Emery Joule was hated and got bullied for being different from the norms of the people around her. So, she changed herself, not to fit in but to hide. One of the things that she dislikes is attention. But then a strange man came into her life and made her believe about the things that never even crossed her mind. Strangely, no matter how hard she hides, this man always has his eyes on her. Always! Paano kung mangyari sa totoong buhay ang pinapangarap mong love story katulad ng nababasa mo sa libro at napapanuod sa TV? Is real love stories are sweeter than fiction? Or bitter than reality? • a novel about love, self-love and trust •
Simula
Maaga akong umuwi galing sa paaralan dahil nag text ang aking Kuya Elias na maraming dalang tela ang Nanay mula sa tahian kung saan siya ume-extra.
Pagkabihis ng pambahay ay tumungo ako sa banyo dala ang suklay para suklayin ang mahaba kong buhok. Buong araw itong nakaterintas kaya malamang na kulot na naman ito. Ayaw pa naman ni Nanay na tinatali ko sa ganong estilo ang aking buhok dahil nakakasira daw iyon.
Gustuhun ko mang sundin iyon, sadyang mainit lang talaga kanina sa klase. Mahigit animnapu ba namang estudyante ang pagkakasyahin sa maliit na silid, e, talagang mainit!
Para tuloy naming nae-experience ang pa-free trial sa impyerno kanina.
"Ate, pangit ba ako?" Tanong ko kay Ate Elvira habang nakatitig sa aking repleksyon sa bilog na salamin ng banyo.
Bigla ko lang naalala 'yung kaklase kong sinabihan akong pangit. Isa raw akong connect the dots na naging tao. Wala naman nang bago sa insultong iyon. Kung tutuusin hindi ko mailalagay sa kategoryang insutlo iyon dahil tinawanan ko lang. Kapag ikukumpara ko 'yun sa dating tawag sa akin, walang-wala iyon!
Tinignan ko ang repleksyon ni Ate Elvira sa salamin. Abala ito sa pagsusulat sa manila paper. Marahil nagpapa-report na naman ang teacher nila sa araling panlipunan bukas.
Iisang public school ang pinapasukan namin ni Ate Elvira pero mas maaga siya sa aking umuuwi. Grade 12 na ang Ate samantalang Grade 11 naman ako. At tulad ko, wala rin siyang kaibigan. Hindi naman alintana kay Ate ang kawalan ng kaibigan. Dahil aniya'y hindi naman daw siya pumasok sa eskwela para maghanap ng kaibigan. Pumapasok siya para matuto at magtapos.
Tulad ko, ganon din naman ang prinsipyo ko. Pero syempre, ang isip ng mga kaidaran namin ay sa pakikipagkaibigan umiikot ang mundo. Na sikat ka kapag marami kang kaibigan. Na para bang naakyat mo ang Mount Everest kapag ikaw ang pinaka maraming kaibigan sa eskwelahan.
"Ate?" Nakanguso akong humarap at lumapit sa kanya. Nakatayo lamang ako sa tapat niya, nagiintay ng sagot.
"Hindi ka pangit." Wala sa sariling sagot niya na hindi ako tinitignan.
Normal lang naman na iyon ang sabihin niya dahil mag kapatid kami. Ganon din naman ang palaging sinasabi ni Mama; na maganda ako.
Being different doesn't make you less of a person. Siguro nga. Pero sa kinalakihan kong mundo, hindi ganon.
Ano bang basehan para masabing maganda ka? Paano mo ba masasabi na maganda ang isang tao? Kapag matangos ang ilong? Maputi at makinis ang kutis? Matangkad o sexy? Kapag ba naiiba ka sa tao sa paligid mo, ibig sabihin ba no'n ay pangit ka?
I was born different. Meron akong heterochromia. Ang bilugan kong mata ay magkaiba ang kulay. Parehas na mapusyaw pero sa kaliwa ay green at sa kanan naman ay blue. Marami din akong freckles sa pisngi, ilong at kaonti naman sa bandang noo.
Ang sabi ni Mama ay espesyal na bata ako at tanging espesyal na tao lamang ang binibiyayaan ng ganoon. Noong bata ako, pakiramdam ko super hero ako. Ang astig astig nang tingin ko sa aking sarili. Sila Mama at tatlo ko pang kapatid ay brown ang mga mata.
Nagbago lang ang paniniwala kong iyon noong nag Grade 6 ako. Naging tampulan ako ng tukso. Sinasabi nila na kampon daw ako ng demonyo at isinumpa raw ako. Dumating pa sa punto na napalayas kami sa probinsya namin sa Quezon dahil kumalat ang balita na mangkukulam ang aming pamilya. May narinig pa ako na binenta raw ni Mama ang kanyang kaluluwa kay Satanas at ako ang naging bunga.
Buong akala ko noong lumipat kami sa Maynila ay magbabago ang aming buhay. Kasi ang akala ko ay mas malalawak silang mag-isip kung ikukumpara sa aming baryo na limitado ang kaalaman. Ngunit mali na naman ako. Mas malala pala sila...
Hindi nila kami pinatahimik sa chismis at palagi pang napapaaway ang mga kapatid ko dahil lang sa pagtatanggol sa akin. Nalaman kasi nila ang dating trabaho ni Mama noong dalaga pa siya.
Dati kasi siyang dancer sa bar sa Clark, Pampanga. Kung saan naka base ang mga ibang lahing sundalo. Totoo namang iba-iba kami ng tatay. Half-Australian ako. Si Ate Elvira na sumunod sa akin ay half-Japanese. Si Ate Erial ay half-Jamaican. Tanging ang panganay sa aming si Kuya Elias ang purong Pilipino.
Kahit na iba-iba kami ng ama, hindi naman iyon kabawasan ng respeto sa isang tao. Mas dapat pa ngang i-respeto ang mga single mom na kinayang itaguyod ang kanilang anak kahit mag-isa.
Lalo sa sitwasyon ni Mama, tatlo kami, nag-iisa lang siya. Kung hindi lang naman dahil sa akin, sana hindi na kami nag palipat-lipat ng bahay. Pero hanggang ngayon ay tinutukso pa rin nila ako. Kami.
Hindi dahil sa mata ko, kundi sa buong pamilya namin. Natuto na rin kasi akong magsuot ng contact lens simula noong lumipat kami rito. Para makaiwas sanang tukso. Subalit mas malala pa ang mga naririnig ko.
Anong masama kung iba-iba ang tatay namin? Ang dami nga riyan na pinapalaglag ang kanilang anak masabi lang na malinis sila. Proud na proud ako kay Nanay! Kahit na bali-baliktarin ang mundo, siya pa rin ang pipiliin kong maging ina. At ang mga kapatid ko pa rin ang gugustuhin kong maging kapatid. Ako ang bunso kaya alagang-alaga nila ako.
Kahit na dagdag gastusin pa ang contact lens ko, ginagawan pa rin nila ng paraan dahil gusto nilang lumaki akong normal, 'yung hindi lalaitin dahil naiiba. Hirap na sila pero ni minsan ay hindi ko sila kinakitaan ng kapaguran.
"Alisin mo na kasi iyang contact lens mo. Mas maganda ka kapag blue at green ang mata mo kesa sa itim. Boring tignan." Ani kuya Elias na kakapasok lang ng bahay.
Hindi ko narinig ang pagdating niya. Ang lalim kasi ng iniisip ko tungkol sa bagay na iyon. Kung mapapansin nila na iba ang mata ko, baka ako na lang ang pag chismisan nila hindi na si Nanay?
Naupo si Kuya sa kahoy naming sofa at pinatong ang itim na lumang bag sa kanyang tabi. Sinandal ang kanyang likod at bumuntong hininga.
"Nakauwi ka na pala, Kuya..."
Nilingon ko ang Ate Erial na pupungas-pungas na lumabad mula sa kwarto, bagong gising.
Sumimangot si Kuya. "Oh, kakagising mo lang? Hapon na, ah! Ano pang itutulog mo niyan mamaya? Wala na."
Tumawa ako. "Si Ate Erial pa sinabihan mo niyan. E, lagi namang inaantok 'yan." Sambit ko.
Humagikgik si Ate Elvira na tapos na sa pagsusulat. Tumulong ako sa pagtitiklop ng manila paper para makadaan si Ate Erial. Maliit na paupahan lamang itong aming tinitirhan. Masikip para sa malalaki at apat na tao ang apartment na pang tatlong tao lang.
Sa tatlong taon na paninirahan namin dito ay palagi naming daing ang kable ng kuryenteng nakausli sa gilid ng bahay. Wala pa namang insidente nangyayari, pero maganda nang maingat. Pabulok na ang kisame at butas na rin ang bubong. Katapat lang namin ang bahay ng may-ari pero wala itong pakialam.
Kung magdadagdag daw kami ng isang libo sa upa, saka niya ito ipapaayos. Hirap kami sa buhay kaya nag t-tyaga na lang kami rito. Manicurista, labandera at mananahi ang ilan sa trabaho ni Nanay. Kapag naman may natitira pa siyang oras ay naglilinis siya ng bahay ng mga mapepera sa skwater naming lugar.
Minsan napapaisip ako kung paano niya iyon nakakaya. Sa pampublikong paaralan kaming tatlo pero pumapasok pero kinakapos pa rin.
Huminto sa pag-aaral si Kuya Elias nang matapos siya sa High school Kaya suma-sideline siya sa pagiging barker ng jeep o car wash boy sa kabilang barangay. Ang alam ko ay nagco-contruction worker din siya. Samantalang si Ate Erial na iskolar sa pampulikong kolehiyo ay singer sa bar.
"Eli! Eri! Paki bukas ngang gate at marami akong bitbit!" Sigaw ni Nanay na kinakalampag ang bakal na gate.
Sabay kaming lumingon sa bintana. Palabas na sana ng pintuan si Ate Elial nang may nagbukas na ng gate para sa kanya.
"Andito ka na naman, Cielo? May araw pa! Mamaya ka na manligaw kay Kuya." Pabirong ani ni Ate Elial.
Matalik na kaibigan ng Ate Elvira si Ate Cielo. Mga sampung hakbang lang ang layo ng bahay niya sa gate namin. Siya lang din ang nakakaalam ng totoong kulay ng mata ko.
"Gaga!" Si Ate Cielo nang makapasok sa sala.
Sumunod na pumasok ang Nanay. Nagmano ako pagdaan niya. Umupo si Nanay sa tabi ng Kuya, hatak-hatak ang malaking supot na pula at puti.
"Ano po 'yan?" Kunot noong tanong ko habang iniisa-isa ang laman ng bag na bitbit niya.
"Pinakyaw ko kanina sa tahian ni Aling Gina. Sayang naman kaya ibebenta ko na lang. Pwede ko 'yang gawing basahan." Tuwang tuwa si Nanay sa pag tiklop ng mga iyon.
Nakahinga akong maluwag at hindi niya napansin ang kulot at nakasabog kong buhok. Naupo ako sa sahig at tumulong na rin. Humabol ang aking paningin kay Ate Cielo na malapad ang ngisi kay Kuya.
"Bakit ka nandito? Mangongopya ka 'no?" Paratang ni Ate Elvira.
Naglaho ang ngisi nito at binalingan si Ate Elvira, umismid. "Loka! May iaalok lang ako sa'yo!"
Tumaas ang isang kilay ni Ate, "Ano?"
Katulad ko ay nakikinig din si Nanay at mga kapatid ko sa dalang mensahe ni Ate Cielo. Bumuntong hininga ako at tamad na tumingin sa kanya.
"Ano ba iyon, Ate? Sabihin mo na kaya!" Angil ko.
Humalukipkip siya at pabirong umirap sa akin. "Isinali kita sa beauty contest sa barangay!"
Tumaas ang gilid ng labi ko. "Seryoso ka, 'te? Pangit mga freckles ko. Si Ate Erial na lang..." Nag kibit balikat ako.
"Kutis labanos ang kailangan nila hindi kape. Kaya pasok ka!"
"Aray ko po! Bastos talaga 'yang bibig mo, eh!" Si Ate Erial.
"No offense meant sadyang honest lang ako." Sabay baling muli ni Ate Cielo sa akin, bumalik ang ngiti niya. "Ano? Sali ka ha! Sure win ka roon! Fifteen kiyaw ang premyo! Ano aarte ka pa?"
Ngumuso ako. "Pangit ako, Ate..."
"Pangit? Sinong nagsabing pangit ang kapatid ko at uupakan ko?" Si Kuya Elias na bigla na lang pinatunog ang kamao animo'y manununtok.
"Lahat sila...." bulong ko.
"Sino? Yung mga pangit mong kaklase? Inggit lang sila! Palibhasa mukha silang mababaho! Pakitaan mo kasi ng makulay mong mata. Ewan ko na lang!" Si Ate Elvira.
"True! Ako nga andaming naiinggit sa akin, e. Palibhasa mas maganda ako sa kanila!" Segunda ni Ate Erial.
Nagtawan kaming lahat pati na rin si Nanay. Pagkatapos magtiklop ay naghanda na kaming hapunan. Napansin na ni Nanay ang buhok ko. Napagalitan pa tuloy.
Ako ang nag-saing. Nagluluto si Nanay ng adobong baboy. Nakinuod na rin akong TV kasama sila Ate at Kuya. Isang habang upuang kahoy lang ang meron kami kaya sa sahig na ako naupo, katabi si Kuya Elias.
"MJ! Bilhan mo naman akong laurel kay Ate Josie. Kumuha kang bente diyan sa ilalim ng picture frame." Utos ni Nanay mula sa kusina.
Napakamot ulo ako. Ang ganda-ganda na nung eksena sa pinapanuod ko, eh! No choice. Kinuha ko ang bente sa nasabing picture frame at patakbong lumabas ng bahay. Sakto commercial! Kapag binilisan ko baka maabutan ko pa 'yung palabas! Medyo malayo nga lang 'yung tindahan kaya mas binilisan ko ang takbo.
"'Te Josie, pabili akong laurel! Isa lang." Kinalampag ko 'yung tindahan niya, busy din sa panunuod kaso sa kabilang network naman.
"Pabili!"
"W-wala, MJ! Doon ka sa bakery meron!" Pagtataboy niya, titig pa rin sa TV.
Wala? E, nasa ulunan niya nga 'yung supot ng laurel! Tsk. Huminga akong malalim at nagpalumbaba sa patungang gawa sa yero.
"Ate Josie, pabili na! May hinahabol akong palabas, eh!" Nagpapadyak-padyak na akong paa sa kakamadali.
Kinapa niya 'yung supot ng laurel at iniabot sa akin, nasa TV pa rin ang mata. Pagkaabot niya ng sukli ay matulin na akong tumakbo. Natigil lamang ako nang may humatak sa braso ko. Si Kuya Elias pala!
"Samahan mo muna ako. Sabay na tayo umuwi."
"Kuya, nanunuod ako!" Sumimangot ako.
Mapangasar na ngumiti si Kuya at hinatak ako pabalik sa tindahan ni Ate Josie. Humalukipkip ako.
"Ano ba kasing pinabili ni Nanay?" Nakanguso ako, naiinis.
"Sprite." Sagot niya.
"Malaki o maliit?" Sumapaw si Ate Josie. Sinulyapan ko siya, tapos na pala 'yung pinapanuod kaya pala maayos na kausap.
Ibig sabihin tapos na rin 'yung pinapanuod ko kasi parehas lang naman sila ng oras. Kainis naman! Wala pa naman akong pang comp shop, 'di ko mapapanuod 'yung nangyari kanina!
"Yung malaki na po."
Paalis na kami ni Kuya Elias nang may kumusyong naganap. Nagkakagulo ang tao, nagtatakbuhan at nagsisisigaw. Nagkatinginan kami ni Kuya. Kumapit ako sa braso niya. Bigla na lang akong kinabahan.
Napatingin ako sa kaibigan ni Kuya na si Peter, humahangos papalapit sa amin at tagaktak ang pawis. Hinigpitan ko lalo ang kapit. Tinignan ko ang Kuya na nag igting ang panga.
"Hoy! Elias! MJ!" Sigaw niya, humawak siya sa kanyang dibdib at naghabol ng hininga.
Nanlalamig ang kamay ko. Hinaplos ni Kuya ang kamay ko.
"Elias! si Erial... Si Elvira! Si..."
"Ayusin mo 'yang sinasabi mo! Ano!" Ramdam ko ang panginginig sa boses ni Kuya.
Kumalabog ang dibdib ko. Natatakot ako sa sasabihin ni Kuya Peter. Hindi kaya...
Humingang malalim si Kuya Peter at tumindig ng diretso, "Yung bahay niyo nasusunog! Na-trapped sa loob mga kapatid at nanay mo!"
Sa sandaling iyon ay pagkabasag ng bote ang tanging narinig ko. Tinakasan akong lakas at nanlabo ang paningin dahil sa luhang umagos palabas ng aking mata. Hindi na ako nilingon pa ni Kuya at kumaripas na ng takbo pabalik sa bahay.
Kung kaya ko lang ibalik ang oras katulad ng pagbalik ko sa pahina ng paborito kong libro, gagawin ko. Ilang milyong ulit kong gagawin! Pero... hindi naman libro ang buhay ko.
Wala ako sa libro. Wala ako sa teleserye at hindi rin ako ang bida sa kwentong ito.
Ito ang masaklap na katotohanang kailangan kong tanggapin. Na sa tunay na buhay, wala naman talagang happy ending...
__________________________________________
NOTE:
There are errors such as typos, grammatical & loopholes you might encounter. However, I hope you still support and like this story! Please, bear with me.