webnovel

CLOSE MINDED

*FLASHBACK*

"Ina? Ina? Asaan ka?", nanginginig kong sigaw gamit ang aking musmos na tinig. Muli na naman akong napaiyak dahil sa kirot na aking nararamdaman sa aking dibdib. Literal itong tila napapaso sa hindi ko maintindihan na kadahilanan.

"Ina! Hindi ko na kaya!", mangiyak-ngiyak kong pahayag habang mas lalong tumitindi ang pagkirot nito. Ramdam ko na din ang matinding takot at kaba. Pagdating sa matitinding karamdaman ay hindi ko talaga kayang makatiis nang matagal. Sa mumunti kong mga palad ay sinapo ko ang naninikip kong dibdib. Hindi na naman ako makahinga nang wasto dahil tila maging ang aking daluyan sa paghinga ay hinaharangan ng kung ano.

Lalo itong lumalala kada araw dahil dati ay kaya ko lamang na hindi ito indahin nang todo ngunit ngayon ay halos ikamatay ko ang tila ba paninikip nito sa tuwing ito ay titibok.

" Vreihya! Iha! Huminahon ka", rinig ko ang sigaw ni Ina kahit nasa malayo pa man siya. Ramdam ko ang kaniyang bilis ngunit hindi rin mahinahon ang kaniyang tinig. Batid ko na matindi ang nararamdamang kaba ng aking maaalalahanin na Inang reyna.

Mabilisang pumasok sa silid si Ina. Agad niyang binuhat ang musmos kong katawan palayo sa sahig. Siyam na taong gulang pa lamang ako ngunit tila nais akong kitlin nang maaga ng tadhana. Hindi nakatakas sa akin ang panginginig ng katawan ni Ina ngunit pinipilit niya na ipakita sa akin na hindi siya nakakaramdam ng kaba.

"Ina! Masakit na Ina! Ano bang nangyayari sakin?", naguguluhan at nahihirapan kong tanong sa kaniya. Hindi ko nauunawaan ang aking kalagayan at kung bakit ako lamang ang bampirang nagkakaganito samantalang ang iba kong kalaro at may katulad na edad na mga bata ay wala namang karamdaman.

Patuloy lamang ako sa pag-iyak habang yakap-yakap na niya ako sa kaniyang bisig. Tinatapik ni Ina ang aking pisngi kasabay nang unti-unting panlalabo ng aking paningin. Tila tinatakasan ako ng lakas at buhay.

"Vreihya, nagsisimula ng hanapin ng katawan mo ang nilalang", ang makahulugan na saad ni Ina na hindi ko lubos na maintindihan. Ano ang hinahanap ng aking katawan?

"Ina, pakiusap gumawa kayo ng paraan. Hindi na ako makakatagal", lumuluha kong sabi sa kanya. Totoong nakakamatay ang nararamdaman ko ngunit wala akong balak na magpatalo dito dahil hindi ko maaaring iwan ang aking Ina. Ako lamang ang natatangi niyang anak at alam ko na magdurugo ang kaniyang puso kapag nawala ako nang maaga.

"Hanapan ninyo ako ng lunas. Pakiusap!", pagmamakaawa ko sa aking mahal na Ina.

"Hindi ko magagawa anak. Siya lamang ang tangi mong lunas", malungkot na saad nito. Agad akong nagtaka sa kaniyang tinuran. Sinong "siya" ang kaniyang tinutukoy? Hindi nagtagal ay narinig ko na din ang kaniyang mga hikbi na siyang lalong nakadaragdag sa sakit na aking nararamdaman.

"Ano ba itong karamdaman ko Ina?", kahit nanghihina ay nagawa ko pa din magtanong sa kaniya. Nais ko ng kasagutan ngayon na dahil pakiramdam ko ay mahaba na ang aking pagtitiis na walang nakukuhang sagot.

"Wala ka pa sa hustong gulang upang maintindihan ang lahat!", mabilis nitong usal sa akin.

Muling naalarma ang aking Ina nang mapasigaw ako sa matinding kirot. Kasabay ng pagtulo ng aking mga luha ay ang pagliwanag ng aking dibdib at naglabas ito ng pulang liwanag. Lalo akong natakot. Hindi ko alam ang gagawin. Kasabay nang lalong pagtingkad ng liwanag ay ang lalong paghapdi ng aking dibdib.

"Ina!Ina! Pakiusap! Natatakot na ako!", nanginginig ang aking mga labi habang sinasabi ko ang mga iyon. Sinabayan pa ito nang malakas na hagulgol. Mas higit niya akong niyakap dahil halos mahulog ako sa bisig niya dahil sa tindi ng kirot.

"Ina! Ina! Tama na pakiusap! Tama na!", paulit-ulit ko na pagmamakaawa sa kaniya na parang umaasa ako na may kaya siyang gawin upang maibsan ang lahat ng sakit na aking nararamdaman. Halos hindi ko na marinig ang nasa paligid dahil sa pagtindi ng sakit. Lalo akong kinilabutan nang nahaluan na ito ng itim na liwanag.

"Ina! Ina!", tawag kong muli sa kaniya na may kasama nang matinding takot at kaba. Tanging sigaw ko na lamang at pagwawala ang siyang umaalingawngaw sa silid.

"Vreihya!", agad kong narinig ang boses ni Tiyo na mabilisang pumasok sa aking silid. Nakita ko kung paano ako salubungin ng nag-aalala niyang mga mata.

"Alonzo! Pakiusap! Huwag mong sabihin na ngayon na ang araw! Musmos pa lamang si Vreihya! Huwag sa araw na ito", takot na pahayag ng aking Ina kay Tiyo habang naramdaman ko ang pagbuhat sa akin Tiyo palipat sa kaniyang bisig.

"Kung ngayon na hinihingi Zaliah ay wala na akong magagawa", mabilis at nag-aalala nitong sagot sa aking Ina na hindi mapanatag. Agad kong narinig ang hagulgol ni Ina. Habang hindi na ako makagalaw at tila ba nanigas na ang aking katawan. Tila nanunuyot ang buo kong katawan.

Kung kanina lamang ay malakas ang aking pag-iyak ngayon ay tila tinakasan ako ng tinig. Hindi na muli pang umalingawngaw ang aking pag-iyak. Nagsimula na akong matulala habang nadarama ko ang paglawak ng liwanag sa aking dibdib. Nagsisimula nang manlabo ang aking paligid at hindi na ako makagalaw ng tuluyan.

"Vreihya! Makinig ka sakin iha. Kung sakaling may pwersang humihila sayo ay sumama ka iha. Huwag mong labanan dahil ikakamatay mo lamang kung magtatangka ka", mabilis na paalala sa akin ni Tiyo habang tangan ako ng kaniyang mga bisig. Tila nilalamon ako ng liwanag na kanina pa nagbibigay sakin ng kirot. Dahan-dahan akong umiling dahil hindi ko gustong magpatalo. Hindi ako papayag na magpatangay sa kirot na ito dahil natatakot ako sa pwedeng mangyari.

"Vreihya! Kailangan mong gawin dahil kung hindi ay baka mamatay ka!", malakas ang pagkakasabi ni Tiyo dahil matindi na din ang kaniyang pag-aalala. Sa tuwing nilalabanan ko ay lalong sumisiklab ang kirot mula sa puso ko. Hindi ko kaya! Natatakot ako!

"Anak! Pakiusap! Sumunod ka na lamang at huwag kang lalaban!", pakiusap ng aking Ina at dahil dito ay hinayaan ko na lamang kung anong pwersa ang humihila sakin. Unti-unting naging matingkad na asul ang kanina lamang na pulang liwanag na may kahalong itim.

Unti-unti kong naramdaman ang paglamig ng paligid habang nawawala sa aking pakiramdam ang mga bisig ni Tiyo dahil sa ang nararamdaman ko ay tila lumulutang ako nang dahan-dahan. Hanggang sa wala na akong nakita at naramdaman na kahit anong kirot.

Ilang sandali pa ay nablangko ako. Hanggang sa muli kong naramdaman ang banayad na hangin na tumama sa aking kasuotan. Naramdaman ko sa aking likuran ang malambot na mga damo. Nawala rin ang kirot na halos kumitil ng aking buhay. Tila pumayapa ang paligid at nanumbalik ang aking lakas. Hindi nawala ang pagtataka sa aking isip sa kung paano ay bigla na lamang naglaho ang sakit at takot sa aking dibdib.

"Ina? Tiyo?", nagtataka kong usal pero tila ata walang nakikinig sa akin. Agad akong napatayo sa aking pagkakahiga sa malambot na damuhan. Sumambulat sa akin ang isang malawak na damuhan na may matatayog na mga puno. Asan ako? Hindi pamilyar sa akin ang lugar na ito.

"Ina!", natatakot kong tawag sa kaniya at nagsimula na namang mamuo ang aking luha dahil hindi ko sila makitang dalawa ni Tiyo. Pano mangyayari ang lahat ng ito? Pano ako napunta dito? Anong nangyari?

Sinubukan kong ilibot ang aking paningin at pawang matatayog na puno ang bumusog saking paningin. Masyadong berde at mapayapa ang paligid na siyang gusto ko sa isang lugar. Tila nakakapawi ng pagod at mga alalahanin.

Nang idako ko ang aking paningin sa aking likuran ay agad akong namangha sa aking nasilayan. Isang malaking tahanan ang aking nakita at kakaiba ang disenyo nito sa mga bahay na nakita ko na sa aking paglaki sa aming kaharian.

Agad akong napaangat ng tingin sa ikalawang palapag nito at doon ko nasaliyan ang isang batang lalaki. Ngunit kakaiba ang kasuotan nito kung ikukumpara sa mga kasuotan na nakasanayan ko. Asan ba ako? Bakit ganito ang paligid na sadyang malayo sa aking nakasanayan.

Sa aking kapangyarihan ay malinaw ko siyang nakikita kahit sa malayong distansya namin. Kung ako ang tatanungin ay napakaganda niyang nilalang. Perpekto ang hugis ng kaniyang ilong at mapupula ang kanyang mga labi. Hindi ko maintindihan kung bakit sa mura kong edad ay ito ang pumapasok sa aking isipan gayong kakakita ko lamang sa kanya.

"Mommy!", agad akong nabigla nang malakas itong napasigaw habang sapo-sapo nito ang dibdib. Nahulog mula sa kaniyang pagkakahawak ang libro na kanina pa niya binabasa. Agad akong napapitlag nang makita ko ang pula at itim na liwanag sa kanyang dibdib na katulad ng sa akin. Mabilisan kong iniangat sa mga damo ang aking mga paa. Sa aking mumunting hangin ay nagawa kong mapunta sa bintana.

Halos matakot ako nang nakahandusay na sya sa sahig habang nakakasilaw ang liwanag sa kaniyang dibdib na katulad ng sa akin. Hindi na siya magkamayaw sa pag-iyak. Alam na alam ko kung gaano kasakit ang nararamdaman niya ngayon. Ramdam na ramdam ko ang bawat kirot dahil sa padalas nang padalas ko na itong maranasan na wala pa ding kasagutan.

"Mommy!", muli nitong tawag habang hindi niya napapansin na nasa likuran lamang niya ako. Hindi na niya alam kung anong gagawin at halos mapuno ng kanyang pag-iyak ang buong silid. Kung iisipin ay kaedaran ko lamang ito kaya naman isang katanungan ang bumagtas sa aking isip na kung ang lahat ba ng siyam na taon ay nagkakaganito?

Lahat ba kami ay nakakaranas nito? Kung oo ay bakit ito nangyayari sa amin at ano ang maaring lunas? Hindi ko na kayang titigan pa siya sa kanyang paghihirap. Agad ko siyang pinaharap sakin at agad siyang napatingin sa akin na may halong pagkabigla.

"Sino ka?", may kahalong takot ang kaniyang katanungan. Hindi ko nagawang sagutin ang kaniyang katanungan dahil agad akong umupo sa tabi nang nakahiga nitong katawan.

"Pareho tayo ng karamdaman!", inosente kong sagot sa kanya na tila ba hindi ko pinansin ang kaniyag pagkagulat. Basta ang alam ko lamang ay naiintindihan ko ang kaniyang karamdaman at gusto ko samahan siya upang mapakalma ko siya gaya na lamang ng ginagawa ni Tiyo at ni Ina sa tuwing makakaramdam ako ng kirot.

"''Huwag kang mag-alala.. Gagaling din tayo", nakangiti kong paalala sa kaniya. Bibigyan niya sana ako ng kapalit na ngiti ngunit napapitlag ito nang muli na namang kumirot ang nagliliwanag niyang dibdib. Sa aking kapangyarihan ay inangat ko sya sa ere at ipinatong sa kanyang higaan. Masyadong matigas ang kanilang sahig at baka hindi na siya komportable pa kaya kailangan ko siyang mailipat.

Agad namang nanlaki ang kanyang mga mata at tila natatakot na napatingin sa akin. Agad na kumunot ang aking noo dahil sa ekspresyon na ibinato niya sa akin.

"Bakit gulat ka? Tila yata ngayon ka lang nakakita ng kapangyarihan", nagtataka kong tanong sa kanya. Naramdaman ko ang pagbilis ng pintig ng kaniyang puso na tila kabadong-kabado at maging ang kaniyang pamumutla ay akin ding napansin.

Bakit ganiyan siya umasta? Tila natatakot sya sakin na hindi ko naman maintindihan. May nakakatakot ba sa itsura ko? Sabi naman ni Ina ay walang papantay sa aking kagandahan. Madalas din naman na maraming mga batang lalaki ang nahuhuli kong nakatingin sa akin na may paghanga kaya bakit siya ay tila takot ang nararamdaman?

"Isa kang hali-", agad niyang naputol ang kanyang nais sabihin ng para na syang nilalamon ng liwanag. Agad akong naalarma sa nangyayari sa kaniya. Ganito pala ang nararamdaman nila Ina at Tiyo sa tuwing dadalawin ako ng karamdaman na ito. Ganito pala ang pakiramdam na walang magawa at maitulong.

"Kumalma ka! Magiging maayos ang lahat", pagpapakalma ko sa kaniya. Agad kong hinawakan ang nanlalamig niyang mga kamay na sinuklian naman niya nang mas mahigpit na paghawak ngunit bakas pa rin ang sakit sa kanya. Hindi ko nais ipahalata na natatakot na ako at baka mas lalo lamang siyang maiyak.

Kaya naman sa aking musmos na kaalaman ay agad kong nilapitan ang kaniyang mukha at hinandugan siya nang simpleng halik sa mumunti niyang labi. Ramdam ko ang kaniyang pagkatulala at pagkagulat ngunit sabi ni Ina na sa tuwing nasasaktan si Ama ay isang halik ang kaniyang ibinibigay at mapapawi raw ang sakit. Ito lamang ang sadyang alam kong gawin, hindi ba iyon epektibo?

Nang lumayo ako sa kaniya ay tsaka ko unti-unting natanaw ang pagkawala ng liwanag sa kaniyang dibdib. Ngunit may iba akong naramdaman na tila nabigyan ako ng lakas. Masaganang nanalaytay ang aking dugo at sa pagkakataon na maglapat ang aming mga labi kanina ay nakaramdam ako ng hindi ko maipaliwanag na ginhawa. Agad akong nagulat sa gaan ng aking pakiramdam. Nagsisimulang uminit ang aking mata na hindi ko maintindihan.

Hindi ko na rin makontrol ang paglabas ng aking mga pangil at tila sasabog ako sa tindi ng lakas ng nararamdaman kong kapangyarihan. Agad akong napatakip sa aking mga pangil. Bakit sila umaakto ng ganito? Agad akong napatayo papalayo sa kaniya nang may pagtataka. Ano ang nangyayari?

Agad siyang napatayo sa pagkakahiga at gulat na napatingin sakin. Pareho na kami ngayong nagbabatuhan nang naguguluhang mga tingin.

"Ano ang ginawa mo sakin? Bakit ako nagkakaganito? Ano ang nangyayari?", natatakot ko na sabi sa kaniya. Anong mahika ang ginawa niya sa aking katawan. Isa ba siyang babaylan? Isa ba siyang salamangkero?

"Isa kang halimaw! Your eyes! Nagbabago sila ng kulay! You're a monster! Monster!", buong lakas nitong sigaw sakin. Agad kong naalis ang pagkakatakip sa aking bibig dahil nagdurugo na ang aking mga palad dahil sa natusok ito ng pangil ko. Agad umagos ang masaganang dugo mula sa aking mga palad. Agad siyang nabalot ng sindak sa kaniyang nakikita at nagsisimula ng matuluan ang aking puting kasuotan na burda pa ni Ina para sa akin.

"Halimaw! Halimaw ka!", takot na takot nitong sabi sa akin na agad na nagpaluha sa akin dahil sa kaniyang pagsigaw. Bakit siya ganyan? Wala akong ginagawang masama at hindi naman ako masama kaya bakit siya matatakot?

"Lumayas ka! Halimaw!", buong lakas nitong singhal na siyang higit na nagpaiyak sakin. Bakit kailangan niyang maging matapang sa akin, hindi ko naman siya sinugatan o ginasgasan man lang.

"Hindi tayo tanggap ng mga tao Vreihya! Hindi natin sila kauri", agad na pumasok sa aking isip ang sinabi ni Ina at tsaka ko lamang napagtanto kung nasaan ako ngayon. Ngayon ko naintindihan kung bakit ganiyan ang kaniyang reaksyon. Sa aming mundo, ang mga bampirang hindi pa nababasbasan ng Dyosa ng buwan ay wala pang kakayahang malaman kung tao o isang kauri ang nasa harapan kaya naman hindi ko nabatid kaagad kung ano siya.

"Mommy! Daddy! There's a monster in my room!", malakas nitong sigaw habang nanginginig niyang itinuturo sa akin ang kaniyang hintuturo. Agad kong narinig ang malalakas at mabibilisan na yapak papaakyat sa hagdan at halos magtatambol ang puso ko nang makita ko ang isang lalaki na may hawak na bagay na siyang itinutok niya sa akin habang ang kaniyang kasama na babae ay balot ng sindak.

"Leave my son alone! Hindi ako papayag na kunin niyo sya! Mga kampon ng demonyo!", agad na singhal ng lalaki na siyang may hawak ng kung anuman na ngayon ko lamang nakita. Hindi na ako ganoon kawalang ideya upang hindi malaman na Ama siya ng batang lalaki na mabilisang kinuha ng kasama pa niyang babae paalis sa kama na kanina lamang ay kaniyang kinapupwestuhan.

Agad akong naiyak dahil mahina ako at hindi ko alam ang gagawin. Ina! Tiyo! Natatakot na ako! Asaan na kayo!

"Hindi ko po kayo sasaktan", mahinahon kong saad sa kanila at nagsimula na akong humakbang papalapit. Ngunit nagulat ako ng maglabas ng ingay ang bagay na hawak niya at tsaka ko naramdaman ang pagtama ng bagay na lumabas dito sa aking tiyan. Agad na umagos ang masaganang dugo at nakaramdam ako ng panibagong kirot.

Pano nila nagagawang manakit ng simpleng bata lang? Wala naman akong ginawa na masama sa kanila. Hindi ko sinaktan ang kanilang anak at hindi ko alam kung bakit naisip nila na kukunin ko siya. Napadpad lamang ako dito at agad-agad na nila akong tinawag na halimaw.

Sila ang tunay na mga halimaw. Mga mapanakit! Mga sarado ang isip at tumatalon kaagad sa konklusyon! Isa lamang akong bata!

Muli kong narinig ang ingay mula sa bagay na hawak niya ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na ito tumama sakin dahil sa hinugot akong muli ng asul na liwanag palayo sa mga mapanakit na tao.

Mga halimaw! Mga mapanakit na nilalang!

Kailan man ay hindi ko gugustuhin ang mga tao!

Sarado ang kanilang pag-iisip!

Nächstes Kapitel