webnovel

Kabanata 4

k a b a n a t a  4

"Natutuwa ako at pumayag kayo sa gusto ko," nakangiting sambit ni Ma'am Helen nang pagbalik namin sa mansyon ay may dala-dala na kaming mga gamit namin.

"Thank you po, Ma'am Helen," sabi naman ni Junard.

"Ang bait-bait niyo po," si Danica naman.

"Oo nga po," sang-ayon ko naman.

"Wala 'yon, ano ba kayo?" Natutuwang sabi naman ni Ma'am Helen. "Dapat ay sa anak ko kayo magpasalamat. Siya ang nakaisip nito."

Napakunot ang noo ko. Mabuti nalang at hindi nila napansin. Anak? Sino kaya sa dalawang anak niya ang nagmungkahi nito? Kung si Apollo ay hindi na 'yon nakapagtataka dahil mabait siya kahit papaano. Ngunit hindi ko maintindihan kung bakit tila umaasa akong si Zeus iyon. Kahit papaano'y tinuturing ko paring kabaitan ang ginawa niya sa akin noon.

Natigil ako sa pag-iisip nang marinig kong nagsalita ulit si Ma'am Helen.

"Manang, pakita mo na sa kanila ang kwarto nila," utos niya kay Manang Guada.

"Opo, Ma'am," sabi ni Manang Guada.

"Oh, siya, aalis na ako ah. Kayo na'ng bahala rito," sabi naman niya sa amin at umalis na para pumasok sa trabaho niya.

"Hali kayo dito. Sundan niyo ako," utos naman sa amin ni Manang Guada. Nagsisunuran naman kami sa kanya. Dinala niya kami sa isang kwarto na malapit sa kusina.

Pinsadahan ko ng tingin ang buong kwarto. Kumpara sa kwarto nila Ma'am Helen at nina Sir Zeus at Sir Apollo, may kaliitan ito. May dalawang double deck na magkaharap. May mesa sa gitna at may cabinet sa gilid. Parang dinisenyo lang talaga para maging tulugan ng mga katulong.

"Pasensya na kayo't heto lang ang meron dito," sambit ni Manang Guada. "Dati'y tig-iisa sila ng higaan. Pero ngayon, bahala nalang kayong maghati."

"Okay lang naman po, Manang," sabi ko naman.

"Dapat lang," tugon ni Manang Guada na para bang may bahid ng pagpapaalala. "Hindi porket kasama na natin silang nakatira dito sa mansyon ay iisipin na nating malapit tayo sa kanila."

"Naiintindihan po namin, Manang Guada," mahinang sambit ni Danica.

"Tandaan niyo, mga katulong lang tayo dito," dagdag pa ni Manang Guada na puno pa rin ng diin.

"Opo, Manang," sabi ko naman sabay ngiti.

"Oh sige," sabi niya. "Kumilos na kayo't magbihis na."

"O-Opo," kaagad na sagot namin.

"Junard, Jacob, sumunod kayo sa'kin," utos naman niya sa dalawang lalaki na iba ang kwarto.

"Ang sungit din ni Manang Guada ano?" bulong sa akin ni Danica.

"Nagpapa-alala lang siya, Danica," sabi ko naman.

"Kahit na. Mas masungit pa yata siya kay Ma'am Helen, e," giit pa niya.

"Hayaan mo na," sabi ko naman. Hindi ko naman na siya narinig pang magsalita. Tanging mga tunog na nagagawa lamang ng paggalaw namin ang naririnig.

* * *

Katanghalian ay may isang bisitang dumating. Namukhaan ko naman siya dahil talagang hindi kalimot-limot ang kanyang mala-anghel na mukha. Nga lang ay hindi ko na tanda ang pangalan niya. Pero siya 'yong babaeng nakapagpangiti kay Zeus noong gabing iyon.

"Ma'am Marquita," bati sa kanya ni Manang Guada.

"Hi, Manang," ngiti naman niya sa matanda. Simpleng puting blusa at paldang medyo may kaiksian lamang ang ang suot niya ngayon.

"Si Sir Zeus po ba?" tanong ni Manang Guada.

"Opo," sagot nito. "Is he here?"

"Ay, opo! Sandali, ipapatawag ko," sabi ni Manang at tumingin-tingin sa paligid. Sakto naman at nakita niya ako. "Maureen, ay, makitawag nga si Sir."

"Ah, o-opo.  Tatawagin ko," tugon ko at nagmadaling umakyat patungo sa kwarto ni Sir Zeus. Magkatabi lamang ang kwarto ni Sir Apollo at ni Sir Zeus. Si kaliwa ang kay Sir Apollo at kanan naman ang kay Sir Zeus.

Kumatok ako ng tatlong beses at saka ko siya tinawag. "Sir, may bisita po kayo."

Naghintay ako nang ilang sandali ngunit walang sumasagot. Napagpasyahan kong kumatok pa muli ng tatlong beses. Mas malakas kaysa sa nauna.

"Sir! May bisita po kayo!" Mas nilakasan ko pa ang pagsigaw ko. Ngunit makalipas ang ilang sandali'y hindi pa rin niya ako pinagbubuksan ng pinto.

Sinubukan kong pihitin ang door knob at natuklasan kong bukas naman pala iyon. Unti-unti ko 'yong binuksan at sinilip ang loob. Wala akong nakikita kung hindi ang kaunting bahagi ng higaan niya.

"Sir Zeus?" pagtawag ko sa pagbabakasakaling may sasagot. Ngunit wala pa rin. Kaya, minabuti ko nang pumasok.

Nakita ko siyang nakahiga sa higaan niya at mahimbing na natutulog. Natigilan ako noong una, ngunit may kung ano sa akin na nagtulak na lumapit sa kanya. Pinagmasdan ko ang maamo niyang mukha habang natutulog siya. Kung madalas na masungit siya kapag gising, mukha naman siyang anghel kapag tulog.

Hay, ano ba talaga itong nararamdaman ko? Bakit parang unti-unti yata akong nahuhumaling sa anak ng amo ko? Hindi ba at sabi ko kay Itay ay nagtrabaho ako rito para sa pangarap kong makapag-aral?

"Zeus?"

Naalarma ako nang marinig ko ang tinig nang babaeng naghahanap sa kanya. Kaagad akong napalayo sa kanya. Lalabas na sana ako nang biglang pumasok ang babae sa pintuan ng kwarto, na naiwan ko palang bukas.

"What happened?" tanong niya sa akin, pagkatapos ay lumipat ang paningin niya kay Zeus. "Oh, he's asleep."

"H-Hindi ko po siya ginising dahil—" Hindi na niya ako pinatapos.

"It's okay. Iwan mo nalang kami dito," sabi niya sa akin sabay ngiti. Nanatili naman akong nakatayo roon. Ewan ko ba at bakit parang ayaw kong iwan si Sir Zeus na kasama siya.

"Are you deaf or sadyang tanga ka lang? I said leave," inis na sabi niya sa akin. Saglit akong natigilan dahil sa gulat. Nang matauhan ako'y dali-dali akong umalis.

Sa likod pala ng mala-anghel niyang mukha ay may napakapangit siyang ugali. Ganoon ba talaga ang mga mayayaman? Kaya siguro sila nagkasundo ni Zeus ay dahil parehas silang nangmamaliit.

Minabuti ko na lamang na bumaba at ipagpatuloy ang mga gawain ko. Mabuti at hindi ang babaeng 'yon ang naging amo ko. Kung hindi ay unang araw palang siguro ay titigil na ako sa pagtatrabaho.

Nang gabi na'y naikwento ko iyon kay Danica. Magkatabi kaming natutulog sa ibabang bahagi ng double deck.

"Marquita De Guzman? Kilala talagang masama ang ugali niyan," sabi niya sa akin. Nakalimutan kong marami nga palang kilalang personalidad ito dito sa amin.

"Kaya siguro sila naging magkasundo noong Zeus," sabi ko naman.

"Ano ba 'yang pinag-uusapan niyo d'yan?" tanong naman sa amin ni Ate Regine. Mas matanda siya sa amin ng ilang taon.

"Iyong si Marquita po, Ate Regine," sagot ni Danica.

"Ma'am Marquita," pagdidiin naman ni Ate Bella.

"Bakit niyo naman napag-usapan si Ma'am Marquita?" tanong pa ni Ate Regine.

Napatingin naman ako sa taas ng double deck nila Ate Regine. Mukhang natutulog na si Ate Tina at ganoon din si Monet na nasa taas naman ng double deck namin.

"Ito kasing si Maureen, nasungitan daw niya." Si Danica na ang sumagot para sa akin.

"Hay naku, talagang masungit 'yan," puno ng inis na sabi ni Ate Regine.

"Girlfriend ba siya ni Sir Zeus?" tanong naman ni Danica.

"Bakit mo naman naitanong?" tanong naman ni Ate Bella sa kanya.

"Gusto ko lang pong malaman, Ate," malumanay na sagot ni Danica. "Ate Bella, 'wag ka pong masyadong sumama kay Manang Guada. Nahahawa po kayo ng kasungitan."

"Danica!" suway ko naman sa kanya. Tumingin naman ako kay Ate Bella. Para akong napapahiya ngayon. "Pasensya ka na, Ate."

"Ayos lang," sabi ni Ate Bella at tipid na ngumiti. "Ang alam ko ay magkaibigan sila noon pang mga bata sila. Si Marquita, si Zeus at si Blake."

"Ah. Kaya pala." Napatango-tango si Danica.

"Kung nagkakagusto kayo sa isa man sa mga anak ni Ma'am Helen, 'wag niyo nang pangarapin," sabi naman ni Ate Regine sa amin. Napabuntong-hininga pa siya bago magpatuloy. "Mga bituin sila. Mahirap. Abutin."

Natahimik nalang ako. Ang alam ko'y wala naman akong paghanga sa ni isa man sa kanila, ngunit bakit parang natatamaan ako sa mga sinabing 'yon ni Ate Regine? Hindi ko rin sigurado sa sarili ko kung talaga nga bang wala akong pagtingin kay Sir Zeus.

Isinantabi ko ang mga iniisip kong 'yon. Hindi ito pwede. Ito ang pinaka-iniiwasan ko sa lahat.

* * *

Kinabukasan, nagulat naman kami dahil maagang gumising si Zeus. Kadalasan kasi'y katanghalian na siya bumababa at kumakain. Pero ngayo'y naabutan niyang kumakain sina Sir Apollo at si Ma'am Helen.

"Oh, Zeus, maganda yata ang gising mo ngayon, a?" nakangiting puna sa kanya ni Ma'am Helen. Kitang-kita ko sa kanya ang labis na kasiyahan. Mula nang umuwi rito ang magkapatid ay ngayon lang yata nila makakasalo sa hapag-kainan si Sir Zeus.

"Medyo," tipid na sagot ni Zeus sabay upo sa upuan niya. Kahit ganoon ang naging sagot ay halata pa rin ang saya sa kanyang mukha.

Nakakapanibago naman. Kadalasan ay halos ayaw na nga niyang lumabas sa kwarto niya. Ganito ba talaga ang epekto ni Marquita sa kanya? Pero bakit ganoon ang epekto sa akin? Bakit parang nakakaramdam ako ng inis sa babaeng 'yon? Siguro dahil lang sa sinabi niya sa akin kahapon.

"You should always wake up early," wika ni Sir Apollo pagkatapos ay bahagyang tumigil para nguyain ang kinakain. "Para naman nagkakasama-sama tayo."

"Oo nga naman, Zeus," sang-ayon pa ni Ma'am Helen. Uminom siya ng juice bago magpatuloy. "Or should I tell Marquita that she must go here more frequently?"

Nagtawanan sina Sir Apollo at si Ma'am Helen doon. Si Zeus naman ay napatigil at tila nag-iba ang timpla. Hula ko ay ayaw niyang pag-usapan ang bagay na iyon.

"Let's just eat, Mom," malamig niyang sabi. Nakangisi pa rin naman si Ma'am Helen.

"Aww, my baby boy is being shy," tudyo pa ni Ma'am Helen.

"Mom, hindi na 'ko bata," inis namang sabi ni Zeus.

"I'm sorry, Son, I just missed you," sabi naman ni Ma'am Helen sa kanya.

"Papasok na kayo sa work?" Iyon ang naging tugon ni Zeus. Tumango-tango naman si Ma'am Helen.

"May lakad ako," dagdag pa ni Zeus.

"Alright. Just take care, okay?" bilin ni Ma'am Helen. Sakto at tapos na siyang kumain noon. Nagpunas pa siya ng bibig bago tumayo. "I'm sorry, I have to leave."

Lumapit siya sa dalawa niyang anak at niyakap ang mga ito. Pagkatapos ay nagtungo sa sala, kung saan naroon ang bag niya. "Goodbye, Sons!"

Siniko naman ako ni Monet. "Ligpitin mo na 'yung kinainan ni Ma'am."

"Ha? B-Ba't ako?" takang tanong ko.

"Kayo oh," naiiling na sabi ni Ate Regine. "Pare-parehas lang tayong katulong dito, magtuturuan pa kayo."

Natauhan naman ako doon kaya't unti-unti na akong lumapit sa mesa at iniligpit ang pinggan na pinagkainan ni Ma'am Helen. Ayoko sanang ako ang gumawa nito dahil kinakabahan ako sa presensya ni Sir Zeus. Mas lalo pa akong nailang nang mula sa gilid ng mga mata ko'y nakita kong nakatingin sa akin si Sir Apollo.

"So, sa'n ka na nagwowork ngayon?" tanong ni Sir Zeus sa kuya niya. Tahimik ko namang inilagay sa banggera ang pinggan ni Ma'am.

Seryoso ba si Sir Zeus sa tanong niya? Kapatid niya itong si Sir Apollo, pero wala siyang kaalam-alam sa buhay nito?

"Sa Quality Life din, but different branch," sagot ni Sir Apollo nang bawiin ang tingin sa akin. Minabuti ko na ring bumalik sa pwesto namin.

"Bank teller?" tanong pa ni Zeus. Tumango-tango naman si Apollo bilang sagot.

"But I was planning to start my own business. A club or a restobar, maybe?" dagdag pa niya. "Mag-iipon lang ako."

"Why don't you ask Mom?" tanong pa ni Zeus sa kanya.

"I want to do it myself. I'm old enough naman na," sagot naman ni Apollo. Tumango-tango nalang si Zeus.

Sa narinig kong usapan na 'yon ay nahusgahan kong masipag pala siya. Iyong taong masipag na hindi umaasa sa iba. Sa dami ng pera nila ay siguradong ngayon palang ay makakapagpatayo na siya ng negosyo, ngunit mas pinipiling mag-ipon.

"I also have to leave," sambit ni Apollo, pero bago makalayo ay may sinabi pa siya kay Zeus. "Ikamusta mo nalang ako sa mga kaibigan mo."

Tumango lang ulit si Zeus. Siniko na naman ako ni Monet, kaya't alam ko na ang gagawin. Lumapit na ako sa mesa kahit pa nandoon si Sir Apollo. Nakakailang. Lalo pa nang kuhanin niya ang plato niya't siya ang nag-abot sa akin.

Iniwasan ko na ang mapatingin sa kanya dahil ayokong makita ang ekspresyon niya. Ayoko ring magtama ang aming mga mata. Hindi ko alam kung bakit may kung ano sa mga tingin na ibinibigay niya sa akin. Kung ano man ang iniisip ko roon ay ayoko noon. . .

Itutuloy. . .

Nächstes Kapitel