Sumagot din si Lin Che, "Hindi ba't para lang sa mga artista ang lugar na ito? Ang akala ko ay hindi nakakapasok ang mga galanga so dito. Hehehe."
Napatawa naman si Chen Yucheng sa sinabi niya. "Alam ko naman pong maraming mga katulad ninyo ang nagpupunta rito. Iyan ang dahilan kung bakit madalas din ako rito." Nakataas ang isa nitong kilay, na para bang may ibang ibig ipahiwatig.
Nandito ito para maghanap ng mga sikat na artista.
Napaikot naman ng mata si Shen Youran. Anong klaseng lalaki ba ito?
Sumingit si Shen Youran, "Mahal kong Lin Che, iyan ang rason kung bakit sinasabi ko sa'yo na pare-pareho lang lahat ng mga lalaki. Pare-pareho lang sila. Mahilig sa magaganda, mga bastos, at iisa lang ang gustong makuha. Hindi ka nagkakamali na makinig sa akin. Hehe."
Mula sa gilid ay sinulyapan ito ni Chen Yucheng. "Anong ibig mong sabihin na pare-pareho lang lahat ng mga lalaki? Kung makapagsalita ka ay parang maraming lalaki na ang nakilala mo."
Suminghal lang si Shen Youran, "Hoy, pano ka naman nakakasiguro na kakaunti palang ang mga lalaking nakikilala ko?
Tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa. "Sa hitsura mo kasing iyan, huwag mong sabihin sa'kin na marami ka ng karanasan sa pakikipagrelasyon?"
"Tanga! Sinasabi mo bang pangit ako?"
Sumagot ulit si Chen Yucheng. "Hindi lang talaga ako mahilig magsinungaling."
"Ano… Akala mo naman kung sinong kagwapuhan!"
"At least, sinasabi mo pa ring gwapo ako."
". . ."
Gusto pa sanang sumagot ni Shen Youran pero hinila na ito paupo ni Lin Che. "Nagkakapera siya gamit ang kanyang bibig. Hindi ka mananalo kung makikipagsagutan ka sa kanya. At isa pa, bakit ba kayo nagtatalo ha?"
Nang sandali ding iyon ay tinapik na ito ng babaeng kasama. Sinabihan naman ito ni Chen Yucheng na hintayin siya sa loob. Pagkatapos ay tumabi siya kay Lin Che at sinabi, "Mukhang hindi maganda ang mood ni Madam ngayon."
Napatingin dito si Lin Che. "Well, kumusta nga pala ang sakit ni Gu Jingze ngayon?"
Sumagot si Chen Yucheng, "Ah, iyon ba. Kailangan pa ring magpatuloy sa paggagamot. Pero, mukhang wala namang problema sa inyong dalawa. Matagal na kayong magkasama ni President Gu pero tinitingnan ko pa kung may mangyayari ba sa inyong dalawa."
Nagtanong ulit si Lin Che, "Kung ganun, sa tingin mo, kailan kaya siya gagaling?"
"Kailan siya gagaling… Naniniwala ako na hangga't nakokontrol ang pagsumpong ng kanyang sakit ay hindi na gaanong mahalaga kung tuluyan siyang gagaling. Pero wala pa naman talagang treatment para sa tuluyan niyang paggaling. Kahit malaking pera na ang nagagamit namin kada taon para sa pananaliksik, hindi pa rin kami nagtatagumpay na makahanap ng lunas."
"Oh," malungkot na sabi ni Lin Che. Ipinatong niya ang baba sa ibabaw ng counter.
"Anong problema, Madam?"
"Wala naman. Naisip ko lang… Hays. Dahil ikaw nga ang psychologist ni Gu Jingze, dapat ay alam mo ang lahat, di ba? Tungkol… sa relasyon namin…"
"Totoo po iyan. Sa tuwing nagpapagamot siya sa akin, sinasabi niya po ang lahat-lahat."
"Naisip ko lang kasi na sobrang lapit nila ni Mo Huiling sa isa't-isa at hindi ako nababagay sa mundo nila. Kung medyo gumagaling na ang sakit niya, siguro naman ay hindi na siya pipilitin ng pamilya niya na makisama sa akin, hindi ba?"
Halos masamid si Chen Yucheng sa iniinom. "Ano pong nangyari? Hindi mo ba gustong kasama si President Gu?"
Kakaiba kasi ito. Kung ibang tao ang nasa posisyon nito ay tiyak na tuwang-tuwa pa ang mga ito na makasama si Gu Jingze.
Bakit hindi ito masaya na kasama si Gu Jingze?
Sumagot si Lin Che, "Wala naman. Sadyang… Ano kasi… Ang bawat prinsipe ay may sarili niyang prinsesa. Gusto kong tulungan sila na matupad ang kanilang 'happy ever ater' balang araw."
Naramdaman naman ni Chen Yucheng na seryoso nga ang problema nito.
Sinabi niya kay Lin Che, "Hindi ko alam ang ibang parte ng kwento, pero ito ang alam ko. Ibang-iba po ang pagtrato sa inyo ni President Gu kaysa kay Miss Mo. Hindi mo ba napapansin na napakaganda ng pakikitungo niya sa'yo?"
"Oo naman, napapansin ko pero iyan ay dahil mabuting tao si Gu Jingze. Pakiramdam niya'y kailangan niyang maging mabait sa akin dahil magkasama kami sa iisang bahay."
Napaawang ang bibig ni Chen Yucheng. Ang Lin Cheng ito…
Hindi niya alam kung ano ang nagustuhan dito ni Gu Jingze. Ang katangahan ba nito?
Nakakatawa kasi.
Hindi ba nito alam kung paano ilarawan ng mga tao si Gu Jingze? Pormal, mabait pero nakakatakot na tao si Gu Jingze. Iyan ay dahil sa prinsipyo nito: ang pagiging pormal ay bahagi ng negosyo.
Marahil ay hindi pa nito nakikita kung paano tratuhin ni Gu Jingze ang ibang tao, kaya pakiramdam nito ay normal lang sa pagkatao ni Gu Jingze na maging mabait…
Iniwan niya si Lin Che doon at hinayaang uminom habang siya naman ay naghanap ng mapagtataguan para tumawag sa isang tao.
"President Gu…"
"Iniinom ko pa rin ang gamot na binigay mo; hindi mo na kailangan abisuhan pa ako."
"Ah, President Gu, napakamasunurin mo na sa akin nitong mga nagdaang araw."
"Tama ka."
"Pero hindi ikaw ang dahilan kung bakit ako tumawag ngayon. Gusto mo bang malaman kung sino ang nakasalubong ko sa Purple Club?"
"Hindi ako interesado."
". . ." Alam naman niyang hindi talaga ito mabait sa lahat ng tao.
"Oh, kung ganun, ipagpapatuloy ko na lang na makipag-bonding kay Madam che dito."
"Lin Che?"
"Ah… Opo…"
"Beep… Beep… Beep…"
Umiinom pa rin si Lin Che. Naparami na ang kanyang nainom kaya medyo nahihilo na siya.
Hindi na nga niya namalayan na may lumapit na pala sa kanya.
Sa loob ng ilang segundo ay napalibutan na ng grupo ng kalalakihan ang lugar na iyon at nagkanya-kanya ng pwesto para bantayan ang lugar.
Nakita siya ni Lin Che na nakahandusay ang ulo sa ibabaw ng counter at agad na inutusan ang mga tauhan na buhatin siya.
Habang nakatingin kay Lin Che ay napansin niyang malungkot ang mukha nito at nakakunot ang noo. Medyo nag-alangan si Gu Jingze pero hindi nagtagal ay nabalot ng lamig ang kanyang mukha. Tahimik niyang kinarga si Lin Che at mabilis na nilisan ang lugar.
Si Shen Youran naman ay naghihinagpis habang pinapanood ang pag-alis nina Gu Jingze. Napatalon siya at sumigaw, "Hoy, sinong magbabayad ng bills? Hindi nga ako uminom eh! Si Lin Che ang umubos ng lahat ng nandito! Hindi kayo pwedeng umalis nang basta na lang…"
Hindi kaya ng bulsa niya ang mga inumin dito…
Sa likod niya ay napapailing na lang si Chen Yucheng habang nakatingin sa kanya.
Hindi alam ni Chen Yucheng kung paano at kailan pa siya nakalapit dito. "Tama na. Tumigil ka na diyan sa kasisigaw mo. Si Gu Jingze ang magbabayad ng bill na iyan."
Humarap si Shen Youran at nakita ang nakasimangot na mukha ni Chen Yucheng pero hindi na niya pinansin pa iyon, "Bakit? Hindi ko talaga kayang bayaran ang lahat ng 'to. Kahit na ipukpok mo ako sa sahig na ito, hindi ko pa rin mababayaran ang mga 'to. Hindi katulad ng isa diyan na sunud-sunuran sa ibang tao at ginagamit ang pera para lang makipagsaya sa iba't-ibang babae."
"Sa tingin mo ba'y madali lang maging sunud-sunuran ni Gu Jingze? Kakailanganin mo ang mataas na IQ, pero ang taong katulad mo, hindi ito maiintindihan."
"Hoy, anong…"
"Tama na sabi. Huwag ka ng sumigaw. Gusto mo bang ihatid kita pauwi?" Tanong ni Chen Yucheng.
Nang marinig ito ni Shen Youran ay naisip niya na magandang ideya ang alok nito. Makakatipid pa siya sa pamasahe lalo na't hindi pa siya nakakahanap ng disenteng trabaho. Kailangan niya ng pera.
"Okay okay," agad niyang pagsang-ayon.
Muli siyang tiningnan ni Chen Yucheng at sinabing, "Oh kita mo? May pakinabang din ang pagiging sunud-sunuran. Magkakaroon ka ng kotse at perang panggastos. Nakuha mo?"