webnovel

ALEXANDER

"...nakakatakot, nakakadiring eksena. Kitang-kita ko nang dukutin niya ang laman-loob noong babae at kinain..." sabay-sabay kaming marahas na napahigit ng hangin sa narinig at makahulugang napatingin sa isa't isa. "Nagtatalo ang isip ko dahil may parte sa akin na gustong tumulong at may parteng gustong magtago. Hanggang sa nanaig ang karuwagan ko at nagtago ako. Ilang beses kong nahiling na sana magising na ako sa masamang panaginip na iyon habang mariing nakapikit. Pero walang nangyari dahil pagdilat ko ay naroon pa rin ako sa madilim na sulok at nanginginig sa takot. Akala ko makikita rin niya ako dahil tumigil siya sa tapat ng pinagtataguan ko at may hinagis na kung anong malagkit at masangsang na bagay na tumama sa mga binti ko." Saglit itong huminto at huminga ng malalim pagkatapos ay isa-isa kaming tiningnan. "May sinabi pa siya tungkol sa harang, ang sabi niya wala na raw silbi ang harang at wala kayong kamalay-malay tungkol doon."

Para akong binuhusan ng nagyeyelong tubig sa narinig. At wala sa sariling napatingin kay Sam na nagtatagis ang bagang bago lumipat kay Chris na nanlalaki ang mga mata at kay Jake na natulala.

"Si-sigurado ka ba sa sinasabi mo Liane?"

"Ba-bakit?" Nanlalaki ang mga matang tanong nito, pero sa halip na sagutin ito ay napailing lang ako.

"Iyon din ba ang napanaginipan mo kanina?" Mabilis itong napailing bilang sagot.

"Iba ang napanaginipan ko kanina... Nasa isang mahabang pasilyo raw ako at puro pader lang ang nakikita ko. Nang maghanap ako ng daan palabas may narinig akong mga boses. At nakita ko iyong lalaking nanakit sa akin na nakaluhod sa harapan ng isang mataas na upuan. Hindi ko nakita ang mukha niya at hindi ko rin gaanong marinig ang pinag-uusapan nila dahil malayo ako sa kinaroroonan nila. Pero naulinigan ko ang tungkol sa binabantayan, magkakapatid, pagkuha at pagganti."

Nanatili lang kaming tahimik at hindi malaman ang sasabihin dahil alam naming magkakapatid na hindi lang iyon isang ordinaryong panaginip. Akmang magsasalita ako nang muli itong magsalita.

"Tapos, tapos... nakita ko na lang ang sarili kong nakatayo ulit sa tapat ng lugar na pinagtaguan ko. At kaharap ko ang lalaki, nakakatakot ang hitsura niya, lalo na ang nagliliyab niyang mga mata na nakatingin sa akin. Alam kong panaginip lang iyon, pero parang totoong-totoo. Sabi niya ako na raw ang susunod, at ang hindi ko maintindihan ay kung bakit kamukha niya iyong lalaki..."

"Lalaki?"

"`Yong sa stock room..."

Nang matapos si Liane sa pagkukwento ay binalot ng katahimikan ang buong kwarto.

"Ano'ng nangyayari? Alex! Hindi ko maintindihan kung bakit naranasan ni Liane ang lahat ng iyon!" Bulalas ni Samuel na mabilis na napatayo. "Delikado ang nangyari sa kaniya! Maaari niya iyong ikamatay!" Natatarantang sigaw ni Sam sa kawalan habang paroo't parito.

"A-ano'ng ibig mong sabihin?"

"Noong magising ka kaninang umaga nakita mong may mga bakas ka nang mga nangyari kagabi, `di ba?" Usisa ni Sam.

"O-oo..."

"Naglakabay-diwa ka. At delikado iyon lalo na sa katulad mong hindi pa naranasan ang ganoon."

"Lakbay-diwa?"

"Oo. Nakakarating ang katawan mo sa ibang lugar habang naiiwan ang pisikal mong katawan. At kung ano ang maranasan o mangyari sa iyo habang naglalakbay ka ay mangyayari rin sa iyong pisikal na katawan."

Kitang-kita ko ang pamumutla ni Liane ng marinig ang sinabi ni Sam. Kaya sinaway ko na ito dahil lalo lang nitong tinatakot si Liane. Hindi ko napigilan ang aking sarili at hinila ko na ito palapit sa akin at niyakap ng mahigpit.

"Kailangan niyang malaman dahil maaaring maulit iyon," sabi nito sa akin bago muling bumaling kay Liane. "At maswerte ka dahil sa dalawang beses na iyon ay nakaligtas ka."

"I-ibig sabihin, iyong tungkol sa babae... totoong nangyari iyon?" Nanatili kaming walang imik dahil hindi namin napagdesisyunan kung sasabihin ba namin o hindi ang totoo. "Totoo nga iyon... Totoo `yon! Hindi... hindi..."

"Ssshhh..." alo ko ng tumindi ang panginginig ng katawan nito kasunod ng malakas na paghagulgol. "Ligtas ka na..." Nang tuluyan itong tumigil sa pag-iyak ay bahagya itong lumayo sa akin at nagpunas ng mukha.

"Ikukuha kita ng maiinom," sabi ni Jake na mabilis na tumayo at lumabas ng kwarto. At hindi rin naman nagtagal ang nakabalik din ito agad, at iniabot ang isang basong malamig na tubig. Muntik pa iyong matapon dahil sa panginginig ng kamay ni Liane kaya inalalayan na ito ni Jake na makainom. At ng matapos ay inilapag ni Jake ang baso sa drawer na katabi ng kama at umayos ng upo.

"Okay ka na?" Usisa ni Chris habang nakatitig kay Liane na bakas ang pag-aalala sa mukha.

"Medyo okay na. Salamat," sagot nito sa tila paos na tinig kaya tumikhim muna ito bago muling nagsalita. "Ano ba iyong harang na ilang beses ko ng naririnig? Wala naman akong ibang nakikitang harang kundi mga puno at kahoy."

"Ano..." Napatikhim ako at hindi malaman ang sasabihin. Ito ang pinagtatalunan namin kanina at walang nabuong desisyon dahil sa sigaw ni Liane.

Nächstes Kapitel