webnovel

Kabanata - XVIII : True Love's Kiss

ISANG liwanag ang bumalot sa katawan ko kung nasaan ang kaluluwa ni Ate. Bumalik ito sa orihinal niyang katawan at nang magising siya nakahiga siya sa kama sa loob ng ospital pero ang katawan ko naman ang itinabi nila sa kabilang kama. Ang katawan kong walang kaluluwa. Nakita iyon lahat ni Ervine. Ngayon ang kaluluwa ni Ate Carmen ay ligtas na't malaya na sa sumpa.

"Natutuwa ako para sa kanilang dalawa, ang akala ko hindi na matatanggap ni ate ang pag-ibig ni Mr. Valdez para sa kanya!"

"Tama, nakita mo na—iyan ang kapangyarihan ng pag-ibig! Ngayon, dumako naman tayo sa 'yo, Charlotte! Tingin mo, bakit nandito ka pa rin? Dapat bumalik ka na sa dati mong katawan hindi ba?"

"Oo nga! B-bakit?"

"Heto ang iyong act of true love, Ervine! Pasok!" Sa isang pitik ng daliri kumislap ang katawan ni Switch.

Bigla siyang nawala sa paningin ko, isang liwanag ang lumitaw sa harap saka sumulpot si Ervine nakapamulsa't pulang-pula ang mukha. Hiyang-hiya siya sa kilos niya, bigla akong natawa sa kakatuwa niyang galaw.

"E-Ervine? Ayos ka lang ba?" natatawa kong litanya.

"Sira! Narito ako upang sunduin ka, b-bumalik kana sa orihinal mong katawan, hinihintay ka na nilang lahat… maging ako, sabik nang makasama ka…" Hindi mapakali ang mga mata ni Ervine, pasulyap-sulyap niya ako kung tingnan.

Lalo pa akong natawa sa mga kilos niyang nakakainlab, lumulukso ang puso ko sa tuwa kinikilig ang katawan ko sa tuwing pinagmamasdan siya, talagang nakakatuwa ang pagiging suplado ng hitsura niya.

"S-Salamat nga pala, ikaw ang nagligtas sa amin 'di ba?" pasasalamat ko.

"Walang ano man, t-tara!" sambit ni Ervine, nahihiya niyang inabot ang kamay niya sa harap ko, magiliw ko naman itong hinawakan.

Bigla niya akong hinatak palapit sa kanyang bisig, napapakamot siya sa ulo't hindi makatingin nang tuwid sa mukha ko. Halos magkalapit ang mukha naming dalawa, ako na ang kusang kumilos isang mahigpit na yakap ang ginawa ko, kinulong ko siya sa aking mga braso. Naramdaman kong ibinalik din niya ang yakap sa akin, dama ko ang lapad ng likod ni Ervine. Nang magkatinginan ang aming mga mukha, natawa kami sa hitsura namin pareho.

"Pulang-pula ang mukha mo, Charlotte!"

"I-Ikaw din naman, Ervine."

Lumiwanag ang paligid ay binalutan ng pulang liwanag na nagpapalibot sa aming dalawa. Hindi na ako nag-atubiling ibulong kay Ervine ang nadarama ko para sa kanya.

"E-Ervine, gusto kong malaman mo na—"

Bigla niyang tinakpan ang bibig ko gamit ang hintuturo niya't bumulong sa napakalambing at nakakakilig na tinig. "Shh… alam ko, hayaan mo munang iparamdam ko sa 'yo ang nadalaram ko, Charlotte!"

Bigla niyang nilapat ang labi niya sa labi ko, nagulat ako sa ginawa niyang paghalik sa akin. Kita ko ang nakapikit niyang mga mata, ang pintig ng puso niya'y rinig na rinig ko. Kakaibang pakiramdam ang bumalot sa aking katawan, pakiramdam ko'y kinukuryente ako.

Hindi ko napansin dahan-dahang pumipikit ang mga mata ko't sinabayan ang romantikong awra sa paligid. Hinayaan ko nang anurin ako ng kakaibang pakiramdam na ngayon ko lang nadama, ang pag-ibig ko para kay Ervine: tunay, dalisay at wagas na pagmamahal.

Nang alisin namin ang aming labi sa isa't isa, natawa kami na parang mga batang paslit.

"Sinabi ko na ito no'ng nawalan ka ng malay, sasabihin kong muli sa 'yo—mahal kita, Charlotte!"

Kasabay ng pag-amin ni Ervine, lumiwanag ang paligid isang nakakasilaw na liwanag ang tumama sa mga mata ko, napapikit akong yakap ni Ervine sa bisig niya.

Nang imulat ko ang mga mata ko, isang sigaw ang bumulalas sa paligid. "Charlotte! Sa wakas bumalik kana!!" Isang mahigpit na yakap ang bumulaga sa akin gawa ni Ate Carmen, alalang-alala siya sa hindi ko pagbalik sa katawan ko.

"A-Ate, masaya ako't nawala na ang sumpa sa atin! Nakabalik na tayo sa orihinal nating katawan, hindi na rin tayo alternate na magpapalit!" masaya kong balita kay Ate Carmen.

Sa wakas nakabalik ako galing sa kakaibang dimensyon na pinanggalingan ko. Ngayon malaya na kami ni ate sa sumpa ni Switch.

"Maligayang pagbabalik, Charlotte! Natutuwa akong makita kang ligtas, ang magiting na si Charlotte!" masayang bati ni Mr. Valdez, kaakbay si Ate Carmen.

Matapos namin makabawi ng lakas ni ate, umuwi rin kami sa bahay kasama ng mga taong nagmamahal sa amin ng tunay.

Nächstes Kapitel