"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"It's an intimate act between a...lover." Nanlaki ang mga mata ko sa narinig at nahiling kong sana ay lamunin na ako ng kama dahil sa kahihiyan.
"Ba-bakit..." (n'yo ginawa sa akin yon?)
"Isa rin iyan sa kailangan naming ipaliwanag sa `yo," sagot ni sir Alexander na nakaupo sa kanan ko. Kaya nabaling dito ang pansin ko.
"P'wede bang makahiram muna ng damit? Nilalamig na kasi ako..." Hindi ko napigilan ang paggapang ng kilabot sa buo kong katawan ng dumampi ang malamig na hangin sa balat ko.
Napalingon ako sa pinagmulan niyon at nakitang kong nagmula ang hangin sa nakaawang na glass sliding door. Napaawang ang mga labi ko ng matanaw ang katapat na bahay. Iyon ang apartment na tinutuluyan ko at ang inakala kong malaking bintana dahil sa pagkataranta ay isang terrace.
"Ikukuha kita." Narinig kong sabi ni sir Alexander bago ko naramdaman ang paggalaw ng kama. Nanatili naman akong tahimik habang inililibot ang paningin sa lugar na kinaroroonan ko, o mas tamang sabihing isang napakalaking kwarto. Tingin ko ay kasinglaki iyon ng itaas na bahagi ng apartment. Malapit sa terrace ay isang mini sala set, at sa tingin ko mga limang hakbang ang bago makarating sa kamang kinauupuan namin. Sa may direksyon ng paanan ng kama nakita ko ang nakaawang na pinto at sa kabilang bahagi ng kwarto ay isang malaking walk-in closet kung saan biglang lumabas si sir Alexander dala ang isang t-shirt. Katabi niyon ay isa pang pinto na kung hindi ako nagkakamali ay ang banyo.
Habang iniinspeksyon ko ang paligid ay nanatili lang na tahimik ang magkakapatid. Pero ramdam ko ang bigat ng titig nila sa akin kaya kahit naiilang ay lakas-loob kong tiningnan ang mga ito. Unang dumako ang mga mata ko sa lalaking katabi ni Chris. Na naglalabas ng isang maawtoridad na vibes, napatingin ako sa mga mata nitong tila lalong nagliyab ng mapansin ang ginagawa ko. Kaya agad kong iniwas ang tingin pero hindi nakaligtas sa akin ang pagsasalubong ng may kakapalan nitong kilay, at dumako iyon sa matangos nitong ilong pababa sa mamula-mula at tila namamaga nitong mga labi.
Naputol ang ginagawa kong pagsipat dito ng gumalaw ang kama kasunod ang tinig ni sir Alexander.
"Ito muna ang isuot mo," sabi nito at nang bumaling ako rito ay nakita kong inaabot nito sa akin ang hawak nitong t-shirt. Na agad kong hinablot at dali-daling isinuot. Napahinga ako ng malalim ng sa wakas ay mawala ang pakiramdam na masyado akong exposed at vulnerable.
Nang maisuot ko ang damit ay nanatili pa rin akong tahimik habang nakikiramdam sa mga ito. Dahil hindi ko na alam kung ano ang magiging reaksyon ko sa mga nangyari.
"Alam kong naguguluhan ka pa sa mga nangyari. At maging kami ay hindi rin inaasahan na mangyayari ang lahat ng ito. Pero sisikapin naming ipaliwanag sa iyo ang lahat," basag ni sir Alexander sa katahimikan.
"P'wede bang ipaliwanag n'yo sa akin kung bakit ginawa sa akin iyon ng lalaki? Hindi ko alam kung bakit pinagtangkaan niya akong saktan, ni hindi ko nga siya kilala!" Histerikal na sabi ko na napasabunot pa sa buhok. Hindi ko mapigilan ang makaramdam ng pagkadiri ng mga alala ang ginawa nito sa katawan.
"Sshh… huwag kang mag-alala dahil sisiguraduhin naming hindi na siya muling makakalapit sa `yo," sabi ng tinig na nagmula kay Chris.
"Paano mo naman gagawin iyon?" Usisa ko rito habang pinagmamasdan ang mukha nito.
"Ang tungkol diyan ang kailangan naming sabihin sa `yo," sagot ni sir Alexander.
"P'wede bang sabihin n'yo na ang mga kailangan kong malaman! Naguguluhan na ako!"
Muling binalot ng katahimikan ang buong kwarto habang nagtitinginan ang mga ito na para bang nagkakaintindihan. Pagkatapos ay narinig kong napabuntonghininga si sir Alexander, na para bang nahihirapan.
"Ako talaga ang kailangang magpaliwanag? Tsk!" Bulong nito sa sarili na halatang naiinis dahil pinukol niya ng masasamang tingin ang mga kapatid. "Fine!"
Humugot muna ito ng malalim na paghinga bago itinuon ang atensiyon sa akin. "Okay, so, naniniwala ka ba sa soulmate?" Alanganing tanong nito.
"Soulmate? Ano'ng kinalaman niyon sa mga nangyari?" Kunot-noong tanong ko.
"Sagutin mo na lang," naiinis na sabi nito. "At kung may mga gusto kang itanong, itanong mo kapag natapos ko na ang lahat ng dapat kong sabihin. Okay?"
Kahit na naguguluhan ay marahan na lang akong napatango.
"So? Naniniwala ka ba sa soulmate?"
"Hi-hindi ko alam…" sagot ko na napaiwas ng tingin dito. Dahil ang totoo ay matagal ko ng hinihiling na sana ay may ganoong nga sa tunay na buhay. Gaya ng mga nababasa kong kwento.
At dahil hindi ako nakatingin sa mga ito ay hindi ko nakita ang bahagyang pagtingala ng mga ito na para bang may inaamoy. Bago gumuhit ang makahulugang ngiti sa mga labi.
"Pero alam mo kung ano ang ibig sabihin ng salitang `yon?" Tanging tango lang ang isinagot ko. "Alam mo na ang soulmate ang nag-iisang nilalang na itinakda sa iyo ng kapalaran hindi ka pa man ipinapanganak? At kahit nasaan ka, ano ka man at sino ka man ay mayroong nag-iisang nilalang na pupuno sa lahat ng kakulangang nararamdaman mo. Alam kong mahirap para sa `yo ang paniwalaan ang mga sinasabi ko dahil ibang kaugalian ang kinalakihan mo. At hindi ka sanay sa ganito."
"Ano'ng kinalaman niyan sa akin?"
"Ikaw ang itinakda para sa amin. You're our soulmate."
"H-ha?" Nagdududang usal ko habang nakatitig sa seryoso nitong mukha. "Our soulmate…" bulong ko habang ipinoproseso ang mga sinabi nito. "Our soulmate…" Biglang nanlaki ang mga mata ko at hindi makapaniwalang nagpalipat-lipat ang tingin sa mga ito. "Ka-kayong apat? Soulmate ko?"
Halos parang iisang tao na tumango-tango ang mga ito.
"Apat? Apat!" Pakiramdam ko ay sasabog na ang ulo ko dahil sa mga narinig lalo na at hindi ko mapaniwalaan ang sinabi ni sir Alexander. Ni minsan ay hindi ko pa naranasang makipagrelasyon kahit isang beses! Tapos, tapos, magkakaroon pa ako ng apat! Hindi ko alam kung imagination ko lang iyon, pero pakiramdam ko ay nahuhulog ako sa kadiliman habang naririnig ko ang mga tinig na tila palayo nang palayo hanggang sa binalot na ako ng katahimikan at wala na akong ibang makita kundi kadiliman..