Maraming bata ang umiiyak sa paligid niya. Pare-pareho ng sinisigaw, hinahanap ang kanilang mga magulang. Umiyak na rin siya.
Lumapit sa kaniya ang isang babae. Hinawakan siya nito sa buhok at kinaladkad papunta sa madilim na silid...
"Theo!"
Nagmulat si Theo ng mata at tumambad sa harap niya ang mukha ng isang babae. Napatayo siya at natulak ito sa kama. Huli na nang matauhan siya at makilala kung sino iyon dahil tuluyan nang natumba ang babae dahil sa ginawa niya.
"Ba't nandito ka?" tanong niya kay Rina saka mabilis na bumangon mula sa pagkakahiga.
"Narinig kasi kita na sumisigaw kaya nag-alala ako," sagot naman nito habang tumatayo. Pinagpag at inayos din nito ang nagusot na damit.
Kinusot niya ang bed sheet at yumuko. Napanaginipan niya na naman ang pangyayari noon. Gusto niya nang makalimutan ang bagay na iyon pero paulit-ulit iyong nagpapakita sa kaniyang panaginip.
Lumapit siya sa pintuan. "Labas," sabi niya bago binuksan nang malaki ang pinto. "Do not enter my room without my permission. Don't forget to knock," bilin niya na tinanguan naman ni Rina.
Nang tuluyan na itong makalabas ay padabog niyang sinara ang pinto. Umupo siya at napatingin sa salamin sa gilid niya kaya hindi sinasadyang mapansin na naman niya ang pilat sa kaliwang pisngi.
Nakuha niya ang peklat na iyon labing pitong taon na ang nakalipas. Ilang beses na siyang pinilit ng mga magulang na magpa-surgery pero siya ang tumatanggi. Ayaw niyang lumabas ng bahay. Ayaw niyang pumunta sa hospital o sa ibang bansa para maalis ang peklat dahil takot siya! Takot siyang harapin ang mundo sa labas ng mansion!
"Theo, kung nagugutom ka na...nakapagluto na ako ng pagkain."
Kahit pinagtabuyan na si Rina ni Theo sa kuwarto nito ay nanatili pa rin ito sa labas. Sa hindi malamang dahilan, may parte sa puso niya na naaawa siya sa lalaki.
Magkapareho silang nakasandal sa pinto at hinihintay ang sasabihin ng bawat isa.
"Sige," sagot ni Theo mula sa loob.
Humawak si Theo sa sintido. Naalala niya ang ina na dating nagluluto sa kaniya ng pagkain. Ang ina niya kasi ang madalas na nag-aasikaso sa kanya noong nangyari ang nakakatakot niyang nakaraan. Ito ang palagi niyang nakakasama noong bata pa siya pero simula nang mag-labing walong taon siya ay bibihira na rin itong dumalaw sa kaniya.
"Rina?" tanong niya. Nagbabakasakali na nasa labas pa ang babae. "Do you know the meaning of love?" Lumunok siya. Hindi niya alam kung bakit naisipan niyang itanong iyon sa babae. Gusto niya lang kasi talagang maunawaan kung ano ba talaga ang nararamdaman niya para sa ina.
Naghintay siya sa sagot nito ngunit walang nagsasalita, marahil nakaalis na ito.
Babalik na sana siya sa kama pero napahinto siya nang marinig muli ang boses ni Rina.
"Love is something to be treasured. Being loved and to love is a special gift from God. Hindi ka tao kung hindi ka marunong magmahal."
Bahagya siyang napangiti nang marinig si Rina. Nangangahulugan lang iyon na normal siya, dahil marunong siyang magmahal. He love his mother dahil sabik siyang makasama ito. Gusto niyang nasa piling niya lang ito palagi. Araw-araw niyang hinahanap ang pag-aasikaso nito sa kaniya dati. There is no doubt sa nararamdaman niya.
Alas dos na ng hapon nang magpasyang lumabas si Theo sa kuwarto. Napansin niyang may nabago sa bahay nila. Naging maaliwalas iyon sa paningin niya. Wala na ang mga alikabok at mga agiw na dati ay nandodoon.
Matapos kumain ay nagpunta siya sa silid kung saan niya iniipon ang mga mamahaling alak na pinapadala sa kaniya. Bukod sa pangongolekta ng iba't ibang uri ng alak ay nagbebenta rin siya sa online nito. Katulong niya ang pinsan sa online business na iyon. Ito ang nakikipagkita o kaya nagpapadala ng mga alak sa customer niya.
Naglagay siya ng lemonade sa baso na may lamang white wine. Naglagay din siya ng ice cubes at ng iba pang sangkap.
Dumating si Rina. May hawak itong walis at dustpan.
"Ba't nandito ka?" tanong niya. Tinitigan niya ang babae nang masama.
"Ah eh..." Nagpunas si Rina ng pawis sa noo. "Maglilinis lang sana ako rito."
"Go ahead. Basta wala ka lang babasagin na kahit ano."
Mahalaga para kay Theo ang mga alcoholic beverages na iniipon niya. Iyon na lang ang pinaka-libangan niya dahil palagi siyang nag-iisa sa loob ng bahay.
Marami siyang mga collections. Undistilled drinks—Beer, Wine, Sake. Distilled drinks—Gin, Whiskey, Brandy, Tequila, Vodka at marami pang iba. Mas marami ang collection niya ng mga high alcohol content katulad na lamang ng Liquor at Spirits. Dahil nag-iisa lang siya, ang paghahalo ng mga drinks ang kaniyang pinagkakaabalahan.
"May alam ka pala sa bartending," sabi ni Rina. Sinimulan na niyang magsalita dahil ang tahimik nilang dalawa.
"Yeah."
"Anong favorite mong drinks?" tanong muli ni Rina para humaba lang ang usapan nilang dalawa.
"White Wine Mojito, I guess." Tinungga ni Theo ang nasa baso niya. "And you?" balik na tanong niya sa babae.
Tumawa si Rina sabay kamot sa ulo. Wala siyang alam sa mga ganoong uri ng inumin. Ang alam niya lang siguro ay ang simpleng beer at wine. Wala siyang alam sa mga cocktail drinks o ano pa mang mixture ng iba't ibang alkohol.
"Wala akong alam diyan eh. Sa'n mo naman natutunan 'yan?" tanong muli ni Rina at nagpatuloy sa pagwawalis. Ayaw kasi niyang mawala sa momentum ang usapan nila. Tiyak na kapag naputol iyon ay mahihirapan na naman siyang magsimula ng topic.
"I enrolled in online bartending class. I also searched it and tried my own mixture."
"Ang galing mo naman."
Napatingin si Theo kay Rina. Unang beses niyang makarinig ng papuri mula sa ibang babae. Simula kasi noong bata siya, tanging ang ina lang niya ang pumupuri sa kaniya. He was satisfied and overwhelmed every time na makakarinig siya ng praises dito.
"Here, try this one." Inabot ni Theo ang ginawa niyang drinks.
Kinuha ni Rina ang baso na inabot ni Theo. Kulay puti ang kulay nito at punong-puno ng yelo.
"Ano ang tawag dito?"
"Margarita."
Tinikman ni Rina ang nasa wine glass. Ibang-iba iyon sa mga natikman niyang alcoholic beverages. Balanse ang lasa—tamis, pait, alat at asim. Hindi niya maitatangging masarap ang pagkakagawa ni Theo.
"Masarap," papuri ni Rina. "Puwede kang magtayo ng sarili mong bar." Binaba niya ang baso sa bar top pagkatapos ay nilibot ng tingin ang silid. Sabagay, mukha namang maliit na bar ang kuwarto kung nasaan sila. Mukhang pinag-isipan at pinasadya para magmukha talaga iyong bar.
Pumasok siya sa loob kung nasaan nakapuwesto si Theo at saka maingat na nagwalis dahil malapit siya sa bar wall kung nasaan nakalagay ang mga bote ng alcoholic drinks.
"Anak."
Dumating ang ina ni Theo sa loob, si Caridad.
Nagulat si Rina sa pagdating nito kaya hindi niya namalayan na sumagi na pala ang hawak niyang walis sa hilera ng mga bote. Sunod-sunod ang pagtumba ng mga bote sa pinakababa ng cabinet. Sunod-sunod din ang pagbagsak ng mga ito sa sahig.
Napakuyom si Theo habang nakatingin sa mga basag na bote sa sahig. Si Caridad naman ay napatakip sa bibig dahil sa nangyari.
"Alis!" sigaw ni Theo.
"Sorry," nanginginig na sabi ni Rina. Sinimulan niyang pulutin ang mga bubog pero nabitawan niya iyon nang sumigaw muli si Theo.
"Sabi ko, umalis ka!"
Nagdugo ang daliri ni Rina nang dumulas ang bubog sa kamay niya. "Sorry talaga."
"Theo, tama na. Mapapalitan 'yan." Lumapit si Caridad sa anak at hinawakan ito sa kamay. Kumalma naman si Theo at saka yumakap sa ina.
Niyakap din nang mahigpit ni Caridad ang anak. Masakit para sa kaniya na nakikita ang anak sa ganoong sitwasyon. Miserable. Ginawa na niya ang lahat para maka-recover ang anak mula sa trahedyang nangyari rito noon pero mukhang hindi pa rin iyon sapat.
Sinunod niya rin ang payo ng dati nitong psychiatrist na si Dr. Cabrera. Pinakita niya sa anak ang pagmamahal at pagsuporta niya rito pero walang nagbago. Tumatanggi pa rin itong lumabas sa mansion.
"Mom, bakit bihira ka na lang pumunta rito?" tanong ni Theo sa ina.
Nag-iwas ng tingin si Rina sa hita ng ina ni Theo. Tumaas kasi nang bahagya ang damit nito nang yakapin ang anak. Kung titingnan ay parang magkasintahan lang ang dalawa. Maliit lang ang ina ni Theo, mukhang bata, makinis at maputi pa. Lalo itong nagmukhang bagets dahil sa style ng pananamit nito. Sleeveless dress na maiksi kasi ang suot nito.
"Sorry anak, tinutulungan ko kasi ang daddy mo sa negosyo natin," sagot naman ni Caridad.
Naramdaman ni Caridad ang lalong paghigpit ng yakap ng anak. Gustuhin man niyang dalawin ito palagi ay hindi niya magawa dahil nahihirapan na ang daddy nito sa negosyo. Masiyado nang matanda ang asawa niya, hindi na nito kayang gawin ang mga bagay na nagagawa noon. May kung ano-anong sakit na rin itong iniinda sa katawan.
Pinahid ni Rina sa damit ang dugo sa daliri pagkataos ay sinimulang pulutin ang mga bubog sa sahig. Sasamantalahin niya na ang pagkakataon habang kalmado pa si Theo.
Lalabas na sana siya para kumuha ng mop pero napahinto siya nang magsalita muli ang ina ni Theo.
"'Nak, hanggang kailan ka magkukulong dito?"
Tumigil sandali si Rina sa gilid ng pintuan, curious siya sa tanong ng ina ni Theo. Nais niya ring marinig ang isasagot ni Theo rito.
"Forever." Inalis ni Theo ang pagkakayakap sa ina at tumalikod dito.
"Pero anak, paano kami? Ang negosyo natin?"
Hinampas ni Theo ang bar top na ikinagulat ni Rina. "I knew it! Sa una pa lang ay negosyo lang talaga ang iniisip ni Dad!"
"Pero Theo, matanda na ang Dad mo...kailangan niya ng makakatulong sa kaniya sa negosyo natin."
Malakas na hampas na naman ang narinig ni Rina kaya nagkibit-balikat na lamang siya. Tuluyan na siyang umalis para kumuha ng mop. Wala siyang maintindihan sa pinag-uusapan ng dalawa ngunit sigurado siyang parehong nasasaktan ang mag-ina.