"Kypper tignan mo ito oh," masayang ipinakita ni Mino ang hawak niyang isang pambatang kasuotan sa batang hawak-hawak ko ngayon. Agad kong nakita ang tila tuwa sa mata ni Kypper dahil nagustuhan niya ang kulay asul na damit. Nahihiya pa siyang tumango kay Mino na agad iniabot sa tindero ang damit upang ilagay sa sisidlan atsaka kumuha pa ng iilan.
Kung kanina nang kami ay naglalakbay ay binalot namin ng kasuotan si Kypper ngayon naman ay ang suot niyang pambaba ang tanging tumatakip sa kaniyang katawan. Nandirito na kami sa kabayanan na nasa labas ng sinasakupan ng kaharian ng Calixtas. Muli kaming nakasuot ng kasuotan ng mga mangangalakal upang maikubli ang aming mga sarili.
Agad kong binayaran ang mga nabiling damit na pambata ng tuwang-tuwa si Mino na hindi nakapag-antay at isinukat ang una niyang nakuha sa sisidlan kay Kypper na hindi naman nahihiyang mahubaran dahil wala pa naman itong malisya. "Uy! Ang gwapo mo tignan," agad na puri sa kaniya ni Mino. Sa totoo lang hindi ko maiwasan na hangaan si Mino dahil sa ginagawa niyang ito sa bata.
Tila ba tunay siyang ama ng bata. Kanina pa man sa paglalakbay namin paalis sa nagyeyelong gubat ay panay ang tanong nito kay Kypper kung nilalamig ba siya upang mas madagdagan ang kaniyang pangontra sa lamig. Kinukwentuhan niya din ito ng mga kwentong may kinalaman sa mga lobo na nabasa niya daw sa mga libro. Karamihan dito ay tinatawanan lamang ni Kypper dahil hindi naman daw totoo ang iba dito.
"Mama?" agad akong napatingin kay Kypper nang marahan niyang hilahin ang aking kasuotan. "Bagay ba?" tila nahihiya niyang usal sa akin habang nakatitig sa akin ang mga asul niyang mata. "Oo naman! Magkasing kisig kayo ni papa," agad kong saad sabay inayos ko ang kaniyang buhok. "Makisig pala ako sa paningin mo," agad akong napatingin kay Mino na agad namang nag-iwas ng tingin.
"Oo naman!" agad kong saad at agad siyang napatingin sa akin habang nakaawang ang kaniyang labi. What's with that reaction? Totoo naman talaga na makisig siya sa aking paningin at walang saysay ang itanggi pa iyon. Ilang segundo kaming natigilan ngunit kapwa napahawak si Mino at si Kypper sa kanilang tiyan dahil sabay ito na tumunog na tanda na gusto na nilang kumain.
Para na talaga silang mag-ama. "Mauna na kayo doon! May bibilhin pa ako saglit," saad ko sa kanila sabay turo sa isang kainan na may iilan na din na pumasok. Kapwa sila nagtakbuhan patungo sa aking itinuro at bahagya pa akong napangiti dahil muntik pang madapa si Mino sa isang bato dahil sa pagmamadali.
"Ingatan mo ang alaga mo," agad akong napatingin sa tinderong nagsalita na hindi man lang nakatingin sa akin. Agad na tumalim ang aking paninitig sa kaniya dahil sa kaniyang tinuran. "Ano ang nais mong puntuhin?" madiin kong saad. "Asul ang kaniyang mga mata binibini. Nangangahulugan na isa siyang anak ng alpha. Maraming magnanasa na mapasakamay nila ang ganiyang uri ng lobo," makahulugan niyang saad sa akin.
"Talamak na ngayon ang bentahan ng mga lobong may kulay asul na mga mata," marahan niyang saad habang iniaayos ang nawala sa pagkakatupi na binebenta niyang kasuotan. "Bakit nila kailangan ng mga lobong kagaya niya," seryoso kong saad sa kaniya at agad siyang tumingin sa akin. "Kinukuha nila ang mga mata at ibinebenta sa mahal na halaga dahil sa paniniwalang ang kung sinuman ang magkaroon nito ay maaaring mamuno sa isang grupo ng mga lobo kung saan nakabilang ang lobong kinuhaan ng mga mata".
Ilang minuto pa ay nakapasok na ako sa loob kainan kung saan pumasok kanina si Mino at ang bata. Hindi ko na kinaya pang tagalan ang pag-uusap na mayroon kami ng tindero. Agad kong nakita si Mino na tila naghihinatay habang nakapatong naman ang baba ni Kypper sa lamesa na para bang malungkot. Anong nangyari sa dalawang ito?
Agad akong lumapit kahit na sobrang hirap kumilos dahil sa dami ng mga bampira at nilalang na naririto. Halos lahat ng pabilog na lamesa ay may mga nakapwesto at kumakain. May mga mangangalakal din na katulad ng aming kasuotan at may mga kababaihan din na tagapagbigay ng aliw. Nang makalapit na ako ay agad na umupo nang maayos ang dalawa.
"Bakit hindi pa kayo nagpaunlak ng makakain," agad kong tanong. "Hindi ako marunong om-order dito," mahinang bulong sa akin ni Mino at agad akong napasapo sa aking noo. Oo nga pala! Hindi niya alam ang lakaran sa ganitong kainan. Agad akong kumuha ng nakahanda ng piliian ng pagkain at kinuha ang panulat sabay binilugan ang mga nais kong kainin.
Agad kong kinatok ng tatlong beses ang lamesa at agad na may lumitaw na bampira sa aking tabi. Nakasuot ito ng pulang uniporme habang nakalugay ang napakahaba nitong buhok. Magalang niyang kinuha ang nabilugan kong pamimilian ng pagkain at agad na naglaho. Ilang minuto pa ay nasa aming harapan na ang mga pagkain.
Hindi na nagpaawat pa ang dalawa at nagpabilisan na silang sumubo at kumain. Samantalang kanina ko pa inaalerto ang aking sarili habang humihigop ako ng mainit na sabaw. Kanina ko pa nararamdaman ang pagpasada ng mga titig sa aming lamesa ngunit batid kong wala sa amin ni Mino ang kanilang pakay.
Mukhang mahihirapan kaming makalabas sa bayan na ito na walang magtatangka sa amin. Batid kong karaniwang mga bampira lamang ang aming mga kasama sa kainan na ito at wala silang mahika na katulad ng sa amin na mga maharlika ngunit hindi ako maaaring gumamit dahil hindi pwedeng matuklasan na nandirito ako.
Agad akong nag-usal ng isang dasal at lahat ng mga halaman na nasa loob ng kainan na ito ay tila aking naging tenga. Mabuti na lamang at sa bawat lamesa ay may maliit na paso na may nakatanim na kulay pulang halaman. "Balita ko mortal daw ang kapareha ni Prinsesa Vreihya," agad kong rinig sa nasa kabilang dulo na lamesa. Isang tinig ng babae habang narinig ko ang pagtawa ng kausap niyang lalaki.
"Nasisiraan na ba ng bait ang prinsesa na iyon? Bakit siya makikipagpareha sa isang pagkain," tila nangmamaliit niyang pahayag. Inilipat ko naman ang aking pandinig sa katabi nitong lamesa dahil walang patutunguhan kung papakinggan ko pa sila. "Asul ang mga mata ng batang iyon. Ihanda mo ang ating mga kasama. May pagkakakitaan na tayo," agad na rinig kong saad ng isang lalaking may garalgal na tinig. "Paano kung manlaban ang dalawang mangangalakal na kasama niya?" saad naman ng kasama nito na may matinis na boses.
"Dudukutin din natin ang kanilang mga mata at ipapakain natin sa mga buwitre," mayabang nitong saad sabay kapwa sila tumawa nang nakakaloko. Agad akong napangisi. Kayang-kaya ko silang kitlin kahit hindi na ako gumamit pa ng mahika. Ilang minuto pa akong nakinig sa ibang mga lamesa ngunit wala na akong nakuha pa na ibang impormasyon.
"Bakit hindi ka kumakain?" agad na tanong sa akin ni Mino na nakayuko lamang nang husto dahil hindi niya nais na makilala siya dahil kailangang tanggalin ang harang niya sa mukha upang makakain siya. Ganoon din naman ang aking ginagawa. "Mino magdahan-dahan ka sa pagkain. Hindi sanay ang tiyan mo sa ganiyang pagkain," babala ko sa kaniya ngunit nagpatuloy lamang siya sa sunod-sunod na pagsubo.
At dahil hindi siya nakikinig sa akin ay makailang ulit na kaming napapatakip sa aming ilong ni Kypper dahil kanina pa naglalabas ng masamang hangin si Mino. Kasalukuyan kaming naglalakad ngayon sa isang kagubatan palabas ng bayan at patungong Calixtas. "Iyan ang sinasabi ko sa'yo Mino. Utang na loob ilabas mo na 'yan!" iritable kong pahayag habang sapo-sapo na niya ang kaniyang nag-aalborotong tiyan.
"Is there any comfort room here? Taeng-tae na ako!" parang naiiyak niyang saad sabay sinapo niya ang kaniyang puwitan na para bang may lalabas na doon kahit anong oras. "Utang na loob prinsesa! May sumisilip na!" nahihirapan niyang saad sabay pinag-krus niya ang kaniyang mga hita upang pigilan ang sinasabi niyang sumisilip na.
"Kypper? Samahan mo nga si papa na dumumi sa may malapit na ilog?" agad kong pakiusap sa bata na siyang pinipigilan na matawa dahil sa kalagayan ni Mino. Agad na lumapit si Kypper at hinila ang laylayan ng kasuotan ng parang mahihimatay ng Mino. "Sundan mo ako papa," magalang lamang niyang saad habang nanghihina siyang sinusundan ni Mino. Sapo-sapo niya pa din ang kaniyang puwitan at tiyan na parang pinipigil ang kung anumang lalabas dito.
Nang makalayo na sila kahit papaano ay agad akong humarap sa isang malaking puno. Isang ngisi ang namutawi sa aking mga labi. "Lumabas na kayo diyan!" malakas at madiin kong sigaw sa mga nilalang na kanina ko pa nararamdaman na nakasunod sa amin. Agad kong naramdaman ang pagtakbo nang mabilis ng isa nilang kasamahan patungo sa direksyon nila Mino.
Ngunit agad na nanlaki ang mga mata nito nang bigla akong sumulpot at humarang sa kaniyang dadaanan sabay sipa sa kaniya nang malakas na siyang nagpabulusok sa kaniya pabalik sa malaking puno na tinataguan ng kaniyang mga kasama.
Agad siyang napasuka ng dugo sabay nagsilabasan na din ang lima pa niyang kasama. Kanya-kanya silang labas ng kanilang matatalim na punyal. "Ibigay mo na lamang sa amin ang alaga mong lobo!" agad na saad ng lalaking garalgal ang boses. Isang ngiti ang namutawi sa aking labi. "Kapag tinamaan niyo ako ng kahit isa! Sa inyo na ang alaga ko," mayabang kong saad sabay kanya-kanya silang tawa.
"Isang babaeng mangangalakal! Napakataas naman ng tingin mo sa iyong sarili," agad na saad sabay tawa ng lalaking may matinis na boses. "Pagkatapos naming makuha ang lobo ay tiyak na pagsasawaan namin ang katawan mo," agad na sabing muli ng lalaking garalgal ang boses sabay dinilaan niya ang kaniyang punyal.