Nanatiling nakatungo si Lucas, naririnig niya ang pag-uusap ng kaniyang mga magulang subalit wala roon ang kaniyang isipan. Kaalis lamang ng kaniyang kababata at ni donya Trinidad sa kanilang tahanan. Sa kanilang pag-uusap kanina ay tipid na tango at iling lamang ang kaniyang mga kasagutan.
Nararamdaman niya ang mga titig ng kaniyang ama at ina subalit hindi niya iyon binibigyan ng pansin. Naroon pa rin sila sa salas ng kanilang bahay. Gulong-gulo ang kaniyang isip, tinatanong niya ag kaniyang sarili kung tama ba ang kaniyang naging pasya.
Tumigas ang kaniyang muka at mariing kinuyom ang kaniyang kamao. Nararamdaman din niya ang paninigas ng kaniyang mga balikat at ng kaniyang sikmura dahil sa pinipigilang emosyon. Sa kabila ng galit ay nangingibabaw ang matinding sakit.
Siguro ay sapat na ang pinalipas niyang tatlong araw at maari na niyang sundan ito sa La union. Kapag nagtanong ito ay sasabihin niyang kailangan din niyang malaman ang kalagayan ng mga trigo doon.
"Anak, kanina ka pa walang imik…" nakaahon siya mula sa malalim na pag-iisip ng marinig ang tinig ng kaniyang ina patungkol sa kaniya. "Nagdadalawang isip ka ba tungkol sa inyong kasal ni Mariya.." may pag-aalala sa tinig ng ginang.
"Maari ka namang umurong habang maaga pa Lucas." Ang kaniyang ama, binuga nito ang usok ng tabakong kanina pa nito hinihithit. Tulad ng namayapa niyang lolo ay mahilig din sa tabako ang kaniyang ama, isang natatanging bagay na hindi niya namana dito.
Payak siyang umiling. Hindi niya kayang gawin iyon kay Mariya, mahina ang puso nito at sa kalagayan ng pamilya nito ngayon ay baka hindi na nito kakayanin ang panibagong sama ng loob. Kahit papaano ay may puwang naman sa puso niya ang dalaga.
Kaibigan na niya ito mula pa pagkabata at ito palagi ang nagtatanggol sa kaniya dahil medyo may pagkalampa at iyakin siya noong bata pa sila. Noong nag-aaral pa siya ay madalas siya nitong dalawin at padalhan ng mga nakakatuwang telegrama. Masaya din itong kausap at palagaay ang loob niya dito.
Magkapareho sila sa maraming bagay, tulad ng paborito nilang pagkain na madalas iluto ng kaniyang ina na bilo-bilo hindi tulad ni Lyra na ayaw ng matatamis na pagkain. Mahilig silang umawit at maganda ang tinig ni Mariya, naalala niya ang nakakatuwang pag-awit ni Lyra sa kaarawan ng Gobernador Heneral. Sumisikip na naman ang kaniyang dibdib.
Ipinilig niya ang kaniyang ulo.
Hindi niya muna dapat iniisip si Kallyra.
Ano pa bang pagkakapareho nila ng kababata. Ah! mahilig sila ni Mariya sa mga kwentong kababalaghan tulad ng mga kapre, maligno at mga diwata.
Palagi niyang binabasahan ng kwento ang dalagang kababata at siya rin ang nagturo ditong magbasa at magsulat sapagkat ipinagbabawal ang pag-aaral ng mga kababaihan. Samantalang si Katrina ay lumaki sa espanya at dahil likas na matalino ay natuto ng kusa at walang tulong mula sa iba. Sa tingin niya ay magagawa niya itong pakisamahan ng panghabang-buhay. Tama lamang ang kaniyang desisyon.
Sa paglipas ng maraming panahon ay matututunan din niya itong mahalin…
"Hindi ko iuurong ang kasal ama." Buo na ang kaniyang loob, hindi niya pagsisisihan ang gagawin. Tama lamang ito, sa tingin niya ay isa lamang pagsubok sa kanila ni Mariya si Katrina at si Kallyra. Dahil matapos ang mga nangyari ay sila pa din ng kaniyang kababatang si Mariya ang ikakasal.
"Subalit.. si binbining Kallyra.." may lungkot sa tinig ng kaniyang ama. Muli siyang napatiim bagang. Ang lungkot at sakit na nararamdaman ay sumisigid sa kaniyang kalamnan at nilalason ang kaniyang isipan.
"Mananatili siya dito sa atin ina, bubukod ako ng tirahan matapos ang kasal namin ni Mariya. Maaring doon na muna ako tumuloy sa kanilang tahanan, habang nasa kulungan pa ang Gobernadorcillo." Bahagyang nanginig ang kaniyang boses.
"Narinig namin ang inyong pagtatalo anak, Siya ang sinisisi mo sa nangyari sa Gobernadorcillo." Ang kaniyang ina.
Dahil sa sinabi ng ina ay bumalik sa kaniyang isipan ang naging pagtatalo nila ng dalaga.
"Dahil sa pagseselos?... Ganyan ba kababa ang tingin mo sakin Lucas?"
"H-hindi mo pa pala ako kilala…. Para sa mga batang indiyo Lucas… para sa kanila kaya pinabagsak ko ang taong yun, para makapagpatuloy sila sa pag-aaral!"
"You are f**king stupid Lucas! Bakit sa tingin mo ay wala ng problema sa mga negosyo niyo, dahil ba napagod ang mga gumagawa noon, napagod na ba ang mga rebeldeng indiyo at tulisang pinagbibintangan mo, o dahil nakakulong na ang nag-uutos na gumawa noon? Ano Lucas alin sa dalawa?"
"Hindi niya iyon itinanggi ina." Rinig niya ang sakit sa kaniyang tinig, binalewala ulit niya iyon. "Ginawa niya iyon dahil sa pansarili niyang dahilan." Mapait na dugtong niya.
"Hindi ko man gaanong kilala si binibining Kallyra subalit mataas ang paghanga at respeto ko sa kaniya. Isang napakatalinong dalaga sa kabila ng kakulangan sa edukayon. Malaki ang utang na loob natin sa kaniya anak. Kung hindi dahil sa kaniya ay matagal ng bumagsak ang ating mga negosyo." Ani naman ng kaniyang ama.
Muli niyang binalewala ang umuudyok na konsensiya sa kaniyang isipan. Ginawa iyon ni Lyra dahil mayroon itong sariling dahilan, hindi dahil nais talaga sila nitong tulungan, nararamdaman niya iyon. Kung ano man ang dahilang iyon ay sigurado siyang hindi iyon dahil sa nais lang nitong tumulong o dahil sa mahal siya nito.
Sigurado siya doon.
"Alam kung naguguluhan ka sa ngayon anak, subalit sana ay pag-isipan mong mabuti ang mga bagay-bagay bago ka gumawa ng desisyon." Pangaral ng kaniyang ama.
Binigyan niya ito ng matamlay na ngiti. "Alam ko ama. Pinagiisipan kung mabuti ang mga desisyon ko." Tumango lamang ang kaniyang ama. "Lalabas lamang ako ng sandali ina, kailangan kung lumanghap ng sariwang hangin."
Lumabas siya ng kanilang tahanan, hindi niya alam kung saan patungo, subalit napansin niyang dinadala siya ng kaniyang mga paa patungong burol. Napahinto siya, nangako siya sa sariling hindi na muling babalik pa doon.
Subalit hindi niya kaagad magawang pumihit pabalik.
Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nakatayo doon bago niya naisipang bumalik. Nakasalubong niya si Nanang Pasing bago sumapit sa kanilang tahanan, may bitbit itong bayong na naglalaman ng iba't ibang uri ng gulay.
Agad siyang lumapit dito at inako ang pagdala. Masaya itong ngumiti at nagpasalamat sa kaniya at nagsimula ng maglakad.
"Naninibago ako sa iyo ngayon ginoo." Si nanang Pasing ang bumasag ng katahimikan at tila hindi nakatiis.
Tipid siyang ngumiti. Nang hindi siya nagsalita ay nagpatuloy ito.
"Dati-rati ay hindi ka nauubusan ng sasabihin, marami kang kwento subalit ngayon ay tila napakatahimik mo…"
Napalunok siya at umiwas ng tingin, patuloy silang naglalakad.
"Nitong nakalipas na mga buwan ay palagi kong napapansin ang kakaibang kislap ng iyong mga mata ginoo, napapansin ng lahat ang iyong kasiyahan sa kabila ng pagkawala ng iyong dating kasintahan." patuloy nito.
"Anong ibig niyong sabihin nanang?"
"Sa tingin ko ay pag-sisisihan mo ang iyong ginawang pasya ginoo." matalinhagang turan nito.
Kumunot ang kaniyang noo. Hindi niya maintindihan kung saan patungo ang kanilang usapan ng butuhing matanda, kilala na niya ito mula pa pagkabata, madalas ay ito ang nag-aalaga sa kaniya at minsan ay kalaro nila ni Mariya. Hindi na siya muling nagsalita pa at ganoon din naman ang matanda hanggang sa makarating na sila sa kanilang bahay.
Dalawang lingo ang muling lumipas. Ipinatawag ni Lucad si tatang pitong sa isa nilang tagasilbi pagkatapos ay nagtungo sa kuwadra ng kanilang mga kabayo upang paliguan ang kabayo niyang si hudas. Naroon na ang matandang katiwala at nag-aabang sa kaniya sa bungad ng kanilang kuwadra.
"Magandang tanghali Ginoo." Magalang na bati nito, gumanti din siya ng bati. Nauna siyang pumasok sa kwadra at sumunod ito. "Hindi mapakali ang mga hayop marahil ay dahil sa panahon, tila may paparating na bagyo."
"Maayos na ba ang lahat ng kulungan at ang mga hayop tatang, siguradong ngang malakas ang paparating na ulan." Tanong niya.
"Maayos na ang lahat, siyangapala Ginoo, dumating na si Ginoong Fausto mula sa La Union at ngayon ay kapulong ng iyong ama at ina sa inyong tahanan." nahinto siya sa pag-aayos ng mga damong hayhay na pakain para sa kaniyang kabayo. Tumuwid ang kaniyang likod mula sa pagkakayuko at malakas ang kabog ng dibdib na hinarap niya ang matanda.
"M-may kasama ba siya?" gusto niyang itanong kung kasamang umuwi si Lyra subalit hindi niya makayang bigkasin ang pangalan ng dalaga ng hindi masasaktan.
"Sa pagkakaalam ko ay ang mga Aleman at Mejicanong mangangalakal ang kaniyang mga kasama."
Mariin niyang kinuyom ang kamao at marahas na iniwas ang tingin. "Si Lyra?" hindi niya napigilang itanong.
"Hindi ko siya napansin ginoo." Lumuwag ng bahagya ang kaniyang paghinga. Siguro ay hindi lang napansin ng matanda ang dalaga, o di kaya naman ay tumuloy pa muna ito sa pamilihang bayan katulad ng palagi nitong ginagawa.
Hindi naman siguro ito mananatili sa La Union.
Siguro naman ay kahit kaunti ay nabawasan ang pagkamuhi nito sa kaniya.
Siguro ay hahayaan siya nitong makausap niya kahit saglit.
Humugot siyang muli ng malalim na hininga at binigyan ng tipid na ngiti ang matanda. Muli sana siyang babalik sa paglilinis ng kwadra ng lumapit ang apo ni nanang Pasing na nagngangalang Norma sa kanila.
"Ginoo. Mayroong binatang naghahanap kay binibinig Kallyra. Nang sinabi kong nasa La Union ang binibini ay kayo naman ang nais na makausap."
Kumunot ang kaniyang noo. Naalala niyang kinausap na niya ang kaibigan na huwag bibisitahin si Lyra, ano naman kaya ang pakay nito sa kaniyang kasintahan.
"Patunguhin mo dito Norma." utos niya. Subalit hindi ang kaniyang kaibigang si Leon ang lalaking inaasahan. Hindi siya pamilyar sa binatang kaharap.
Matanggkad ito para sa karaniwang taas ng isang purong pilipino. Maayos ang kasootan at halatang nakapag-aral. Bilugan ang muka at kayumanggi ang balat.
"Buenas tardes Señor." Inilapat nito ang suot na sumbrero at magalang na yumukod.
"Buenas tardes, como puedo ayudarte?" malamig niyang tanong.
"Ipagpaumanhin ninyo Señor ang aking pagdalaw ng walang pasabi. Ang pangalan ko ay Andres Bonifacio, kaibigan ni binibining Kallyra."
Naalala niya na minsan ngang nabanggit ni Lyra ang kaibigan nitong nagngangalang Andres. "Bakit mo hinahanap ang aking kasintahan?" bumikig ang kaniyang lalamunan sa huling salitang nabanggit.
"Mayroon kaming usapan na magkikita ukol sa mga bagong kalakal na darating mula sa Tsina. Mayroon ding ilang mga produktong lokal mula sa inyong pagawaan sa Batangas na isasakay sa Barko, mayroong nakausap si binibining Kallyra na siyang bibili noon na kasamang darating ng barkong naglalaman ng mga inangkat na kalakal, kailangan na mapagpulungan ang ukol doon upang makapaghanda."
"Ipapaalam ko sa kaniya." aniya. Nabawasan ang talim ng kaniyang tingin matapos marinig ang mga sinabi nito. "Mayroon ka pa bang ibang sasabihin sa kaniya?"
"Iyon lang Señor, para sa iyo nga pala ang sulat na ito." kunot ang kaniyang noong tinanggap niya ang inabot nitong sulat.
"Hindi ko kilala ang gumawa ng liham subalit nakiusap siyang ibigay ko sa inyo Señor." Tila nabasa nito ang tanong sa kaniyang isipan.
"Gracias." Muli itong yumukod at magalang nagpaalam.
"Anong sinabi niya Uno?" tanong ni Pedro ng makasakay sa kalesang kaniyang pinatatakbo ang hinihintay.
"Sa tingin ko ay hindi niya alam." ang tipid nitong sagot.
"Sa tingin mo ba ay babalik pa ang pinuno?" may bakas ng lungkot sa tinig ng binata. Alam nila ang mga nangyari dahil sa mga espiyang nagbibigay sa kanila ng mga impormasyon. Alam din nilang hindi nagtungo ang kanilang pinuno sa La Union.
"Hindi ko alam." muli ay tipid nitong sagot. Subalit katulad niya ay mayroon ding bakas ng lungkot sa boses.
Tila sinaksak ng isang libong beses at pagkatapos ay dinurog ng bakal na mga kamay ang kaniyang puso, huminto iyon sa pagtibok ang puso ni Lucas matapos mabasa ang liham. Nakaramdam siya ng panginginig ng tuhod at napahawak siya sa haliging bakod ng kulungan ng mga kabayo.
"Ginoo ayos lamang ba kayo?" ang natataranta at nag-aalalang tanong ng matanda. Subalit hindi niya iyon naririnig, ibang tinig ang umaalingawngaw sa kaniyang pandinig. Mahina ang mga tinig subalit punong-puno ng sakit at panunumbat.
"….You are f***king stupid Lucas! Bakit sa tingin mo ay wala ng problema sa mga negosyo niyo, dahil ba napagod ang mga gumagawa noon, napagod na ba ang mga rebeldeng indiyo at tulisang pinagbibintangan mo, o dahil nakakulong na ang nag-uutos na gumawa noon? Ano Lucas alin sa dalawa?"
"Hindi mo sila kayang husgahan dahil mahal mo ang anak nila, ngayon mo patunayang hindi mo na mahal si Katrina, kung makikialam ka sa kanila ay patutunayan mong tama ako."
"….nang dahil sa kaniya nabubulagan ka sa kasamaan ng pamilya nila, hindi mo ba nakikita Lucas, hinuhuli sila dahil mayroon silang kasalanan!"
"Alam ko ang sinasabi ko, ikaw ang walang alam dahil ginagago ka na ay hindi mo pa alam!"
"Para sa mga batang indiyo Lucas… para sa kanila kaya pinabagsak ko ang taong yun, para makapagpatuloy sila sa pag-aaral!".
"H-hindi mo pa pala ako kilala…"
Isang malakas na suntok ang pinakawalan niya at umuga ang haligi ng kuwadra. Nabigla man ang matandang kasama ay hindi nito magawang lumapit sa kaniya, kasabay ng malakas na kulog ay ang malakas na sigaw niya.