webnovel

Si Lin Che Ang Hinahanap Ko, Okay?

Agad namang tumaas ang kilay ni Chen Yucheng. Humakbang siya palapit doon, pinulot ang cellphone at sinagot ang tawag.

Bago pa man siya makapagsalita ay narinig na niya ang boses ni Shen Youran.

"Lin Che, ano na'ng gagawin ko? Nabugbog ko nang husto ang bastos na Zhou Minhan na iyon kaya ngayon ay nandito ako sa police station dahil tumawag ng mga pulis ang kanyang pamilya. Ano, kung tatawagan ko ang papa ko, tiyak na malilintikan ako no'n. Ano na'ng gagawin ko…"

". . ." Kahit kailan talaga ay palaging nasasangkot sa gulo ang babaeng ito.

"Ako na ho ang humihingi ng paumanhin. Nasa isang masayang date ang iyong mabuting kaibigan. At pasensya na dahil hindi ka niya matutulungan ngayon," saad ni Chen Yucheng sa kabilang linya.

Samantala, napahinto naman sa pagsasalita si Shen Youran.

Pagkatapos ay bigla nalang nag-iba ang tono ng pagsasalita nito: kung kanina ay puno ng pangamba at pag-aalala, ngayon naman ay para na itong sasabog. "Chen Yucheng, bakit nasa'yo ang cellphone ni Lin Che?!"

"Bakit? Nadismaya ka ba nang malaman mo na ako ang nakasagot? Kung sabagay ay hindi naman tama talaga na manakit ka ng isang tao. Kaya mabuti nga't diyan ka nalang muna pansamantala para maturuan ka naman ng tamang leksyon, kahit papano."

"Ano… huh. Hindi ko din naman hinihingi ang tulong mo. Ano bang ipinagmamalaki mo? Tama ka. Sinasabi ko lang naman 'to dahil sa gusto ko lang. Okay lang din naman ako dito."

Nang marinig ni Chen Yucheng ang nagmamataas nitong boses ay lalo pa siyang nang-asar, "Kung ganoon ay bakit ka tumawag?"

"Pakisabi nalang kay Lin Che na dito na muna ako mananatili sa police station sa loob ng ilang araw kaya hindi ko na muna masasagot ang mga tawag niya. Pakisabi din sa kanya na tulungan akong gumawa ng dahilan sa tatay ko, at sabihin na magkasama kaming dalawa. Iyon lang."

Nang matapos na siyang magsalita ay pinatay na agad ni shen Youran ang tawag.

Napailing na naman si Chen Yucheng habang nakatingin sa cellphone. Pagkatapos ay ibinalik ito ulit sa kinalalagyan kanina.

Sa police station.

Pinapasok na ulit si Shen Youran ng mga pulis papunta sa loob.

Bagsak ang mukhang hawak-hawak niya ang cellphone at naiinis na sinabi, "Walangy* talaga ang Chen Yucheng na iyon! Nakakainis talaga siya! Bakit basta nalang itong nangsasagot ng tawag ng hindi niya cellphone? Wala talagang hiya sa sarili!"

"Tama na iyan. Pinayagan ka na namin na tumawag ng isa mong kakilala o kapamilya pero mukhang hindi mo siya nakausap. Pasok na, pasok," sabi ng isang pulis habang tinutulak siya.

Parang gusto niyang umiyak. Tumingin siya sa pulis at sinabi, "Sir, maniwala ho kayo sa'kin. Ginawa ko lang naman iyon bilang self-defense."

'Kahit na, hindi pa rin makatarungang sabihin na self-defense lang iyon. Mamaya ka nalang ulit magpaliwanag kapag lumabas na ang resulta ng medical test." Wala din naman sa isip ng pulis ang gawan siya ng kahit na anong hindi maganda. Tinulak nito ulit papasok si Shen Youran at sinabi, "Isipin mo nalang kung sino ba ang pwede mong matawagan ngayon para mkapagdala ng abogado mo."

Galit na napaisip si shen Youran, 'paano naman ako magkakaroon ng sarili kong abogado'?

Sa ngayon ay pinatay na ng Chen Yucheng na iyon ang nag-iisa niyang pag-asa..

Habang nagmumuni-muni ay bumukas ulit ang pinto.

Pumasok ang isang abogado at nagsalita ang isang pulis na nakasunod dito, "shen Youran, nandito na ang abogado mo para magpyansa sa'yo."

Kaagad namang napatuwid ng tayo si Shen Youran. "ah, talaga?" Tumingin sa kanya ang abogado. "Sumunod ka sa'kin."

Nasisiyahan at hindi makapaniwala si Shen Youran. Agad niya itong tinanong, "Si Lin Che ba ang nagpapunta sa'yo dito? Tama ba ako? Siya, di ba?"

Nagtatakang nakatingin sa kanya ang abogado. "Hindi. Ang lalaking ito ang nagpadala sa akin dito."

Sinundan niya ng tingin ang sinasabi nito mula sa pinto. Sumilip siya para makita kung sino ang papasok. Walang iba kundi si Chen Yucheng…

Biglang naglaho ang ngiti sa mukha ni Shen Youran.

Matalim ang tinging tiningnan niya si Chen Yucheng. "Bakit ka nandito?"

"Bakit? Ayaw mo akong makita dito?" Pagnaka'y sinabi nito sa abogado, "Huwag nalang pala. Nagkamali pala ako. Hindi ko pala kilala ang taong ito. Hindi nalang tayo magbabayad ng pyansa niya."

"Hoy hoy hoy. Anong ginagawa mo?" Mabilis niyang hinila papunta sa tabi niya ang abogado at tiningnan nang masama si Chen Yucheng.

Sinabi sa kanila ng pulis na dalawang bagay daw ang hinihiling sa kanya ng pamilya ni Zhou Minhan: ang una ay ang kabayaran at ang ikalawa naman ay paghingi ng paumanhin.

Bagama't nag-aatubili pa si Shen Youran ay wala rin siyang magawa kundi ang puntahan nga ang lalaki at humingi ng paumanhin.

Kaya, hinatid siya ni Chen Yucheng patungo sa hospital.

Nakahiga pa rin sa kama ng hospital ang Zhou Minhan na iyon. Panay pa rin ang aray at reklamo nito. Nang makita nito si Shen Youran ay agad itong nagpumilit sa pag-upo. "Youran, makinig ka sa'kin. Hindi ko talaga gustong…"

Marahil ay nanay nito ang babaeng nakaupo sa tabi nito. Nang makita nito si Shen Youran na dumating ay agad nitong pinigilan ang nagpupumilit na anak.

"Hoy, maldita kang babae ka. Ang kapal naman ng mukha mong pumunta dito? Hindi mo ba nakikita kung gaano mo nasaktan ang aming Minhan?"

Agad din itong pinatigil ni Zhou Minhan, "Ma, may kaunting hindi pagkakaintindihan lang kami ni Youran."

"Anong hindi pagkakaintindihan? Muntik ka na nga niyang mapatay eh, at muntikan na rin niyang maputol ang lahi natin. Ikaw lang ang nag-iisang lalaki sa pamilya natin ngayon, kung hindi ka magkakaanak…" Galit na sinulyapan nito si Shen Youran, "Wala akong pakialam kung ano man ang problema ninyo! Basta, magbabayad ka!"

Muntik ng maputol ang lahi…

Nagnakaw ng mabilis na sulyap si Chen Yucheng mula sa likod. Ang lalaking nakahiga sa kama ay mapula ang labi, mapuputi ang mga ngipin at mukhang may sinabi rin sa buhay. Pagkatapos ay dumako ang mata niya sa katawan nito at nagpakawala ng pekeng pag-ubo.

Nagsalita si Shen Youran, "Bakit hindi mo muna tanungin iyang anak mo kung ano ang binabalak niyang gawin kanina? Ipinagtanggol ko lang din ang sarili ko!"

"Anong self-defense? Eh kasi naman sobrang ikli ng suot mong palda at halatang nang-aakit ka ng mga kalalakihan kaya nagkaroon lang din ng dahilan ang MInhan ko na hawakan ka. Para sa'kin, mukhang gusto mo din naman iyon eh! Kaya nga ganun ang suot mo diba. Hindi sinungaling ang anak ko. Nang makita ka niya sa ganyang kasuotan eh di nahulog siya sa patibong mo. Ikaw lang din ang may kasalanan kung bakit naisipan niyang gawin iyon!"

"Ano…" Parang sasabog na sa sobrang galit si Shen Youran. Habang nakikita niya ang babaeng ito ay mas lalo siyang nawalan ng gana na humingi ng pasensya. Ang naiisip nalang niya ngayon ay kung bakit hindi pa niya nilakasan nang todo ang pagsipa sa armas nito nang sa gayon ay tuluyan ngang mangyari ang ikinakatakot ng bruhang ito.

Nang oras din namang iyon ay pumasok na si Chen Yucheng at itinabi si Shen Youran. "Mga madam, ayon ho sa batas natin ay hindi sapat na rason ang paraan ng kasuotan ng isang babae para siya ay bastusin o pagplanuhan nang hindi maganda. Kahit paman nakahubo't hubad si Shen Youran sa kalsada, kung may tao mang gagawa ng kabastusan sa kanya nang walang pahintulot mula sa kanya ay maituturing pa rin na nagkasala sa batas ang taong iyon. Uhm, Shen Youran, sigurado ka ba na binalak nitong pagsamantalahan ka?"

Mabilis namang tumango si Shen Youran. "Syempre, oo sigurado ako. Bigla nalang niyang sinunggaban at pinaghahalikan."

Noon lang din napansin ni Zhou Minhan si Chen Yucheng. Nang makita nito kung paano nito hinila papunta sa likod si Shen Youran ay nagtanong agad ito, "Sino ka? Anong relasyon mo kay Youran?"

Sumagot naman si Chen Yucheng, "Ako…"

"Boyfriend ko siya. Bakit? Hindi ba pwede?" Mula sa likod ay biglang sumingit si Shen Youran.

". . ." Agad namang nagdilim ang mukha ni Chen Yucheng.

Hindi makapaniwalang lumakas ang boses ni Zhou MInhan, "Syempre, hindi ako naniniwala!"

Tiningnan nito si Chen Yucheng. Matangkad ito at gwapo. Ang suot nitong damit, ang relos sa pulso nito, at ang klase ng suot nitong sapatos… hindi ordinaryong tatak ang mga iyon.

Magkakagusto ang ganitong lalaki kay Shen Youran?

"Huwag mo akong lokohin!"

Sumagot naman si Shen Youran, "At pano mo naman nasabi na nagsisinungaling lang ako? Totoong boyfriend ko siya. Kung ano man ang isinusuot ko ay para lang iyon sa kanya at hindi para sa'yo. Kaya please lang, wag masyadong mataas iyang tingin mo sa sarili mo. Iniisip mo pa rin ba na inaakit kita? Kailangan ko pa bang gawin iyon sa'yo gayung nakikita kong hanggang diyan ka lang naman?"

". . ." Napatungo ang ulo ni Chen Yucheng para tingnan si Shen Youran. Nakapulupot na ang mga kamay nito sa braso niya.

Hindi talaga siya makapaniwala sa babaeng ito…

Tumuwid ng tayo si Chen Yucheng. "Kung ganun naman pala, eh bakit pa kami hihingi ng paumanhin sa inyo? Kung totoo man na ginawa mo iyon kay Shen Youran, sa korte nalang tayo magkita-kita. Idedemanda ka namin dahil sa kabastusan mong iyan."

"Ano?"

"May katarungan pa ba talaga? Pagkatapos niya akong saktan nang ganito, siya pa ang magdedemanda sa atin…"

Pagkasatapos sabihin ni Chen Yucheng ang mga iyon ay lumabas na silang dalawa.

Ilang sandali munang nilasap ni Shen Youran ang tamis ng tagumpay lalo na nang makita niya ang mga mukha ng dalawa na para bang nakalunok ng langaw. Masayang-masaya talaga siya.

Nakalabas na sila pero paulit-ulit pa rin niyang sinasabi, "Ang saya, napakasaya ko talaga. Eh buti nga sa kanila iyon. Ang kapal kapal naman ng apog nila para idemanda ako…"

Nakatungo ang ulo at nakatingin sa kamay ni Shen Youran na nagsalita si Chen Yucheng, "Hindi ba't dapat ay alisin mo na iyang kamay mo?"

". . ."

Nächstes Kapitel