webnovel

Chapter Eight

BUONG maghapong magkasama sina Taryn at Mic. Pagkagaling sa ilog, umuwi sila sa Farmhouse upang kumain at painumin siya ng antibiotics.

Nagpakatanggi-tanggi si Taryn na ipakita uli kay Mic ang kanyang mga galos.

Hindi naman nagpumilit ang huli pero nakakaloko ang pilyong ngiti nito.

"Ipasyal mo na lang ako sa buong farm," ang awtoritibong utos ni Mic.

Inisip na lang ni Taryn na ito na ang bagong may-ari at siya ay isang hamak na farm manager lamang upang hindi mawala ang manipis na composure habang magkasama sila.

Nakakabahala kasi ang malimit na paghawak ni Mic sa siko o beywang ni Taryn.

Hindi siya sanay alalayan ng sinumang lalaki. Naiilang ang mga binata sa Zabala Farm, o kahit sa buong Santa Maria.

Sa Australia naman ay hindi na uso ang pag-alalay sa mga babae.

Ayaw niyang magustuhan ang atensiyon na ibinibigay ni Mic sa kanya.

Ngunit wala siyang magagawa kundi tanggapin ang mga iyon--habang nasa labas sila.

Hindi dapat mapahiya ang bagong may-ari ng farm.

"Napakalawak pala ng Zabala Farm," ang napapamaang na wika ni Mic habang kumakain na sila ng hapunan.

"Humigit-kumulang sa trenta ektarya, puwera pa ang nirerentahan," sang-ayon ni Taryn.

"Ilan ang mga tauhan?"

"Naglalaro naman sa isandaang regular at lumulobo hanggang tatlong daan kapag panahon ng anihan."

"Paano mo nakakayang i-manage ang lahat ng mga 'yan? Masyadong mabigat ang responsibilidad mo, a?"

"Hindi mahirap i-manage ang mga taong alam ang kani-kanilang gawain--at may commitment sa trabaho. Hindi ako ang gumagawa ng desisyon sa lahat. Katulong ko sila sa pag-iisip ng mga paraan," ang mahabang paliwanag niya.

"Ano naman ang magiging papel ko ngayong nandito na ako?"

Pakiramdam ni Taryn, nahulog siya sa isang bitag. "Si Lo--Sir Michael--"

"Puwede mo naman siyang tawaging Lolo Michael," sabad ni Mic. "We're married, remember?"

"Uhm, s-si Lolo Michael ay hindi na gaanong involved sa production side magmula nang dumating ako."

"Dumating ka galing saan?"

"Sa Australia ako nag-college."

"A, I see."

Tiniis ni Taryn ang pagsipat ni Mic sa kabuuan niya. Para bang sinusuri at sinusukat siya.

"Kaya pala buung-buo ang tiwala ni Lolo sa 'yo," dagdag pa.

"Hindi ko pa rin siya in-itsa-puwera sa paggawa ng malalaking desisyon."

"Ganyan din ba ang gagawin mo sa akin? Magiging ka-share mo din ba ako sa lahat ng bagay?"

Halos ibuhos ni Taryn ang lahat ng katatagan ng karakter upang ma-ignora ang panunukso ng lalaki. Sumimsim siya ng tubig kaysa sumagot.

"Ano'ng oras ang pag-inom ko uli ng gamot?" Pinilit niyang gawing inosente ang tono.

Nakangisi si Mic nang tumugon. "Pagkatapos nating kumain. Inaantok ka na ba? Gusto mo bang... matulog tayo nang maaga?"

Ibayong kilabot na ang namamasyal sa buong katawan ni Taryn.

Hindi na niya kayang magkunwaring kalmado pa rin kaya binitawan na niya ang kubyertos.

Bahagya nang nanginginig ang mga daliring dumampot sa linen napkin upang idampi sa bibig.

"E-excuse me." Hindi na siya tumingin kay Mic habang tumitindig.

Tumalikod na siya agad pero hindi makapagdumaling lumakad palayo dahil nangangatog ang mga tuhod.

Hindi naman siya sinundan ni Mic.

Tuluy-tuloy si Taryn sa banyo nang makarating sa master's bedroom. Nanlalagkit na nang husto ang kanyang pakiramdam dahil buong maghapong sal-itang nag-aapoy at nanlalamig ang katawan.

Nagsisipilyo siya nang kumatok ang lalaki sa pinto. Muntik na niyang mabitawan ang toothbrush. Dali-dali siyang nagbanlaw ng bibig.

"B-bakit?" Nilakasan ni Taryn ang boses upang marinig sa labas.

"Titingnan ko ang mga galos mo."

"Tuyo na silang lahat." Hindi niya mapigil ang pagmamalaki.

Katahimikan.

Lalayo na sana si Taryn sa pinto nang muling magsalita si Mic.

"Tapos ka na bang gumamit ng banyo? Ako naman ang susunod."

Kusang tumaas ang mga kilay ni Taryn. Bakit hindi ka sa ibang banyo magpunta? bulong niya sa sarili.

Nagulat siya sa naisip. Na-guilty agad. Ngayon lang niya nadiskubreng may katarayan pala siya!

"T-tapos na ako," tugon ni Taryn, sabay pihit ng seradura. "Er, padaanin mo ako," hiling niya nang ayaw umalis sa tapat ng pinto ang lalaki.

"May adjoining door sa dressing room, di ba?"

Napilitang umatras si Taryn nang pumasok si Mic. Halos mabingi siya sa sobrang lakas ng pagkabog ng dibdib.

Nang hubarin ng lalaki ang polo shirt, tarantang tumalikod si Taryn at halos patakbong lumabas sa bukas na pinto.

Sinundan siya ng mahinang pagtawa ni Mic.

Mula sa kuwarto, nagtungo si Taryn sa silid-bihisan upang magsuot ng padyama.

Hindi siya makapagkulong doon dahil anumang sandali ay darating si Mic para magbihis. Napilitan siyang bumalik sa silid-tulugan.

Nakaupo si Taryn sa malapad na pasamano ng bintana habang nagsusuklay ng mahabang buhok at nakatanaw sa mabituing langit nang lumapit si Mic.

Nakasuot naman ng itim na roba.

"Hindi ka ba naiinip dito?"

"Hindi." Awtomatiko ang pag-iling ni Taryn. "Ikaw? Naiinip ka na ba?"

"Ikaw lang ang gusto kong pag-usapan natin, Taryn."

"Bakit ako?" maang niya.

Minasdan ni Mic ang mukha ni Taryn hanggang sa mamula ang mga pisngi.

"You intrigue me," pag-amin nito. Hinagod ng isang hintuturo ang delikanteng hubog ng pisngi. "Ngayon lang ako nakatagpo ng isang babaeng mas gusto pang magtrabaho kaysa makapiling ako--pagkatapos kong pakasalan."

Lalong tumingkad ang pamumula ng mga pisngi ni Taryn nang maalala ang pang-a-abandona niya rito pagkatapos ng kasal kahapon. Sinupil niya ang pagkapahiya para makapagsalita.

"Hindi mo naman itinago na napilitan ka lang," salo ni Taryn.

"Ikaw ba? Talaga bang susundin mo si Lolo kahit--kahit isa rin akong matandang hukluban?"

Tumingin nang diretso si Taryn sa kausap. Naupo rin ito sa katapat na ispasyo ng pasamano kaya magkaharap sila.

"Naging napakabuti ni Lolo Michael sa akin--at sa pamilya ko, kaya hindi ko siya kayang biguin."

Isang mabagal na ngiti ang sumilay sa bibig ni Mic habang magkahinang ang kanilang mga mata.

"Alam mo ba kung bakit naisip ni Lolo na ipakasal ako sa 'yo?"

Marahang umiling si Taryn. Hindi pa humuhulas ang pagkabigla niya kaya hindi pa umaandar nang maayos ang utak.

"May teorya ako. Isang napaka-interesanteng teorya. Gusto mo bang marinig kung ano 'yon?"

Kusang napangiti ang bibig ni Taryn. Pero hindi na siya nagulat. Kanina pa niya pinipigil ang mga natural na reaksyon. "I'm sure, sasabihin mo rin kahit ayaw ko," salo niya.

Lumapad ang ngiti ni Mic. "That's right. Nakikilala mo na pala ako--good!" Tila wala sa loob na dinampot ang isang kamay ni Taryn kaya nag-alangan siyang bawiin iyon.

"As I was saying, I just realized today ang posibleng dahilan ni Lolo Michael. Gusto niyang turuan mo akong umibig--" Hinaplos-haplos ng mga daliri ni Mic ang gitna ng palad niya. "--sa farm."

Dahan-dahang humulagpos ang pinigil na paghinga ni Taryn. Nabitin siya nang husto!

"T-that's right," sambit niya kahit nagsisikip pa ang lalamunan.

"So, now that we understand each other--we can go to sleep. Nainom mo na ang gamot mo?"

Umiling na lang si Taryn. Biglang nawala ang boses niya.

"I'll get it."

Mas mabagal ang pagtindig niya at ang paglakad patungo sa kama.

Nang nakaupo na sa ibabaw, pumikit siya at pilit na kinausap si Lolo Michael sa loob ng isipan.

'Gan'on nga ba ang gusto mo, Lolo Michael?'

Ngunit dahil bago na ang kama, wala na ang kuneksiyon ng higaan sa matandang lalaking matagal na naratay sa banig ng karamdaman.

Walang naapuhap na kasagutan si Taryn.

Nang dumilat siya, nakatayo na sa harapan si Mic.

Nakalahad ang isang palad na may isang kapsula sa gitna at isang baso ng tubig na hawak ng isa pang kamay.

Walang imik na isinubo ni Taryn ang gamot at uminom ng tubig para malunok iyon.

Medyo tuyu-tuyo na ang mahabang buhok kaya maaari na siyang mahiga.

Ngunit hindi niya magawa hanggang nakatayo si Mic sa tabi ng kama at maliwanag ang paligid.

"I'll be right back," pangako ng lalaki habang patungo sa banyo. Para bang nabasa ang loob ng isipan niya.

Nalito si Taryn, pinatay niya ang lampshade na nasa kanyang panig at patagilid na nahiga sa ilalim ng makapal na kumot.

Nakatalikod siya sa puwesto ni Mic kaya nakiramdam lang habang naghahanda ito sa paghiga.

"Goodnight," bulong ng lalaki bago pinatay ang katabing lampshade.

Hindi sumagot si Taryn. Abala siya sa pagkontrol ng paghingal na dulot ng tensiyon.

Unti-unti siyang nakalma nang maulinigan ang regular at malalim na paghinga mula sa katabi.

Natutulog na si Mic!

Saka lang nakatulog si Taryn.

Nananaginip si Taryn ngunit naririnig niya ang sarili na umuungol kaya naalimpungatan.

Madilim at tahimik ang paligid nang dumilat siya.

Ilang saglit siyang nakiramdam bago muling pumikit ang mga matang namumungay pa sa antok.

Nang muling dumilat si Taryn, nagbubukangliwayway na. Huli na naman siya!

Babalikwas na sana siya ng bangon nang muling maalala si Mic. Kailangang mag-ingat siya nang husto ngayon para makatakas dito.

Buong ingat na bumangon si Taryn. Ngunit gayon na lang ang pagkamangha niya nang hindi maikilos ang buong katawan kahit anong pilit ang gawin.

Lalupa siyang namangha nang matuklasan ang dahilan.

Nakapulupot pala ang mga biyas ni Mic sa buong katawan ni Taryn!

Naparalisa si Taryn nang maramdamang gumalaw ang kamay na nakasapo sa kanyang dibdib.

Nasa loob na pala ng manipis na pang-itaas ng padyama. Kinipit at hinagod ng mga daliri ang sensitibong korona hanggang sa maging munting bato ng pagnanasa.

Napasinghap siya nang kumilos na rin ang isa pang kamay. Namasyal naman sa pagitan ng mga hita ni Taryn.

Marahang hinaplos ang kanyang pagkababae. Madaling nanuot ang init ng palad sa proteksiyon ng panty at padyamang suot niya.

'Oh, God, ano'ng gagawin ko? Bakit hindi ako makagalaw?'

Pumikit nang mariin si Taryn habang pinaglalabanan ang panghihila ng temptasyon.

Nagbilang siya ng mga biik sa loob ng isipan.

Nagkuwenta siya ng mga ginastos sa farm sa loob ng isang buwan.

Naglista ng mga kailangang gawin sa opisina...

Tumula pa siya sa loob ng utak.

Inalala rin ang mga nobelang binasa nang malakas para kay Lolo Michael.

Kahit na ano ay inisip ni Taryn para hindi matangay sa panunukso ni Mic.

Inihiwalay niya ang isipan habang ipinauubaya ang katawan sa mga kamay ng lalaki. Nasa utak pa rin ang kontrol.

Isang pisi na lang ang natitira nang biglang huminto ang maalab na pang-aakit ni Mic.

"Okey, you win!" angil nito, sabay talikod.

"Lumayo ka na agad sa akin, Taryn. Baka makalimutan kong hindi ko ugaling man-rape ng babae!" Pangamol ang utos dahil nakasubsob ang mukha sa unan habang nakadapa sa kama ang hubad na katawan.

Kahit parang gulaman pa ang mga buto, nagdumaling tumalima si Taryn. Mabilis siyang bumangon at pumunta sa banyo.

Tuluy-tuloy siya sa ilalim ng malamig na bugso ng shower.

Ni hindi na siya nakapaghubad ng damit-pantulog dahil mas mahalagang maampat agad ang naglalagablab na apoy na sinindihan ni Mic.

Umahon lang si Taryn nang nangingiki na sa ginaw. Hindi na siya nakapagsabon. Hinubad lang ang mga basang padyama at nagtapis ng tuwalya bago nagtungo sa silid-bihisan.

Matapos magbihis, patalilis nang pumanaog si Taryn. Hindi na siya dumaan sa kusina at sa kumedor. Pumuslit siya sa side door ng sala kaya nakalabas ng walang nakakapuna.

Naibsan lang ang kaba niya nang malayung-malayo na ang nararating ng minamanehong dyip.

Nagpreno siya at isinubsob ang mukha sa mga palad na nagyeyelo. Gusto niyang umiyak ngunit walang bumukal na luha.

Paano ba niya iiyakan ang isang bagay na makakapagdulot ng kaligayahan?

Nung pinag-aalab ni Mic ang buong katawan niya, nasilip ni Taryn ang kapiraso ng langit. Napagtanto niyang mas malaking kahibangan ang patuloy na tumanggi.

Ano ba ang naghihintay sa 'yo pagkatapos ng isang taon, Taryn Ferrer?

Wala, hindi ba? Minsan lang sa isang milyong taon dumarating sa buhay ng isang babae ang isang lalaking katulad ni Mic Zabala...

Bakit hindi mo tikman ang iniaalok niyang mansanas?

Ayoko! Ayoko! Ayoko! Paano kung ma-addict ako? Paano kung hindi ko na kayang mabuhay mag-isa pagkatapos ng isang taon?

Nang dumilat si Taryn, ipinagpatuloy niya ang pagmamaneho palayo. Humantong siya sa pastulan ng mga baka na malapit na sa pag-ahon ng bundok.

Kaya doon na siya nagtrabaho buong maghapon.

Nang mapadaan sa farm manager's office, pumasok si Taryn kahit nakauwi na si Salve.

Nagtrabaho pa din siya hanggang sa lumalim ang gabi.

Dahil ayaw na niyang makaistorbo ng kasambahay, hindi na siya umuwi. Sa isang mahabang sopa na lamang namaluktot at natulog.

Kinaumagahan, nagising si Taryn sa matinis na kuriring ng telepono.

"Hindi ka pa ba uuwi ngayon--o gusto mong sunduin pa kita?"

Nanginig si Taryn nang marinig ang madilim na boses ng bagong panginoon.

Pabagsak niyang naibaba ang receiver dahil nawalan ng lakas ang kamay.

I tagged this book, come and support me with a thumbs up!

ecmendozacreators' thoughts
Nächstes Kapitel