webnovel

The Beginning

"Ayla, bumangon ka na riyan at ihatid mo na itong agahan sa Tatay mo."

Napasinghap ako at pinutol ang pakikipagtitigan sa bubong ng aming bahay nang marinig ko ang sigaw ni Nanay mula sa labas ng aking silid.

Bumangon ako at humarap sa maliit na basag na salamin ng aking silid. Pinusod ko ang buhok ko at tinanggal lang ang muta at ang mga natuyong laway.

Lumabas ako ng aking silid at agad kinuha kay Nanay ang isang basket na nilagyan ng pagkain, tubig, basahan, at extra'ng damit.

"Bilisan mo para makapasok ka sa eskuwelahan mo nang maaga," bilin pa sa akin ni Nanay nang ma-i-abot sa akin ang basket.

"Opo."

Tinalikuran ko si Nanay at kahit hindi pa naliligo, tinahak ko ang daan papunta sa bukirin kung saan ngayon ang trabaho ni Tatay.

Papasikat pa lang ang araw at palabas na ako ng kawayang bakod ng aming bakuran nang may dumaan mismo sa tapat nito, nagtatawanan at mukhang nagja-jogging.

Ang direksiyon nila ay ang daan kung saan din ako patungo. Wala akong nagawa kundi ang sundan silang tatlo. Dalawang lalaki at isang babae.

Habang bitbit ang basket, hindi ko maiwas ang tingin ko sa kanilang tatlo, lalo na sa babaeng kasama nila.

Ang suwerte-suwerte nila. Magaan ang buhay nila. Maganda ang kanilang pamilya. Hula ko, nasa kanila na ang lahat at siguro kuntento na sila rito. Minsan napapaisip ako kung ano pa kaya ang pino-problema nila? Kung ano pa ba ang gusto nila sa buhay? Siguro nga, ang dali para sa kanila na makuha ang lahat. Para bang may genie silang kasama na anumang sabihin nila ay maibibigay agad sa kanila gamit ang isang pitik lang ng kamay.

Umiling ako.

Ano ba itong pinag-iisip ko? Dapat nga makuntento na lang ako sa kung anong buhay mayroon kami ng pamilya ko ngayon pero hindi naman siguro masama na minsan sa buhay ko, mangarap din ako na sana maging katulad ko sila?

"Hoy Steve, Breth, hintayin niyo nga ako!" Naibalik ko ang tingin sa kanila nang marinig kong sumigaw ang babae. Mas na-unang tumakbo ang dalawang lalaking kasama niya tapos siya ay kaonting distansiya na lang mula sa akin.

Mali ito, hindi dapat akong maghangad ng mga bagay na mayroon ang iba. Matutong makuntento, wika nga ni Nanay.

Tama nga ang naisip ko kanina, papunta nga sila kung saan man ako papunta ngayon.

"Magandang umaga, 'Tay, nandito na po ang agahan niyo." Nang makarating sa tina-trabaho ni Tatay, agad akong nag-mano sa kaniya. Bahagya lang akong yumuko sa iba pa niyang kasamahan na nagpapahinga na rin sa malaking mangga para sa pagbati.

"O? Kumpleto ba iyan? Baka may nakalimutan ka't tatanga-tanga ka pa naman."

Napayuko na lang ako sa sinabi ni Tatay. Nahihiya kasi pinagalitan ako sa harap ng iba pa niyang kasamahang tapasero.

"Magandang umaga po sa inyong lahat!" Habang tinutulungan si Tatay na ilabas ang lahat ng gamit mula sa basket, sumigaw sa hindi kalayuan 'yong babaeng kanina lang ay sinusundan ko. Galing sila sa kabilang dulo nitong lupain at mukhang pauwi na.

"Magandang umaga rin, Ma'am MJ, Sir Steve, Sir Breth," halos sabay na bati ng mga magsasakang nandito ngayon sa ilalim ng mangga.

"Mabuti po at tumigil po kayo sa pagsasaka. Mabuti po 'yan, 'wag niyo pong kalimutan ang magpahinga ng paminsan-minsan. Maraming salamat po sa kasipagan niyo po, keep up the good work po."

"Maraming salamat, Ma'am MJ," sagot naman ni Manong Ronel sa kaniya, isa sa mga kasamahan ni Tatay sa pagtatapas.

"Hoy MJ, masiyado ka ng OA, halika na, mali-late na tayo."

Kahit kinakaladkad na siya ng kaniyang dalawang pinsan, hindi siya nagpaawat na kumaway sa aming lahat. Nagtawanan tuloy ang mga kalalakihan na nandito ngayon sa ginawa niya.

"Ang bait talaga ng bunsong anak ni Boss Resting."

"At saka ang masiyahin pa, hindi katulad nitong anak ko na parang ipinaglihi yata sa sama ng loob, palaging nakasimangot, e."

Dahil sa kahihiyan, wala akong nagawa kundi ang yumuko na lang at nagpatuloy sa pagsisilbi sa Tatay ko. Hindi ko na lang pinakinggan ang kung ano man ang komento ng mga kasamahan niya.

"Tularan mo 'yong si Ma'am MJ Osmeña, Ayla ha. Siya nga na ubod ng yaman, marunong kumilala ng mga tao, ikaw pa kayang mahirap lang."

"Ano ka ba, Boyet, tahimik na bata lang talaga iyang si Ayla. At saka ang bait-bait n'yan, masipag pang mag-aral."

Yumuko ako kay Mang Tisoy at pilit na ngumiti para kahit ano'y magpasalamat sa kaniyang sinabi sa akin.

"Oo nga, sa sobrang sipag, e, pag-aaral na lang ang inaatupag. Hindi na kami magawang tulungan ni Helen sa mga gawaing bahay."

Ano kaya ang nagawa ko sa nakaraan ba't ganito ka lupit sa akin ang kapalaran ngayon? Ni hindi ko naman hiniling na sana mabuhay ako pero bakit ako nandito para pagdusahan iyon? Kabayaran ba ito ng kasalanan ng mga magulang ko noon kaya ako naging ganito?

Napabuntonghininga na lang ako at nagpatuloy sa pagpasok sa eskuwelahan.

"Grabe, ilang taon na tayong magka-klase, Ayla, pero parang ang misteryosa mo pa rin sa akin. Hanggang ngayon, hindi pa rin kita lubusang kilala?"

Nagsusulat ako sa kuwederno ko nang bigla akong lapitan ni Raffy Javier, 'yong anak ng isang magaling at sikat na abogado sa probinsiya namin. Wala 'yong subject teacher namin, may pina-kopya lang sa amin kaya malakas ang loob nitong si Raffy na lapitan ako.

"Alam mo namang tahimik akong tao, Raf," sagot ko naman.

"Itong si Raffy, halata talagang walang magawa sa buhay. Binulabog mo na naman 'yang kaibigan ko. Bumalik ka nga roon sa bangko mo, Raf."

Wala sa sarili akong napangisi nang marinig na ang pagtataboy ng kaibigan kong si Zubby.

"Zubeida talaga, kinakausap ko lang naman si Ayla, e."

Nilingon ko si Raffy habang paalis na sa kaninang inupuan niya. Agad namang pumalit si Zubby sa kaniya.

"Ang sipag mo naman, pati 'yan kino-kopya mo pa? Heller girl, picture-picture na kaya ngayon."

Pinasadahan ko ng panandaliang tingin si Zubby bago ibinalik ang tingin sa aking sinusulat.

"Alam mo namang mas malabo pa sa paningin mo ang camera ng cellphone ko, 'di ba?"

"Isi-send ko na lang kasi sa 'yo, girl," aniya pa sa medyo maarteng paraan.

Sabi nila, si Zubby daw ay feeling-era kasi hindi naman daw sila mayaman pero kung umasta at kung manamit ay parang mayaman. Sunod sa uso palagi ang mga damit niya at lahat ng mga latest styles ay mayroon siya. Mga mumurahin nga lang.

Hindi naman talaga siya feeling-era, siguro roon lang niya na-i-express ang sarili niya kaya sa lahat ng kaklase namin, ako lang yata ang kayang makipaglapit sa kaniya na hindi siya inaaway.

"Okay na 'to, Zub, maganda naman 'yong sulat-kamay ko."

"Ek, self-proclaimed." Tapos sinipat niya ng tingin ang kuwederno ko. "Pero in fairness, wala pa ring kupas ang sulat-kamay mo."

Maingay ang buong klase kasi nga wala kaming guro. At mas lalo itong nag-ingay nang may dumaan na pamilyar na tao sa labas ng aming silid-aralan. Lumingon ako roon kasabay ng paglingon ng mga kaklase kong babae. Mas lalong umingay nang tumili na nga itong katabi kong si Zubby.

"Whaa! Si Brethren!" Aniya na parang inaabot pa ang lalaking nasa labas.

Pinasadahan ko na rin ng tingin ang lalaking iyon. Isa siya sa nakita ko kaninang umaga. Isang Osmeña. Pero ewan ko ba, Osmeña nga siya pero mas pinili niyang dito mag-aral sa public high school ng ciudad namin, e, samantalang nasa private school ang iba niyang pinsan at mga kapatid. Ewan ko ba kung anong trip niya sa buhay.

"Haaaay," mahabang buntonghininga ni Zubby nang ibinalik niya ang tingin sa akin. Ipinatong pa niya ang dalawang siko sa ibabaw ng arm chair ko kaya kinailangan ko pang mag-adjust para mabigyan siya ng espasyo. "Ang guwapo talaga ni Breth Osmeña. Feeling ko talaga mabango rin ang breath no'n, e."

Gusto kong matawa sa mga pinagsasabi ni Zubby ngayon. Feeling ko rin, pinagpapantasiyahan na niya ngayon si Breth Osmeña sa utak niya, e.

Bumalik sa normal ang estado ng silid-aralan namin.

"Nakita ko 'yan kanina. Sa lupain nila."

At gaya ng inaasahan, maibibigay na nga sa akin ni Zubby ang atensiyon niya.

"Talaga? Anong ginagawa niya?" Interesadong-interesado na tanong niya na halos mabali na nga ang braso ko sa kakahawak niya.

"Nagja-jogging yata, kasama 'yong dalawang pinsan niya."

"Hulaan ko kung sinu-sino... Hmmm, si Steve Osmeña at MJ Osmeña 'no?" Tumango ako sa sinabi ni Zubby. "Sabi na nga ba. Ang sabi kasi nila silang tatlo raw ang pinakamalapit sa magpi-pinsang Osmeña. Kaya nga naging idol ko rin 'yang si MJ, e. Sobrang ganda tapos ang bait pa."

Natigil ako sa pagsusulat at pinagtoonan na ng pansin si Zubby.

"Pero may bisyo at mahilig namang paglaruan ang mga lalaki."

"'Yon nga lang, 'yon lang ang nakaka-turn off sa kaniya. Pero bakit kaya ganoon 'no? Kahit alam ng lahat na may bisyo siya at pinaglalaruan lang ang mga lalaki, ang dami-dami pa ring nagkakagusto sa kaniya."

"E, kasi, mayaman," pagtatapos ko sa aming usapan.

Maraming mayaman sa bayan namin, sa sobrang dami, hindi mo na alam kung sino ang totoo at kung sino ang hindi. Hindi naman ganoon ka-lago ang bayan namin. Wala nga'ng mall dito, e, pero dahil sa mga mayayamang negosyante at pamilyang nandito, isa ang bayan namin sa pinaka-mayaman sa buong probinsiya.

Kung maraming mayaman, marami rin ang hindi gaanong pinagpala. In short... mahirap, katulad ko, katulad namin.

Mahirap lang kami. Ang mga magulang ko ay nagta-trabaho sa mga mayayamang pamilya ng bayan. Si Tatay Boyet, isang tapasero ng mga Osmeña. Si Nanay Helen naman ay isang labandera ng mga Marañon, isang nakakaangat din na pamilya sa aming bayan. Nag-iisa lang akong anak ngayon, pero kahit ganoon, nahihirapan pa rin si Nanay at Tatay na buhayin ako.

Dahil sa hirap ng buhay, minsan din akong tumutulong sa gawaing-bukid.

"Woy, Charter Day na pala ng ciudad natin sa makalawa, ah? Handa na kaya 'yong cheer dance team natin?"

Nasa sirang covered court kami ng eskuwelahan namin at pinapanood ang huling praktis ng Cheer Dance Team ng eskuwelahan namin. Isa ito sa mga inaabangang kompetisyon sa pagitan ng mga secondary school ng ciudad, pati nga elementary kasama, at ito ay ang Cheer Dance Competition.

Tatlo sa kaklase namin ay kasali sa team kaya napilitan kaming panoorin ang huling praktis nila. Hindi naman sa napilitan talaga pero kasali kasi 'yong isang malayong pinsan ko sa side ni Tatay na si Olesia Encarquez o mas kilala ng lahat na Sia.

"Naks, ang galing-galing talaga nila." Halos si Zubby lang talaga ang nag-iingay sa aming dalawa. Ako naman ay nakapalumbaba lang na nakatingin kay Sia. Siya rin pala 'yong team captain, edi SIA na talaga. Ok, ang corny.

"Hindi ba masama ang loob mo kay Sia? 'Di ba may relasyon sila ni Breth?"

Mabigat na buntonghininga ang unang sinagot ni Zubby sa akin.

"Kahit naman may gusto ako kay Breth, marunong naman akong lumugar 'no. Hindi naman ako kasing bitter mo kaya okay lang, at saka maghihiwalay din ang dalawang 'yan."

"Teka, bakit ako naging bitter?" Itinuro ko pa ang sarili ko. Hindi makapaniwala sa nasabi niya.

"E, wala ka kasing naku-kuwento na crush mo sa akin. Hindi ka pa ba nakapag-move-on kay—"

"Zubby, puwede ba? Hindi por que wala akong crush ngayon ay hindi na ako naka-move-on. Hindi ba puwedeng wala lang talaga sa prioridad ko iyon?" Pangangaral ko sa kaniya. Ngumuso siya, nagpapaawa effect pa sa akin.

"Sorry na, girl, ikaw naman kasi. Masiyado mo kasing nilulunod ang sarili mo sa pag-aaral, e, alam mo namang mga bobita tayo kaya nga tayo nasa lower section, e, kaya ano ka ba! 'Wag ka nang magpakalunod sa pag-aaral."

Natawa ako sa sinabi ni Zubby.

"'Yon na nga, Zub, e, mahirap na nga ako, hindi pa ba ako magsisipag sa pag-aaral ko? 'Yon na nga lang ang mayroon ako ngayon, e."

"Oh shut up na, magwo-words of wisdom ka na naman, e."

"Hi, Ayla," Nawala ang atensiyon ko kay Zubby nang may bumati sa akin. "Hi, Zubby," dagdag na bati pa niya sa katabi ko.

"Fab..." Nag-half smile ako sa kaniya na sinabayan ko pa ng tango.

"Hi, Fabio! Ang galing mong sumalo. Saluhin mo naman 'yong iba r'yan."

"Ang tanong, Zubby, e, kung magpapasalo ba?"

Minsan, may mga inside jokes silang hindi ko talaga maintindihan. Inside jokes nga 'di ba?

Hindi ko na pinansin ang kung anong pinag-usapan no'ng dalawa. Hindi ko rin naman maiintindihan, e.

"Ayla, manood ka bukas ha?" Bumalik ang tingin ko kay Fabio nang tawagin na naman niya ang pangalan ko. Ngumiti ako sa kaniya.

"Oo, magpapasama rin kasi si Sia bukas, e," kaswal na sagot ko kay Fabio. Batch mate namin, nasa star section siya kasama si Sia at Breth.

"Ek, magiging julalay ka na naman, girl?"

"Hindi naman," agad kong tinutulan ang komento ni Zubby. "Magpapatulong lang naman si Sia sa akin."

"If you say so," may pag-irap pa na sagot ni Zubby.

"Whatever your reason is, aasahan pa rin kita bukas," nakaturo pang sabi niya sa akin. Tumango ako sa kaniya para matapos na itong usapan namin. "Sige, maiwan ko na muna kayong dalawa, kailangan lang naming mag-meeting for finalization."

"Hi, Ayla!" Sabay nang pag-alis ni Fabio ay ang pagbati sa akin ni Sia mula sa malayo. Katabi na niya ngayon ang nachi-chismis na karelasyon daw niya na si Breth Osmeña.

Tinanguan ko lang si Sia at agad din namang nawala ang atensiyon niya sa akin.

"Alam mo itong si Fabio, kung makaasta parang akala mo siya 'yong highlights ng cheer dance team, e, taga-buhat lang naman siya ng flyers."

Nilingon ko ulit ang maingay kong kaibigan.

"Hayaan mo na 'yong tao, naghahanap lang ng suporta sa mga kakilala niya," pagtatanggol ko naman sa umalis na si Fabio.

"Oo, kasi 'yong taong gusto niyang sumuporta sa kaniya, ayon at sobrang manhid."

"Sino naman 'yon?"

"Ewan ko. Hindi ko alam," mabagal na sagot niya. Mukhang feeling ko, jino-joke time lang ako ng isang 'to. "Tara na nga, umuwi na tayo, maglalakad ka pa papunta sa inyo."

Sumang-ayon ako sa sinabi ni Zubby kaya isinukbit ko na ang bag ko at tinahak na namin ang daan palabas ng eskuwelahan.

Naglalakad kami sa footwalk malapit sa basketball court at principal's office nang biglang tumigil si Zubby sa paglalakad at dahil nakasabit ang kamay niya sa braso ko, wala akong nagawa kundi ang tumigil na rin sa paglalakad.

"Ba't ka tumigil?" Nagtatakang tanong ko sa kaniya.

Diretso ang kaniyang tingin at hindi man lang yata ako narinig. Sinundan ko na lang ang kung ano 'yong tinitingnan niya sa malayo.

"Girl... Nandito 'yong crush kong Lizares!"

Aray!

Halos mapapikit ako dahil sa higpit ng hawak ni Zubby sa may braso ko. Bad idea talaga na tumabi sa kaniya kapag kinikilig siya.

"Tapos kasama niya pa si future mother-in-law! Kyaa~ akala ko talaga masisira na araw ko dahil kay Sia at Breth, gaganda pa pala ito nang dahil sa kaniya." Sa wakas ay napabitiw na siya sa akin. "Thank you Lord, sa pahabol na grasya!" Dagdag na sabi niya pa habang nakatingala sa langit, nakapikit, at nakalahad ang dalawang kamay.

Napakamot na lang ako sa may batok ko dahil sa kahibangan ng kaibigan ko.

"Bawat pamilya talaga sa ciudad natin, may crush ka ano?"

Humaba ang nguso niya at isinukbit ulit niya sa akin ang kamay niya.

"Oo naman 'no, the more crush you have, the more chances of winner."

Teka, parang may mali?

"Naks, English, ah?"

"Aba siyempre, kahit bobita ako, marunong din naman akong mag-english."

Umiling na lang ako sa sinabi ni Zubby at nagpatuloy na kami sa paglalakad.

"Isang pamilya lang naman talaga sa ciudad natin ang wala akong crush, e. Kasi alam kong off-limits ako at para lang talaga sa'yo 'yon."

Mapakla kong nilingon si Zubby dahil sa sinabi niya.

"Zubeida Yesenia!" May pagbabantang tawag ko sa buong pangalan niya. At nagpa-cute na naman siya sa akin.

"Sorry na, girl, okay? Tatahimik na, oh?"

Papalampasin ko 'yong sinabi niya kaya nagpatuloy kami sa paglalakad. Pero habang naglalakad kami, unti-unting dumadami ang mga estudyante papunta sa tapat ng principal's office.

"Aber, sino 'yang crush mo sa mga Lizares? Ba't 'di ko yata alam 'yan?" Iniba ko na ang usapan baka kung saan pa mapadpad kung doon kami magfo-focus na dalawa.

Pinasadahan ko ng tingin ang may bandang principal's office, kung saan nakatingin si Zubby kanina. At nakita ko nga roon ang pinaka-eleganteng ginang ng bayan namin, kausap ang principal ng paaralan namin.

"Si Sonny Lizares." Narinig kong sabi ni Zubby.

Nailipat ko ang tingin ko sa katabi ng eleganteng ginang na si Donya Felicity. Isang lalaki na naka-chin up, nakapamulsa, at seryosong nakatingin sa hindi ko malaman kung saan. Matangkad, makisig, at aaminin ko, guwapo siya katulad ng ibang anak ng mayayaman sa bayan namin. Parang artista ang kaniyang mukha kaya nga hindi na nakakapagtaka na kahit nandito ang pagmumukhang 'yan sa bayan namin, hindi pa rin maiwasan na hangaan siya at pagmasdan siya ngayon ng mga schoolmates namin.

Ano bang kakaiba sa kaniya? Ang buhok niya ba sa batok ang nagbibigay enerhiya sa kaniya para manaig ang kaniyang itsura sa iba pang guwapo sa bayan namin? Hindi ko alam. Hindi ko naman kasi siya gusto.

"Sayang lang kasi nasa college na siya tapos mas matanda pa siya sa akin ng mga limang taon. Pero kahit ganoon, siya pa rin ang crush ko sa mga Lizares... ay mali, lahat ng Lizares brothers ay crush ko pala."

Umiwas ako ng tingin sa lalaking nagngangalang Sonny Lizares nang makita kong nakatingin siya sa banda namin. Nilingon ko si Zubby kung nakita niya ba ang paglingon ni Sonny Lizares sa direksyon namin.

"Lumingon si Sonny Lizares sa direksiyon natin, nakita mo?" Tanong ko pa sa kaniya.

"Ha? Saan?" At saka lang niya nilingon ulit ang puwesto ni Sonny Lizares. "E, hindi naman, e," reklamo pa niya.

"Kanina, habang kuda ka nang kuda, nakatingin siya. Sa susunod kasi, kapag crush mo, 'wag mong i-aalis ang tingin sa kaniya. Baka sakaling mapansin ka niya kapag tititigan mo siya."

"Katulad nang ginagawa mo kay Vad?"

Heto na naman tayo...

"Zubby?" May pagbabantang tawag ko ulit sa pangalan niya.

"Oo na, oo na, titigil na. Hindi na mabiro si Aylana Rommelle, e."

Napailing na lang ako at mas itinoon ang atensiyon sa paglalakad.

Naghiwalay ang landas namin ni Zubby sa labas lang ng eskuwelahan. Magkaibang barangay kasi ang mga tirahan namin.

Nasa bukid ang bahay namin, malapit sa bahay ng mga Osmeña, nasasakupan ng mga lupain nila pero dahil walang Senior High sa malapit na eskuwelahan sa bahay namin, kinailangan ko talagang mag-aral sa National High School ng bayan namin para lang makapagtapos ng high school.

Mahirap maging mahirap. 'Yan lang ang alam ko sa buhay. 'Yan lang din ang iniisip ko sa tuwing naglalakad ako pauwi sa amin galing sa paaralan.

Mahirap kasi wala kang kakayanan sa lahat. Mahirap kasi kahit alam mong may ibubuga ka, kung wala ka namang perang mailalabas, wala rin. Mahirap lalo na kung araw-araw itong pinapaalala ng sarili mong mga magulang.

Naririndi na ba kayo sa kakasabi ko na mahirap ako? Kailangan kong sabihin iyon sa sarili ko para araw-araw ay hindi lumagpas sa matatayog na pangarap ang iniisip ko. Dapat kasi makuntento lang ako.

"'Nay, aalis po ako mamaya."

Matapos ang agahan at habang nililigpit ang mga pinagkainan, nagpaalam na nga ako kay Nanay.

Pareho silang walang trabaho ni Tatay ngayon. Si Nanay kasi ay once a week lang nakakapaglaba sa mga Marañon, samantalang si Tatay ay natapos na sa pagtatapas ng tubo kahapon kaya naghihintay pa siya ngayon kung anong lupain na naman ng mga Osmeña ang aanihin nila.

"Saan ka na naman pupunta? Walang pasok, aba?" Pero si Tatay ang sumagot sa sinabi ko.

"M-Manunuod po ako ng cheer dance sa bayan, 'Tay, at saka po sasamahan ko po si Sia, kasali po kasi siya—"

"Sia? Nagpapa-alipin ka naman sa kamag-anak nating iyon? Inaalipin ka ba ng Olesia'ng iyan?" Pinagtoonan ko ng pansin ang mga hugasin habang naglilitanya si Tatay. "Kahit mahirap tayo, 'wag mong hahayaan na alipinin ka ng mga kamag-anak natin. Hindi por que nakakaangat sila, ay magpapa-alipin ka na agad," dagdag na pangangaral niya.

Tumalikod na ako, pinipigilan ang sariling sumagot.

Bakit kayo, 'Tay? Nakapagtapos naman kayo ng pag-aaral, bakit naging tapasero lang kayo ng mga Osmeña?

"Boyet..." Narinig kong tawag ni Nanay sa pangalan niya.

"Mag-trabaho ka muna bago umalis, hindi iyong lakwatsa ang inuuna mo." Pabagsak na lumabas si Tatay sa bahay.

"Tulungan mo kami sa pag-aabono ng lupa, anak, para may pera ka kung gagala ka man talaga."

Napabuntonghininga na lang ako at tuluyang tinapos ang hugasin.

Ang hirap mabuhay sa buhay na naghahanap ng rason mabuhay.

"Hoy, Ayla, gagala ka ba mamaya sa bayan?"

Habang nilalagyan ng abono ang bawat bagong tanim na mga tubo ay kinakausap naman ako nitong si Tiya Judy. Inangat ko ang tingin ko para matingnan siya nang panandalian. Nasa kabilang hilera kasi siya at mukhang sinadya niya talaga na pantayan ako para makapag-usap kami.

Ayoko sanang makipag-usap sa kaniya o sa kahit sinong tao ngayon pero magmumukha naman akong ingrata kung i-i-snob-in ko itong si Tiya Judy.

"Opo, pagkatapos po nito Tiya Judy," simpleng sagot ko naman.

Ayokong makipag-usap sa kaniya para madali akong matapos dito sa ginagawa ko at para makapunta ng maaga sa bayan. Ganoon lang ka-simple.

"Totoo ba na si Enrique Gil ang artista mamayang gabi?"

Pinasadahan ko ulit ng tingin si Tiya Judy.

"Hindi ko po alam, Tiya Judy."

"Ay, ano ba 'yan, akala ko pa naman may alam ka. Sige na nga lang," at pinagpatuloy na nga niya ang ginagawa niya.

Pa-simple na lang akong nangisi at pinagtoonan na ng pansin ang gawain.

Magtatanghalian nang matapos ako sa pag-aabono sa lupaing hindi naman amin. Agad ko rin namang nakuha ang suweldo ko sa ilang oras na gawain na iyon.

Mabilis ang naging kilos ko dahil kailangan ko pang humabol. Kahit hindi pa nanananghalian, umalis agad ako papuntang bayan. Paniguradong hinahanap na ako ni Sia.

"Sia, pasensiya ka na ngayon lang ako nakarating. Nasaan na 'yong gamit mong pababantayan mo sa akin?"

Mabuti nang makarating ako sa coliseum ng bayan namin ay hindi pa nagsisimula ang kompetisyon, nasa labas pa ang lahat ng kalahok pero alam kong marami ng tao sa loob. Nakita ko nga rin na marami ng mensahe si Zubby sa akin.

"Saan ka ba kasi galing, Ayla? Kanina pa kita hinihintay ah? Oh..." Sabay pabato na ibinigay sa akin ang may kalakihan niyang bag.

Mabuti at nasambot ko ang bag na iyon.

"Nag-abono pa kasi kami nina Nanay."

"Whatever... Basta after naming sumayaw, puntahan mo agad ako here ha? Same spot."

"Okay, Sia."

"Sige, go! Baka maubusan ka pa ng bangko sa loob, hindi ka pa makapanood."

Tumango ako kay Sia at naglakad na paalis sa kaniya. Sa sobrang dami ng tao rito sa labas ng coliseum, hindi na ako magtataka kung bakit hindi ako napansin ni Fabio. Siguro hindi niya ako nakita. Wala na rin akong time para lapitan pa siya kasi tama nga naman si Sia, baka nga maubusan pa ako ng mauupuan sa loob ng coliseum.

Kahit masikip, nakipagsiksikan ako makapunta lang sa entrance ng coliseum. Ang sabi ni Zubby sa huling mensaheng ipinadala niya sa akin ay nasa loob na raw siya. Hanapin ko na lang daw dahil sobrang daming tao sa loob. Nasa babang bleachers daw siya, tapat mismo ng stage. Siguro hahanapin ko na lang talaga siya sa dagat ng tao.

Palapit na ako sa entrance nang matigilan ako sa paglalakad.

May isang malaking tarpaulin na naka-paskil malapit sa entrance ng coliseum. At ang tarpaulin na iyon ay naglalaman ng isang pagbati galing sa aming butihing Mayor ng bayan. Binabati niya ang lahat ng mamamayan ng bayan namin ng isang maligayang charter day.

Hindi dahil sa ganoon kung bakit natigil ako sa paglalakad, kundi sa litratong nasa tarpaulin na iyon.

Si Mayor, kasama ang kaniyang buong pamilya.

Tumagal ang titig ko sa bunsong anak ni Mayor. Malawak ang naging ngiti niya sa litratong iyon. Nakasuot siya ng barong tagalog at pormal na pormal siya roon. Kung sa ibang pagkakataon siguro, baka pinagtawanan ko na siya pero sa situwasiyon ngayon, ang pagtitig na lang ang magagawa ko at ang kaonting... panghihinayang.

'Happy Charter Day, Escalante City! From Hon. Salvador "Sally" Montero IV and Family.'

~

Creation is hard, cheer me up! Chapter 2 of Clouded Feelings (Tagalog) is here!

_doravellacreators' thoughts
Nächstes Kapitel