webnovel

CHAPTER 45 "MRS. DANIEL TRINIDAD"

SUMAPIT ang araw na pinakahihintay ni Ara at ganoon narin ang kaniyang nobyo na si Daniel.

Hindi iyon ang tipo ng kasal na pinangarap niya, kailangan niyang aminin iyon sa kaniyang sarili.

Pero kahit na ganoon, kahit hindi iyon ang klase ng kasal na pangarap niya noon pa mang bata siya ay wala siyang maramdaman na kahit katiting na kalungkutan o panghihinayang. Dahil ang totoo, napakasaya niya.

Labis ang pagmamahal niya sa lalaking mapapangasawa niya at iyon ang pinakamahalaga sa lahat. At iyon ang dahilan kaya punong-puno parin ng kaligayahan ang puso niya.

Sa huling pagkakataon ay hinagod niya ng tingin ang kaniyang sarili sa harapan ng malaking salamin sa loob ng kaniyang silid.

Kahapon ng gabi, sa halip na si Daniel ay si Danica na ang kasama niyang bumili ng damit na iyon. Hindi naging madali para sa kanilang tatlo ang kumbinsihin ang binata na mag-stay na lamang sa bahay at hayaan siyang umalis kasama ang kapatid nito.

Laking pasasalamat na lamang niya dahil sa huli ay napakiusapan niya ito at sinabing magiging okay lang siya. Nauunawaan naman kasi niya kung bakit gusto ni Daniel na masamahan siya nito sa lahat ng importanteng kaganapan para sa paghahanda sa kasal nila. Siya man ay gusto iyon, pero mas nananaig parin sa kaniya ang kagustuhang tiyakin na magiging komportable ito at hindi mahihirapan.

"Ready ka na anak?" si Marielle iyon na nalingunan niyang nakatayo sa may pintuan ng kaniyang kwarto. "napakaganda mo hija, kung mabibiyayaan lang sana ako ng apo, tiyak na magiging maganda at gwapo ang kombinasyon ninyo ni Daniel," anitong hinagod pa siya ng humahangang tingin.

"Salamat po, Mama," aniyang ngiting-ngiti.

"Halika na? Nasa sala na si Daniel at hinihintay ka," anito pa sa kanya.

Tumango lang si Ara saka na kumilos. Kinakabahan siya at kung tutuusin gusto niya na sa ganitong mga sitwasyon nasa tabi niya ang mga magulang niya para hawakan ang kamay niya. Pero alam niyang kapag ginawa niya iyon, kapag ipinaalam niya kina Anselmo at Susan ang totoo ay magiging napakahirap para sa kaniya ang kumbinsihin ang mga ito.

At ayaw niyang mangyari iyon.

Ayaw niyang magkaroon ng dahilan ang mga magulang niya para sumama ang loob sa kaniya dahil sa pakikipaglaban niya sa alam niyang gusto ng puso niya.

*****

MABILIS na napatayo si Daniel mula sa kinauupuan niyang sofa nang matanawan niyang pababa na si Ara.

Kulang ang salitang maganda upang mailarawan niya ng husto ang ayos at itsura nito nang mga sandaling iyon habang suot ang isang simple ngunit napakagandang damit pangkasal na kulay puti.

Kahapon iyon binili ni Ara sa mall kasama ang kapatid niyang si Danica.

Ang totoo ay gusto sana niya na nandoon siya maging sa pagpili ni Ara ng wedding dress nito. Bakit nga hindi gayong alam naman nilang lahat kung gaano na lamang kaikli ang ilalagi niya dito sa mundo. At ang pagkakataong iyon ang dapat sana ay isa sa mga magagandang sandali na pwedeng balikan nito sa paglipas ng panahon, kahit wala na siya.

Pero pinakiusapan siya ng mabuti ng dalaga. Sinabi nito na magiging okay lang ito at wala siyang kailangang alalahanin at mas mahalaga rito ang maging maayos at komportable siya, kaya sa huli ay pumayag narin siya.

At ngayon, habang pinanonood niya itong bumababa ng hagdan, hindi niya mapigilang batiin ang sarili niya dahil totoong kung sa pisikal na kaanyuan lang naman ay totoong daig pa niya ang nanalo sa lotto pagdating kay Ara.

Bagay na bagay rito ang suot nitong damit. Simple lang iyon pero yari sa magandang klase ng lace at silk na kulay puti. Kulay puti rin ang suot na flat shoes ni Ara na matulis ang dulo at may design na maliliit na perlas at batong kristal.

Manipis na makeup ang nakapahid sa napakaganda at perpekto nitong mukha habang ang maganda at blonde nitong buhok ay nanatiling nakalugay lang. Ang tanging palamuti na nasa ulo ng dalaga ay ang maganda headband na katulad ng sapatos nito ay naa-adornohan ng maliliit na perlas at kristal.

"Sweetheart," ang tanging nasamabit niya saka humakbang palapit sa dalagang ilang oras na lamang ay alam niyang maging buong pag-aari na niya, dahil ito ay magiging kabiyak na niya.

*****

NOON nakangiting inayos ni Ara ang suot na bow tie ni Daniel. Napaka-gwapo nito sa suot na two-piece white suit. Kahit simple lang ang kasal na iyon at kung tutuusin ay secret, gusto parin ni Marielle na maging maganda at gwapo ang bihis nilang dalawa para sa kanilang wedding picture na ayon narin dito ay ipapa-oil painting pa nito.

"Ang gwapo naman ng asawa ko," si Ara na hinaplos pa ang mukha ni Daniel.

"Ang ganda rin ng misis ko," sagot naman nito saka siya niyuko at hinalikan sa noo.

Isa iyon sa mga pinakagusto niyang ugali ni Daniel. Hindi nito alintana kahit sino pa ang nasa paligid dahil palagi itong generous sa pagpapakita ng affection sa kaniya.

"Halina kayo, " si Marielle na halatang nasisiyahan sa nakikita. Katabi nito si Danica at si Aling Salyn na hindi pa man ay nagpapahid na ng mga luha.

"Aling Salyn naman, dapat masaya tayo ngayon," si Daniel habang nakangiting pinagmamasdan ang ginang na kanilang kasambahay.

Noon suminghot ang ginang na sa tingin ni Ara ay matanda lamang ng ilang taon kay Marielle. "Kaya nga ako naiiyak anak, kasi masaya ako para sa'yo. Sa inyong dalawa," anitong tuluyan na ngang napaiyak pagkatapos.

Noon ito nakangiting nilapitan ni Daniel saka mahigpit na niyakap. "Alagaan po ninyo ang magiging anak namin ni Ara, kung sakali man," anito sinulyapan siya saka buong pagmamahal na nginitian.

"Oo naman anak, hindi ko na mahintay ang pagkakataon na iyon," sagot ni Aling Salyn.

Agad na naramdaman ni Ara ang nagbabadyang mga luha sa sulok ng kaniyang mga mata. Pero pinigil niya ang mga iyon. Hindi iyon ang tamang panahon para maging emosyonal nang dahil sa tunay na sitwasyon ni Daniel.

"Halina kayo," si Marielle ulit sa ikalawang pagkakataon.

*****

"YOU may now kiss the bride," iyon lang at mabilis pa sa alas kwatro na kinabig ni Daniel ang kaniyang batok saka siya siniil ng isang napakainit na halik sa kaniyang mga labi.

Nang mga sandaling iyon walang panama ang palakpakan nina Marielle, Danica at Aling Salyn sa lakas ng kabog ng kaniyang dibdib. Napakasaya niya at iyon ang nagbigay ng sapat na dahilan sa kaniya para tuluyang pakawalan ang kanina pa niya nagbabadyang mga luha.

"M-Mahal na mahal kita, sobra," ang agad niyang winika nang pakawalan ni Daniel ang kaniyang mga labi pero hindi ang kaniyang mukha.

Ngumiti si Daniel, pagkatapos ay ginagap ng isa nitong kamay ang isa rin niyang kamay kung saan nakasuot ang kaniyang wedding ring. Itinaas nito iyon saka hinalikan.

"Mahal na mahal rin kita, higit kanino man, higit pa sa sarili ko," anitong hinalikan siya noo at pagkatapos ay mahigpit na niyakap pagkatapos.

Nang pakawalan siya ni Daniel mula sa mahigpit nitong pagkakayakap sa kaniya ilang sandali pagkatapos ay inilahad naman nito sa kaniya ang kamay nito kung saan nakasuot ang wedding ring nito.

"Halika na?" anitong makahulugan pa siyang tinitigan.

Tumango siya habang nakatingala at matamis ang pagkakangiti kay Daniel. Pagkatapos noon ay iniabot niya ang sarili niyang kamay rito saka humawak ng mahigpit sa ngayon ay kanya nang asawa.

Nasa van na sila nang muling magsalita si Daniel. Magkatabi sila sa likuran habang ang kapatid nitong si Danica ang nakaupo sa harapan ng manibela.

"Mrs. Daniel Trinidad," bulong pa sa kaniya ni Daniel.

"Yes?" ang napahagikhik niyang tanong saka ito nilingon.

Hindi parin binibitiwan ni Daniel ang kamay niya hanggang ngayon.

"I promise take our love through eternity, iyan ang pangako na alam kong kaya kong panindigan hanggang hukay. At ang pangako rin na alam kong pwede mong panghawakan," anito sa kaniya habang nakatitig sa kaniya ang maiitim nitong mga mata.

Hindi iyon ang unang beses na binigyan siya ni Daniel ng eye to eye contact. Pero siguro dahil nga iyon ang araw ng kasal nila at ngayon ay ganap na silang iisa ay hindi niya mapigilan ang maging emosyonal, kaya siya napaiyak.

"Ito na ang simula ng paglalakbay nating dalawa bilang mag-asawa, hindi ito magiging madali pero naniniwala ako na kakayanin natin," anito sa kaniya.

Hindi siya nagsalita at sa halip ay nakuntento nalang sa ginawa niyang pahilig sa balikat ng kaniyang asawa. Kung minsan hindi naman kailangan ng salita bilang sagot. May mga pagtugon naman kasi na hindi man masambit ng bibig ay pwedeng iparamdam at ipakita sa kilos at gawa at iyon ang mas pinili niya.

Nächstes Kapitel