webnovel

XIII

"Binibini! Ano po ang nangyari? Ayos lang po ba kayo?"

May alaala ng isang malalim at mababang tinig ang bumalik kay Maia dahil sa tanong ng bagong dating kaya nagpasya siyang huwag iyon sagutin. Bagkus siya ang nagtanong, "Gat Einar, ano ang iyong ginagawa dito?"

Huminto ito sa kaniyang kaliwa at sa kabila ng kaniyang pagpikit, tiyak niya na yumuko ito patungo sa kaniya dahil malapit ang tinig nito nang magsalita. "Mawalang galang na po, Binibini, ngunit iyan po ang aking nais na itanong sa inyo."

Yumuko si Maia at dumilat bago inangat ang tingin dito at hindi nga siya nagkamali sa pagkakayuko nito dahil malapit ito sa kaniya na abot-kamay niya ang mukha nito. "Paano mo nalaman na ako ay nandito?"

Iniwas nito ang mga abong mata nito sa kaniya at tumayo nang maayos. "Hindi ko po alam, Binibini. Sa katotohanan po ay kanina pa po ako nag-iikot-ikot upang kayo ay hanapin."

"Hmm..." Ibinaling ni Maia ang tingin sa kaniyang harapan at umayos ng upo. "Paumanhin kung gayon."

Tila natigilan ito sa paghingi niya ng paumanhin sapagkat hindi ito muling nagsalita ngunit malipas ng ilang sandali ay ibinuka nito ang bibig. "Binibini, may nangyari po ba? At... H-Hindi po dapat kayo umuupo diyan. Madumi po. Isa po kayong maginoo."

Napangisi si Maia dahil hindi niya inaasahan ang sinabi nito. "Gat Einar, kung may nanay lamang ako, tinitiyak ko na iyan din ang kaniyang sasabihin." Sumandal siyang muli at pumikit, bahagyang humina ang kaniyang tinig. "Hayaan mo muna akong makapagpahinga sapagkat ako ay napagod sa pagtakbo."

"Pagtakbo po, Binibini? Ano po ang tun---"

"Isa pa," hindi niya pagpansin sa sinasabi nito. "...kung madumi man ang lugar na ito, tiyak naman akong hindi nakamamatay ang dumi kaya wala kang dapat ikabahala."

Akala ni Maia ay hahayaan na siya ni Einar dahil hindi na ito nagsalita ngunit sandali lamang pala iyon.

Narinig niya ang kalansing ng kampilan nito at sa tingin niya ay umupo ito. "Binibini, hindi po iyon ang aking ikinababahala. Paumanhin po ngunit akin pong tungkulin na tiyakin ang inyong kaligtasan. At kung may humahabol po sa inyo, o kayo ay nasa panganib, kailangan ko pong malamang kung sino iyon at kung ano po iyon upang---"

Tinaas ni Maia ang kaniyang kaliwang kamay na ang hintuturo lamang ang nakatayo. "Para sa iyong ikatatahimik, walang humahabol sa akin. Sabihin nalang natin na may nakita akong hindi ko nais makita." Binaba niya ang kamay habang iminulat ang isang mata upang tignan ang kabalyero. "At bilang iyong nabanggit ang iyong tungkulin, bakit hindi mo iyon gawin ngayon? Tiyakin mo na ako ay ligtas mula sa mga mata ng mga maginoong maaaring makakita sa akin."

Pumikit siyang muli at umayos ng upo bago dumilat muli at tinignan ang kabalyero. "Maliit na payo, simulan mo sa pagtago ng iyong mukha."

Tinanggal niya ang tingin dito at humalukipkip. Mabuti na hindi na ito nagsalita at tuluyan siyang nakapagpahinga.

Kung siya ay nasa dati niyang katawan, ang kaniyang tinakbo ay hindi magdudulot ng pawis o kahit kaunting pagod. Ngunit dahil ang katawang ito ay tila hindi na sanay kahit man lang sa mga simpleng paggawa ng mga gawaing bahay, hindi na nakapagtataka na halos habulin niya ang kaniyang paghinga.

Bumaba ang kaniyang tingin sa mga kamay ni Malika. Maputla at mapayat pa rin ito... at napansin niyang namumula ang mga palad nito dahil sa bayong na kaniyang dala.

Halos bumuntong-hininga siya. Mukhang marami-raming araw at malaking oras ang kailangan niyang ituon sa pagpapalakas ng katawan ni Malika. Sana lamang ay sapat ang natitira niyang oras na matulungan ito bago pa siya makaalis.

Lumipas ang mga sandali at nang tuluyang nawala ang pagod at sakit sa kaniyang mga binti at paa, nagpasya na siyang tumayo. Nagawa na niya ang mga kailangan niyang gawin sa araw na ito at mas makabubuti kung makauuwi na siya agad upang simulan ang pagpapalakas at pagsasanay sa katawan ni Malika.

"Binibini."

Napahinto siya sa pagtayo at inangat ang tingin kay Einar na sumunod sa kaniyang payo at nilagay ang talukbong ng suot nitong roba sa ulo nito, ang kanang kamay nito ay nakalahad sa kaniya upang siya ay tulungan sa pagtayo.

Makalipas ng isang segundong pagtitig niya sa malinis na palad nito, umiwas siya ng tingin at tumayo nang mag-isa. "Ako ay umupo sa maduming lugar, Gat Einar. Ayoko namang maipasa sa iyo ang dumi."

"Binibini? H-Hindi---Nagkakamali po---A-Ayos lamang---"

Hindi niya maiwasan ang pagtaas ng kanang dulo ng kaniyang labi at mapailing sa reaksyon ng kabalyero. "Huwag kang mag-alala, Gat Einar. Lubos kong nauunawaan." Itinuro niya ang bayong sa kaniyang gilid bago nagsimulang maglakad. "Ngunit kung nais mo pa rin na ako ay tulungan, maaaring iyon ay pakibuhat. Sa aking palagay ay malinis naman iyan."

"Binibini," Binuhat nito ang bayong at sumunod sa kaniya. "Kayo po ang aking inaalala. Wala pong kaso sa akin ang dumi."

"Kung iyan ang iyong sabi," walang emosyon niyang tugon habang tinitignan ang paligid.

Tila nais muling ipilit ni Einar ang paliwanag nito sa pagiging hindi nito maarte ngunit agad na itong pinigilan ni Maia na makapagsalita at binago ang usapan. "Gat Einar, paano mo pala nalaman na ako ay wala sa bahay nila Namar?"

Bumagsak ang mga balikat nito. "Nagising po ang anak ng mag-asawa at tinanong si Mang Namar kung sino po ang babae na kausap ng kaniyang ina. At dahil isang babae lamang po ang tinukoy ng bata, nagkaroon na po ako ng kutob na maaaring umalis po kayo nang mag-isa."

Nagpatuloy sa paglalakad si Maia at hindi na nagsalita. Hindi na niya tinanong kung bakit si Malika ang naisip nitong nawawala kaysa kay Mindy sapagkat sa pagitan ng dalawang babae, si Malika ang may reputasyon na bigla na lamang tumatakas. At sa pagkakataon na kung si Mindy ang lumabas, hindi maghihintay o uupo na lamang sa isang tabi si Malika hanggang sa makabalik ito. Hindi iyon ang kaugalian sa mundong ito dahil hindi maghihintay ang isang maginoo sa isang taga-silbi.

"Ang anak nila Yara... ay isang babae, tama ba?" tanong ni Maia sa kabila ng katiyakan niya na babae ang anak ng mga ito dahil sa mga uri ng laruan na kaniyang nakita sa sala ng tahanan ng mga ito.

"Opo, Binibini," magalang na sagot nito bago tila ay nabigla at lumapit sa kaniya. "Bakit po, Binibini? Kung... Kung tungkol po ito sa aking sinabi na ang anak nila Mang Namar ang dahilan kung bakit akin pong nalaman na kayo po ay nawawala, hindi po alam ng bata na---"

Halos umikot ang mga mata ni Maia sa nais nitong iparating. "Gat Einar, hindi ko alam kung anong mga bagay ang iyong naririnig patungkol sa akin ngunit hindi ako nananakit ng bata."

"Binibini, paumanhin po. Hindi po--"

Tinaas ni Maia ang kaniyang kaliwang kamay. "Tahimik."

Nang humingi ito ng paumanhin ay tinitigan niya ito at bumuntong-hininga. "Simula sa oras na ito, huwag kang magsasalita kung hindi kita kinakausap o nang wala ang aking pahintulot."

Tahimik na tumango ito at matapos iyon ay naglakad na si Maia patungo sa isang tindahan ng mga laruan na nakaagaw sa kaniyang atensyon kanina nang makalabas sa eskinita.

"Magandang umaga, Gin---iha," masiglang bati ng ale na nagtitinda. Nagsalit ang tingin nito sa kaniya at kay Einar. "Napakaganda at napakabatang mag-asawa! Para ba sa inyong anak---"

Bago pa magsalita si Einar at mabuko na isa siyang maginoo, siya na ang pumutol sa sinasabi ng ale. "Naku po, nagkakamali po kayo!" aniya sa masigla ring tinig. "Nakababatang kapatid ko po itong aking kasama."

Nabigla si Einar pati na ang ale at tila namula pa ang mga pisngi nito. "Naku, pasensya na. Hindi ko akalain... Hindi kasi kayo..."

Nag-alangang magsalita ang ale kaya si Maia na ang nagtuloy ng nais nitong sabihin. "Magkamukha?" Malapad siyang ngumiti. "Ayos lang po. Iyon ay totoo naman." Lumapit siya sa ale at bumulong. "Magkaiba po kasi kami ng ina."

Bumilog ang mata nito at pati na rin si Einar na lumapit sa kaniya at bumulong. "Binibini?"

Nakangiting nilingon niya ito. "Hindi kita kausap." Binalik niya ang tingin sa ale at nang makita na iba ang nasa isip nito ay nilinaw niya ang kuwentong nais niyang iparating. "Maaga pong namatay ang aking ina kaya kinailangan pong mag-asawang muli ng aking ama. Para rin po sa aking kabutihan."

Lumiwanag ang mukha ng ale nang mabatid na mali ang nasa isip nito ngunit bigla rin itong nalungkot. "P-Pasensya na. Marahil ay hindi naging madali sa iyo ang mga nangyari."

"Hindi niyo po kailangang humingi ng pasensya. Matagal naman na po iyon."

Ngumiti sa kaniya ang ale at bago pa mauwi sa hindi kumportableng katahimikan ang sitwasyon ay inalok nito sa kaniya ang mga laruan na tinda nito. "Kung gayon, anong uri ba ng laruan ang inyong hinahanap. Para kanino ba at maaaring matulungan ko kayo."

"Para po sa anak ng aking kaibigan," agad niyang sagot, ang mga ngiti sa kaniyang labi ay hindi pa rin nawawala. "Ano po ba ang sikat na laruan sa mga batang babae ngayon?"

Sandali nitong nilibot ang tingin sa tindahan bago inilapag sa kaniyang harapan ang isang manikang nakalagay pa sa kahon nito na mukhang bahay. May kasama rin itong maliit na suklay at salamin. "Eto, iha. Marahil ay hindi ka taga-dito at hindi mo alam ang laruang ito. Bumisita ka ba para sa pagdiriwang ng kaharian?"

Natigilan si Maia sa sinabi nito at isang maliit na tawa ang lumabas sa kaniyang bibig. "Uh... Opo." Nilingon niya si Einar na tahimik lamang na nanonood. "At binisita ko rin po itong aking kapatid. Medyo nag-aalala na po kasi ako sa kaniya. Hanggang ngayon ay wala pa ring ipinakikilala sa akin na babaeng nais niyang pakasalan."

"Bin---"

Tinapakan niya ang paa nito bago pa siya matawag na 'Binibini'. "𝘈𝘵𝘦," paglinaw niya dito bago muling tumingin sa ale. "Hilig niya po akong tawagin sa aking pangalan. At marahil dahil sa kaniyang ugali na ganoon kaya walang babaeng nagkakagusto sa kaniya. Isa pa po, bukod sa napakasungit, napakaseryoso pa. Hindi ko nga po alam kung paano ako haharap sa aming mga magulang kapag tumanda siyang mag-isa."

Bumuntong-hininga siya kasabay ng pagbilog ng mga mata ni Einar na nagpatawa naman ng malakas sa ale. "Naku, iha. Maaaring pihikan lamang ang iyong kapatid. Aba! Kung ako ay naging lalaki at may mukha na kagaya ng sa kaniya, magiging mapili rin ako sa aking mapapangasawa. Isa pa, marahil ay naghahanap lang din siya ng kasing-ganda ng kaniyang ate, hindi ba iho?"

Hindi mapigilan ni Maia na tumawa sa sinabi ng ale at pati na rin sa itsura ni Einar na namumula na ang buong mukha pati mga tenga, marahil ay hindi sanay na mapag-usapan nang harap-harapan ng dalawang babae.

"Kung gano'n, mukhang tatanda po talaga nang mag-isa ang aking kapatid sapagkat mahirap makahanap ng kasing-ganda ko."

Nagtawanan si Maia at ang ale at pagkatapos ay agad nang binili ni Maia ang laruan. May ngiti sa kaniyang mga labi habang nakaharap sa nakatatandang babae ngunit nang sila ay umalis ni Einar, agad na nabura ang mga ngiting iyon at lahat ng ekspresyon sa kaniyang mukha ay nawala.

"Binibini---"

"Ang lahat ng narinig at nakita mo kanina, kalimutan mong lahat."

Nagulat at napahinto sa paglalakad si Einar ngunit tahimik na sumagot, "M-Masusunod po, Binibini."

Makalipas ng ilang sandali ay sumunod muli sa paglalakad si Einar. Sa kabila ng kaniyang sinabi sa Binibini na kakalimutan niya ang mga nangyari kani-kanina lang ay hindi niya magagawa.

Ang lahat ng sinabi nito at ang mga kilos nito ay katulad na katulad sa mga sinasabi at kinikilos ng taong pinakamahalaga sa kaniya---na sa sandaling iyon ay akala niya ay kasama niyang muli ang taong iyon.

Humigpit ang hawak niya sa bayong na dala at doon niya napagtanto na nagbago na ang lahat. Hindi na siya ang batang puro kalokohan ang alam... At wala na sa kaniyang piling ang taong iyon...

Na limang taon na ang lumipas nang siya ay nagsimulang mamuhay nang mag-isa matapos kunin ng isang karamdaman ang kaniyang ate.

Ngunit sa unang pagkakataon simula nung araw na iyon, tila nabuhay muli sa kaniyang isipan ang mga alaala sa kapatid.

Tinignan niya ang likod ng Binibini sa kaniyang harapan. Ibang-iba, malayong-malayo ito sa lahat ng bagay na kaniyang mga narinig tungkol dito.

At siya ay napaisip kung ilang bagay pa na narinig niya tungkol dito ang hindi totoo.

Nächstes Kapitel