Pagdating nila sa bahay ni Mang Emil ay agad na tumawag si Jun dito. Agaran naman ang paglabas ni Ida para salubungin ito.
"Oh Jun, akala ko bukas ka pa dadalaw. Ikaw talaga ang hilig-hilig mo sa sorpresa." Nakangiting wika ni Ida habang tuwang-tuwa itong yumakap sa bisig ng binata. Napangiti naman si Jun at bahagyang ginulo ang buhok ng dalaga.
"Bukas pa talaga dapat ako pupunta, kaso sinamahan ko itong si Mikel dahil hinahanap niya ang mga bisita niyo." sambit naman ni Jun at napatingin si Ida sa binatang kasama nito.
"Ah, magpapagamot ka ba? Tamang-tama, nasa loob sila at nag-aalmusal. Pasok muna kayo at tatawagin ko sila." agaran naman ang pagpasok ng dalaga at tinungo ang looban ng bahay. Pagbalik nito sa sala ay kasama na nito sila Mina at Sinag.
"Batid kong nakauwi na ang asawa mo kaya ka nandito." nakangiting wika ni Mina at umupo sa upuan. Tahimik lamang na tumango si Mikel habang hindi niya alam kung paano magsisimulang magsalita.
"At batid ko rin ang dahil kung bakit ka nandirito, nagtataka ka kung bakit bigla-bigla kang iniwasan ng iyong asawa, tama?" tanong ni Mina at doon lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob na magsalita.
"Ano bang ginawa mo sa akin bakit nagkaganun ang asawa ko?" malungkot nitong tanong.
"Wala akong masamang ginawa sayo. Inihipan lang kita ng dasal pamproteksiyon upang malayo ka sa kapahamakan. Kund hindi ko ginawa iyon ay malamang mamayang gabi na ang katapusan mo." sagot naman ni Mina.
"Matagal ko nang sinasabi sa iyo na isang salot ang asawa mo, hindi ka nakikinig sa akin." Sabat naman ni Jun na may kasamang gigil. Napayuko lamang si Mikel, napapkamot ito sa ulo na tila gulong-gulo sa nangyayari.
"Isang Mandurugo ang napangasawa mo ginoo. Isang uri ito ng aswang na dugo ng tao ang kalimitang pinagkukunan ng lakas at kapangyarihan. Kaya ka nagkaganyan dahil paunti-unti ka nang kinakain ng asawa mo. Simula nang magkasakit ka at manghina ay siyang pagsisimula naman ng pag-atake niya sa bayan at sa mga karatig bayan dito sa Hilaya. Hindi mo lang iyon napapansin dahil nasa ilalim ka ng kanyang kapangyarihan. Hindi mo ito malalaman hanggang sa bawian ka ng buhay." paliwanag ni MIna at napatulo ang luha ng binata.
"Ibig sabihin mamamatay ako?" umiiyak na tanong nito at muling napakunot ang noo ni Jun.
"Wala ka bang magagawa para ibalik si Mikel sa dati?" Si Jun ang nagtanong, napatingin naman si Mina dito at ngumiti.
"Meron akong magagawa ngunit nakadepende pa rin iyon sa kaibigan mo. Nais pa ba niyang mabuhay? At handa ba siyang iwan ang asawa niya at ang sumpang hatid nito sa buhay niya." wika ni Mina at natahimik ito.
Maging si Mikel ay natahimik dahil sa tinuran ng dalaga. Pansamantala nila itong pinapasok sa isang silid upang makapagpahinga at makapag-isip bago nila ito kausaping muli.
"Batid kong mabuti kang nilalang kaya huwag kang mag-atubiling kausapin ako." wika ni Mina nang maramdaman nitong may taong nakamasid sa kanya. Kasalukuyan siyang naroroon sa likod ng bahay nila Ida at pinagmamasdan ang tanawin malapit sa kagubatan.
"Alam mong hindi ako ordinaryo?"
"Unang beses pa lamang na nakita kita alam ko na kung ano ka." wika ni Mina
"Wala akong masamang hangarin at ang pag-ibig ko kay Ida ay tunay." Agaran niyang paliwanag na tila ba kailangan niyang gawin iyon uang kahit papaano ay hindi siya nito magawang pagdudahan.
"Alam ko, nakikita ko at nararamdaman ko. Ngunit bilang isang Prinsipe ng mga Kataw, hindi mo ba ito ikapapahamak? Alam ko ang mga batas sa inyong kaharian dahil minsan na din itong nabanggit sa akin ng mga diwata. Ikamamatay mo ang pananatili mo ng matagal sa lupa. Ano ang binabalak mo, dadalhin mo ba si Ida sa kaharian niyo?" tanong ni Mina at napasimangot lang si Jun. Natumbok kasi nito ang isang napakalaking problemang kinakaharap niya.
Nais man niyang makasama si Ida ay ayaw naman niyang pwersahan itong dalhin sa mundo ng mga kataw. Ayaw din niyang saktan ang kalooban ng ama nitong si Emil dahil sa napakabuti nito sa kanya.
"Nais ko man ay hindi maari kung kaya't gumagawa ako ng paraan upang kahit papaano ay makasama ko siya dito sa lupa." malungkot na wika ni Jun.
"Tunay ngang napakabuti mo." nakangiting wika ni Mina. Sa kabila ng mga ngiting iyon ay nagkukubli ang kalungkutan para sa nilalang. Kung meron lamang siyang magagawa para matulungan ito ngunit kahit isa siyang tagapamagitan ay may mga bagay siyang hindi dapat pakialaman. Ang may likha na ang bahala kung ano ang gagawin nito sa kapalaran ni Jun at Ida. Ang magagawa lamang niya ay ipanalangin na maging maayos ang magiging kapalaran ng mga ito.
Lumipas pa ang ilang oras bago muling nakipag-usap sa kanila si Mikel. Nangingilid ang luha nito habang sinasabi ang kanyang huling desisyon. Hinayaan lamang iyon ni Mina hanggang sa tuluyan na nga nitong nasabi ang kanyang desisyon.
"Para sa ikabubuti mo ito Mikel." wika pa ni Jun, habang marahan itong tinatapik sa likod. Pagtango nito ay agad nang sinimulan ni Mina ang pag-uusal. Katulad nang ginawa niya sa batang iniligtas niya ay pinainom din niya ito ng katas ng mga halamang gamot upang maibalik ang mga nawalang dugo rito. Matapos iyon ay isinailalim niya ito sa isang ritwal upang tuluyan na itong makawala sa kapangyarihan ng Mandurugo. Doon lamang bumalik sa isipan niya ang ginawa niyang pagsuway sa kanyang mga magulang at pakikipag-away nito sa kanyang ama at mga kapatid.
Nanumbalik sa isipan niya ang mga araw bago pa man niya nakilala ang kaniyang asawa. Hindi niya lubos maisip kung bakit niya iyon nagawa sa mga magulang niya na ang tanging hangad ay mapabuti siya. Napahagulhol na lamang siya dahil muli niyang napagtantong napakalayo na niya sa mga ito. Hindi niya alam kung may mukha pa siyang maihaharap sa mga ito. Lubos ang kaniyang pagsisisi at iyon lamang ang namutawi sa kanyang puso at ang pag-ibig na kanyang nararamdaman sa kanyang asawa ay napalitan nito.
Matapos maibalik ni Mina si Mikel sa kanyang tunay na huwisyo ay doon na ito nagkwento. Ayon dito tubong Bigtaw talaga siya, malayo ito dito, ang mga magulang niya ay mga magsasaka roon, may maliit silang lupang sinasakahan. Mababait naman ang mga magulang niya at meron siyang dalawang kapatid, isang nakakatandang babae at isang nakakatandang lalaki. Kumbaga ay siya ang nakakabata sa kanilang magkakapatid. Masaya silang namumuhay doon hanggang sa magbinata siya at nakilala nga niya ang asawa niyang si Marina.
Napakaganda nito at agad na nahulog ang loob niya rito. Noong ipakilala niya ito sa kaniyang mga magulang bilang nobya ay harap-harapan ang mga itong tumutol sa relasyon nila. Nasaktan ang loob niya , nariyan pang nakipag-away siya sa kanyang Kuya para lang ipaglaban ang kanyang desisyon hanggang sa lumayas nga siya at dinala siya dito ni Marina sa Hilaya. Dito sila namuhay ng masaya at walang problema. Lumipas pa ang mga taon magkasama sila ni Marina ay nawala na nga sa isip niya ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Tila ba ang utak niya noon ay wala nang ibang naiisip kundi kung paano niya pasasayahin ang kanyang asawa. Sa kasamaang palad ay hindi sila nagkaanak kahait pa halos anim na taon na silang nagsasama. Walang araw na hinid siya ngadarasal na magkaroon ng anak dito ngunit tila ba ipinagkakait iyon sa kanya ng panginoon.
"Nasa ilalim ka ng kapangyarihan ng Mandurugo kaya ganoon. Ngayong naialis ko na ito sa iyo ay muling magbabalik ang lahat ng alaala mo. Naway pagbigyan ka ng panginoon ng pagkakataong makitang muli ang iyong mga mahal sa buhay at makahingi ka ng tawad sa mga ito." wika ni Mina at muling napaiyak ang lalaki habang si Jun ay naaawang nakatingin lamang dito.
Nang muli na itong mahimasmasan ay muli itong napatanong sa dalaga.
"Ano na ang mangyayari kay Marina?" Tanong niya at napakunot ng noo si Jun.
"Iniisip mo pa rin ang babaeng iyon?" Pigil ang galit na tanong nito. Hindi talaga niya maintindihan ang mga tao. Harap-harapan na sila kung traiydorin ngunit tila ba wala lang ito sa kanila.
"Hindi naman sa ganun Jun, anim na taon din kaming nagsama kahit papaano ay may masasaya din kaming pinagsamahan." malungkot nitong sagot.
"Pinapahanap ko na sa tagapaslang ang asawa mo. Hindi lang ikaw ang biktima niya. Marami na sa Hilaya ang namatay dahil sa kanya, kung kaya't marapat lamang na kamatayan din ang kanyang parusa. Pasensiya ka na, pero hindi na mababali ang pasyang iyon dahil sa mga oras na ito ay hawak na ng tagapaslang ang kanyang kaluluwa. Paglipas ng araw na ito, bumalik ka sa bahay niyo at ilibing ang katawan nito ng maayos. Sa ganoong paraan ay maibsan ang lungkot at pighati na iyong nararamdaman. Isipin mo na lang na namatay ito sa sakit upang magaan mo itong matatanggap sa iyong sarili." wika pa ni Mina bago nilisan ang sala.
pagsikat ng araw kinaumagahan, tulad ng bilin ni Mina ay tinungo ni Mikel ang kanilang Kubo. Nakita niyang may nagkukumpulang tao roon. Marahan siyang lumapit dito at nagbigay daan naman ang mga ito sa kanya. Nang makapasok na siya sa kanyang bahay ay natagpuan niyang nakahiga sa papag si Marina, nakapikit na animo'y natutulog ngunit hindi na ito humihinga. Walang siyang nakikitang paghihirap sa mukha nito na lubos niyang ipinagpasalamat. Muling nangilid ang luha sa kanyang mata hanggang sa tuluyan niya siyang napaiyak nang yakapin niya ang katawan ni Marina.
Tatlong araw niya itong inihimlay sa kanilang maliit na kubo bago ito tuluyang inilibing sa likod ng kanilang kubo. Sa puntod nito at nagtanim siya ng isang buto na ibinigay ni MIna sa kanya. Ayon pa sa dalaga ay ito ang magiging patunay ng pag-iral nito sa buhay ni Mikel at ang magiging paalala ng minsan niyang pagkakamali sa kanyang buhay.