webnovel

Kabanata 9

"Maraming salamat po sa mainit niyong pagtanggap," pagpapasalamat ko kay Pinuno Ephraim, tumayo naman siya at tiningnan si Ma'am Marie na ngayon ay nakangiti rin nang napakalawak.

"Marie, sabihin mo sa buong Alhesia na may salo-salo tayo bukas ng gabi. Kailangang ipakilala natin sa lahat ng mga Bellator at Virago sa Alhesia na nandito na ang ating Fortem," wika niya. Tumungo naman si Ma'am Marie bilang paggalang sa pinuno.

"Masusunod, Pinuno Ephraim," sagot niya at tuluyan nang lumabas, lumapit sa akin si Dashiell tsaka tumingin kay Pinuno Ephraim.

"Pinuno, may mga bagay po na tatanungin sa 'yo si Ally, naguguluhan pa po siya sa ibang bagay at sa tingin ko ay hindi po ako ang dapat na magsabi ng mga sagot sa mga tanong niya. Pumunta rin po kami rito para sabihin sa inyo na alam na ng mga Prodigiums ang sikretong nakakubli sa bracelet na suot ngayon ni Ally, delikado po ang lagay niya dahil hindi na siya kayang protektahan nito," pormal na pormal na sabi ni Dashiell habang seryosong nakatingin sa kan'ya. Mukhang napaisip naman si Pinuno Ephraim at mukhang nabagabag din siya sa maaaring mangyari kapag hindi naayos ang bracelet na suot ko.

"Ally, maaari ko bang tingnan ang bracelet mo?" Inalis ko ito sa pagka-hook sa kamay ko at binigay sa kan'ya, bumalik naman kaagad ako sa tabi ni Dashiell. I find it really awkward to stand beside him, pakiramdam ko wala ako sa posisyon na tumabi sa isang tulad niya.

"Naalis nila ang mahikang iniligay ko sa purselas na ito ng gano'n kadali? Sabihin mo sa 'kin, Dashiell, gaano na ba kalakas ang mga kalaban?" tanong ni Pinuno Ephraim kay Dashiell, narinig ko ang paghinga nang malalim ni Dashiell bago siya tuluyang sumagot.

"Sapat na po ang kapangyarihan ng mga Prodigiums para kunin ang pamilya ni Ally, kaya na rin po nilang makaalis sa mga force fields na ginagawa namin." Kumunot ang noo ni Pinuno Ephraim, tumayo na rin naman siya at pumunta sa may veranda.

"Unti-unti na silang lumakas, balang araw, malalagpasan na nila ang lakas na taglay ko. At hindi pwedeng mangyari 'yon, kaya bago dumating ang panahon ng pag-atake natin sa Eldarmar, kailangang maging malakas na ang alas natin, at ikaw 'yon, Ally," sabi niya tsaka diretso akong tiningnan sa aking mga mata, ngumiti naman ako bilang tugon.

Gagawin ko ang lahat para hindi mamuno ang kasamaan sa mundong ito, gagawin ko ang lahat para maging sapat ang lakas ko.

"Oo nga pala, ano ba ang gusto mong itanong sa akin?" dagdag pa ni Pinuno Ephraim.

"Gusto ko lang pong malaman kung totoo ba na may dugo ako ng isang Prodigium at ng isang Virago? Umaasa po ako na alam niyo para mabigyan na ng linaw ang isip ko," mahina kong sabi pero alam kong sapat na iyon para marinig niya. Sumandal naman siya sa railings ng veranda tsaka tumingin sa akin, tila kumikinang ang kan'yang kulay gintong damit dahil sa sinag ng araw.

Sinisigaw talaga ng awra niya ang karangyaan at ang estado niya sa buhay. 'Yung tipong mahihiya na lang talaga ako kapag katabi ko ang isang tulad niya.

"Alam mo ba kung ano ang espesyal dito sa mundo ng mga Bellator at Virago? Ang Alhesia?" Hindi na ako nagsalita at hinintay na lamang siyang ipagpatuloy ang sinasabi niya. "Dahil sa mundong ito, nauulit muli ang nakaraan. Maraming kwarto sa palasyong ito, at ang bawat tao sa mundo—hindi lang sa Alhesia, kundi pati na rin sa mundo niya, ay may kwarto rito na nagtataglay ng kanilang nakaraan," paliwanag niya sa akin habang nakatingin sa kalawakan.

Ang ibig sabihin, nandito ang lahat ng nangyari sa pamilya ko, nandito ang sagot kung paano ako naging isang Fortem.

"Pinuno Ephraim, pwede po ba akong humingi ng pabor sa inyo?" tanong ko sa kan'ya, kung pwede, papasok sana ako d'on sa kwarto kung saan nakasaad ang nakaraan ko. Hindi mapapanatag ang loob ko.

"Masyadong delikado ang pagpasok sa mga pinto ng nakaraan, Ally. Maaaring hindi ka na makabalik."

Huminga ako nang malalim at tumungo, kailangan kong malaman kung ano ang purpose ko bukod sa iligtas ang mundo ng Alhesia at sa pamilya ko. Kailangan kong malaman kung paano ako naging Fortem at kung paano nagkaroon ng koneksyon sina Papa at Mama sa Alhesia at sa Eldarmar.

"Maaari pong delikado ang pagpasok sa pinto ng nakaraan, pero kailangan ko pong malaman kung paano ako naging ganito, kung paano naging ganito ang sitwasyon namin. Hindi po masasagot ng pamilya ko ang mga gumugulong tanong sa isipan ko, tanging ang pinto lamang ng nakaraan ang makakapagsabi sa akin ng totoo. Kaya, pakiusap, payagan niyo na po 'ko."

Napatingin si Pinuno Ephraim kay Dashiell, mukhang nagdadalawang isip pa talaga siya kung papayagan niya ba ako o hindi. Naiintindihan ko naman na iniisip niya lang ang kalagayan ko, iniisip niya na maaari akong mapahamak at hindi na makabalik mula sa pinto ng nakaraan, pero sana maintindihan niya rin na kailangan ko 'tong gawin. Kailangan kong malaman kung ano ang nangyari sa nakaraan ko.

"Sige, papayag ako, ngunit sa isang kondisyon." Hindi na ako nagsalita at hinintay na lamang siyang magsalita muli. "Isasama mo si Dashiell, wala ka pang alam kung paano talaga gumagana ang pinto ng nakaraan. Hindi ko hahayaan na mapahamak ka kaagad sa unang araw ng ating pagkikita, sa oras na maramdaman ni Dashiell na hindi mo na kaya, hihilain ka niya kaagad papalabas."

Napatingin ako kay Dashiell na ngayon ay nakatingin din pala sa 'kin, naiintindihan ko naman ang gusto ni Pinuno Ephraim, at tama nga naman siya, wala naman akong alam kung paano gumagana ang pinto ng nakaraan, mas mabuti nga naman talaga na gano'n ang mangyari.

"Sige po, naiintindihan ko." Tumango si Pinuno Ephraim at nagsimula na uling lumakad. Sumunod na lang kami ni Dashiell sa kan'ya, habang naglalakad kami, marami kaming pintuan na nadadaanan, sa bawat pintuan ay may nakaukit na sa tingin ko ay mga pangalan ng mga tao.

Kulay kayumanggi ang lahat ng mga pintuan habang 'yung mga nakaukit naman na mga pangalan dito ay kulay ginto. Lahat 'ata ng parte ng kastilyong ito ay may ginto, kitang-kita talaga ang karangyaan sa bawat sulok.

Lumiko kami sa kanan nang makarating kami sa isang intersekyson, namilog ang mga mata ko nang makita ko ang mga pangalan nina Papa at Mama.

Albert Anderson... Annie Anderson.

Gusto kong tumigil para tingnan ito pero alam kong hindi naman ang mga pintuan na 'yon ang pinunta namin dito, nakakahiya naman kung sabihin ko pa na gusto kong pumunta d'on sa mga pintuan nina Papa at Mama. At sa tingin ko rin, hindi pa ako handang malaman ang mga nakaraan nila, lalo na kay Papa, ang kailangan kong malaman dito ay kung paano ako naging ganito.

"Nandito na tayo." Huminto si Pinuno Ephraim sa may dulong parte ng pasilyo, tiningnan ko ito at nakita ko nga ang pangalan kong nakaukit sa pinto.

"Dashiell, alagaan mo si Ally, ayokong mapahamak ang Fortem," mariin na sabi ni Pinuno Ephraim, nakita ko naman ang bahagyang pagtungo ni Dashiell.

"Masusunod, Pinuno," narinig kong sagot ni Dashiell, tumango na lang si Pinuno Ephraim.

Tumabi sa akin si Dashiell at hinawakan ang pulsuhan ko, lumapit na rin naman ako sa pintuan tsaka pinihit 'yung door knob. Pumasok na kami ni Dashiell, wala akong makita, tanging kadiliman lamang ang bumabalot sa amin ngayon.

"Ano ba ang na—"

Hindi ko na naituloy ang sinasabi ko dahil nasilaw ako sa isang liwanag, tumatama ito sa mga mata ko kaya hindi ako nakakamulat. Tinakpan ko ang mga mata ko na naging dahilan kung bakit nabitawan ni Dashiell ang kamay ko.

Nilingon ko siya ngunit hindi ko siya nakita, nag-iisa na lang ako. Unti-unti nang bumibilis ang tibok ng puso ko, lalo na nang nakita ko sa harapan ko sina Papa at Mama, nakita ko rin si Kuya Aldrin na nasa tabi ni Papa, malaki ang tiyan ni Mama, sa tingin ko ay buntis siya sa 'kin.

"Albert, ano ba sa tingin mo ang magandang ipangalan sa anak natin? Babae raw siya sabi ng doctor kanina," nakangiting sabi ni Mama habang hinihimas-himas ang kan'yang tiyan, lahat sila nakangiti habang nakatingin sa tiyan ni Mama.

Parang hinahaplos ang puso ko sa nakikita ko ngayon, ito 'yung mga panahon na hindi pa kami iniwan ni Papa, ito 'yung mga panahon na ayos pa ang lahat. Gusto kong bumalik dito, kung pwede lang sana.

"Andrea! April! Ariel! Artilia!" sigaw ni Kuya sabay dikit ng kan'yang taenga sa tiyan ni Mama, parang hinihintay niya na mag-react ako sa mga pangalanan na sinabi niya, sigurado naman akong hindi ako nag-react dahil hindi ko naman nagustuhan ang mga suwestiyon ni Kuya. Ang bantot, hindi bagay sa 'kin. "Mama! Parang hindi po gusto ng kapatid ko ang mga pangalan na binigay ko sa kan'ya. Pangit po ba?"

Oo, Kuya. Mabuti na lang at hindi ka sinunod nina Papa at Mama.

Nagtawanan sina Papa at Mama dahil sa sinabi ni Kuya, inakbayan siya ni Papa gamit ang kan'yang kaliwang kamay habang ang kanan niya namang kamay ay idinikit niya rin sa tiyan ni Mama.

Hindi ko maiwasan na masaktan kapag tinitingnan ko si Papa, mukhang maayos naman siya sa panahon na 'to, mukhang masaya naman siya sa piling namin, pero bakit iniwan niya pa rin kami? Saan ba kami nagkamali?

"Paano kaya kung...  Ally?" suwestiyon ni Papa, pagkatapos niyang sabihin 'yon, bigla silang nagkatinginan ni Mama, bakas sa mga mata nila ang gulat. Sabay din silang tumawa pakalipas ng ilang seguno.

"Sumipa siya, mukhang gusto niya ang pangalan na 'yon," wika ni Mama tsaka muling hinimas ang kan'yang tiyan, nakita kong ngumiti nang napakalawak si Kuya, niyakap niya si Mama, pilit na inaabot ng maliliit niyang kamay ang kabuuan ng tiyan ni Mama.

"Ally, lumabas ka na, gusto ka nang makita nina Papa at Mama, gusto ka na rin makalaro ni Kuya. Ipapahiram ko sa 'yo ang mga robots ko!" Natawa ako nang bahagya dahil sa sinabi ni Kuya, maalaga talaga siya kahit kailan.

Tinitingnan ko lang sila habang nakangiti pero unti-unti silang nawala, narinig ko ang iyak ng isang sanggol, ang tawanan, at ang mga sigawan. Napapikit ako at napaluhod, tinakpan ko rin ang mga taenga ko para naman hindi ko masyadong marinig 'yung mga sigawan nila.

Nang mawala na ang mga narinig kong ingay, unti-unti ko nang binuksan ang mga mata ko. Inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid, nandito ako ngayon sa loob ng bahay namin, nasa tapat ko ngayon sina Papa at Mama, nakaupo sila ngayon sa sofa.

Kitang-kita ko ang pag-alala sa kanilang mga mata, napatingin ako sa labas ng bintana nang biglang bumukas ito dahil sa sobrang lakas ng hangin. Malakas pala ang ulan sa labas, bakit nandito pa sina Papa at Mama sa sala? Hindi ba nila sasamahan si Kuya?

"Nakatulog na ba nang maayos si Aldrin?" tanong ni Mama kay Papa, huminga naman nang malalim si Papa tsaka tumango bilang tugon, umupo siya sa tabi ni Mama at hinaplos ang ulo ng sanggol—ang ulo ko.

"Nakatulog na siya ngayon sa kwarto, sana lang hindi siya magising dahil sa ingay ng pagpatak ng ulan sa bubong," saad ni Papa. Muli niyang hinaplas 'yung noo ko, kitang-kita ko ang pag-aalala at ang pagmamahal sa kan'yang mga mata.

Ewan ko ba, kumikirot ang puso ko sa tuwing nakikita ko siyang inaalagaan ako dati. Siguradong malaki ang dahilan kung bakit niya kami iniwan.

"Mataas pa ang lagnat ni Ally, ano na ang gagawin natin?" nag-aalalang tanong ni Mama kay Papa, napatingin uli sa sanggol si Papa, parang hindi na nila alam kung ano ang gagawin nila. Gano'n ba kataas ang lagnat ko? Parang hindi ko naman naalalang sinabi sa akin ni Mama na nagkaroon ako ng napakatinding lagnat no'ng bata pa lamang ako.

"Ubos na ba ang mga gamot? Ano ang sabi ng doctor?" sunod-sunod na tanong ni Papa, tanging iling na lamang ang sinagot ni Mama sa kan'ya.

Gusto ko pa sanang makita kung ano ang sunod na nangyari pero biglang lumabo ang paningin ko, sumakit na naman ang ulo ko, muntik na akong sumigaw dahil sa tindi ng sakit na nararamdaman ko pero pinigilan ko lang.

Muli kong minulat ang mga mata ko nang marinig ko ang malakas na iyak ni Mama at ni Kuya Aldrin. Kitang-kita ko kung paano umiyak si Mama habang karga-karga ang sanggol, umiiyak na rin si Kuya Aldrin pero pilit niya pa ring pinapakalma si Mama.

Napatingin ako sa pintuan nang bigla itong bumukas at iniluwa nga nito si Papa na hinahabol ang kan'yang hininga. May dala-dala siyang maliit na bote na may kulay pulang liquid sa loob.

"N-Nandito na ako! Kumusta si Ally?!" hinihingal na tanong ni Papa kina Mama at Kuya, unti-unti nang nilalamig ang buo kong katawan, namamanhid na rin ang dulo ng aking mga daliri. Parang kaunting oras na lang ay mawawalan na ako ng malay.

"H-Hindi maayos ang kalagayan niya, Albert. Ano ba 'yang dala mo? Magagamot ba niyan ang anak natin?" tanong ni Mama habang nakatingin d'on sa dala-dala ni Papa, nakita ko kung paano nag-iba ang ekspresyon ni Papa. Parang hindi na siya sigurado sa mga bagay na ginagawa niya ngayon, ngayon ko lang siya nakitang ganito. All my life, ang pagkakakilala ko sa kan'ya ay strikto at walang ginagawang mali.

Pakiramdam ko dapat lagi akong tama kapag kaharap ko siya, dapat wala akong gawing hindi kaayon-ayon sa mata niya. Pero, ibang-iba ang pinapakita ni Papa ngayon sa sitwasyon na 'to, he looks so vulnerable.

"Sabi niya, kapag ininom ito ng anak natin, magiging malakas siya. Wala na tayong magagawa, Annie. Kailangan nating magtiwala, wala namang masamang sumubok, diba?" Kumunot ang noo ni Mama, mukhang nagalit siya dahil sa sinagot ni Papa.

"Ano?! Sa tingin mo ba, ipagkakatiwala ko sa bagay na 'yan ang buhay ng anak natin?!" Tumingin si Papa sa sahig at narinig ko rin ang paghinga niya nang malalim. Pakalipas ng ilang segundo, muli niyang tiningnan si Mama nang diretso sa kan'yang mga mata, nagulat ako dahil may mga nagsisilabasan ng luha galing dito.

Kung hindi ako pumasok sa pinto ng nakaraan, hindi ko makikita ang pag-iyak ni Papa. 

"Annie, please... trust me," mahina niyang sabi, napatingin naman si Mama sa sanggol, mukhang nagdadalawang-isip pa siya na ibigay ako kay Papa, ngunit sa huli, pinili niya pa rin na pagkatiwalaan si Papa.

"Naniniwala ako sa 'yo, Albert, dahil mahal kita." Malumanay na ngumiti si Papa tsaka binuksan 'yung dala-dala niyang maliit na bote. Gusto ko pa sanang makita kung ano ang sunod na nangyari pero bigla kong naramdaman ang tindi ng sakit ng ulo ko, at sa pagkakataon na 'to, hindi ko na napigilan ang sarili ko na sumigaw.

Sigaw lang ako nang sigaw, umaasang maiibsan ng pagsigaw ko ang sakit na nararamdaman ko, pero bigla na lang akong napatigil nang naramdaman ko ang hapdi sa aking kanang pisngi. Parang hinampas ito ng isang napakakapal na kahoy.

"Ally!" Unti-unting luminaw ang paningin ko, tumambad sa akin ang pinagpapawisan na mukha ni Dashiell, pati na rin ang mga nag-aalalang mata ni Pinuno Ephraim at ng ilang gwardya. Dahan-dahan akong umupo mula sa pagkahiga sa malamig na sahig. Inilibot ko ang aking paningin sa paligid at nakita kong nakalabas na pala kami ngayon ni Dashiell sa pinto ng nakaraan.

"Maayos na ba ang pakiramdam mo, Ally?" tanong ni Pinuno Ephraim, tumango na lang ako bilang sagot. "Ikuha mo ng tubig ang Fortem," utos niya pa kay Harry ngunit umiling ako. Unti-unti akong tumayo at inalalayan naman ako ni Dashiell.

"Gusto ko na lang po sanang magpahinga, maraming salamat po sa pagpayag sa 'kin na makapasok sa pinto ng nakaraan. Nahanap ko na po ang sagot sa tanong ko," pagpapasalamat ko sa kan'ya, nahihilo pa rin ako pero pinilit ko ang sarili ko na magpakita ng ngiti sa harapan nila para naman mabawasan ang pag-aalala nila kahit kaunti lang.

"Walang anuman, Ally. Dahil sa kalagayan mo, hindi ako papayag na mag-isa ka lamang sa tinutuluyan mo. Itinatalaga ko ngayon si Dashiell na maging personal na tagabantay at guro mo kaya dapat naninirahan lamang kayo sa isang bubong. Suwestiyon ko rin na doon ka na lamang sa tinutuluyan ni Dashiell manirahan dahil mas malapit 'yon dito sa kastilyo keysa sa tinitirahan mo. Nanghihina ka, kahit na hindi mo man sabihin sa amin, nakikita ng dalawang mata ko na hindi maayos ang pakiramdam mo," wika ni Pinuno Ephraim, tiningnan ko si Dashiell tsaka huminga nang malalim.

He's right, hindi ko kakayaning mag-isa sa bahay, lalo na't ganito ang kondisyon ko.

"Pumapayag po ako," pagsasang-ayon ko, pagkasabi ko n'on, hinawakan na ni Dashiell ang pulsuhan ko, habang ang isa niya namang kamay ay nasa likod ng aking beywang.

"Mauuna na po kami, Pinuno Ephraim," paalam naman ni Dashiell tsaka tumungo nang kaunti, itinaas ni Pinuno Ephraim ang kanan niyang kamay, senyales na hinahayaan niya na kaming makalabas sa kastilyo.

Dahan-dahan lang ang lakad namin ni Dashiell papunta sa tinutuluyan niya, pakalipas ng ilang minuto, nakarating na kami sa tapat ng bahay niya. Malaki ang espasyo ng bakuran nito na gumawa ng distansya sa iba pang mga bahay, mas malaki ang bahay ni Dashiell keysa sa tinutuluyan ko, mukhang mas magiging komportable nga naman talaga ako kapag dito ako nanirahan.

Nang makapasok na kami sa loob ng bahay niya, pinaupo niya kaagad ako sa mahabang upuan na gawa sa kahoy. Kita ko mula sa inuupuan ko ang kusina, pumunta r'on si Dashiell at mukhang may tinitimpla.

Hindi nagtagal, may dala-dala na siyang dalawang tasa na gawa rin sa kahoy.  Inilahad niya iyon sa 'kin at tinanggap ko naman 'yon.

"Ano 'to?" tanong ko habang tinitingnan 'yung inumin, kulay green ito, mukhang tsaa ngunit iba ang amoy.

"Tsaa, makakatulong 'yan para manumbalik ang lakas nating dalawa," sagot niya habang humihigop ng tsaa, hinipan ko muna 'yung akin bago ito dahan-dahang hinigop.

Masarap, kalasa lang naman nito ang natural na tsaa ngunit manamis-namis ito kahit na hindi na lagyan ng asukal.

"Nakita ko ang lahat ng mga nakita mo, Ally. Pero sinasabi ko sa 'yo, mas malala d'on ang mangyayari kapag hindi natin napigilan ang mga Prodigiums," mahinang sabi ni Dashiell, napabuntong-hininga ako at muling humigop ng tsaa.

"Bakit mo 'ko hinila kaagad palabas? Marami pa akong gustong malaman."

"Hindi na kaya ng katawan mo, Ally. Pinagbigyan na kita no'ng unang beses pa lamang na sumakit ang ulo mo dahil alam kong kulang pa ang impormasyon na nakukuha mo, pero hindi ko na napigilan ang sarili ko nang magsimula ka nang sumigaw. Kapag hindi kita hinila papalabas sa pinto ng nakaraan, pareho na tayong walang buhay ngayon," mariin niyang sabi.

Naiintindihan ko naman ang ibig niyang sabihin at gets ko naman 'yon, pero ang akin lang... naghihinayang lang ako, gusto ko pa sanang malaman kung ano ang nangyari no'ng pinainom nila sa akin ang pulang inumin na 'yon. Pagkatapos ba n'on, nawala na si Papa? May nagbago na ba kaagad sa 'kin?

Ewan.

"Pero, Ally, isa lang ang masisigurado ko sa 'yo." Tiningnan ko si Dashiell at hinintay na lamang siyang magsalita muli. "Pinaghalong dugo ng Prodigium at ng Virago ang pinainom sa 'yo."

Ibinalik ko ang tingin ko sa tsaa, tiningnan ko ang repleksyon ko rito at napangiti na lamang ako nang nakita kong muling nag-iba ang kulay ng aking mga mata.

"Tama, 'yon ang dahilan kung bakit ako naging Fortem... at papanindigan ko 'yon."

— — —

Jeremiah 29:11

"For I know the plans I have for you," declares the LORD, "plans to prosper you and not to harm you, plans to give you hope and a future.

Nächstes Kapitel