Kabanata 13
"Nakaka-miss namang magsimba tuwing Linggo," malungkot na sabi ni Danica habang nakatanaw sa kotse ng mga Lorenzino na papalayo. Paano kasi, nautusan kaming magwalis sa hardin ng mga Lorenzino.
"Oo nga, e," sang-ayon ko naman. "Pero, wala namang kaso 'yon. Basta ang mahalaga, nagdadasal pa rin tayo."
"Anong pinagdadasal mo tuwing gabi?" tanong naman niya sa'kin.
"Edi, syempre, ang makaahon sa hirap. At tsaka, pinagdarasal ko rin palagi si Inay," sagot ko sa kanya.
Namatay daw ang Inay sa panganganak sa akin, kaya hindi ko na siya nakapiling. Pero kahit ganoon, mahal ko pa rin siya. At palagi ko siyang naiisip.
"Ano'ng pakiramdam ng may nanay, Danica?" tanong ko pa sa kanya. Hindi ko rin namalayang napatulala na pala ako habang hawak ang walis na may mahabang tangkay.
"Nakaka-irita minsan kapag nagbubunganga. Pero masaya, syempre. Sobrang saya," sagot naman niya.
"Gano'n?" sabi ko na lang.
"Alam mo, kahit wala naman na 'yang si Tita Laura? Naku! Para ka na rin naman nang anak ni Nanay," sabi pa niya sa'kin.
"Tama ka nga. Tsaka si Tita Oli rin, 'di ba?" tukoy ko sa nanay ni Jacob.
"Oo! Kaya 'wag ka nang malungkot!" sabi naman niya.
Napangiti ako at ipinagpatuloy nalang ang pagwawalis. Matapos din naman 'yon ay marami pa kaming ginawa. Mga araw-araw na ginagawa namin sa mansyon. Mabuti nga at 'di na iba sa amin ang paggawa ng gawaing bahay.
Kinahapunan, pinayagan kami ni Manang Guada na tumambay sa bakuran ng mga Lorenzino. Hindi naman daw maglalagi doon sila Ma'am o kahit pa sila Sir Zeus. Hinayaan din niya kaming kumain ng hilaw na mangga.
"Ang pangit mo naman magbalat, Monet!" puna ni Danica.
"Kahapon si Jacob ang nagbalat para sa'kin, e," sabi naman ni Monet. "Sana nga nandito nalang siya ngayon."
Napatingin ako kay Danica nang bigla niyang ibaba ang kutsilyo. Para bang may maling nasabi si Monet at bigla nalang nawala ang ngiti sa mga labi niya. Napatingin naman ako kay Monet na mababakasan din ng lungkot habang nakatingin pa sa malayo.
"Akin na nga. Ipagbabalat na kita," sabi ko kay Monet sabay kuha ng mangga niya. Sinimulan ko na iyong balatan.
"Salamat!" tuwang sabi niya sa'kin.
"Tsk. Dapat matuto kang magbalat mag-isa ano," inis na sabi ni Danica habang patuloy na sa pagbabalat. "Pa'no nalang kung wala si Jacob? Si Maureen? Tsk. Hindi ka prinsesa 'no!"
Napatigil ako sa pagbabalat at kunot-noong tinignan si Danica. Base sa gawi ng pagbabalat niya, parang inis na inis siya.
"Teka, Danica, may problema ka ba kay Monet?" deretsong tanong ko sa kanya.
"Bakit, Danica? M-May nagawa ba akong mali?" tanong din ni Monet sa kanya.
"Wala! Ano ba naman kayo?" singhal niya
"Wala? E, bakit ganyan ka magsalita?" giit ko pa.
"Sinasabi ko lang naman kasi. Hindi tayo mayaman na sa lahat ng bagay, may katulong pa," paliwanag niya.
"Ah, Monet, pagpasensyahan mo na 'tong si Danica ah? Ganyan lang talaga 'yan minsan," paumanhin ko nalang kay Monet. "Oh, eto na 'yung mangga mo."
"Salamat," sabi niya pagkakuha noon. "Ayos lang naman. Naiintindihan ko."
"Sandali ah? Kukuha lang ako ng tubig sa loob." Tumayo na ako mula upuang gawa sa bakal. "Wag kayong mag-aaway d'yan ha!"
Nakangiti pa ako habang papasok sa bahay ng mga Lorenzino. May pinto sila na papunta mismo sa kitchen, kaya doon na ako nagdaan. Masyadong maganda ang sikat ng araw ngayon.
Kumuha ako ng basong babasagin, pagkatapos ay binuksan ko ang ref at kumuha ng pitsel na may malamig na tubig. Aalis na sana ako nang may marinig.
"Oh, yes, Marquita?"
Hindi iyon boses ni Sir Zeus kung hindi boses ni Apollo. Lumakad pa ako nang kaunti para masilip siya. Nakatayo siya sa gilid ng hagdan at nakatalikod sa akin. May hawak siyang cellphone na nakatapat sa tenga niya.
Ayoko sanang makinig, dahil hindi naman talaga ako interesado sa buhay niya. Pero dahil sa pangalang Marquita ay nagka-interes ako. Ano kayang pinag-uusapan nila?
"Bukas? Pupunta ka? Okay lang naman...Of course not!" Natawa pa ito. "Sigurado, matutuwa si Zeus... I guess he's sleeping... Okay. Sure, sure."
Matapos 'yon ay ibinaba naman na niya ang telepono. Base sa narinig ko, parang may balak yatang pumunta ang bruha dito bukas! Bakit naman kaya? Para na naman akitin si Sir Zeus?
"So, masaya ka na ba sa narinig mo?"
Nabato ako sa kinatatayuan ko nang magsalita si Apollo, at tiyak kong ako ang kinakausap niya. Alam niya! Alam niyang nakikinig ako sa usapan nila! Jusko naman.
"A-Ahm. . ." Wala akong mahagilap na salita para sabihin.
Lalo pa akong kinahaban nang umikot siya at humarap sa akin. Naroon na naman ang nakakatakot niyang hitsura. Gwapo sana siya, pero sa tuwing nakikita ko ang madilim niyang ekspresyon ay 'di ko maiwasan ang matakot. Lalo pa at naaalala ko ang gabing 'yon.
"I will tell you this once again, 'wag mo nang pangarapin si Zeus. Balang araw, makikita mo rin, magiging masaya siya sa piling ni Marquita. At ikaw? Wala ka lang sa buhay niya," mariing sabi niya nang makalapit sa akin.
Kaagad namang umahon ang galit at inis sa puso ko.
"Alam ko ang lugar ko! Hindi mo na kailangang ipamukha pa sa'kin!" Hindi ko siya sinigawan, pero tinumbasan ko ang mariin niyang boses.
"Kung ako nalang kasi sana, Maureen." Hinawakan niya akong muli sa dalawang balikat ko. "Kaya kitang mahalin nang higit pa sa gusto mo! At kung hindi ka pa handa, kaya kong maghintay!"
Tinanggal ko ang kamay niya at hinayaan naman niya ako. "Hindi ako nababagay sa'yo, kaya itigil mo na 'to!"
Kaagad din naman akong umalis at mabuti nalang ay 'di na niya ako hinabol pa. Dali-dali akong bumalik sa tinatambayan namin nila Monet at Danica. Pa-martsa pa nga ang ginawa ko habang papunta doon. Nanginginig ako sa inis sa Apollo na 'yon!
"Oh? Akala ko ba kukuha kang tubig? Asan na?" tanong ni Danica sa akin.
Oo nga pala. Nakalimutan ko tuloy 'yung tubig dahil sa inis sa Apollo na 'yan. Napairap na lang ko at nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.
"Ikaw nalang ang kumuha," inis kong sabi sabay upo sa upuan ko kanina.
"Aba, Maureen? Ikaw naman ang may problema ngayon?" takang tanong ni Monet. Natawa pa ito at bahagyang umiling. "Magkaibigan nga kayong dalawa."
* * *
Kinabukasan, napag-alaman kong mahirap palang manatili sa mansyon na 'to. Lalong nadadagdagan ang inis ko kay Apollo sa tuwing nakikita ko siya. Bakit naman kasi ako pa ang na-trip-an niyang pagkatuwaan? Siguro ay sawa na siya sa mga kaedad niya. Pero hindi pa rin tama 'yon!
Sa nakikita at nararamdaman ko sa kanya ay mababa ang tingin niya sa'kin. Akala niya siguro ay pera lang ang habol ko. Na kaya ko nagustuhan si Sir Zeus ay dahil sa mayaman ito. Pero nagkakamali siya! Wala akong kahit na anong rason na masasabi kung bakit nga ba gusto ko siya. Basta alam ko lang, gusto ko siya. 'Yun na 'yon.
Pero kagabi, nabagabag talaga ang isip ko dahil sa sinabi ni Apollo. Dumagdag pa ang usapan namin ni Danica sa tabing-ilog sa napakaraming tanong sa isip ko. Pero, syempre, wala naman din akong makukuhang sagot. Dahil ang may hawak lang no'n ay si Sir Zeus.
"Maureen, linisin mo ang pool mamaya, okay?"
Marahan kong ibanaba ang pitsel sa mesa at tinignan nang masama si Apollo. Napangisi naman siya. At ano na naman ba ang gusto niyang mangyari?
"Naiintindihan mo ba?" tanong pa niya.
Napayuko nalang ako. "Opo."
"Danica, samahan mo si Maureen," utos pa niya kay Danica na nagsasalin naman ng tubig.
"Sige po, Sir Apollo," sagot naman ni Danica na walang kaalam-alam sa mga nagaganap sa pagitan namin ni Apollo. Ewan ko ba, ayoko na talagang sabihin sa kanya. Wala rin namang kwenta ang bagay na 'yon.
"Why, Kuya? May. . .bisita ka ba?" tanong naman ni Sir Zeus kay Apollo. Sa pagkakataong 'yon ay bumalik na kami sa pwesto namin.
Napangisi ang lokong si Apollo. "Ikaw ang may bisita."
"Me?" Napaturo pa si Sir Zeus sa sarili niya.
"Yes. Marquita talked to me yesterday. She said she wanted to visit you. So, sabi ko naman, walang problema," paliwanag ni Apollo.
"You should've told me first, Kuya," sambit ni Sir Zeus na kababakasan ng pagkainis. Kaya lang, heto na naman sila sa usapang hindi ko maintindihan.
"Bakit? Ayaw mo bang pumunta dito si Marquita?" Pagsali ni Ma'am Helen sa usapan. "I think it's good."
"N-No, Ma. It's not that. Nabigla lang ako," sabi pa ni Sir Zeus.
"Nalalapit na ang debut niya. I'm assuming naghahanda ka na ng any present para sa kanya?" sabi pa ni Ma'am Helen sabay subo ng bacon sa kanyang bibig.
"Hmm." Tumango-tango si Sir Zeus. "I'm working on it, Ma."
"Titingin na rin ako mamaya ng regalo para sa kanya. And maybe I should get a new dress, too!" sabi pa ni Ma'am Helen.
"You're so excited about it," sabi pa ni Apollo. Eksayted lang ang naintindihan ko.
"Well, you know, wala akong babaeng anak. That's why parang anak ko na rin si Marquita. E, sayang nga 'di man lang naging babae ang isa sa inyo ni Zeus," paliwanag ni Ma'am Helen.
Sa sagot niyang 'yon ay naintindihan ko na. Mukhang eksayted pala si Ma'am Helen sa birthday ni Marquita. Sa bagay, sa dalawa niyang anak na lalaki ay 'di niya naranasan ang magpa-debut. Maaaring enggrande ang debut ng mga lalaki sa mayayamang pamilya, pero hindi kagaya ng sa mga babae na bongga talaga.
"I guess you'll have to wait 'till we have our own families." Natawa pa si Apollo. Sumunod din namang tumawa sa kanya si Ma'am Helen habang si Sir Zeus ay tahimik lang.
"Well, I hope hindi ka maunahan nitong kapatid mo. I mean, he's just eighteen!" sagot pa ni Ma'am Helen, at nagtawanan silang muli. Pero si Sir Zeus, nanatiling walang imik.
"No, of course not, Ma. Wala pa naman sigurado sa isip niya ang pag-aasawa." Bumaling si Apollo kay Sir Zeus. "Right, Zeus?"
Hindi naman sumagot agad si Sir Zeus dahil mukhang tulala siya.
"Zeus?" tawag pa ni Apollo dito.
"Oh, Kuya? Y-Yes! Wala pa sa isip ko 'yan. Of course," sagot ni Sir Zeus na halatang lutang sa pag-iisip nang malalim.
"Oh I guess masyadong pinag-iisipan nitong kapatid mo kung ano ang ireregalo kay Marquita," biro na lang ni Ma'am Helen.
Matapos nilang kumain ay umalis na sina Ma'am Helen at Apollo para pumasok sa trabaho. Si Sir Zeus naman ay nanood ng TV sa sala nila. Kami ni Danica ay nagsimula naman nang maglinis ng pool.
"Naku! Sabi ko na nga ba, eepal na naman 'yang maldita na 'yan!" inis na sabi ni Danica habang naglilinis kami.
May ginagamit kaming net na may mahabang tangkay para maalis ang mga dahon na nalaglag sa pool. Wala pa kasing bubong ang pool nila Sir Zeus, kaya nga kitang-kita ang pagkislap ng tubig na tinatamaan ng sikat ng araw.
"Baka may makarinig sa'yo," sabi ko naman kay Danica.
Lumapit naman siya sa'kin para mahinaan niya ang boses niya at magka-usap pa rin kami.
"Alam mo, pakiramdam ko talaga, napipilitan lang si Sir Zeus kay Marquita. E, pa'no ba naman kasi! Panay ang tulak ni Ma'am Helen sa kanya!"
Napakunot ang noo ko at saglit na tinignan si Danica.
"Pati ba naman si Ma'am Helen, idadamay mo?" tanong ko sa kanya.
"E, 'di ba nga, sa dating GF ni Sir Apollo, pinilit lang din siya ni Ma'am Helen. Baka gano'n talaga ang ugali ni Ma'am?" paliwanag sa akin ni Danica. "Madalas kong napapanood 'yan sa mga drama, e!"
"At ikinumpara mo na naman ang totoong buhay sa gawa-gawa lang," sabi ko at napangiwi.
Napanguso naman siya. "Minsan naman kasi nangyayari talaga sa totoong buhay 'yung mga 'yon."
"Hayaan mo na nga lang sila," sabi ko na lang.
"Suko ka na ba talaga kay Sir Zeus?" tanong niya sabay ngisi.
Saglit ko siyang tinignan, pagkatapos ay napabuntong-hininga ako. "Maglinis na nga lang tayo."
"Ay gano'n? Tamang iwas lang?" sabi pa niya. "Dapat 'di na natin nililinis 'to, e. Hayaan nating maglubalob dito sa maruming pool 'yong maldita na 'yon!"
Hindi ko nalang siya pinansin. Siguro nga, nagkaroon ako ng kaunting pag-asa noong nagkausap kami ni Sir Zeus. Pero naisip ko rin na hanggang doon nalang 'yon, e. Magkausap man kami ni Sir Zeus, hindi pa rin noon mababago ang katotohanan na amo ko siya at katulong lang ako.
Katulad ng inaasahan namin, halos kakatapos lang ng tanghalian ay dumating dito si Marquita. Nakasuot siya ng asul na bikini. Napagkalaman ko pa nga 'yong sando, e. Pero ang sabi sa'kin ni Monet ay bikini raw 'yon. Tinernuhan naman niya 'yon ng maong na shorts na sa totoo lang ay sobrang iksi.
Nang dumating siya dito ay nakasuot pa siya ng shades na akala mo naman ay bakasyonista sa isang isla.
Maganda siya, pero ayoko na lang siyang tignan. Naiinis ako sa tuwing nakikita ko siya. Naaalala ko pa rin kung paano niya ako hinamak noon. At simula noon, wala na akong nakikita sa ngiti niya kung hindi isang ngiting mapang-asar.
"Kung nakita mo lang talaga kanina? Naku! Ang harot ng babaeng 'yon!" sabi ni Danica sa akin.
Siya kasi ang nautusan kanina na maglabas ng tuwalya para kay Sir Zeus at kay Marquita. Ngayon ay nandito kami sa kusina at nagpapahinga. Medyo mainit kasi sa kwarto namin, kasi walang aircon doon. Kaya dito talaga kami madalas.
"Sino ang maharot?"
Nagkagulatan pa kami nang dumating si Ate Bella.
"Ay, naku! Wala po, Ate!" kaagad na sabi ni Danica. "Ano lang po 'yon—'yung kontrabida po sa Hamakin Man Ang Mundo!"
"Ah! Nanonood ka rin pala no'n?" tuwang tanong naman no Ate Bella. Naku, mukhang magkakasundo pa yata sila dahil sa teleserye.
"Ay oo naman po! Idol na idol ko po si Mercedes, e!" sagot ni Danica. "Kaya lang po, e, may trabaho na po tayo, e."
"Ay nako, kapag hapon, pwede naman tayong gumamit ng TV d'yan, kung walang nanonod," sabi pa ni Ate Bella.
"Talaga po?" Nagningning pa ang mga mata ni Danica. Napailing nalang ako.
"Ay oo!" sagot ni Ate Bella. Maya-maya naman ay naalala ang pakay niya. "Ay, nagpapagawa nga pala ng juice si Sir Zeus."
"Ah, s-sige po," sagot ko.
"Pasensya na ah? E, nag-aayos ako ng mga kwarto, e," sabi naman niya sa amin.
"Okay lang, Ate Bella. Kaya na ni Maureen 'to—este namin ni Maureen po," sabi naman ni Danica.
Tinignan ko naman siya nang masama dahil sa sinabi niya. Naku talaga! Mapapahamak talaga ako dahil sa babaeng 'to!
"Ah—oh, sige. Kayo nang bahala ah?" sabi pa ni Ate Bella.
Tumango-tango naman kami ni Danica bilang sagot. Nagtuloy-tuloy naman na si Ate Bella noon sa itaas.
"Oh, Maureen, tutulungan kitang magtimpla ah? Pero, ikaw ang magdala. Dapat umepal ka rin!" sabi sa'kin ni Danica.
"Ayan ka na naman, e," sabi ko naman sa kanya.
"Syempre! Kampi ako sa'yo 'no!" sabi pa niya.
"Sus! Matatalo ka lang kung sa'kin ka pupusta," sabi ko naman sa kanya sabay iling.
"Ang hina ng loob mo kahit kelan!" inis na sabi niya.
Natapos naman na siya no'n sa paghahalo ng juice. Nagsalin naman siya ng juice sa dalawang babasaging baso. Lumapit naman ako sa kanya para ilagay ang mga 'yon sa isang tray.
"Oh, kita mo. Ayaw daw, pero gagawin din naman," sabi pa niya sabay ngisi.
Napangiti nalang din ako. "Syempre, trabaho natin 'to, e."
"Sus," sabi naman niya.
Hindi na niya ako sinundan pa. Bukas na rin naman na ang pintuan patungo sa pool, kaya dire-diretso lang ako. Pero, ilang sandali pa ay dinig na dinig ang pagkabasag ng baso na naihulog ko sa sahig.
Hindi ko kasi napigilan ang magulat at ang halo-halo kong emosyon nang. . .
Nang makita kong kahalikan ni Sir Zeus si Marquita!
Itutuloy. . .