webnovel

There's always a first person (b)

Kristin

"Anong oras na, Ma?"

Kalmado ang boses ko at payapa ang aking mukha dahil ayokong ipahalata na ang mga numerong isasagot ng Nanay ko ay maaaring gumising sa natutulog ko pang diwa. Na kung hindi man ito papasa sa gusto kong sagot, tatakbo ako papunta sa banyo namin sa loob ng isang segundo lamang, na tatlong tabong tubig lang ang ibubuhos ko sa katawan ko at wala ng shampoo-shampoo dahil ilalaan ko na lang sa pagtotooth-brush dahil mas mahalaga ito kaysa sa magiging amoy ng buhok ko, at ang pinakamasakit, hindi na naman ako makaka-kain ng almusal bago man lang sana pumasok sa trabaho.

"seven-thirty-"

Nangigigil kong kinagat ang labi ko kasabay ng paggalaw ng mga paa ko papunta sa banyo, at dito na tuluyang nagising ang diwa ko.

"Ma naman, kanina niyo po sana sinabi sa akin."maktol ko kay Mama kahit nasa loob na ako ng banyo habang dali-dali kong binuksan ang gripo.

"Kita mo, ako na naman ang sinisisi mo. Sino kaya sa ating dalawa ang bigla na lang nakipag-usap tungkol sa pagsasalita ng English."sagot sa akin ni Mama sa labas ng banyo.

Sa tingin ko deretso narin ang pag-iisip ko ngayon dahil naisip ko kaagad na kunin ang toothpaste at toothbrush ko para linisin na ang ngipin ko habang hinihintay kong mapuno ang timba.

Ano ba kasi ang pumasok sa isipan ko at biglang ko na lang nabanggit ang pagsasalita ng English. Tapos dumagdag pa ang ML--teka hindi ko magagawang sisihin ang laro na dahilan kung bakit patuloy parin akong nabubuhay sa mundong ibabaw. Kung bakit hindi ko pa iniwan ang aking katawang tao at bumalik sa abo-

"One, two, three....AH!!!!!!!"hindi ko mapigilang isigaw ang salitang nagpapahayag ng panlalamig ng aking katawan. Ang tubig na mas malamig pa kaysa sa yelong tig-tatlong piso na binebenta sa tindahan diyan sa harapan.

"Ang lamig! Kaya ko ito!"isa pang buhos ng tubig at isa pang sigaw ng paghihirap ko sa loob ng banyo.

Tinapos ko ang paliligo ko sa walong tabong tubig, dalawa sa mukha, tatlo sa baba, at tatlo rin sa kabuuan. Ang sabi ko nga hindi ako magician para matapos ang paliligo ko sa tatlong tabong tubig lang. Pero sana kahit ang abilidad lang na ito ang ibigay sa akin. Amen.

"Hindi ka na ba talaga kakain?"tanong sa akin ni Mama, hindi ko na ito pinansin at dumeretso na ako sa pintuan. Pinulot ko ang hindi ko na makilalang puting sapatos na binigay pa sa akin ng kumadre ni Mama noong nagtapos ako ng kolehiyo.

"Kahit isang subo lang. Para naman may laman ang tiyan mo, siguradong wala ka na namang oras para pakainin rin ang sarli mo."

Nagmamadali kong itinali ang magkabilang sintas ng sapatos ko pagkatapos kong isinuot ito. Alam kong tumutunog sa gutom ang tiyan ko at alam ko rin na swerte na lang ako mamaya kung makakain ako ng tama sa buong araw. Pero para bang segundo ang bawat minuto na lumilipas kaya hindi ko magawang sundin ang pagsusumamo ng tiyan ko.

Kinuha ko na backpack ko at akmang lalabas na ako sa bahay namin ng tawagin ako ni Mama na kahit araw-araw niya akong sinesermunan, hindi niya parin maiiwasan na mag-alala kung nakaka-kain parin ba ako ng maayos sa isang araw. Ganoon yata ang mga Nanay, pinapakita nila ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pagsalungat sa lahat ng ginagawa o iniisip ng kanilang mga anak.

"Kristina."humarap ako kay Mama na may tuwa sa aking mga mata. Na nagpapasalamat ako sa pag-aalala niya sa aking kalusugan, na sa ganitong mga paraan niya ipinapakita ang pagmamahal niya sa akin. Sa ganitong isipin, wala na akong pakealam kung mahuli man ako sa trabaho.

"Ma, salamat pero mas wala akong oras ngayon-"

"Yang tuwalya na nasa buhok mo, baka mawala mo pa 'yan. Minana ko pa 'yan sa lola mo. Sinasabi ko sayo, hindi basta-basta ang burda niyan."

Matagal kong tinignan si Mama at awtomatikong lumitaw ang naiinis kong ngiti sa kanya na lalong uminit ang ulo ko ng sinuklihan niya. Tinanggal ko kaagad ang tuwalya na nakabalot pa sa buhok ko at pinakita ko kay Mama.

"Ito ba?"tumango sa akin si Mama at mas lalong ngumiti, "Iyan nga."

Binitawan ko na ito, nalaglag sa sahig, parang pagkatalo ko kay Mama.

Binuksan ko ang zipper ng backpack ko at kinapa ang panali ng buhok habang nakangiti parin ako kay Mama.

"Nasapian yata ako kanina, Ma."

"Bakit mo naman nasabi?"

"Bigla ko kasing naisip na kay buti niyo pa lang, Nanay."umiling sa akin si Mama.

"Hindi sa nasapian ka anak, wala ka talaga sa tamang katinuan ngayong araw. Tignan mo mag-aalas-otso na nandito ka parin sa harapan ko."

Tumawa ako sa sinabi ni Mama, "mag-aalas-otso na pala."tapos tumawa ako ulit, bakit ba? Gusto ko dahil mukhang mawawala talaga ako sa tamang katinuan.

Sa wakas, nakapa ko narin ang panali, isa ring pasanin ng buhay ko. Tinali ko na ang buhok ko at ngumisi ako kay Mama.

"Mag-aalas-otso na ba talaga, Ma?"kalmado kong tanong kay Mama. Tumango siya sabay turo sa orasan namin.

Hindi ko na tinignan ang orasan namin dahil mas mabilis pa sa train ng Japan ang paglabas ko sa bahay namin. Wala na akong pakealam kung sino mang matataas na nilalang ang nakakasalubong at nababangga ko sa mataong kalye namin. Ang mahalaga ay makarating ako ng takdang oras sa trabaho ko.

Pero napatigil rin ako dahil nanlumo ako ng makita ko ang mga estudyanteng naghihintay rin ng jeep sa labasan ng kalye namin.

"Friday na ngayon, imposible namang may quiz kayo sa school ninyo."pasimple kong saad ng makalapit ako sa kumpol ng mga estudyante.

"Wala pong friday-friday sa professor namin, Ate."sagot ng nag-iisang accounting student sa kalye namin.

Ah, napatango ako kaagad. "kung ganoon bilisan mong sumakay sa jeep mamaya, para makarating ka ng maaga sa school niyo at makapagreview ka pa."

Tumingin ako sa relo ko, critical na talaga ang kalagayan ko ngayon kaya't sinunod ko ang tatlong highschool students.

"Kayo? Siguradong may activity lang sa school ninyo ngayon."

"Opo, Ate Kristin. Sasali nga po ako sa poster-making contest."

"Sa quiz-bee naman po ako, Ate."

Pilit akong ngumiti sa dalawa, "anong reward naman kung mananalo kayo?"

"Cellphone po Ate pero imposible naman po kaming manalo. For grades lang po talaga."

"For grades."nasabi ko na lang.

Sino ang papaki-usapan ko sa mga estudyanteng ito kung lahat naman sila ay may mahalagang gagawin sa school nila. At kung makikipag-agawan ako sa pagsakay sa jeep mamaya, anong klase kong nakakatanda sa kanilang lahat?

Haha. Nakakagulat na mabuti parin pala talaga akong tao.

Sinulyapan ko ulit ang relo ko, bakit ba ang bilis-bilis mo kapag umaga pero nagiging pagong ka naman kapag magtatanghali na't mag-gagabi? Anong problema mo sa akin, hah? Mag-kaaway ba tayo? Hindi ba kita inaalagaan? Halos maging buhay na nga yata kita. Sumagot ka?-

"Ate."

"Uhm."baling ko sa mga estudyanteng nasa tabi ko na lahat sila ay nakatingin sa akin, na nagdulot ng aking pagtataka dahil ang kanilang mga mata ay nagbibigay sa akin ng hindi komportableng pakiramdam.

Teka- iniisip ba nila na paunahin na akong sumakay sa jeep mamaya? Naku, ang mga kabataan talaga ang pag-asa ng bayan, alam nilang makiramdam sa mga katulad kong nakapagtapos na ng pag-aaral, may trabaho na pero hindi parin nagbabago ang buhay. Haha. Epektibo talaga ang hindi pagsusuklay.

"Ano ba kayo, mas importante ang pag-aaral niyo kaysa sa aking walang mai-ambag sa bansa. Ayos lang ako-"

"Pero hindi po ayos 'yang relo niyo, basag na po yata sa kakapalo ninyo."

"Hah?"kumilos ang mga mata ko papunta sa isang kamay kong huminto sa kalagitnaan ng pagpalo sa relo ko.

Ibinaba ko ang dalawa kong kamay. "Hindi, matibay ito. Minana ko pa ito sa Lola ko. Hindi ito basta-basta nasisira. Alam niyo bang binili pa raw ito ng lola ko sa....."

Patuloy ang pagsasalaysay ko ng kwento ng aking Lola kung paano niya napasa-kamay ang relong suot ko. Patuloy at patuloy, na umabot sa hindi ko pagpansin sa jeep na huminto na pala sa tapat namin, na ang nakita ko na lang ay mga estudyanteng winawagayway na ang kanilang kamay sa akin.

"Mauna na kami, Ate!"

Ngumiti ako at winagayway ko narin lang ang aking kamay dahil ito lang ang kayang ibigay na reaksyon ng aking sarli.

"Ate, taga-cheer naman po ako ni crush!"

Literal na napanganga ako ng ihabol pa ito ng isa bago humarurot ang jeep paalis.

"Galing ko."literal rin na pinalakpakan ko ang sarili ko dahil sa kahusayan na ipinamalas ko sa harapan ng mga estudyante.

Nächstes Kapitel