Ayon pa sa hari, ang mga Marindaga ay mga engkantong tubig na maihahalintulad mo sa mga sirena. Ang kaibahan lamang nito sa mga sirena ay ang kalahati ng katawan nila. Kung ang sirena ay kalahating isda, ang mga Marindaga naman ay may buntot na maihahalintulad mo sa mga ahas. Magaganda din ang wangis ng mga ito ngunit kapag nagagalit ang mga ito ay nagiging halimaw ang mga mukha nito.
"Meron akong nakasagupa kanina habang papunta rito. Pero isang dambuhalang ahas iyon at hindi isang Marindaga." salaysay ni Mina habang malalim na nag-iisip. Aminado siyang ngayon lamang siya nakatagpo ng ganoong nilalang kung kaya't kulang na kulang ang kanyang kaalaman sa mga ito.
Sa kaniyang patuloy na nakikipag-usap sa hari ng mga kataw ay doon niya napag-alaman ang dahilan kung bakit bigla na lamang umatake ang mga Marindaga sa kanila. Ayon sa napag-alaman nito ay umahon ang isang nakakatakot na nilalang sa lupa na siyang nagtulak sa mga ito na maghanap ng panibago nilang matitirahan. Dahil hindi na ligtas ang mga lawa at ilog sa kanila at sa kanilang mga supling ay napilitan ang mga ito na tunguin ang karagatan. Subalit dahil ang karagatan ay sakop ng kapangyarihan ng mga kataw at sirena, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang lahi dahilan upang maging mitsa ito ng nagbabadyang digmaan sa pagitan nila.
"Itinakda hindi naman namin nais ng digmaan. Tahimik nang namumuhay ang aking mga uri dito sa kailaliman ng dagat. Napakalawak nito at ayos lang naman sa amin na tumira sila kahit saan dako nila gusto subalit hindi ko alam ang dahilan kung bakit tila ang nais ng mga ito ay lipulin ang uri namin. " nalulungkot na wika ng haring kataw.
Matapos niyang makipag-usap sa hari ay pansamatala muna siyang nanatili roon upang makapagmasid sa buong paligid.
Tunay ngang napakaganda ng kaharian ng mga ito. Kahit saang dako ka lumingon y nagkikislapang bato at ginto ang makikita mo. Kahit ang pinakapundasyon ng kanilang palasyo ay gawa sa ginto. Mula sa kaniyang kinaroroonan ay kitang-kita niya ang mga sirenang tahimik at masayang nagpapahinga sa mga bato habang nakikipaglaro sa mga kauri nito. May mga batang sirena at kataw din siyang nakikita na animo'y naghahabulan o di kaya naman ay naglalaro ng malabolang bagay na kakulay ng bahaghari.
Napakapayapa ng mga sandaling iyon na animo'y walang sigalot ang nangyayari sa buong karagatan. Marahil dahil iyon sa nararamdaman niyang proteksyon sa buong paligid na nasasakop ng kahariang iyon.
Ilang sandali pa, habang nakatanaw siya sa paligid ay nasipat niya ang isang buntot na tila pag-aari ng isang ahas na marahang gumagapang sa isang malaking bato. Malapit iyon sa mga batang masayang naglalaro ng bolang bahaghari. Napasigaw na lamang siya nang makita niya ang nilalang na mabilis na sinunggaban ang batang kataw. Duguan ang batang iyon nang ihambalos nag nilalang. Nagulantang naman ang lahat ng sirena at kataw na nagpapahinga at nakarinig sila ng pagtatawanan sa paligid.
Ang kaawa-awang bata ay tuluyan namang binawian ng buhay dahil sa lakas ng pagkahambalos ng nilalang dito. Puno mg galit na binuksan ni Mina ang lagusan at lumitaw siya sa harapan ng nilalang na lubha naman nitong ikinagulat.
"Walang kapatawaran ang pagkitil mo sa buhay ng isang walang muwang na bata. Hayaan mong sa kamay ko ikaw mamatay." wika ni Mina sabay saksak ng kampilan ni Mapulon sa dibdib nito. Dahil sa bilis ng mga pangyayari ay wala itong nagawa para ilagan ang pag-atakeng iyon. Mabilis namang umatake ang mga kasamahan nito mang makita nilang napaslang ang kanilang kasama. Hindi naman nagpatinag si Mina at sabay - sabay na sinalag ang bawat pag-atake ng mga ito. Napakabilis kumilos ng mga ito na halos hindi siya makasabay sa mga ito. Nasa apat noon ang nagtutulong-tulong para atakihin siya. Wala namang nagawa ang mga sirenang naroroon dahil mga normal na sirena at kataw lang ang mga ito.
Nang umabot na sa puntong nawawalan na ng lakas ang dalaga ay nakita niyang papalapit sa kanya ang isang sibat na hindi niya mawari kung saan nanggaling.
Nang akmang tutusok na iti sa kanyang katawan ay bigla namang dumating si Jun at mabilis na pinigilan ang sibat na iyon. Humihingak na natigalgal si Mina dahil sa pangyayaring iyon. Nang ma atid niyang ligtas na siya ay nginitian naman niya ang binata at nagpasalamat dito.
Hindi na muna iyon pinansin ni Jun at itinuon niya ang tingin sa mga nilalang na biglang umatake sa kanilang kaharian.
"Mga pangahas. Ano ang kailangan ng mga Marindaga sa aming kaharian?" gigil na tanong ni Jun.
"Isa ka lamang prinsipe, anong karapatan mo na tanungin ang aming uri?" may pagmamataas na tanong ng isang Marindaga na siyang tumatayong pinuno ng mga ito.
"Wala kayong karapatang panghimasukan at basta-basta na lamang umatake sa aming kaharian." dumadagundong ang tinig na wika ng haring kataw. Bigla namang napaatras ang mga ito nang makita nila amg paglitaw ng hari sa kanilang harapan. Agad naman iyong napansin ni Mina.
"Nanahimik na kami subalit kayo itong walang awang pumapaslang ng aking mga nasasakupan. Pati bata ay hindi na kayo naawa? Ganyan na ba ang pamamalakad ngayon sa inyong mga Marindaga?" tanong ng Haring Kataw habang hawak hawak nito ang katawan ng batang napaslang ng mga nilalang. Ibinigay niya ito sa kawal na nasa tabi niya at agad naman nitong inilayo sa lugar ang bangkay nito.
"Matagal nang kinalimutan ng aming pinuno ang kasunduan sa pagitan ng mga kataw at Marindaga. Ipinag-uutos niya na itaboy kayo dahil nais niyang dito na manirahan. Kung kayo naman ay magmamatigas ay hindi kami mag-aatubiling patayin ang lahat ng siren at kataw na aming makikita. Nandirito kami upang ihatid sa inyo ang balitang iyan. Bibigyan namin kayo ng pagkakataong makaalis dito. Sa paglamon ng bakunawa sa buwan, kapag naririto pa kayo ay iyon na din ang magiging katapusan niyo. "wika nito at mabilis na inutusan ang mga kasama nitong umalis na.
Nang akmang hahabulin iyon ng mga kawal ng hari at mabilis naman sila nitong pinigilan hari. Umiling-iling ito at malungkot na tumingin kay Mina.
"Nalulungkot ako sa mga nangyayari sa aming kaharian Itinakda. Kinakailangan namin ang tulong mo upang mapagtagumpayan ang sigalot na ito. Naisin ko mang lisanin ang kaharian ko ay hindi maari. Dahil dito nakahimlay ang aming mga ninuno na siyang naging pundasyon ng aming kaharian. Usang karuwagan ang gagawin kong pagtalikod sa kanila kaya kahit anong mangyayari ay ipaglalaban ko ito. Kailangan ko ang tulong mo, hindi sa digmaan kundi sa paglikas ng aking mga nasasakupan. Ako, sampo ng aking mga kawal ay magpapaiwan upang kaharapin ang mga Marindaga. "
" Ama, nahihibang ka na ba? Paano naman kami ni Ina at ang mag uri mong umaasa sa iyo? " galit na bulalas ni Jun.
"Malaki ka na Lawudan, kaya mo nang pamunuan ang ating mga uri. Kapag hindi kami nagtagumpay, muli mong itaguyod ang ating lahi. Wala na akong mahihiling pa kundi ang inyong kaligtasan. Gagawin ko ito para sa ikatatahimik ng mga buhay niyo at para sa mga magiging anak mo. " nakangiting wika ng haring Kataw. Akma pa sanang magsasalita si Jun nang pigilan ito ni Mina sabay iling.
Napakagat naman si Jun sa kanyang labi upanv mapigilan ang mag salitang nagbabadyang lumabas sa kanyang bunganga.
"Sa ikatlong araw na magaganap ang paglamon ng bakunawa sa buwan. Maghanda na kayo. Dalhin niyo lng ang mga kaya niyo. Patawarin niyo sana ako, naway gabayan kayo ng diwata ng tubig sa inyong paglalakbay."
Iyon ang mga huling sinabi ng hari bago ito umalis kasama ang kanyang mga kawal. Nanlumo naman si Jun nang tumingin sa dalaga.
"Buo ang desisyon ng iyong Ama sa kanyang desisyon. Sa ngayon, ituon mo ang pansin sa paglilikas ng iyong mga kauri. Bukas na bukas ay aalis tayo rito at maghahanap ng ligtas na lugar. Pagkatapos ay babalik tayo rito upang tulungan ang iyong Ama." Wika ni Mina na ikinapanatag naman ng damdamim ni Jun.
Kinaumagahan ay lumikas na sila ng kaharian. Binagtas nila ang daan patungo sa kabilang ibayo ng karagatan. Nalulungkot man ay wala silang magagawa kundi sundin ang utos ng kanilang hari. Sa tunlong ni Mina ay nakahanap sila ng isang kuweba sa ilalim ng dagat na pwede nilang pagtaguan pansamantala.
Doon ay nagsagawa si Mina ng orasyon upang mabigyan ng sabulag ang buong kuweba para maging ligtas ito sa iba pang mababangis na nilalang na namamahay sa karagatan. Nang maisaayos na niya ang lahat ay agad din naman silang lumisan upang bumalik sa kinaroroonan ng kanilang kaharian.
Sa kanilamg pagtahak sa daan pabalik, ay biglang kay pumasok na pangitain kay Mina na lubos niyang ikinamangha. Isang tinig rin ang kanyang naririnig na animo'y humahalina sa kanyang sumunod dito. Maging si Jun ay natigilan dahil maging siya ay naririnig niya ang boses nito.
Hindi nila mawari kung babae ba o isang lalaki ang nagsasalita dahil sa papalit -palit nitong boses. Minsan bata, minsan matanda, minsan babae at minsan nagiging lalaki naman ito. Nagkatinginan sila pareho at maigi silang nagmasid sa kanilang paligid.
"Ano na Mina, susugal ba tayo?" Tanong ni Jun.
" Hindi ko alam pero nais ng puso ko ang sumugal. Pakiramdam ko, malaki ang maitutulong nito sa digmaan natin laban sa mga marindaga." Sagot naman ni Mina.
At napagpasiyahan na nga nilang tugunin ang pagtawag sa kanila ng misteryosomg boses na kanilang naririnig.
Ang susunod na kabanata ay matutuklasan na nila ang tunay na dahilan kung bakit umaatake sa kanila ang mga Marindaga. At isa na namang gabay ang kanilang makikilala.