Nakapambahay ang driver ng kotseng tinititigan namin ni Alex. Pamilyar na likod, tikas, at ayos ng buhok ang nagpakilala sa aking si Ron pala ang driver ng VIOS.
Nanatili kami ni Alex sa pagtitig sa kanya. Nang lumingon si Ron at ako'y nakita ang napakatamis na ngiti niya ang sumalubong sa akin na may bakas ng pag-aalala mula sa kanyang mga mata.
Agad niya akong tinungo at sinundan naman siya ng tingin ni Alex habang nagpatuloy naman ako sa aking pagkain kunwaring hindi siya nakita.
"Jeremy... San ka nagpunta?... Nag-alala kami ni Kevin sa iyo... Hindi mo sinasagot tawag at text namin ni insan...." ang bati sa akin ni Ron na hindi ko naman sinagot at tuloy lang ako sa pagkain na parang walang kumakausap sa akin.
"Sino siya, Jeremy?" ang nagtatakang tanong ni Alex sa akin na hindi ko rin sinagot.
Nagkatinginan ang dalawa at kinausap ko si Alex. "Alex... Siya nga pala ang boyfriend kong si Ron... Siya ang mahal ko..."
Nanlaki ang mata ng dalawa marahil si Alex sa pagkabila lang na malaman na ako'y may nobyo na at si Ron na nabigla sa aking sinabi na siya na ang boyfriend ko. Bakas sa mukha ni Alex ang pagkadismaya at si Ron naman ay lubos na kaligayahan. Marahan kong sinipa ang kanang hita ni Ron upang mapapayag ito sa aking sinabi at hindi na magtanong pa sa harap ni Alex ng tungkol sa aming tatlo ni Kevin.
Biglang nabaling ang tingin ni Ron kay Alex nang mapuna niyang kaharap na pala niya si Alex. Binitiwan niya ito ng masamang tingin ngunit nag-abot pa rin ng kamay upang makipagkilala kay Alex ng maayos.
"Ron... ikaw pala si Alex... naikuwento ka na kasi sa akin ni Jeremy... lahat" sabay ngiti na parang ibig sabihin ay pag nagkamali ka ng ikikilos mo dudurugin kita.
Magkahalong hiya at dismaya ang bumalot sa mukha ni Alex. Napansin ko namang nakabalot na ang kaliwang kamao ni Ron na mukhang nangigigil na pumakawala sa mukha ni Alex. Agad ko itong hinawakan at pilit na nakipag hawakang kamay sa kanya habang nakaupo. Hinila ko si Ron na umupo sa aking tabi upang pakalmahin siya.
Nang makaupo na si Ron ay tinitigan ko siya ng nakangiti at siya naman ay napatitig na rin. Pinisil-pisil ko ang kanyang kanang kamay habang nakapatong ito sa ibabaw ng lamesa. Unti-untiang nawala ang pagkakasalubong ng kilay ni Ron hangang sa isang napakaamong titig na niya ang nakatingin sa akin. Nakakatunaw.
Iniangat ni Ron ang hinlalaki ng kamay niyang nakakapit sa aking kanan at pinindot-pindot nito ang gitna ng aking mga palad. Nagulat ako sa ginawa ni Ron at ako'y nakaramdam ng kakaibang kiliti. Hindi ko maiwasang ngumiti ng abot tenga sa kanyang ginagawa lalo na nang paikut-ikutin niya ang kanyang hinlalaki sa aking palad na para bang gumuguhit ng bilog dito. Habang inuulit-ulit niya napansin ko na lang na ang kanyang ginuguhit sa ilalim ng aming mga palad ay korte ng puso.
Hindi naman maalis ang kunsensiya ko na nasa tabi lang namin si Alex. Nang tignan ko siya ay nakia ko ang lubos na pagkalumo at nakatitig na lang siya sa kanyang kinakain habang nilalaro ito ng kutsara.
"Nga pala Jeremy... hinanap ka namin ni Kevin kanina... pumunta siya sa bahay niyo nagbabakasakaling umuwi ka na pero hinahanap ka na rin pala dun sa inyo..." ang nakangisi pa ring kuwento sa akin ni Ron taliwas sa kanyang sinabi marahil sa pagkabigla sa kanyang narinig na siya na ang aking nobyo.
Napansin ko namang biglang pagbabago ng mukha ni Alex sa kanyan narinig na tanong ni Ron sa akin.
"Magnobyo kayo pero hindi mo alam kung nasaan si Jeremy buong araw?" ang biglang tanong sa akin ni Alex.
"Alex... mabuti kang tao..." ang sabi ko sa kanya na sabay naman niyang tingin sa akin "naisip ko kanina pagkagising ko na lahat ng ginawa mo sa akin kahit nasaktan man ako ay natulungan mo akong piliting tanggapin kung sino ako at pinakawalan mo ako sa kadenang hindi ko nakikita na balang araw ay mahihirapan na akong alisin... si Camille.."
"... package deal pa nga eh.." ang natatawang sabi ko kay Alex habang itinataas ang buhok sa aking noo upang ipakita sa kanya ang sugat na dulot ng bibliyang tumama sa aking mukha na ibinato sa akin ng aking ama. "nalaman na nila mama at papa... eto nakuha ko... kaya ginusto kong mapag-isa... kung ano nangyari... wag mo na isipin iyon."
Humarap ako kay Ron at ikinuwento naman sa kanya na nagpunta ako kay Alex..
"Dito na ako kina Alex natulog buong umaga... " ang pauna ko kay Ron na biglang nagpasiklab ng galit sa kanyang mga maamong mukha kanina.
"Walang nangyari sa amin... naging masarap ang pahinga ko sa kama ni Alex... iginalang niya ako sa pagkakataong ito... actually hinayaan niya akong magpahingang mag-isa... wala naman na siyang kailangang patunayan sa pagakataong ito... dahil lubos kong nauunawaan na si Alex... bilang isang mabuting kaibigang nagmamahal... at lubos kong nais magpasalamat sa kanya dahil sa pagkakataong kailangan ko ng masasandalan ay naroon siya... kahit alam niyang wala itong kapalit..." ang sabi ko kay Ron na patama sa kanya dahil sa ginawa nilang magpinsan sa akin kaninang madaling araw sa Tagaytay. Nagbago naman mula sa inis hanggang sa hiya ang kanyang mga tinging halos hindi makatitig sa aking mga mata.
"Na-touch naman ako sa mga sinabi mo Jeremy... " sabay yuko si Alex na parang nahiya at pansin kong namumula ang kanyang pisngi.
Nairita si Ron sa kanyang narinig at tinitigan nanaman ng masama si Alex. Hinarap ako ni Ron at kumawala sa aking kanang kamay ang kanyang kaliwa. Hinawakan ang aking mukha ng pareho niyang mga kamay nang mariin sa bandang pinsgi at sa bilis ng mga pangyayari ay hinahalikan na pala ako ni Ron. Nakapikit at kanyang mga mata habang ang akin naman ay nanatiling nakadilat at magkasalubong ang aking kilay.
Marahan ko siyang itinulak palayo. "Ano ba Ron?!... ang daming tao dito oh!!... " sabay turo sa ibang mga kumakain doon na nakatingin na sa amin.
Napansin ko namang si Alex ay bumalik sa kanyang titig na nakapako sa kanyang pagkain habang nilalaro na lang ito sa kanyang plato.
"Pasensiya na Alex ha... ganito talaga si Ron... nilalaro mo na yang pagkain mo oh..." ang sabi ko kay Ron paumanhin sa aming eksena ni Ron.
"..Busog na ako... hindi ko na maubos ito eh..." ang sabi ni Alex habang tumingin sa akin nang may ngiting pilit sa kanyang mga labi. Namumuo ang luha sa kanyang mga mata.
"Ron... order ka muna ng makakain mo... mag-uusap lang kami ni Alex.. please?" ang aking pakiusap kay Ron.
Ngumiti lang siya sa akin at biglang hinalikan ang aking ilong at tumayo upang tumungo sa counter. Bakas kay Ron sa kanyang tikas at paglakad ang pagmamalaki.
Nang makalayo na si Ron. "Pasensiya ka na Alex ha... ganon talaga si Ron... "
"Gusto ko lang malaman... bakit siya ang minahal mo?" ang tanong sa akin ni Alex na hindi ko masagot ng nakatingin sa kanyang mga mata.
"Minahal ko siya ng walang dahilan... lubang malambing si Ron... at mabait sa akin... hindi ko maipaliwanag eh..." ang nasabi ko na lang kay Alex.
"Okay... Sige... una na ako sa inyo... baka hanapin na ako sa amin at isa pa busog na rin ako..." ang palusot ni Alex upang umalis na ngunit namumula na ang kanyang mga mata.
Tumayo siya ng hindi pinakikinggan man lang ang aking sasabihin at tumungo na siya palabas ng Sinangag Express. Kita ko sa kabilang kalsada na sumakay na siya ng jeep pabalik sa kanila.
Nang makabalik na si Ron kasama ang kanyang order...
"Buti naman umalis na ang kumag..." ang ismid niyang nasabi sa akin habang siya ay paupo na sa aking tabi at inilalapag ang kanyang tray ng pagkain.
"Eto naman.. kung di dahil kay Alex.. si Camille... girlfriend ko pa rin... at ikaw... kayo ni Kevin.... Dexter Chua pa rin... kung di nangyari yon... kasama niyo ba ako sa Tagaytay?... pumutok ba ang noo ko sa bibliyang makapal?.... diba hindi?" ang pangangatwiran ko na lang kay Ron.
Nagsimula na lang kumain si Ron upang habulin ako sa aking pagkain. Hinayaan ko lang siya at nagpatuloy na rin ako sa aking pagkain. Nasa ganoon kaming lagay nang ang kaliwang braso ni Ron ay umakbay sa akin. Kutsara na lang ang kanyang hawak at nakababa na ang kanyang tinidor sa gilid ng kanyang plato. Kinabig niya ako papalapit lalo sa kanya upang magkadikit na ang aming mga balikat. Hindi naman siya natigil sa pagsubo ng pagkain.
Lumambot ang aking puso sa kanyang ginawa ngunit hindi mapigilang sumagi sa akin ang pagbasag nila ng aking tiwala sa aming kasunduan. Hinintay ko ang pagkakataon na matapos kaming kumain upang mag-usap.
"Ron pwede mo na itigil ang palabas... wala na si Alex... hindi ko siya magagawang mahalin kaya kinailangan ko nang ipaalam sa kanya sa pagkakataong ito kaya ipinakilala kita sa kanya bilang boyfriend ko..." sabay alis ko sa kanyang bisig sa aking mga balikat na nakabalot kanina pa.
Hindi nalungkot si Ron sahalip nginitian niya lang ako at tumayo sa kanyang kinauupuan. Inusog ang kanyang upuan palayo upang lumuhod sa aking kaliwa habang iniaabot niya ang kanyang kamay sa aking kanan. Hinayaan ko lang siya sa pagkagulat.
"Jeremy... humihingi ako ng tawad sa aking nagawa sa iyo... hindi na kita muling sasaktan... mahal na mahal kita... sana mapatawad mo ako at mapagbigyan pa ng isa pang pagkakataong mapatunayan sa iyo ang pag-ibig ko." habang ang kanyang mga nangungusap na titig sa akin ay nagmamakaawa.
"Ano na gagawin ko... pano na to... pano si Kevin?... hindi ko siya kayang patawarin nang hindi pinapatawad na rin si Kevin... baka mag-away ang magpinsan ng dahil sa akin... baka mag-away na kami ni Kevin..." ang nasabi ko sa aking sarili.
"Pano naman si Kevin?..." ang natanong ko sa kanya habang patuloy ang gulo sa aking isipan.
Ngumiti si Ron at nilabas niya ang kanyang telepono at tumawag.
"Vin... kasama ko ngayon si Jeremy... nahanap ko na siya... nandito siya sa Paranaque sa Sinangag Express... humihingi ako sa kanya ng tawad pero sabi niya pano ka naman daw... teka speaker mode lang kita.." may pinindot siya muli sa kanyang telepono at narinig ko ang boses ni Kevin habang ipinapatong ni Ron ang kanyang telepono sa kanyang gilid.
"Hello... Jeremy.... sorry ha?... patawarin mo kami ni Ron... please?..." ang tinig ni Kevin sa kabilang linya.
Wala akong nagawa. Binalot na ako ng awa at lubos na saya. Ang ibang taong nakatingin sa amin at aking pinagmasdan habang humahagilap ng aking isasagot sa kanila. Nakakahiya. Ang ibang nanonood ay nakangiti at ang iba naman ay hindi nakatingin at may umiiling pa.
"Oo... pinapatawad ko na kayo... pero isa isa lang ha... ang gulo niyo..." ang sabi ko na lang kay Ron. Ang ibang kumakain naman na nakatingin na nakangiti ay biglang pumalakpak sa kanilang narinig. Wala namang nakakakilala sa akin doon kaya bahala na sa eksenang to.
"Insan!!... Narinig mo ba?... Okay na daw tayo!!" ang masaya at nakangiting sabi ni Ron na humarap sa nakapatong na phone upang kausapin si Kevin sa kabilang linya.
"Oo!! Narinig ko... kaya lang umalis na kayo jan naririnig ko na may mga pumapalakpak... pagsisisihan mo pag nakaramdam ng hiya yang si Jemykoy... tatakbo yan..." ang babala naman ni Kevin kay Ron na bigla kong tinawanan dahil naalala ko nung isang singing contest na sabay naming sinalihan sa baranggay namin na sobrang natuwa sa akin ang mga hurado pero nahiya ako sobra nagtatakbo ako pauwi ng bahay umiiyak.
Agad bumangon si Ron sa pagkakaluhod at kinuha ang kanyang telepono sa mesa ng isa niyang kamay habang ang isa ay nanatiling nakahawak sa akin.
"Alis na kami dito insan... palaam." ang sabi ni Ron kay Kevin sa kabilang linya ngunit bago pa niya mapindot ang telepono upang tapusin ang tawag.
"Ron!! Wag mo akong unahan kay Jeremy ha!! Patas lang tayo!! Ako nauna sa kanya yaan mo siya ang magdecide." ang pahabol ni Kevin na nagpatawa sa kay Ron at naputol na ang linya.
"Tara na sa kotse..." ang imbita ni Ron.
"San tayo pupunta?..." ang tanong ko naman kay Ron.
"Ako bahala... " ang kalmante namang sagot ni Ron.
Kinabahan nanaman ako sa sinabi ni Ron. San kami pupunta kung alam niyang ayaw ko pang-umuwi sa amin at alam niyang hindi ako sasama sa kanya sa motel.
Tinungo namin ang kanyang kotse. "Saglit lang ha?.. buksan ko muna..." ang sabi ni Ron habang binubuksan ang pinto sa tabi ng driver seat at dun ako pumasok upang umupo.
Nang makapasok na si Ron at maupo sa driver seat ay binuksan niya ang player at at makina.
Habang pinapatakbo niya ang makina ay tumugtog ang awiting inialay niya para sa akin. Ang awiting "Isn't There Someone".
Isa-isang tumusok ang mga linya ng kanta sa aking isipan at damdamin habang kami a bumabiyahe.
Kumakanta si Ron saliw sa awiting tumutugtog.
Nang matauhan ako "Ron... mukhang hindi mo pinapalitan ang tugtog mo ah.." ang pabiro kong sabi sa kanya na nginitian lang niya at nagbalik ang kanyang attensiyon sa pagmamaneho.
"Yan kasi ang ibig sabihin ng aking puso sa iyo... mahal na mahal kita... paulit-ulit yang inaawit ng aking nararamdaman para sa iyo..." sabay hawak niya sa aking kaliwang kamay ng mahipit.
Hindi siya bumibitaw maliban na lang kung siya ay kakambyo. Ipinatong niya ang aming mga kamay sa kanyang kanang hita upang madali niyang maibabalik ang kanyang kamay sa akin kapag siya ay nagpapalit ng gear. Paminsan minsan ay hinahalikan niya ang aking kamay. Patuloy pa rin ang pagtugtog ng musika at nanatili kami sa ganoong lagay buong biyahe.
Napuna ko na lang na nasa kalsada na kami malapit sa SM South Mall at kumaliwa na siya palihis tungong SM South Mall. Bumilis ang tibok ng aking puso. Parang sa pagkakataong iyon ay si Dexter na ang kasama ko. Tutungo kami ng BF Homes. Kay Ron nga pala ang address ng nagpakilalang Dexter sa akin. Papunta kami ng Venice Street.
Nang makailang liko ay nasa Venice Street na kami at tumigil tapat ng isang malaking bahay doon. Naalala kong mismo sa tapat ng bahay na iyon ko sinira at itinapon ang luma kong sim card sa sobrang inis kay Dexter noon.
"Nga pala... sa iyo ba ito?..." dumukot si Ron sa lalagyan ng barya sa tabi mismo ng kambyo at iniabot sa akin ang bali ko nang sim card.
"Oo!!... Pero panong?...." hindi ako maniwalang nasa kamay niya ito.
"Hindi ko maipaliwanag pero napansin ko siya after ko magpark sa loob ng kotse... bibili sa na ako sa tindahan muna bago pumasok ng bahay... nakita ko yan sa tapat ng bahay... basta may naramdaman lang akong gusto ko siyang itago kaya pinulot ko siya at itinabi..." ang paliwanag sa akin ni Ron.
Kung nilalaro ka nga naman talaga ng pagkakataon. Pinaglalapit na pala kami ng tadhana ng isa sa Dexter Chua na hinahanap ko.
"Itago mo na lang yan... paalala sa iyo ng mga ginawa mo sa akin na hindi maganda..." sabay ngiti ko kay Ron. Hinalikan niya ako sa pisngi at lumabas upang buksan ang gate ng bahay nila para maipasok ang koste.
Nang makapagpark na si Ron. Pinatuloy niya ako sa kanilang bahay. Simple, malawak, malinis, at kaakit-akit ang ganda ng bahay nila Ron mula labas hanggang looban. Nasa sala na kami at nandoon ang isang maliit na babae na nanonood ng cartoons.
"Debbie!! Andito na si kuya!!! May papakilala ako sa iyo!!" ang malambing na pagbait niya sa bata. Kapatid pala niya ito. At totoong Debbie nga ang pangalan ng kapatid ni Dexter Chua kahit hindi totoo si Dexter.
"May papakilala ako sa iyo!!..." sabay buhat at kiliti sa kanyang kapatid na limang taong gulang pa lang. Nakakatuwa si Debbie. Mataba at ang ubod ng cute.
"Siya ba kuya yung papakilala mo sa akin?" ang tanong ni Debbie ng makita niya akong nakangiti sa lambingan nilang mag-kuya.
"Oo... siya si kuya Jemykoy mo... papakasalan siya ni kuya balang araw..." ang sabi ni Ron ng malambing kay Debbie.
Ako naman ay napatingin kay Ron na magkasalubong ang kilay sa kanyang sinabi sa bata,
"Huy!!! Magtigil ka nga jan!! Bata pa yan!!" ang mahina kong sinabi kay Ron na sinagot lang niya ng isang matamis na ngiti. Nakakapanlambot.
"Ikaw ba bagong girlfriend ni kuya?" ang inosenteng tanong ni Debbie sa akin.
"Ahh... ehh.. ummm.." wala na akong nasagot sa bata.
"Oo... siya ang girlfriend ni kuya na love na love ni kuya..." ang pagmamalaki niya sa kanyang musmos na kapatid.
Lumapit na ako kay Ron at naiiritang binulungan siya "Gawin daw ba akong binabae... hay... naku!!! magtigil ka na nga jan!! Hindi pa tayo no!!"
"Nagseselos na si Jemykoy ko... tara Debbie hug natin si kuya Jemykoy mo..." ibinaba niya ang bata at nagdali-dali itong yumakap sa aking mga hita ng mahigpit. Nakakatuwa talaga si Debbie. Si Ron naman ay niyakap din akong mahigpit mula sa aking kaliwa at hinalikan ako sa aking mga labi ng mariin at punung puno ng pagmamahal.
Bumulong si Ron ng "I love you Jeremy... mahal na mahal kita..." habang ang mga nakakatunaw niyang tingin at nakapako ang titig ko sa kanya.
"Christopher Dexter Ronald Alvarez Chua... hindi mo ba ipapakilala sa akin ang iyong panauhin?..."