STAY right there, Chynna Lee Versoza!" malakas na sigaw ni Toffer nang matiyempuhan siya nitong naglalakad paalis ng canteen dahil nakita niyang palapit ito sa kanya, na ilang araw niyang iniwasan. Napailing siya nang makita niyang halos lahat ng mga tao sa canteen ay napalingon sa kanilang dalawa ng binata.
Pero imbes na hintayin niya ito ay nagmamadali pa siyang naglakad para makalayo dito, ngunit huli na dahil nasa harapan na niya ito agad. Mabilis siyang nag-angat ng tingin sa mukha nitong noon ay walang kaemo-emosyon—hanggang sa unti-unting kumunot ang noo nito at nagkasalubong ang mga kilay.
"Are you trying to avoid me?" malamig na tanong nito.
Mabilis siyang nag-iwas ng tingin sa lalaki. Oo, iniiwasan niya talaga ito. Ang gusto kasi niya ay bigyan ito ng laya sa nararamdaman nito—wala na ang lolo nito, malaya na itong muling maramdaman ang damdamin na itabi nito para sundin ang pinakamamahal na lolo.
Hindi niya gustong gawin 'yon, pero ayaw niyang maging hadlang sa dalawa. Mabait at bagay na bagay sina Reneé at Toffer, kaya deserve ng mga ito ang second chance. Wala na siyang anumang sinabi sa binata, basta umiwas na lang siya dahil baka maiyak lang siya at pigilan itong sumaya kasama ng pinakamamahal na babae.
Naging parte na kasi ang binata sa buhay niya at hindi na niya alam kung paano uli sasaya nang hindi ito nakikita, nakakasama at nakakausap. Kaya nga naman bago pa ito unang magpaalam sa kanya ay inunahan na niya itong umalis. Masakit pero kakayanin niya! Malakas siya e, malakas siya! Weh?
"B-Busy lang ako sa pag-aaral, kaya hindi ko nasasagot ang mga tawag at text mo." Palusot niya.
"Pinuntahan kita sa bahay niyo at pinasabi mo din sa mama mo na busy ka sa pag-aaral,"
"Bakit? Hindi ba ako pwedeng maging studious kahit na hindi naman ako palaaral?"
"Wala akong sinabing ganyan," sagot nito, saka ito bumuga ng hangin. "I know and I feel that you're avoiding me."
"Hindi 'yan totoo!" palusot niya, saka niya nilagpasan ito ngunit mabilis itong nakaharang sa kanya. "May guitar lesson pa ako kay Emir, kaya excuse—"
"You're not going anywhere, Chynna Lee!" matatag na sabi nito. "Hindi ko man alam kung bakit mo ako iniiwasan at kung ano ang nagawa kong pagkakamali... I'm sorry." Pagpapakumbaba nito na ikinalobo ng puso niya—nagso-sorry ito sa hindi nito alam na kasalanan. Actually, wala naman talaga itong kasalanan—siya at ang kanyang puso ang may sala!
"W-Wala kang kasalanan sa akin Toffer, kaya huwag kang humingi ng sorry," aniya, "at hindi ka ba masaya na malaya ka na uli? Malaya mo nang magagawa ang mga gusto mo at malaya ka nang mahalin ang babaeng dapat mong mahalin."
Muling napakunot-noo ito. "What are you talking about?" nagtatakang tanong nito.
Napailing siya ng lihim at napabuga ng hangin. "I'm setting you free, Toffer. You can love Reneé again. Void na ang kasunduan na ito dahil wala na pareho ang mga lolo natin at hindi na natin kailangang sumunod pa, alam kong maiintidihan nila tayo at ako na rin mismo ang magpapaliwanag sa pamilya natin, kaya huwag ka nang mag-alala."
"What?" tumaas ang boses nito, kaya nahakot na nila ang atensyon ng mga tao sa loob ng canteen. Mabilis na hinawakan ni Toffer ang kanyang kamay at iginiya sa lugar na tanging sila lang ang naroon. "Are you doing this because of Emir? Do you really like him that much?"
"This is not about Emir—"
"Then what?" tanong nito, hindi niya alam pero biglang lumungkot ang mga mata nito. "Ang sabi mo sa akin hindi mo ako iiwan, na nandyan ka lang, pero bakit bigla ka nalang hindi nagpaparamdam sa akin? Alam mo ba na hindi ako nakakatulog sa kakaisip kung ano nga ba ang ginawa ko kung bakit mo ako nilalayuan."
Napayuko siya at natamaan sa sinabi nito. She did say that, pero... "Ginawa ko lang naman 'yon para hindi ka na mahirapan."
"Mahirapan? Saan?"
"Na humiwalay sa akin."
"Bakit ko kailangang humiwalay sa 'yo?"
"Dahil," nag-angat siya ng tingin sa lalaki at nasalubong niya ang malulungkot na mga mata nito. "Dahil gusto kitang sumaya at makitang masaya. Alam kong nagpigil ka nang damdamin dahil sa naging kasunduan ng mga lolo natin, kaya ngayon pinapalaya na kita. You can love Reneé, again. Pwede niyo nang balikan ang naudlot niyong pagmamahalan."
Napailing ito at saglit na tinitigan siya bago nagsalita. "I am no longer in love with Reneé, for Pete's sake, Chynna!" napahawak ito sa noo nito at napailing. "Nilayuan mo ako dahil sa pag-aakalang maaari pang maibalik ang lahat sa amin ni Reneé, dahil wala na si lolo at nawalan na nang bisa ang kasunduan?"
Dahan-dahan siyang tumango. "You silly girl!" anito, nagulat siya nang mabilis siyang kinabig ng binata at mabilis na ikinulong sa mga bisig nito. "You shocked the hell out of me!" anito, saka niya naramdamang hinalikan nito ang ulo niya. "Akala ko tuloy dahil wala na si lolo, sumama ka na sa lalaking mas gusto mong makasama—and that's Emir. Akala ko tuloy, hindi na kita mamayakap nang ganito. I was so sad when you weren't around, so, please stay beside me."
"Pero paano na kayo ni..."
Hinawakan ni Toffer ang magkabilang balikat niya para salubungin ang mga titig niya. "There's nothing going on between me and Reneé. We've already moved on—she already have moved on."
"Pero nakita ko kayong magkayakap sa harapan ng bahay niyo no'ng padasal kay Lolo Que, saka 'di ba siya pa nga 'yong wallpaper sa phone mo e?" nakalabi niyang tanong.
Umiling ito at tipid na ngumiti. "Pinuntahan niya ako sa bahay para iabot ang pakikidalamhati niya at ng pamilya niya sa pagpanaw ni lolo, there's no malice there. She was my first love and we've been together for more than a year, pero hindi dahil sa break up namin, hindi na kami pwedeng maging magkaibigan, we could still be friends and remain just friends," sagot nito sa kanya, saka muling napangiti. "And the girl on my wallpaper was... my mom, when she was at our age. I used to tease her with that photo." Napailing ito. "Ikaw nga dyan e, narinig ko ang usapan ng mga kaibigan mo tungkol sa inyo ni Emir, ang sabi nila magkasama daw kayo nitong mga nakaraang araw." Napasimangot ito.
Hindi tuloy niya napigilang mapangiti. "Nagpapaturo lang naman ako sa kanya mag-gitara at confident akong sumama sa kanya dahil nabura na ang nararamdaman ko sa kanya ng taong may hawak ngayon ng puso ko, and aside from that, gustong-gusto ka daw tini-tease ni Emir kapag magkasama tayo kasi ang bilis mo daw mapikon—ngayon ka lang daw kasi nagkagano'n, e." Nakangiting pagtatapat niya. "Why? Are you jealous?"
"Nagseselos ka rin naman kay Reneé, 'di ba?" ganti nito. Sabay silang tumango bilang kasagutan sa isa't isa. "You just have no idea how fast my heart races when I am with you. I feel like riding in a roler coaster." Napakamot ito ng ulo, nakita niyang biglang namula ang mukha nito, pero hindi ito nag-iwas ng mukha. "Masaya ako kapag nakikita kita, malungkot ako kapag hindi mo ako pinapansin, naiinis ako kapag may kasama kang ibang lalaki—lalo na si Emir na alam kong crush na crush mo, kaya ginagawa ko ang lahat para mapansin mo. Remember the first time we've encountered?" tanong nito na tinanguan niya. "Kilala na kita noon dahil nasabi ka na sa akin ni lolo, hinanap kita at sinubaybayan—hindi ko kasi alam kung ano'ng klaseng babae ang ipagkakasundo sa akin—pinag-aralan ko ang bawat kilos mo and later found out that you're a super fangirl of Emir." Pagtatapat nito na ikinagulat niya. "Nang makita kitang mabilis na tumatakbo para sundan ang pinsan ko, mabilis akong humarang para hindi ka makasunod sa kanya at maagaw ang atensyon mo—si Emir lang kasi ang nag-e-exist sa mundo mo, ni hindi ka na tumitingin sa ibang lalaki."