Sa isang baryo sa Pampanga noong sinaunang panahon, lahat ng mga tao ay may kanya-kanyang kaalaman sa kapangyarihang itim na kung tawagin nila sa kanilang wika ay KALAM. Ang KALAM ay isang malalim na salitang Kapampangan na ang ibig sabihin ay "The Gifted". Sa labis na pagkauhaw sa Kalam, magkakaroon ng matinding giyera sa kanilang lugar. Magpapalakasan ng kapangyarihan at mag-uubusan ng lahi para lang makuha ang lahat ng karunungang itim na nakapaloob sa Kalam. Dahil doon, nalagas ang lahat ng kanilang angkan at walang natira. Sa modernong panahon ngayon, may isa pang natitirang tao na taglay ang lahat ng Kalam. Siya si Father Mateo del Puero Salvador. At nagbabalak siyang ituro ito sa mga bagong Kapampangan. Ano kaya ang mangyayari kapag nabuhay muli ang kulturang ito sa panahon ngayon kung saan ang Kalam ay itinuturin na lamang sa kanilang lugar bilang alamat?
KATATAPOS lang mag-empake ni Alexander Soriano nang pumasok ang kanyang ina sa kuwarto. Ang dami pang mga nakakalat na gamit sa paligid na mukhang hindi na nila madadala pa.
"Handa na ba ang mga gamit mo?" tanong sa kanya ni Aling Ofelia.
"Naka-ready na po lahat ng mga dadalhin ko para bukas." Saka niya itinabi sa kama ang dalawang malalaking maleta na naglalaman ng mga damit nila.
"Sige. Mamayang madaling araw tayo aalis. Kailangan, wala na silang abutan dito pagsapit ng umaga," matapang na tugon ng matanda.
Napabuntong-hininga siya at nilapitan ang matanda. "Sigurado na po ba kayo sa desisyon n'yo?"
"Wala nang dahilan para manatili pa tayo rito, Alex. Wala na tayong pera. Baka makulong na ako sa dami ng utang ko. Hindi ko na alam kung paano pa babayaran ang renta rito. Kaya uuwi na tayo sa Pampanga, doon sa baryo namin. Doon na tayo maninirahan."
Tinalikuran na siya ng matanda. Papaalis na ito nang pigilan niya at hinawakan ang kamay. "Inay, s-sorry po," aniya saka iniyuko ang ulo. "Kasalanan ko po kaya tayo nagkakaganito."
"Huwag mong sisihin ang sarili mo. May mali rin naman ako, mas malala pa nga. Ang importante, hindi na dapat nila tayo abutan dito bukas ng maaga. Kaya maaga ka ring gumising, ha?"
"Sige po."
Iniwan na siya ng matanda. Nagbalik ito sa kusina para ituloy ang pagliligpit doon. Siya naman ay nagpahinga na sa kuwarto matapos gawin ang inutos nito na mag-empake ng mga gamit nila.
Nabaon na sa utang si Aling Ofelia. Nanganganib pa itong makulong dahil sa pagnanakaw na ginawa nito sa isang bahay na pinasukan nito bilang kasambahay.
Siya naman ay hindi na makalabas ng bahay dahil sa pagtatago matapos ding pagnakawan ang sariling amo sa kanilang trabaho. Dahil dito, hirap na siyang makahanap ng matinong trabaho na may mataas na suweldo.
Ang dami pa naman nilang mga utang na dapat bayaran. Bukod pa rito ang mga gastusin nila sa araw-araw na hindi na niya alam kung saan kukunin.
Kaya para takasan ang lahat ng mabibigat na problema, nagdesisyon ang matanda na umuwi na lang sila ng probinsiya. Bukod sa may sarili silang bahay roon ay makakalayo rin sila sa mga pinagkakautangan dito.
Kahit si Alex ay hindi na alam kung paano pa maaayos ang lahat. Kaya naman ang pagtakas na gagawin nila ang tanging solusyon na napagkasunduan nila ng ina-inahan.
Dito, umaasa siyang makapagsisimula ulit sila ng panibagong buhay. Hindi na lingid sa kanyang kaalaman kung gaano kahirap ang buhay sa probinsiya. Pero mas mabuti na ring nandoon sila, kaysa naman sa lagi na lang nagtatago dito sa Maynila dahil sa dami ng mga kasalanan nila.
Pero hindi ang kahirapan nila ang dahilan kung bakit sila napadpad dito sa Maynila. Isang masaklap na nakaraan ang nagdala sa kanila rito na ilang beses na ring kinuwento sa kanya ni Aling Ofelia.
Sanggol pa lang siya nang ipamigay siya ng tunay niyang ina na si Charito sa kaibigan nitong si Ofelia. Nakiusap ito na ilayo siya sa kanilang lugar na sa mga panahong iyon ay nasa ilalim ng matinding kaguluhan.
Kaya naman napilitan si Ofelia na manirahan dito sa Maynila upang tuluyan siyang mailayo roon. Mahigpit din ang bilin dito ng tunay niyang ina na huwag na raw siyang ibabalik doon kahit kailan.
Ayaw na raw nitong malaman niya ang tungkol sa lagim na bumabalot sa kanilang baryo. Kaya naman mula noon, si Ofelia na ang kinilala niyang ina.
Pero ngayon, dahil sa mga nangyayari sa kanilang buhay, kinakailangan na nilang bumalik sa probinsiya para magtago at magbagong-buhay.
Nais na rin niyang makita ang kanyang ina at malaman kung ano na ang kalagayan nito roon. Mula kasi nang lumuwas sila rito, wala na silang balita kay Charito.
Naging mailap na rin ito sa kanila. Maging kay Ofelia ay hindi na rin ito nagparamdam kaya pati ang matanda walang kaalam-alam kung ano na ang ganap dito ngayon.
Nasasabik siya at kinakabahan sa parehong pagkakataon. Hindi niya alam kung ano ang magiging kalalabasan ng pagkikita nila ng tunay niyang ina. Matatanggap pa ba niya ito matapos siya nitong ipamigay?
Hindi niya alam. Hindi niya masabi. Kung siya ang tatanungin, may kaunting sama siya ng loob sa ina dahil hindi man lang siya nito nagawang ipaglaban sa kabila ng mga hirap na pinagdaanan.
Nandoon na 'yung nasa gitna ng gulo ang baryo nila noon kaya ito napilitang ilayo siya. Ngunit bakit naman kailangan pa siya nitong ipamigay? Kung puwede namang silang dalawa na lang ang lumayo roon at lumuwas dito sa Maynila.
Bakit kailangan pa siyang ipasa sa ibang tao? Iyon ang isang bagay na kahit si Ofelia ay hindi rin maintindihan. Maging ito nga ay nasasabik at kinakabahan sa muling pagkikita nila ni Charito.
Ah, basta. Bahala na lang bukas. Masyado na siyang napamahal kay Ofelia at hindi na niya alam kung magkakapuwang pa ba sa kanyang puso ang tunay niyang ina. Dumagdag pa ito ngayon sa mga nagpapabigat sa kanyang isip at kalooban.
Naging tahimik ang kanilang pagtakas pagsapit ng madaling araw. Sinigurado nilang walang kapitbahay ang makakakita sa kanila.
Wala na rin silang mga mabibigat na gamit doon gaya ng pridyider, TV, bentilador at mga lamesa dahil binenta na nilang lahat noong nakaraang linggo pa lang. At ang perang nalikom nila sa pagbenta ng mga mamahaling gamit ang gagamitin nila para makauwi sa Pampanga.
"Inay, magkano pa natira sa atin?" tanong ni Alex habang lulan na sila ng bus. Nasa bandang dulo sila na paboritong puwesto niya.
"Nasa 20,500 pa. Bakit, Nak?"
"Ah, wala naman po. Ano ba ang gagawin natin d'yan kapag nandoon na tayo?"
"Siguro ipangpupuhunan ko na lang ito roon. Magtatayo ako ng maliit na negosyo para kahit papaano may kita tayo. Siyempre babahagian ko rin ang nanay mo kung sakaling nandoon pa siya. Hindi naman natin siya puwedeng kalimutan."
"Sige po, Nay. Ako naman baka doon na lang din ako maghahanap ng trabaho. Kahit ano lang papasukin ko na. Siguro naman walang nakakakilala sa akin doon at hindi na malalaman ang mga atraso ko rito."
"Aba siyempre naman walang makakakilala sa atin doon. Basta huwag ka lang mag-apply sa malaking mga trabaho dahil baka doon ka nila ma-trace. Pero sigurado ako wala ka rin namang mapapasukang matino roon. Mahirap lang ang bayan natin. At kung papasok ka ng trabaho na malaki ang suweldo, kailangan mo pang bumiyahe sa malalayong lugar sa Pampanga. Para ka na ring nagpunta sa Maynila no'n."
"Okay lang 'yun, Nay. Kahit kargador lang 'yan o tagabalat ng sibuyas papatulan ko na. Ang mahalaga magkapera din ako para may naibibigay ako sa inyo."
Napahawak ang matanda sa kanyang kamay. "Salamat, Anak. Pasensiya ka na rin kung tinuruan kitang magnakaw. Wala rin kasi akong ibang mapagpipilian noon, lalo na't bagong salta lang ako rito sa Maynila. Kaya napilitan akong magnakaw para lang mabuhay kita."
"Huwag n'yo na pong isipin 'yon. Ang mas mahalaga ngayon ay puwede tayong makapagbagong-buhay doon sa probinsiya."
"Pag nakabalik na tayo roon, siguradong magkikita na rin kayo ng tunay mong ina."
Matipid na tawa ang pinakawalan niya. "Ewan ko po. Hindi ko alam kung ano pa ang sasabihin ko sa kanya. Basta ako, kayo pa rin ang kinikilala kong ina."
Tumango na lang ang matanda na may ngiti sa mga labi. Maging ito ay hindi na alam ang isasagot doon.
Natulog na muna ito sa kinauupuan. Habang siya naman ay nilibang ang sarili sa pagtanaw sa bintana habang nakikinig ng audio podcast sa Hilakbot TV channel.
Mahigit isang oras ang nakalipas bago sila nakarating sa Apalit. Doon sila sumakay ng jeep patungo sa Masantol.
Isang oras din ang itinagal ng biyahe.
Pagkababa pa lang nila sa Plaza ng Masantol, pinagkaguluhan na sila ng mga wheeler na naghahanap ng pasahero.
"King palengki mu, adwa," anang ina niya sa driver gamit ang wikang Kapampangan.
Habang nasa wheeler sila, iginala niya ang paningin sa paligid. Hindi na siya gaanong nanibago roon kahit ito ang unang pagkakataon niyang makauwi sa sariling probinsiya.
Wala naman kasing ibang makikita roon kundi ang mga bagong tayong building, tindahan, iskuwelahan, compuer shop at grocery stores. Sa Plaza ay makikita ang malaki nilang simbahan. Sa paligid niyon ay ang nakahilerang mga vendor ng mani, fishball, kalamares at pritong atay.
Isang tipikal na tanawin lang iyon na karaniwan na ring makikita sa mataong lugar nila sa Maynila. Ang ine-expect niya kasing makita ay tahimik na lugar, mga lumang kabahayan, matataas na damo, puno at mapuputik na lupa, gaya ng karaniwang hitsura ng ibang mga probinsiya.
Ngunit dito sa bayan nila sa Pampanga, ibang-iba ang hitsura at ambience ng lugar. Parang Maynila rin sa dami ng mga bagong tayong infastructures. Mukhang mahusay ang pamamalakad dito ng lokal na gobyerno kaya ganoon kaunlad ang lugar.
Pagkarating nila sa palengke, doon naman sila sumakay ng motor patungo sa baryo nila sa Cambasi.
"Nanu pung gawan yu karin?" tanong sa kanila ng driver, na ang ibig sabihin sa Tagalog ay "ano ang gagawin n'yo roon".
Ina niya ang sumagot. Sinabi nitong doon talaga sila nakatira at ngayon ay uuwi na. Nagtanong muli ang driver kung kailan sila huling umuwi roon. Sumagot naman muli ang kanyang ina at sinabing 23 years.
Bumase ito sa kung anong edad siya inilayo rito at dinala sa Maynila. Bagong panganak pa lang siya noon nang mawalay na sa sariling probinsiya. At ngayon pa lang siya nakabalik dito kung kailan beinte tres anyos na siya.
Bakas ang takot sa tinig ng driver nang malaman iyon. Wala pa rin siyang maintindihan sa mga sinabi nito dahil Kapampangan ang ginagamit nilang salita. Kahit kailan kasi, hindi pa siya naturuan magkapampangan ni Ofelia.
Pero isa lang ang naintindihan niya sa mga iwinika ng driver, ang salitang "delikado". Noon pa man ay marami nang kinukuwento sa kanya ang matanda tungkol sa pagiging delikado ng kanilang baryo.
Marami kasing mga mangkukulam at mambabarang na nakatira dito. At habang tumatakbo ang panahon ay padami pa raw nang padami ang mga tao rito na natututong gumamit ng itim na kapangyarihan dahil na rin sa impluwensiya ng mga nilalang na ito.
At ang tawag sa mga nilalang iyon ay Kalam. Isa iyong malalim na salitang Kapampangan na tumutungkol sa mga taong may kakaibang kapangyarihan o kakayahan. Sa madaling salita, "the gifted".
Marami raw mga taong may Kalam sa kanilang baryo. Kabilang na rito ang mga Mangkukulam at Mambabarang.
Habang nasa biyahe sila, napilitan na siyang magtanong sa ina kung ano pa ba ang mayroon sa baryo nila.
Ayon dito, ang Baryo Cambasi ay matagal na raw naging tila isolated. Hindi na raw ito sakop ng lokal nilang gobyerno dahil hawak na ito ng mga makapangyarihang mangkukulam.
May sarili nang sistema, pamahalaan at ekonomiya ang Baryo Cambasi. Bagamat independent at isolated na sila, hindi pa rin sila ganap na nahihiwalay sa mapa ng Masantol dahil nakagitna sila roon.
Kaya naman pilit na lang umiiwas ang mga tao na magpunta roon lalo na kung walang mahalagang pakay dahil masyado nang delikado sa lugar.
Nagkalat doon ang mga taong may itinatagong Kalam. At karamihan sa mga ito ginagamit sa masama ang kapangyarihan.
"Doon sa baryo natin, kahit sarili mong kapitbahay hindi mo puwedeng pagkatiwalaan," sabi pa ng matanda na nagpadagdag sa takot na naglalaro sa kanyang dibdib. "Pati nga sarili nilang pamilya, minsan pinagtataksilan pa sila dahil lang sa Kalam. Kaya kung doon ka lang siguro lumaki, wala ka ring ibang pagkakatiwalaan kundi ang sarili mo," dagdag nito.
"Kaya nga sobrang hirap ng buhay namin doon ng Nanay Charito mo. Kaming dalawa lang kasi ang naging magkakampi. Ngunit dahil sa gulong nangyari noon kung saan tuluyang sinakop ng mga masasamang mangkukulam ang lugar, maraming dugo ang dumanak. Inagaw na kasi nila sa gobyerno ang baryo. Kaya nga kahit mga pulis at opisyales ay hindi na nagpupunta roon. Natatakot na rin sila sa mga taong may Kalam doon," kuwento pa nito.
Bigla tuloy napaisip si Alex. "Ibig sabihin po ba no'n, may Kalam din kayo ni Nanay Charito?"
Saglit na natigilan ang matanda. Pero hindi na rin ito naglihim sa kanya. "Isa akong Lagayan noon. Ganoon din ang Nanay mo. Pareho lang kami."
"A-ano po ang ibig sabihin n'on?"
"Mamaya pagdating natin, doon ko na ikukuwento sa `yo ang lahat. Mas mabuti sigurong malaman mo na ang tungkol sa makulay at magulong mundo ng mga taong may Kalam. Para maihanda mo rin ang sarili mo sa baryo na papasukin natin."
Natigilan si Alex. Hindi niya alam kung masasabik o kakabahan ba siya roon.
Hindi pa man tuluyang nakakapasok sa Baryo Cambasi ay huminto na ang driver sa gilid ng daan. Hanggang dito na lang daw ang mga motor at hindi na puwedeng pumasok doon.
Kaya naman kinuha na rin nila ang mga maletang nakasabit sa taas at nilakad na lang nila ang patungo sa Baryo. Mahigit limang minuto ang inabot nila bago iyon tuluyang narating.
Sinalubong si Alex ng makakapal na punong nasa paligid na tila humaharang sa liwanag ng araw kaya medyo may kadiliman doon. Sa kabilang dako ay nakatayo ang malaking street sign na ang nakasulat, "Kontrol".
Naglakad pa sila hanggang sa marating ang tulay patungo sa sakayan ng mga bangka. Sakop pa iyon ng Kontrol. Doon ay maliwanag na dahil wala nang mga puno sa paligid. Ang sumalubong naman sa kanila ay mga basurang nagkalat sa gilid ng tulay.
Ganoon pala ang hitsura ng baryo nila. Napakatahimik at halos lahat ng bahay sa paligid ay makaluma. Iba rin kung tumitig ang mga taong nadaanan nila. Para bang binabasa ng mga ito pati kaloob-looban ng kaluluwa nila.
Habang nakasakay sa bangka, dinig pa ni Alex ang ilang mga tambay sa paligid na nag-uusap sa wikang Kapampangan.
Labis siyang nanibago lalo na't hindi pa naman siya marunong niyon. At mukhang mahihirapan siyang mag-adjust agad doon.
"Nay," biglang tawag niya sa matanda na nasa harapan niya.
"Bakit, anak?"
"Sana maturuan n'yo rin po ako ng Kapampangan. Mukhang mahihirapan akong tumira dito dahil wala akong maintindihan sa mga sinasabi nila."
Natawa ang matanda. "Walang problema iyon. Tutulungan naman kita, saka dito na rin naman tayo titira kaya makakabisado mo rin 'yan."
Tumango na lang siya at nanahimik sa kinalalagyan. Habang hindi pa sila tuluyang nakalalayo, napasulyap siya sa gitna ng mga tambay na nasa paligid nila.
Sa di kalayuan ng mga ito, isang lalaking nakasutanang itim ang nakita niya. Napamulagat siya sa gulat nang makitang wala itong ulo!
TO BE CONTINUED…