Chapter themesong : Panalangin by Apo Hiking Society
Kabanata 49
The next day, I tried to be calm as I could. Panay naman ang tanong sa akin ni Eunice at ni Madam kung ano'ng nangyari sa pag-uusap namin at kung sino nga ba ang nagpadala sa'kin ng bouquet. Sinabi ko naman sa kanilang si Apollo 'yon—kuya ni Zeus. Nagsinungaling na lang din ako na nangangamusta lang.
Mukha namang hindi sila naniwala sa dahilan ko. Syempre! Sino ba naman ang maniniwala? May pa-bouquet pa at dinner date sa mamahaling restaurant? Mabuti nga at hindi ko sinabing ni-reserve niya 'yon para sa'kin, e.
Pero hindi na rin nagtanong pa ang dalawa. Siguro ay naintindihan na nilang ayoko nang pag-usapan 'yon.
"Ano?! Nasa'n na naman 'yang Gio na 'yan?!"
Kahit kami ay napapitlag sa lakas ng sigaw ng direktor namin. Nanggagalaiti na naman ito sa galit at lukot na lukot na ang mukha. Kahit tuloy hindi naman ako ang pinagagalitan ay 'di ko rin mapigilan ang kabahan.
"Naku, wala na naman yata 'yung ka-love team mo, Ma'am," bulong pa sa akin ni Eunice
"Must be flirting again," mahinang tugon ko naman.
Hinayaan na lang naming magtatalak si direk, habang ang mga staff naman ay namomroblema sa pagkontak kay Gio. No'ng mga unang shooting namin, hindi naman nangyayari 'to. In fact, impressed na impressed noon sa amin si Direk.
Ngayon namang kung kailang nasa kalagitnaan na kami, saka nagkaganito si Gio. Malabo naman nang mapalitan pa siya, dahil marami na kaming na-take na mga eksena. No'ng unang beses na ginawa niya 'to, ang dinig ko, gumimik siya sa bar. Iresponsable.
Mayamaya ay napagpasyahan na lang ni Direk na 'wag nang ituloy ang shooting. Naka-isang take lang kami, dahil isang eksena lang naman 'yung wala si Gio. The rest ng dapat ay isu-shoot namin ngayon ay nandoon si Gio.
"Naku, Maureen, 'di pala kayo makakasabay sa'kin ngayon. May dadaanan pa kasi ako, e," sabi naman sa akin ni Madam habang nagliligpit kami ng gamit.
Napangiti naman ako. "Ayos lang, Madam. Tatawagan ko na lang ang driver namin."
"Sorry talaga, Anak," sabi pa ni Madam.
Tinawanan ko na lang siya at nginitian. Pagkatapos naman ay inutusan ko si Eunice na magtawag ng driver sa bahay namin para masundo kami. Kaagad din naman siyang sumunod.
Mabuti nga at may available na driver sa amin noon, kaya nasundo kaagad kami ni Eunice. Kung nagkataon namang wala ay magga-grab na lang kami. Wala namang kaso sa akin 'yon.
"Ma'am, teka lang po."
Napakunot ang noo ko nang sabihin 'yon ng security guard na nagbabantay sa gate ng subdivision namin. Matapos kasi nitong i-check na kami nga ang sakay ng van ay 'di nito kami pinaalis.
"Bakit po?" tanong ko naman.
"Ma'am, may naghahanap po kasi sa inyo, e. Gusto kayong puntahan sa bahay. Kaso, Ma'am, 'di ko pinapasok, e. Ang bilin po sa amin ng mga kasama n'yo sa bahay, hintayin daw po kayo," paliwanag sa akin ng security guard.
"Nasa'n na siya ngayon?" tanong ko naman.
"Nand'yan po. Nalagpasan n'yo na nga po yata, e," sagot naman ng guard. Nagkatinginan naman kami kaagad ni Eunice pagkatapos no'n.
"Ma'am, 'di kaya 'yung kotse sa labas?" tanong ni Eunice.
Kaagad naman akong kinabahan. Akala ko ay katuad lang ng kotse niya, kaya hindi ko na pinansin. Pero mukhang mali pala ako.
"Ano, Ma'am?" tanong naman sa akin ng driver namin.
"Sige po, Kuya, babain ko po muna," sagot ko naman.
"Sige, Ma'am, itabi ko lang po muna 'tong van," sabi pa nito at muling pinaandar ang van, para maialis sa gate. Nakaharang kasi kami sa daan at baka makaabala pa kung 'di aalisin.
Pagkabukas ko naman ng van ay nagsalita itong muli, "Ma'am, samahan ko na po kayo. Baka mapano pa po kayo."
Saglit akong nag-isip, kaya't nabitin ang paghakbang ko pababa. Nang maisip na mas mabuti na ngang samahan niya ako ay napatango ako.
"Sige po," sabi ko at tuluyang bumaba.
Magkasabay naman kaming lumabas sa gate ng subdivision namin at pinuntahan ang kotseng nasa labas. Bago pa man din kami makalapit ay lumabas na mula roon si Zeus.Inihanda ko naman ang sarili ko bago ako tuluyang lumapit sa kanya. Why is he so persistent? Hindi pa nga 'ko handang harapin siya ulit, e.
Humugot muna ako ng malalim na hininga bago magsalita. "Zeus."
"Maureen, thank God nandito ka na!" kaagad naman niyang sabi.
"Bakit? Ano ba'ng pakay mo dito?" tanong ko naman sa kanya.
"Ikaw, of course!" sagot naman niya.
Napabuntong-hininga tuloy ako, "I mean, bakit ka nagpunta dito?"
"Come with me," sabi niya at kaagad na hinawakan ang kamay ko.
"What?!" gulat na reaksyon ko. Bakit ang hilig niyang pumunta basta-basta kung nasa'n ako, pagkatapos ay kakaladkarin ako? Bakit? Pag-aari ba niya 'ko?
"Basta! Sumama ka na lang!" inis na sabi naman niya.
Napakunot ang noo ko. Ganito ba talaga 'pag lumaking spoiled? Hindi marunong makiusap? Siya na nga lang 'tong humihingi ng pabor! Pero kahit na ganoon, hindi ko mapigilan ang matawa sa kanya ngayon. Ewan! His face looks funny.
"Sasama ka ba o hindi? Sabihin mo," utos pa niya mayamaya.
"Sasama ako kung magmamakaawa ka."
Wait! What? S-Saan nanggaling 'yon? Gusto ko lang naman siyang lokohin, pero huli na nang ma-realize ko kung ano'ng ibig sabihin ng sinabi ko. Shit namang bibig 'to oh!
Napabuga naman siya ng hangin at napaiwas ng tingin habang magkasalubong pa ang mga kilay. Ang dalawang kamay naman niya ay nakapamaywang pa.
"Hindi mo kaya? Okay," sabi ko at tumalikod.
"W-W-Wait!" habol niya sa akin.
Napalingon naman ako at tinaasan siya ng kilay.
"Please. . . I-I need you right now. . ." halos pabulong namang sabi niya sa akin.
Napangiti naman ako at tuluyang humarap sa kanya. "Oh. Kaya mo naman palang makiusap, e!"
"So sasama ka na sa'kin?" tanong pa niya.
Hindi ko naman mapigilan ang ngiti ko. "Well, ano pa nga ba?"
Bago ako sumakay sa kotse niya ay nagsabi muna ako sa driver namin. Hindi naman na ito nag-usisa pa. Sa totoo lang, kahit ako sa sarili ko, hindi ko alam kung ano'ng nangyari at bigla akong pumayag na sumama kay Zeus.
Pero sige na nga, aaminin ko na. The moment I entered his car, I felt something familiar inside. Para bang sinasabi sa'kin ng puso ko na tapos na ang pangungulila ko. Zeus is here again—beside me. And I thought, hindi na mauulit pa ang dati.
But I guess some things were just really meant to happen. Gaya na lang ngayon na magkasama naming binabaybay ang magulo at mainit na kalsada. But that's not what matters to me. Ni hindi ko nga alam sa'n kami pupunta, e. All I know is that I allowed myself to be happy. . . na kasama ko na ulit siya.
Napatingin naman ako sa cellphone ko nang tumunog iyon. Nang buksan ko ay isang text mula sa unknown number.
[Maureen this is Apollo dont ask how I get ur number. Marquita helped me. Do u hav a free time today?]
Biglang nagbago ang ekspresyon ko nang mabasa ko iyon. Si Apollo. Naalala ko ang nangyari no'ng isang gabi sa Le Meilleur. Sabi ko nga pala ay babawi ako sa kanya.
Napatingin naman ako kay Zeus. Paano naman ako makakabawi niyan? Hindi ko pwedeng sabihin kay Apollo na kasama ko ang kapatid niya. Baka kasi masaktan siya. Kaya naman napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at nagtipa.
[Hello Apollo. Sorry :( I'm kinda busy today. Next time maybe? :)]
Napabuntong-hininga na lang ako matapos i-send 'yon. Nanghihinang ibinaba ko naman ang cellphone ko sa mga hita ko. Wala namang karapatan sa akin si Apollo, pero nagi-guilty ako. Kasama ko ang kapatid niya, kaya 'di ako makakabawi sa kanya ngayon. Pagkatapos ay nagsinungaling pa ako sa kanya.
Hindi niya naman kasi deserve ang ganitong treatment. I mean, he was so bad at me when I was young, pero sa tingin ko ay iba na siya ngayon. Bakit kasi hindi na lang siya nagkagusto sa iba?
"What's that?" tanong naman ni Zeus at saglit na tumingin sa akin.
"Wala," sagot ko na lang at pilit na ngumiti. Napagpasyahan ko ring tumingin na lang sa dinadaanan namin para malibang ang isip ko.
Ilang sandali naman ay inihinto niya ang sasakyan sa isang maganda pero may kaliitang bahay. Kulay puti ang dingding ng bakod nito pati ang gate.
"Sandali lang ah," sabi ni Zeus bago bumaba ng kotse niya.
Naiwan naman ako sa loob habang sinusundan siya ng tingin. Doon ko naman napagtanto na kaya pala siya bumaba ay para buksan ang gate. Matapos din naman 'yon ay kaagad din siyang bumalik sa loob, at tuluyang ipinasok ang kotse sa maliit na garahe ng bahay.
Doon na rin ako bumaba habang namamangha sa bahay. The house looks so neat and clean, which gives a calm and peaceful appearance. Halos white at green lang ang makikita sa paligid, which is very relaxing.
"Kaninong bahay 'to? Sa'yo?" tanong ko sa kanya habang inililibot pa rin ang paningin sa paligid.
"Sa tita ko," sagot niya at binuksan ang pintuan. "Tara, pasok tayo."
"E, nasa'n ang tita mo?" tanong ko naman sabay sunod sa kanya sa loob ng bahay.
"Canada. Do'n siya nakatira ngayon."
Napalunok tuloy ako sa sagot niyang 'yon. Ibig sabihin ba noon ay siya at ako lang ang nasa loob ng bahay na 'to? Hindi naman sa malisyosa akong tao, pero 'di ko rin naman maiwasang isipin 'yon. Lalaki siya at babae ako.
"W-Walang ibang tao dito?" pagkukumpirma ko pa.
Napatingin siya sa akin na nakakunot ang noo. Ako naman ay ganoon pa rin ang ekspresyon; parang may diarrhea. Ilang segundo naman ay natawa siya nang malakas habang napapailing pa.
"Oh my, Maureen," panimula niya nang mapatigil na sa pagtawa. "Wala akong gagawing masama sa'yo, 'no!"
Kaagad naman akong nag-iwas ng tingin nang sabihin niya 'yon. Pakiramdam ko rin ay para bang biglang napaso ang pisngi ko. Nakakahiya! Baka isipin niya, napakasama kong mag-isip.
"N-Nagtanong lang naman ako," halos pabulong na sabi ko.
Nagulat naman ako at napatingin sa kanya nang bigla niyang hawakan ang kamay ko. Damang-dama ko ang init ng palad niya sa mga palad ko. Hindi ko na naman tuloy naiwasan ang lihim na mapangiti dahil doon.
"I'm gonna show you something," sambit niya pagkatapos ay hinila ako patungo sa back door ng bahay.
Pagkabukas niya ng pintuan doon ay tumambad sa amin ang malaki at magandang kulungan ng mga lovebirds. Hindi ko mabilang kung ilang ibon ang ang nandoon. Basta ang ganda nilang tignan. Sigurado ako, kung nandito si Celestia ay matutuwa 'yon. Halos dilaw kasi ang nangingibabaw na kulay.
"Ang ganda!" singhap ko habang hindi mawala ang ngiting nakapaskil sa mukha ko. "Bahay ba 'to o paraiso?"
Napakibit-balikat naman siya. "Basta this is the place where I can feel that I'm safe."
Hindi naman na ako sumagot pa at mas lumapit na lang sa kulungan ng mga ibon. Napapikit pa ako habang dinadama ang hangin sa paligid at pinakikinggan ang tila musikang mga huni nila. Tama nga si Zeus. Ito ang lugar kung saan pakiramdam mo, ligtas ka. Ligtas ka kahit sa mga problema mo. Kasi, mare-relax ka. Mawawala saglit ang mga bumabagabag sa'yo.
"Sabi mo walang tao dito. E, sino'ng nag-aalaga dito sa mga 'to?" tanong ko naman sabay lingon sa kanya.
Lumapit naman siya para tabihan ako at saka siya sumagot, "Yung kapit-bahay."
"Hmm." Tumango-tango ako. Nang sandaling 'yon ay pansamantala namang binalot ng katahimikan ang paligid namin. Pero hindi 'yung katahimikan na nakakailang o nakakakaba. 'Yung katahimikang kalmado.
"Tara. Upo tayo do'n oh," sabi niya sabay turo sa bandang dulo kung saan may bakal na mesa at dalawang bakal na upuan din. Kulay itim naman ang mga 'yon. Sa tabi naman noon ay may duyang pandalawahan na gawa rin sa bakal.
Sumunod na lang ako sa kanya nang umupo siya doon sa duyan. Nakakabilib na malinis na malinis pa rin ang pintura noon. Siguro ay inaalagaang mabuti ng kapit-bahay ng tita niya.
Nang sandaling tumabi ako sa kanya ay naramdaman ko na naman ang init ng katawan niyang malapit sa akin. Dahil maliit lang ang duyan ay hindi naiwasang magdikit ang mga gilid ng hita namin. At kahit pa wala kami sa isang romantikong eksena sa shoot, hindi ko maiwasang kiligin.
"Kamusta ka na?" tanong niya sa akin.
Natawa naman ako. "Ilang beses na tayong nagkikita, ngayon mo lang natanong 'yan?"
"Ikaw, e. Puro ka talak," sagot naman niya, kaya lalo akong natawa.
"Ayos naman ako. 'Di ko in-expect na magiging gan'to 'yung buhay ko, pero masaya na rin ako kung nasa'n ako ngayon," sagot ko naman sabay ngiti.
"Buti ka pa," bulong niya sabay buntong-hininga.
"H-Ha?" Iyon na lang ang nasambit ko dahil 'di ko maintindihan kung sa'n siya nanggagaling. Bakit niya biglang nasabi 'yon?
"Ano kayang feeling na maging ibon, 'no?" pag-iiba naman niya ng usapan.
"Hmm. Siguro masaya? Walang problema. Lilipad-lipad lang. Pahuni-huni lang," sagot ko naman at gaya niya ay tinanaw ko rin ang mga ibon na malapit sa amin.
"They're so lucky 'no? They're free. . . They're always beautiful. . ."
Napatingin naman ako sa kanya nang sabihin niya 'yon. Sa tono ng boses niya, pakiramdam ko ay may mali. At lalo ko pang naramdaman iyon nang makita ko ang mapait na ngiti niya habang nakatulala sa mga ibon.
"Pero nakakulong din naman sila, e. Siguro may freedom, pero kaunti lang," sagot ko naman.
Napangiti naman siya. "Maureen, theirs is like a sanctuary. Mine is like a. . . labyrinth."
Napaawang ang mga labi ko at napatingin sa ibaba. Sa mga damo sana ako titingin, pero nagawi ang tingin ko sa mga kamay niyang magkadaop. Nakapatong ito sa kanang tuhod niya dahil bahagya siyang naka-dekwatro. Ipinatong ko naman ang kamay ko sa kamay niya at masuyong hinaplos iyon. May mali talaga dito kay Zeus, e.
"M-May problema ka ba, Zeus?" may pag-aalalang tanong ko.
Natawa naman siya at hinuli ang kamay kong kanina lang ay nakapatong sa kamay niya. Nahigit ko naman ang hininga ko nang pagdaupin niya ang mga palad namin. Pakiramdam ko'y may kung anong bumabalot sa puso ko na hindi ko man lang magawang magsalita.
I've been with so many handsome models and actors, pero bakit. . .bakit sa kanya ko lang nararamdaman ang ganito? I've done so many romantic scenes, pero sa kanya lang ako nakaramdam ng labis-labis na kaba at kilig. Napangiti na lang ako sa iniisip. Zeus is really something.
"Wala 'kong problem 'no," sabi pa niya at bahagyang tumawa. "Natanong ko lang. Tsaka, random lang 'yung nasabi ko."
Napahampas naman ako sa braso niya. "Kinabahan naman kasi ako sa'yo, 'no! Akala ko kung ano nang mabigat ang pinagdadaanan mo."
Isang malawak na ngiti lang naman ang iginanti niya sa'kin. Wala naman akong nagawa kung hindi ang kusang mapangiti rin dahil sa kakaibang damdaming inihahatid ng ngiti niyang 'yon.
"Tara." Tumayo siya habang hawak pa rin ang kamay ko. "Ipagluluto kita."
Napaawang naman ang mga labi ko, pagkatapos ay napangiti ulit. Ayoko na nga sanang ngumiti, pero hindi ko mapigilan!
"T-Talaga?" Tumayo na rin ako. "Teka, may maluluto ba d'yan?"
"Nagtatabi ako ng mga stocks sa ref d'yan, 'no," sagot naman niya. "Minsan nga, nasisira na lang 'yung iba."
Napatango naman ako. "Okay."
Magkahawak-kamay naman kami nang muli kaming pumasok sa loob ng bahay ng tita niya. Maliit lang talaga ang bahay na kaunti lang ang espasyo sa pagitan ng kusina, hagdan at sala. Pero mukhang minimalist ang tita niya, kaya hindi masikip tignan.
"Upo ka muna d'yan," sabi niya sabay turo doon sa kulay seaweed na sofa ng tita niya.
"Anong iluluto mo?" excited na tanong ko bago ako tuluyan maupo.
Saglit naman niya ako habang abala sa paghihiwa. "Garlic buttered shrimp."
Napaawang naman ang mga labi ko nang marinig ko 'yon. Sa sandaling 'yon ay may isang alaalang nanumbalik sa isipan ko. Napangiti na lang tuloy ako habang pinapanood siya. Ilang minuto lang naman ang hinintay ko bago siya matapos.
"Masarap ba 'yan? Baka walang-wala 'yan sa Spaghetti alle vongole ng Le Meilleur?" biro ko naman sa kanya.
"Mas yummy 'tong luto ko, 'no," sagot naman niya sa akin.
Napailing naman ako at tinawanan siya. "Para kang ewan!"
Natawa lang din naman siya sa akin. Pagkatapos ay inilapit naman niya sa akin ang isang plato na para sa akin.
"Oh, tikman mo na," sabi pa niya.
"Sige nga," sabi ko kasabay ng pagkuha ko ng isang hipon gamit ang tinidor at saka isinubo iyon. "Wow! Masarap ah! Parang magiging favorite ko na yata ang hipon kesa sa pusit."
"Told you," proud na tugon naman niya.
"Natatandaan mo ba no'n nung una tayong nagkasama?" tanong ko naman sa kanya habang patuloy pa rin sa pagkain.
"Hmm? Kailan?" takang tanong niya.
"Ano ka ba? Hindi mo na talaga natatandaan? I thought you still like me?" reklamo ko sa kanya.
"Basis ba 'yon? 'Di naman talaga natin maiiwasang makalimot," dahilan naman niya.
Napaisip naman ako. Medyo nasaktan ako na malamang hindi na pala niya naaalala, samantalang sariwang-sariwa pa 'yon sa alaala ko. Pero tama naman siya. May mga bagay talagang 'di natin maiiwasan na makalimutan, lalo pa at tumatanda tayo.
"Sa bagay," sabi ko naman at muli nang napangiti. "Ipapaalala ko na lang sa'yo. 'Yun 'yung araw na sinamahan kitang bumili ng hipon sa palengke. Tanda mo pa?"
"Ah!" Napatango-tango siya. "Yeah. Naalala ko na."
"Tapos ngayon, pinagluto mo 'ko nito. Alam mo, Zeus, 'di ko akalaing mangyayari pa 'to. Sa dami ba naman ng nangyari," sabi ko pa sa kanya. "Pero sana palagi na lang ganito 'no?"
Napangiti naman siya. "Kumain ka na nga lang! Dami mong sinasabi."
Natawa na lang tuloy ako at sinunod ang sinabi niya. Honestly, I don't want this day to end. It felt like this was the happiest day of my life. Ngayon ko lang ulit naramdaman 'yung saya na katulad ng naramdaman ko noon.
Pero sadyang hindi natin mapipigilan ang takbo ng oras. Nang papadilim na ay inihatid na rin uli ako ni Zeus sa bahay namin. Sa bagay, may susunod pa naman.
"Goodnight," sabi niya at ngumiti sa akin.
"Ah, Zeus, siya nga pala—" Pababa na sana ako nang may maalala ako.
"Hmm?"
"Uh, 'wag mo na lang sanang sabihin kay Apollo na nangyari 'to, a? Sabi ko kasi sa kanya kanina, busy ako," nahihiyang sabi ko sa kanya. Ayoko na sanang banggitin sa kanya ang tungkol doon, pero baka mamaya magkamali pa siya at maikwento sa kuya niya, e.
"Ginugulo ka pa rin ba ni Kuya?" tanong naman niya.
Tumango-tango ako bilang sagot. "Pero, 'di bale. Kakausapin ko na lang din siya nang maayos para—"
"Wag!" putol niya sa sasabihin ko.
Napakunot naman ang noo ko. "Bakit?"
"B-Basta. Ano, baka. . ." Naging malikot ang mata niya. "Baka siraan niya 'ko sa'yo."
"Hindi naman ako maniniwala sa kanya, e," pagpapatotoo ko naman.
"Kahit na. . ."
"Oh basta, goodnight na," sabi ko na lang at tuluyang bumaba sa kotse niya.
Nang makababa naman ako ay kaagad din niyang pinaandar ang sasakyan. Kumaway pa ako hanggang sa malayo na siya sa paningin ko. Bago ako pumasok ay napabuntong-hininga na lang ako. Parang may agam-agam na naman ako. Pero sa huli ay napangiti na lang ako nang maalala ang nangyari sa araw ko.
Maybe I should stop worrying. Baka wala naman pala talagang mali. Masyado lang siguro akong nag-aalala.
Itutuloy. . .