webnovel

Kalye Otso

Noong bata ka pa, hindi ba't takot ka tumawid sa kalsada? Gahiganti ang mga rumaragasang sasakyan sa lansangan at bigla kang mahihilo sa sandaling tumapak ka sa sementadong kalye dahil sa takot na baka ika'y mabanggaan. Minsan, mayroong mga bata na dala-dala ang ganitong takot hanggang sa kanilang pagtanda at isa si Randy sa mga iyon.

"O, ayan Randy ha. Hinatid na kita. Baka naman gusto mo, hanggang doon sa boarding house niyo ay samahan pa kita."

"Grabe ka naman Lai, samantalang nandyan lang naman sa kabilang eskinita ang boarding house mo."

"Woohoo! Kung hindi lang kita best friend, hindi kita sasabayan pauwi eh. Parang bata ka kasi." Panunukso ni Laila.

"Grabe ka talaga noh?"

"Tse! Tumigil ka dyan. Umuwi ka na nga at nang makalakad narin ako. Maaga pa tayo sa office bukas. Maraming pinapaayos sina Sir Damien." Ani Laila.

"Ok. Ingat." Tugon ni Randy.

"Tse!"

Tatalikod na sana si Laila nang biglang lapitan sila ng isang batang gusgusin. Sinubukan ng batang kalye na mamalimos sa kanila subalit agad itong itinaboy ni Randy nang maamoy niya ang hangyod na dala ng batang ito.

Pinagpilitang iduldol ng bata ang kanyang sarili sa kanilang dalawa, bagay na ikinadiri ni Randy at ikinagulat ni Laila.

"Aba! Buisit na bata ito ah." Ani Randy. Hindi na niya hinintay na ulitin nito ang muling pagdaluhong sa kanilang dalawa ni Laila. Ipinagtulakan niya ang bata ng sobrang lakas na halos mamudmod ito sa lupa.

"Buisit! Buisit kang bata ka! Gusto mong mamalimos? Eh kung pakainin kaya kita ng sili ha?" Nakita ni Laila na tila nasaktan ang batang bumalandra sa tabing-kalye habang si Randy naman ay mukhang magsisimula palang sa kung anuman ang binabalak nito kaya agad niyang sinuway si Randy at nilapitan ang batang gusgusin.

"Ok ka lang ba? Halika tumayo ka dyan. Heto o, para makaalis ka na." Iniabot ni Laila ang bente pesos sa bata at laking gulat nito nang ang dating malungkot at madilim na mukha ng bata ay biglang napuno ng saya.

"Salamat ate. Pantawid gutom lang." Sambit ng batang gusgusin na buong galak na kumuha ng pera na iniabot ni Laila. Diskontentado naman si Randy sa ginawa ni Laila at agad niya itong sinumbatan.

"Hindi mo dapat binigyan Laila. Mamimihasa ang mga yan, sa sunod cellphone, sapatos o bag na ang hihingiin ng mga yan."

Agad naman siyang hinarap ni Laila at siniguradong hindi na masaktan ang bata at mananalo siya sa pakikipagbudong-braso kay Randy.

"At ikaw Mr. Henares, ang sama mo! Pati bata, papatulan mo? Dyan ka na nga!"

Balisang saad ni Laila nang turulin niya ang ginawa ni Randy. Dagli niya itong iniwan at tinahak ang daan patungo sa kanyang boarding house. Sa sobrang inis ay ni hindi niya magawang pilitin ang sarili na magtext upang batiin ng "magandang gabi" si Randy na dati naman niyang ginagawa bago matulog.

Inaamin naman niya sa kanyang sarili na mayroon siyang nararamdaman para kay Randy ngunit matapos ang pangyayari na iyon, tila nagdadalawang isip na si Laila. Isina-isang tabi na lamang niya ang pagiisip at malumanay na nagpaanod sa antok, na may pag-asang magiging masaya ang bukas na darating. Kahit na ang manipis na hibla ng pag-asa na maaayos din nila ni Randy ang gusot na ito, ang siya na lamang niyang makakapitan.

Nagising na lang si Laila sa tunog ng kanyang alarm clock. Magaalas-siyetena pala ng umaga at mahuhuli na siya sa pagpasok sa opisina. Dali-dali siyang gumayak.

Hindi na niya pinadalhan ng mensahe si Randy sa sobrang pamamadali at inakala niyang marahil ay nasa opisina na rin naman ito. Subalit nang makalabas ng kanyang boarding house ay nagtaka siya sapagkat may kakaiba sa araw na iyon. Napansin niyang imbes pasikat ay tila palubog na ang araw at dakong hapon na.

Sinulyapan niya ang kanyang relo ngunit sinasabi nito na alas-siyete na ng umaga. Isina-isang tabi na niya ito sapagkat mahuhuli na siya at kailangan na niyang magmadali. Tinahak na niya ang kurbada mg eskinitang patungo sa highway subalit ikinagulat niya ang narinig sa may tabing-daan.

"Buisit! Buisit kang bata ka!"

Sigaw ng tinig na ganapang nagpalito kay Laila dahil alam niyang tinig iyon ni Randy. Subalit lalo siyang nataranta nang tumambad ang eksenang pinagmumulan ng tinig na iyon. Naroon sa di kalayuan ang isang batang nakabalandra sa daan, isang Randy na galit at sa kanyang pagkamangha ay isang babae na kamukhang-kamukha niya.

Tila nahilo si Laila sa kanyang nasilayan at di siya makapaniwalang nakikita niya ang nangyari kahapon.

"At ikaw Mr. Henares, ang sama mo! Pati bata, papatulan mo? Dyan ka na nga!" Inis na turan ng babaeng kamukha niya ngunit ang mga sumunod na pangyayari ang tila tumatak sa kanyang isipan.

"Laila, teka!" Sigaw ni Randy. Ngunit sa sobrang bilis at dami ng rumaragasang sasakyan ay tila na sinukluban ang mga sumunod nitong salita.

"I'm sorry."

Biglang napansin ni Laila na ang ngayon ay nakatayo na batang gusgusin. Aktong itong tumakbo patungo sa dagat ng rumaragasang trapiko ngunit nang makarating sa kalagitnaan at unti-unti itong naglaho subalit bago ito mangyari ay tila napansin siya nito.

Napaatras si Laila nang makita niya ang mukha ng batang gusgusin na nalalatagan ng dugo, napansin niya rin ang unti-unting pamumutla at pagkaagnas ng ilang bahagi sa balat nito, dumilim at lumubog ang mga mata nito hanggang sa matira na lamang ang dalawang guwang na butas nito. Tuluyang napaatras at napatakbo balik ng eskinita si Laila nang ibuka ng bata ang kanyang bibig. Isang malaki at madilim na lugong ang kanyang nakita.

Pikit-mata na kumaripas ng takbo si Laila sa sobrang takot ngunit biglang napahinto nang bumangga sa kung anong bagay sa kanyang daraanan, natumba siya at nang idilat niya ang kanyang mga mata ay sinukluban siya ng nakamamatay na lamig at matinding sindak. Nakaharang sa daan ang batang gusgusin, duguan, naaagnas, butas ang mga mata at buka ang bibig. Mula sa bibig nito ay maririnig ang tinig ng radyo na tila walang makuhang estasyon.

Naramdaman na lamang ni Laila ang unti-unting pagkamanhid ng kanyang katawan at ang tanging nagawa niya ay ipikit ang kanyang mga mata at sa kailaliman ng kanyang isipan ay nagipon siya ng lakas upang magdasal. Biglang naglaho ang istatikong tunog ng radyo at tumahimik ang kanyang palibot nang marinig niya ang tinig ng isang batang lalaki, ang tinig ng batang nilimusan niya ng pera kahapon.

"Salamat ate. Ang bait niyo po."

Pikit-mata na napabuntong hininga si Laila, buong galak na natapos na ang lahat. Ngayon ay tiyak niyang panaginip lang ang lahat at ilang minuto pa ay magigising na rin siya. Sinubukan niyang idilat ang kanyang mga mata upang sulyapan ang palibot at kung nakabalik na siya sa kanyang kwarto subalit ginapangan siya muli ng di-maintindihang takot nang makita niya ang mukha ng batang gusgusin na malapitan siyang pinagmamasdan.

Tunay man na di niya nakikita si Laila dahil butas ang kanyang mga mata ay naaamoy naman siya nito. Inilapit ng bata ang kanyang duguan na ilong sa mukha ni Laila. Punong-puno ng kaba ang dibdib ni Laila nang biglang sunggabang mahigpit ng bata ang kanyang ulo.

Nagdulot ito ng matinding sakit na tila karayom na tumutusok sa mga mata ni Laila hanggang sa mawalan siya ng malay, nakahandusay sa kalye 8.

-WAKAS

Nächstes Kapitel