Kabanata 34
"Nayakap din kita. . . Anak ko!"
Napatigil ako nang marinig ko 'yon. Sandali, ano'ng sabi niya? Anak? Huh! Ayos lang ba siya? Ni hindi ko nga siya kilala, e!
"S-Sandali. . ." usal ko at marahang lumayo sa kanya. "Nagkakamali ho yata kayo."
Nang tuluyang makalayo sa kanya ay nakita ko ang pag-awang ng mga labi niya. Tila nabigla sa sinabi ko. Bukod pa roon ay mukha rin siyang dismayado. Sino ba talaga ang babaeng ito? Mukha naman siyang mayaman, pero bakit ganito siya kumilos?
"Hindi. Hindi ako pwedeng magkamali!" Umiling-iling pa siya. Ramdam ko rin ang panginginig ng kamay niyang nasa balikat ko pa.
"Matagal na hong patay ang nanay ko," giit ko pa at sinubukang kumalma, kahit ang totoo ay gustong-gusto ko na silang paalisin. Pero syempre, kailangan ko pa rin silang igalang kahit paano.
"I told you, Mom. Hindi na dapat natin hinanap 'yan, e," sabi naman sa kanya ng babaeng kasama niya.
"Shut up, Mercedes," inis na sagot naman niya rito.
"Ah, hija, let me explain—"
Umiwas ako nang akmang hahawakan niya akong muli sa balikat. Nagulat naman siya sa ginawa ko. Mayamaya pa'y narinig ko ang boses ni Tita Maricar mula sa likuran.
"Maureen, sino ba 'yang—"
Napalingon ako kay Tita Maricar nang mapatigil siya sa pagsasalita. Namimilog ang mga mata niya at para bang nakakita siya ng multo. Bakit kaya? Kilala kaya ni Tita ang mga taong 'to?
"Kilala mo sila, Tita?" Hindi na ako nakapagtiis at tinanong ko na siya.
Mula sa babae ay lumipat naman ang tingin niya sa akin, pagkatapos ay sa babae ulit. At pagkaraan ay napatingin muli siya sa akin. Bumuka pa ang bibig niya na parang may sasabihin, pero kaagad din niya iyong isinara.
Bakit ba ganito katensiyonado si Tita? Ano ba ang meron sa ale na 'to?
"M-Ma'am Isabelle. . ." bati ni Tita Maricar na para bang hindi pinansin ang tanong ko.
"Buti natatandaan mo pa 'ko, Maricar," tugon naman ng mayamang ale. Mukha na siyang kalmado sa harap ni Tita Maricar, pero kapansin-pansin ang diin sa kanyang boses.
"Ah, eh, napasyal ho kayo? E, nailibing na ho si Jose, eh—"
"Nagpunta ako dito para kunin ang anak ko," pagputol niya sa sinasabi ni Tita Maricar.
Napatingin naman si Tita Maricar sa akin at sakto namang nakatingin din ako sa kanya, kaya nagtama ang paningin namin. Parang hindi malaman ni Tita ang gagawin niya ngayon. Naniniwala ba siya sa sinasabi ng babaeng 'to? Na anak niya ako?
"Ah, eh, Ma'am, 'wag naman ho nating biglain ang bata. . ." may takot na sabi ni Tita Maricar sa babae.
Napakunot naman ang noo ko. "Tita, ano'ng. . ."
Napabuntong-hininga si Tita Maricar at hinawakan ang balikat ko. "Maureen, halika, mag-usap tayo sa loob. Marami kang dapat malaman."
"Teka, Tita!" sabi ko at hindi ako nagpaghila kay Tita papasok sa loob ng bahay namin. "Hindi ko po maintindihan! Ano'ng. . . Ano'ng dapat kong malaman?"
"Stupid," sambit ng babaeng kasama ng nagpapakilalang nanay ko. Napatingin naman ako sa kanya. "Didn't she tell you to go inside and she'll discuss everything? Are we really gonna stand here and talk?"
"Mercedes," suway naman ng mayamang ale.
"Maureen, sige na. Halika muna sa loob," pakiusap naman ni Tita Maricar sa akin, kaya nagpatianod na lang ako sa kanya. At least, ginagawa ko 'to para kay Tita Maricar at hindi para sa dalawang babaeng 'to.
Pagpasok namin sa bahay ay kaagad na inasikaso ni Tita Maricar ang dalawang babae. Ibig sabihin, kilala nga talaga niya ang mga 'yon. Pinagmasdan ko naman ang kilos ng dalawa. Ang isa ay matamang tinitignan si Tita Maricar, pagkatapos ay titingin sa akin. Iiwas naman ako ng tingin, pero mayamaya'y mapapatingin ulit sa kanila. Ang isa'y halatang naiinis sa kinalalagyan niya ngayon. Nakangiwi pa ito habang nililibot ang paningin sa loob ng munting bahay namin.
Nang maalala kong may pasok pa nga pala ako, kaya't kaagad akong tumayo.
"Tita, importante ba talaga ang sasabihin mo? May pasok pa ako, e," sambit ko, dahilan para mapatingin silang tatlo sa'kin. Si Tita ay parang natigilan at hindi na naman alam ang gagawin. Ang isang babae ay napairap, habang ang isa naman ay nakatingin lang sa akin.
"Ako na'ng bahala," sabi ng mayamang ale sa akin. "Kakausapin ko ang teacher mo."
"Hindi po ako nag-aaral," sagot ko sa kanya at natigilan naman siya dahil doon.
"Basta 'wag ka munang umalis. Marami tayong dapat pag-usapan," giit pa niya.
Napatingin naman akong muli kay Tita para humingi ng tulong. Pero isang bahagyang tango lang ang ibinigay niya sa akin. Sa huli ay napabuntong-hininga na lang ako at muling naupo sa papag namin.
Sumunod naman sa akin si Tita at tumabi sa akin.
"Maureen, ang totoo niyan, hindi ko alam kung pa'no ko sisimulan, e," panimula niya.
"Bakit, Tita? Ano ba'ng kailangan kong malaman?" kunot-noong tanong ko.
Naguguluhan na talaga ako sa nangyayari. Gustong-gusto ko nang masagot ang mga tanong sa isip ko. Sino ba talaga ang babaeng 'to at bakit sinasabi niyang anak niya ako?
"Hija, nagsinungaling kasi ang itay mo sa'yo," sagot naman niya.
Pero nakulangan ako roon kaya nagtanong pa ako, "Pa'no pong nagsinungaling?"
Napabuntong-hininga naman si Tita bago muling sumagot, "Hindi si Cynthia ang nanay mo. Hindi siya ang nagluwal sa'yo."
Parang tumigil ang mundo ko nang sandaling sabihin 'yon ni Tita Maricar. Sa isang iglap ay parang wala akong naintindihan sa mga nangyayari. Para bang hindi na tumatakbo nang maayos ang utak ko at natulala na lang ako sa kanya.
"Ang totoo n'yan, patay na si Cynthia dalawang taon bago ka ipanganak," dagdag pa ni Tita Maricar.
Nang mga sandaling 'yon ay bumalik naman sa aking isipan ang mga panahong nagtatanong ako kay Itay tungkol sa nanay ko. Iyon 'yung mga panahong naiinggit ako kay Danica dahil may nanay siyang kasama.
[Flashback]
"Para sa'n naman 'yang card na 'yan? Hindi naman Pasko ah!" sabi ko kay Danica nang ipakita niya sa akin ang card na sabi niya ay ibibigay niya kay Tita Maricar.
"Hindi mo ba alam? Mother's Day ngayon! Kaya nga gumawa ako ng card para kay nanay, e," sagot naman niya sa akin.
"Mother's Day?" pag-uulit ko pa.
"Oo!" Tumango-tango pa siya.
"Danica, nasa'n kaya ang nanay ko ano?" sabi ko naman. Matagal ko na ring itanatanong kay Itay kung nasaan ba ang nanay ko. Pero ayaw niya raw pag-usapan.
"Alam mo, siguro dapat kulitin mo nang kulitin si Tito. Sayang. Hindi ko rin alam kung ano'ng nangyari sa nanay mo, e," sagot naman ni Danica na parang naaawa sa akin.
"Hindi naman ako sinasagot ni Itay," malungkot ko namang tugon sa kanya.
"Pilitin mo kasi!" giit pa niya at pagkatapos ay napatayo siya sa tuwa. "Ayan na si Nanay!"
Dahil sa sinabi niyang 'yon ay napatingin din ako sa direksyong tinitignan niya. Nakita ko nga si Tita Maricar na maraming bitbit na mga supot. Galing kasi siya sa palengke.
"Nay! Tignan mo 'tong gawa ko oh."
Masayang sinalubong ni Danica si Tita Maricar at dali-daling ipinakita ang card na ginawa niya para rito.
"Wow! Ang sweet naman ng anak ko!" tuwang sabi ni Tita Maricar sabay pisil pa sa pisngi ni Danica. "Halika nga dito. Pahalik! Hmm! Ang baho mo na! Amoy ka araw!"
Napatunganga na lang ako habang nagkukulitan silang mag-ina. Nang mga sandaling 'yon, hindi ko maiwasan ang makaramdam ng inggit sa kanilang dalawa. Sana may nanay din ako na nag-aasikaso sa akin nang ganoon. Sana may nanay din akong nayayakap-yakap. Sana kumpleto rin ang pamilya ko. . .
Nang makaramdam ng labis na lungkot ay nagpasya na lang akong umuwi nang hindi nagpapaalam sa kanila. Pag-uwi ko naman ay wala akong nadatnang tao sa bahay namin, dahil namamasada pa si Itay.
Malungkot akong naghintay sa pagbabalik ni Itay. Nalulungkot ako na palagi akong mag-isa. Oo, masaya ako kapag kasama ko si Itay. Pero sa loob-loob ko ay alam kong may kulang. Dahil wala akong nanay.
"Maureen! Heto na 'ko."
Napatayo ako kaagad sa papag nang marinig ang tinig ni Itay.
"Oh? Bakit ganyan ang hitsura mo? Para kang nalugi d'yan," puna niya nang makita ako. Pagkatapos ay may kinuha pa siyang supot mula sa bag niya. "Tignan mo oh. May pasalubong ako sa'yo."
"Itay. . . Itay, nasaan po si Nanay? Bakit po 'di natin siya kasama?" tanong ko sa kanya.
Napatigil naman siya at parang nanigas sa kinatatayuan niya. Pagkatapos ay unti-unti siyang napatingin sa akin.
"Itay, sige na po. Sabihin n'yo na po sa'kin. . ." pakiusap ko pa.
Napaluhod naman si Itay para magkapantay kami. Matapos ay hinawakan niya ako sa balikat ko. Sa hitsura niya noon ay para siyang nahihirapang sabihin sa akin ang anumang gusto niyang sabihin.
"Maureen, Anak, makinig ka ha?" bilin niya sa akin.
Tumango-tango naman ako.
"Ang nanay mo, malayo na siya sa atin kaya hindi na natin siya makakasama kahit kelan," sabi niya sa akin.
"Bakit po? Gaano po ba siya kalayo? Ano po bang hitsura niya?" sunod-sunod na tanong ko pa.
Napaiwas naman ng tingin sa akin si Itay at napayuko. Pero ilang sandali pa ay kinuha niya mula sa bulsa ng pantalon niya ang wallet niya. Mula roon ay may kinuha siyang isang litrato at inabot sa akin.
Sa hitsura ng litrato ay mukhang luma na 'yon. Halos hindi na rin maganda ang kalagayan ng litrato. Ang lalaki mula doon ay mukhang siya na mas bata lang. May kasama siyang isang babaeng payat at maganda. Maiksi lang ang buhok nito. Kapwa sila masaya sa litrato na 'yon.
"Siya si Cynthia. S-Siya ang nanay mo," sabi niya sa akin, kaya muli akong napatingin sa kanya.
"Nasaan na po siya?" tanong ko pa.
"Wala na siya. Nasa langit na siya," malungkot na sagot niya sa akin.
"P-Patay na po siya?" Maging ako ay nalungkot din dahil sa nalaman ko.
Oo nga at masaya ako dahil nalaman ko na kung sino ang nanay ko. Sa wakas ay nasagot na rin ang mga tanong ko. Pero nakakalungkot dahil hindi ko na pala siya makakapiling pa.
"Oo eh," sagot ni Itay. "N-Namatay siya nang i-ipanganak ka niya."
"D-Dahil po ba sa'kin kaya namatay si Inay?" tanong ko.
"Naku hindi!" Kaagad na umiling si Itay. "Anak, hindi. . . Hindi ganoon. Sadyang hanggang doon na lang talaga ang buhay ng nanay mo. Pero ni minsan hindi ko inisip 'yan." Pagkatapos noon ay hinaplos pa niya ang pisngi ko. "Anak, ikaw ang regalong iniwan niya sa akin. Biyaya ka sa buhay ko. 'Wag na 'wag mong iisipin na kasalanan mo 'yon ha?"
Tumango-tango naman ako at niyakap niya ako. Naramdaman ko pang hinalikan niya ako sa buhok ko.
"Mahal na mahal kita, Anak," sabi pa niya sa akin. "Lahat ng ginagawa ko, para sa'yo."
"Mahal din po ba ako ni Inay?" tanong ko habang yakap din si Itay.
"Oo naman anak. Mahal na mahal ka niya," sagot pa niya sa akin, kaya napangiti na ako kahit papaano.
[End of Flashback]
"Hindi, Tita. . ." Umiling-iling ako habang may namumuo nang mga luha sa mata ko. "Nagsisinungaling ka, Tita! Hindi! Hindi totoo 'yan!"
Sa mga sandaling 'to ay nahihirapan akong tanggapin na nagsinungaling sa'kin si Itay. Bakit naman niya gagawin 'yon? Bakit 'di na lang niya sinabi sa'kin ang totoo, kung 'yon man ang totoo? Ang hirap lang isipin na ilang taon kong minahal sa puso at isip ko si Inay kahit pa hindi ko siya nakasama kailanman. Para sa akin, mahal na mahal ko pa rin siya kahit ganoon.
Pagkatapos ngayon sasabihin nila sa akin na hindi siya ang nanay ko? Na buhay pa pala ang nanay ko at hindi ko naman kaano-ano ang babaeng pinagluluksa ko taon-taon?
Tuluyan nang tumulo ang mga luha ko nang maisip ko ang mga bagay na 'yon. Ibig sabihin, buong buhay ko, kasinungalingan lang ang lahat?
"Alam kong mahirap 'to para sa'yo, Maureen. Pero iyon talaga ang totoo!" giit pa sa akin ni Tita Maricar.
"Hindi. . ." pagpupumilit ko pa.
"Hayaan mong ikwento ko sa'yo ang lahat, Hija," sabi naman ng ale sa akin. Akmang hahawakan niya ang balikat ko nang iwaksi ko ang kamay niya.
"Hindi kita kausap!" bulyaw ko sa kanya.
"Maureen, kumalma ka," awat naman sa akin ni Tita Maricar. Isang malakas na hikbi lamang ang naisagot ko sa kanya.
"Makinig ka, Maureen. Nagtrabaho sa amin noon ang tatay mo bilang driver. Gano'n kami nagkakilala."
Kahit ayoko siyang pakinggan ay nagpatuloy pa rin sa pagkukwento ang babae. Wala naman na akong magawa dahil hindi ko na alam kung ano ang sasabihin o gagawin.
"May asawa na ako noon at anak ko na rin si Mercedes. Nang mga panahong 'yon, madalas kaming nag-aaway ni Frederick. Sa mga pagkakataong 'yon, wala akong ibang takbuhan kung hindi si Jose, ang tatay mo.
"I know it's wrong pero unti-unting nahulog ang loob ko sa kanya. Feeling ko kasi no'n, mas okay siya sa husband ko. Naiintindihan niya ako at pati si Mercedes, alam niya kung paano pasayahin.
"At tuluyan nga kaming nagkasala ng tatay mo nang gabing. . . Makalimot kami. Akala ko noon, magagawa kong itago ang lahat ng kasalanan ko. Nagsisimula na rin kaming magkaayos noon ng asawa ko. Hanggang sa. . . Hanggang sa dumating ka sa buhay namin."
"At sinira mo ang masayang pamilya mamin," dugtong ng babaeng kasama niya sa kwento niya.
Napaiwas naman ako ng tingin. Hindi ko alam kung totoo ba lahat ng sinabi niya, pero hindi ko maiwasan ang mahiya sa kanila ngayon. Kung totoo man 'yon, napakalaki pala ng kasalanan ko sa kanila. Pero hindi. . . Hindi ko pa rin siya matatanggap bilang nanay ko!
Humugot ako ng malalim na hininga bago magsalita. Pagkatapos ay pinunasan ko ang mga luha sa pisngi ko.
"Hindi ko po alam kung totoo ang sinasabi n'yo, pero isa lang ang masasabi ko: kalimutan n'yo na lang ang lahat," sambit ko dahilan para matigilan siya. Ang isa naman ay masama ang tingin sa akin. Pero pinili ko pa ring magpatuloy. "Isipin n'yo na lang po na hindi ako naging parte ng buhay n'yo. Dahil sa puso't isip ko, si Nanay Cynthia lang ang nanay ko."
"Maureen!" sita sa akin ni Tita Maricar. "Wag ka namang ganyan! Nanay mo pa rin siya!"
Umiling-iling ako habang pinipigilan na maiyak ulit.
"Mom, I think, we went here for nothing," sabi ng anak niya. Hula ko ay ito ang Mercedes na sinasabi niya.
Hindi naman niya ito pinansin at sinubukan pa rin akong kausapin.
"Maureen, nandito ako para ayusin ang lahat. Wala ka nang magulang ngayon, kaya sumama ka na lang sa akin. I assure you, everything will be just fine," sabi pa niya sa akin. Akmang hahawakan niya ako pero muli ko lang winaksi ang kamay niya.
"Hindi! Hindi ako sasama sa inyo!" matigas na sabi ko. "Hindi n'yo maaayos sa ganitong paraan ang lahat! Mas mabuti pang kalimutan n'yo na lang ako at hayaan na lang na ganito ang buhay nating lahat!" Tumayo ako at kinuha ang bag ko. Papasok pa rin ako kahit late ako. Kahit magulo ang utak ko.
"Maureen, please—"
Hindi ko na siya pinatapos sa sasabihin niya. Mariin ko silang pinakiusapan. "Umalis na kayo dito, Ma'am. Please."
"She's right," sabi pa ni Mercedes. "Let's just go, Mom. We're wasting our time. Besides, baka maging laman pa tayo ng blind item for the following days. My gosh!"
"Hindi. Hindi ako aalis dito hangga't 'di ka sumasama sa akin!" pagmamatigas naman niya.
"Mom!" reklamo pa ng anak niya.
Mabilis namang umaksyon si Tita Maricar at nagpasyang sumingit na sa eksena namin.
"M-Ma'am Isabelle, sige na. Bumalik na lang ho kayo," pakiusap ni Tita sa kanya.
"Ayoko nang bumalik 'yan!" giit ko pa, pero hindi na lang ako pinansin ni Tita.
"Nabigla ho ang bata. Hayaan po muna natin siyang mag-isip-isip," sabi pa ni Tita.
Masamang tumingin sa kanya ang Ma'am Isabelle na tinatawag niya, pagkatapos ay napatingin sa akin.
"Babalik ako, Maureen. Babalikan kita."
Itutuloy. . .
: Ano'ng masasabi n'yo sa revelation? Hahaha. Though I'm guessing nahulaan n'yo na since nagbigay naman ako ng hints sa previous chapters. Thank you for reading! Love you, guys!