webnovel

Aimee (Part 5)

Part Five

HINDI KO NAMAN DINI-DENY ang nangyari sa pagitan naming dalawa ni John. Sariwang-sariwa pa sa aking isipan ang mga naging kaganapan kagabi. Pero ang hindi ko matanggap ay kung bakit kailangan pang may video scandal na lumabas? Sino? Sino ang kumuha ng video at nagkalat nito? Sa dami ng bisitang naroroon kagabi at nakasalamuha ko ay hindi ko alam kung sino sa kanila ang posibleng gumawa nito sa akin? Ano ba ito? Pinagplanuhan? Pinagkaisahan ba nila ako? Pero sino naman sa kanila? May dapat ba akong pagbuntungan ng sisi sa mga nangyari? Hindi ko alam. Gulong-gulo ang isipan ko.

Natigilan ako sa pag-iisip nang biglang bumukas ang pintuan sa opisina ni Miss Barbara. At bumungad sa akin ang galit na galit na mukha ni Ma'am Juliet. Kaagad rin niya akong sinalubong ng malutong na sampal. Mabuti na lang, naging maagap si Miss Barbara para umawat.

"How dare you!" galit na galit niya akong pinagduduro na para bang kayang-kaya niya akong kainin ng buhay, "Ang kapal ng mukha mo! Kung alam ko lang na nag-aalaga ako ng higad sa loob ng pamamahay ko, matagal ko na sana kayong pinalayas!"

"Ma, enough!" awat na ni John na hindi ko namalayan na naroroon na rin pala. Nagtama ang paningin naming dalawa pero ako ang kaagad na umiwas. Ayokong ipakita sa kanila na umiiyak ako pero hindi ko maiwasan ang makadama ng matinding pagkahiya. Pinapanalangin ko na lang na sana ay lamunin na lang ako ng lupa, at bigla na lang akong mawala sa kanilang harapan.

"Misis, pag-usapan po natin ito ng maayos…" paki-usap ni Miss Barbara, at aktong may sasabihin pa sana ito nang muling bumukas ang pintuan.

Bumungad sa aking paningin ang hindi maipintang mukha ni Nanay. At halos tunawin niya ako sa pamamagitan ng kanyang mga tingin. Pero hindi katulad ni Ma'am Juliet, naging tahimik lang siya. Siya ang sumalo sa mga masasakit na salitang lumalabas sa matalas na bibig ng aming amo. At dahil na rin sa katayuan namin sa buhay, wala kaming ibang magawa kungdi tanggapin ang mga paratang nila. Masakit para sa akin ang makitang ganoon ang aking Ina. Sa aming dalawa, siya ang labis na nasasaktan sa mga nangyayari.

"Ayoko nang makita ang pagmumukha ninyong mag-iina sa pamamahay ko. Sobra-sobra na kahihiyang binigay ninyo sa aking pamilya! Huwag kayong mag-alala, hindi naman kami ganoong kasama para palayasin kayo na walang laman ang inyong bulsa! Pero nakikiusap ako, hangga't maaari. Huwag na huwag na kayong magpapakita sa amin!" ito ang mga huling sinabi ni Ma'am Juliet sa aking Ina na siyang kaagad naming sinunod.

Nang araw ding iyon ay nagsimula na kaming mag-impake. Pero pare-pareho kaming natigilan nang matagpuan ni Jaime ang pregnancy result na tinatago-tago ko sa aming maliit na dura box.

"Ate, buntis ka?!" gulat na pinakita sa akin ni Jaime ang mga papel na hawak niya.

Natigilan ako. At lihim akong napamura nang makalimutan ko ang tungkol roon. Aktong aagawin ko na sana ang mga iyon sa kamay ni Jaime nang bigla akong maunahan ni Nanay. Halos hindi ako makagalaw sa kinalalagyan ko habang pinagmamasdan ko ang reaksyon ng kanyang mukha.

"Ano 'to?" nakakunot ang mga noong tanong sa akin ni Nanay, "Huwag mong sabihing thesis mo ito?"

"H-hindi po, 'Nay!" tugon ko sabay ang pag-iling.

"Nalintakan na!" bulaslas niya, at nagpalakad-lakad na siya sa loob ng maliit naming kuwarto, "Matagal na ba kayong may relasyon ni John?"

Umiiyak akong umiling ulit sa kanya.

"Kakausapin ko ang magulang niya, hindi p'wede—" aktong papalabas na sana siya ng kuwarto namin nang mabilis ko siyang pinigilan.

"Nay, h-hindi po si John…" pag-amin ko, "…si…s-si Jim po! S-si po Jim ang nakabuntis sa akin!"

"A-ano'ng sabi mo?!" nanlaki ang mga mata niya. At halos hindi siya makapaniwala sa kanyang mga narinig. Ilang segundo niya akong mariin na tinitigan na para bang pilit niyang inuunawa ang mga huling salitang lumabas sa aking bibig. Ilang saglit pa, malakas na sampal na ang binigyan niya sakin sanhi ng pagkakasubsob ako sa sahig.

"Ate?!" Madali naman akong sinaklolohan ni Jaime.

               

"Ano'ng pang kalokohang ginawa mo?!" Singhal na ni Nanay, at para na rin siyang sasapian ng kung anong masamang espiritu, "Napanuod ng dalawang mata ko ang video n'yo ni John. Tapos sasabihin mong buntis ka, at si Jim ang ama?"

"M-matagal na po kaming may realsyon ni Jim," umiiyak ko pa ring pag-amin, "Siya po talaga ang boyfriend ko! S-siya po talaga ang mahal ko!"

"Alam mo ba ang mga pinagsasabi mo? Magkapatid 'yun! Aimee! Magkapatid! Kahit saang anggolo, ikaw ang mali!" nanginginig na sigaw pa rin ni Nanay at pulang-pula na ang kanyang mukha dahil sa sobrang galit, "Hindi kita ganyan pinalaki! Napakatalino mo pero hindi ko akalain na ganyan ka katanga!"

               

Sinimulan muli niya akong sugurin. Sa pagkakataong iyon, naramdaman ko na ang pagpalupot ng mga nagagalit niyang kamay sa mahahabang hibla ng buhok ko. At dahil na rin sa lakas ng sigawan naming mag-iina ay sumaklolo na sa amin ang tatlo pang kasambahay ng mga Ramos.

               

"Nay, tama na po!" umiiyak na ring awat ni Jaime sa amin.

               

Pero sa isang iglap ay biglang kaming sinakop ng katahimikan na siyang pare-parehas naming pinagtaka. Naramdaman ko na ring lumuwag ang pagkakasabunot ni Nanay sa akin.  At nang mapatingin kami sa mukha niya ay ganoon na lang ang laking-gulat namin. Nakita naming lahat kung papaanong tumirik ang kanyang mga mata. At halos pare-parehas rin kaming nataranta nang magsimulang mangisay siya sa aming harapan.

"N-nay! Nanay!" natatarantang kong tawag sa kanya.

"Nay!" umiiyak na ring sambit ni Jaime.

"Tawagin n'yo si Mang Gener!" sigaw ng isa sa mga kasamabahay na ang tinutukoy nito ay ang family driver ng mga Ramos.

Mabilis na kumilos ang lahat.

Sa tulong ng mga kasama namin sa bahay, naisugod namin sa pinakamalapit na hospital si Nanay. Ang buong akala ko ay magagawa pa naming masagip ang kanyang buhay pero death-on-arrival na siya. Cardiac arrest o atake sa puso ang sanhi ng pagkakamatay niya. Walang sinuman sa amin ni Jaime ang nakakaalam na matagal na palang siyang may dinaramdam na sakit pero nagawa nitong ilihim sa amin.

Pakiramdam ko ay biglang gumuho ang mundo ko. Sa isang iglap lang, binawi ng D'yos ang lahat sa akin. Hindi ko tuloy maiwasan na itanong sa aking sarili kung may nagawa ba akong malaking pagkakasala kaya pinaparusahan niya ako ng ganito? Kinuha niya ang taong pinakamamahal ko, iyon ang aking ina. Alam kong wala namang ibang dapat sisihin sa mga pangyayari kungdi ako lang.

Napakawalang kwenta kong anak!

"Paano na tayo ngayon, Ate?" umiiyak na tanong sa akin ni Jaime habang kapwa kami natayo sa harapan ng morgue.

"Hindi ko alam?" naguguluhan akong umiling sa kanya.

Muling umiyak si Jaime. Dahil sa matinding konsensyang nararamdaman ko, 'ni hindi ko magawang hawakan siya. Hindi ko alam kung papaano ko papawiin ang kalungkutan at pangungulila niya.

Napahawak na lang ako sa aking ulo. Pakiramdam ko kasi ay sasabog na ang utak ko kakaisip kung ano ba ang susunod na hakbang namin. Wala kasi ibang sumasagi sa isipan ko sa mga sandaling iyon kungdi ang sumunod kay Nanay.

At kitilin ang sarili kong buhay.

ITUTULOY….

 

----------♥♥♥♥♥♥♥♥♥♥----------

AUTHOR'S NOTE:

 

Kilala ang pangalawang tauhan sa kwentong. Ano ang tunay na kaugnayan niya sa unang tauhan na si Aimee? Handa ba niyang isiwalat ang lihim na itinatago niya? Handa ba siyang sumagal sa nakaabang na hamon ng hindi kilalang tao? Anong hamon ito? At kung sino siya? Abangan!

 

Please, LIKE, SHARE and Follow Me!!!

INSTAGRAM: @jackietejerostories

YOUTUBE: @jackietejero

BOOKLAT: @jackietejero

WATTPAD: @jackie_tejero

Maaari nyo ring mabasa ang "Yearbook" at "Horror Short Stories Compilation" ko sa Webnovel...

Stay Safe and Stay Healthy po tayong lahat! At labanan natin ang kumakalat na virus ngayon! Always Pray!

HAPPY READING PO!!!

----------♥♥♥♥♥♥♥♥♥♥----------

DATE PUBLISHED: April 14, 2020