natutunugan ng kalaban para na din sa kanyang kaligtasan.
Minsan na din itong sumagi sa isip niya ngunit sa dami ng mga mambabarang ay wala talaga siyang laban sa mga ito.
"Tama si Gorem, kung kakayanin naming malipol ang mga mambabarang, sasama ka ba? Kakailanganin namin ang tulong mo. At nais kong matuto sa ilalim ng iyong pagtuturo." Wika ni Mina.
"Maari tayong magpalitan ng mga aral, hindi ba't gusto mong matuto ng mga aral sa kanan? Tuturuan kita. Basta ba tuturuan mo din ako ng aral ng barang." Suhestiyon ni Mina at napatitig lamang si Amante dito. Saglit itong natulala at tila ba biglang lumutang ang isip nito sa sinabi ng dalaga.