Halos mag-aapat na araw na simula ng makabalik si Gabriel ngunit hindi pa rin nababawasan ang katuwaan nina Ellie at Kris sa matagumpay na pagkuha niya ng gintong hibla ng buhok ng tikbalang. Hindi sila makapaniwala na tumakbo lamang ni Gabriel pauwi mula Pampanga. Sabik na sabik sila sa mga kwento nito kung paano niya ginamit ang Matampusa upang makita ang tikbalang, at kung paano niya ito pinabagsak ng mapagod sa katatakbo.
Hanggang si Gabriel na mismo ang nagsawa sa kakaulit ng kanyang mga kwento.
"Hay naku, ilang beses ko nang inulit yan di ba?"
"Sige na," patuloy na pangungulit ni Ellie. "Promise, last na 'to."
Tinitigan ni Gabriel ang babae at napabuntong-hininga.
"Ayoko nga," sabi ni Gabriel sabay takbo papalayo.
"H-Hoy, sandali!" tawag ni Ellie ngunit wala na si Gabriel. Tanging hangin na lamang ang kanyang kausap.
###
"Gabriel," tawag ni Bagwis kinaumagahan. "Siguro naman ay nakapagpahinga ka na. Wala na rin siguro ang mga pasa mo sa katawan."
Napatayo si Gabriel sa kinauupuan. "B-Bakit?"
"Wala naman. Mayroon lang tayong pupuntahan."
"Huwag mong sabihing may ipapagawa ka na naman sa akin?" tanong ni Gabriel. "Parang gusto mo na talaga akong mamatay, ano?"
"Ano bang pinagsasasabi mo?" pa-inosenteng tanong ni Bagwis. "Mayroon lang ako sa iyong ipapakuha. Huli na ito. At saka madali lamang ito."
Tinitigan ni Gabriel ang matanda ng may pagsususpetsa.
"Hindi ba't naituro na namin sa iyo ni Kris ang tungkol sa Mutya ng Saging?"
Napangiti si Gabriel. "Yun lang ba? Aba'y madali nga lang yun!"
"Kung gayon ay magbihis ka na."
"Teka, kailangan ko pa ba talagang isu-"
"Oo!"
###
Nakatayo sina Gabriel sa harap ng isang puno ng saging na nasa gitna ng isang malawak na bukirin. Tanging ang punong iyon lamang ang makikita sa lugar na iyon.
"Natatandaan mo pa ba kung ano ang gagawin mo?" tanong ni Bagwis.
"Oo naman," nakangiting sagot ni Gabriel. "Hindi ba't aantayin ko lang na may mahulog mula sa puso ng saging. Tapos kailangan ko iyong saluhin ng bibig ko."
"Tama."
Iginala si Gabriel ang kanyang mga mata sa paligid. "Teka, bakit ba sa lawak ng lupang ito, tanging isang puno lang ng saging ang meron dito?"
Napabuntong-hininga ang matanda. "Ang lupang ito ay pag-aari ng mga Datu. Sa buong Luzon, tanging ang punong ito na lamang ang nagbibigay ng Mutya. Kaya't binili ng mga Datu noon ang lupaing ito upang mapangalagaan ang punong ito.
"Aaaahhh...""
"Buweno," sabi ni Bagwis sabay talikod," magkita na lamang tayo sa Mansyon.
"Walang problema." Hinarap ni Gabriel ang puno at tinitigan ang puso ng saging.
"Oo nga pala," biglang sabi ni Bagwis, "may nakalimutan akong sabihin sa iyo."
Muling nilingon ni Gabriel ang matanda na tumigil sa paglalakad.
"Oras na masalo mo ang Mutya, mayroong lalabas na isang Kapre. Pagtatangkain ka niyang patayin upang mabawi ang Mutya."
Biglang parang namutla si Gabriel. "A-Ano! Bakit ngayon mo lang sinabi sa'kin 'to?"
"Hindi ba't sinabi kong nakalimutan ko nga," sagot ng matanda. "Sandali, kakailanganin mo ito." Dumukot si Bagwis sa loob ng kanyang amerikana at inilabas ang isang patalim. Inihagis niya ito kay Gabriel, na nasalo naman ng batang lalaki gamit ang isang kamay.
"Ano 'to? Itak?"
"Hindi lang iyan isang pangkaraniwang itak. Iyan ay isang Kampilan Bolo. Katulad iyan ng patalim na gamit ko. Mayroon iyang pambihirang lakas at kapangyarihan."
Tinitigan ni Gabriel ang hawak na patalim.
"Ang Kampilan Bolo," pagpapatuloy ni Bagwis. "ang sandatang gamit ng mga maharlikang tauhan ng Datu."
"Teka,"putol ni Gabriel, "bakit ito ang gagamitin ko? Di ba ako ang Datu?"
Bahagyang napangiti ang matanda. "Hindi ka pa Datu, Gabriel. Wala ka pa sa tamang edad. Kapag isa ka nang ganap na Datu, saka mo lamang matatanggap ang Kampilan."
Umiling lang si Gabriel at iniabot kay Bagwis ang bolo. "Hindi ko na kailangan nito. Meron naman akong mga baril."
Muling tumalikod ang matanda. "Huwag kang mag-alala. Sinisigurado kong magagamit mo iyan."
"B-Bakit?"
"Isa pa sa mga nakalimutan kong sabihin sa iyo," nakangiting sagot ni Bagwis, "hindi tinatablan ng bala ang mga kapre. Masyadong makapal ang balat nila."
Naiwan si Gabriel na nakatingin sa matandang naglalakad palayo.
###
Magtatatlong oras nang nakatayo si Gabriel, nakatingala at nakatingin sa puso ng saging. Madilim na at malamig ang simoy ng hangin. Dinig na dinig ni Gabriel ang ingay ng mga kulisap at kuliglig.
Inalala niya ang mga sinabi ni Kris tungkol sa Mutya ng saging.
"Alam mo Gabriel, ang Mutya ang isa sa pinakapopular at pinakahinahanap na agimat."
Nasa loob sila ng "classroom" noon. Napapapikit na si Gabriel ngunit pinipilit niyang magising.
"Kapag nakuha kasi ng isa ang Mutya, magkakaroon siya ng pambihirang lakas."
Malakas na naghikab si Gabriel. "Pambihirang lakas? Ano yun, parang Superman?"
"Tama," sagot ni Kris. "Magiging kasing lakas ka ni Superman kapag nakuha mo ang Mutya ng saging."
Sa dami ng tinalakay ni Kris, tanging ito lamang ang naaalala ni Gabriel tungkol sa agimat na iyon. Tiningnan niya ang relo sa kanyang kaliwang kamay at napailing sa nakita.
"Kelan ka ba bubuka?" tanong niya sa puso ng saging.
Para bang nadinig siya ng puso dahil walang anu-ano, bigla na lamang itong nahati sa gitna. Mula sa loob ay may nahulog na isang maliit na parang isang patak ng tubig. Kulay pula ito at kumikinang sa dilim.
"Nakupo!"
Napatalon si Gabriel patungo sa bumabagsak na patak ng tubig at ibinuka ang kanyang bibig.
Hindi aabot, naisip ni Gabriel. Bigla niyang inilabas ang kanyang dila kung saan saktong bumagsak ang Mutya.
Pagbagsak niya sa lupa ay nawala ang kanyang balanse at napasubsob, dahilan upang mapalunok siya. Dito ay napansin niya na hindi isang patak ng tubig ang lumabas mula sa puso ng saging. Matigas ito na parang bato.
Mainit. Naramdaman ni Gabriel ang paggapang ng maliit na bato sa kanyang lalamunan. Kasabay nito, isang kakaibang init ang kumalat sa buong katawan ni Gabriel, na agad din namang nawala.
Isang galabog ang narinig ni Gabriel mula sa kanyang likuran. Agad siyang tumayo at tumalikod ngunit wala siyang nakita kundi ang malawak na lupain. Iginala niya nag kanyang mga mata. Kahit madilim, kitang-kita niya ang buong paligid dahil sa Matangpusa.
"Wala naman, eh," bulong niya.
Biglang may naramdaman siya mula sa kanyang likuran. Isang bagay na mabilis na papalapit sa kanya. Malaki ito.
Parang isang pusa ay tumalon si Gabriel pakanan. Sa isang iglap ay isang malaking bato ang bumagsak sa lugar kung saan siya nakatayo kanina. Nilingon ni Gabriel ang pinanggalingan ng bato at tumambad sa kanya ang isang higanteng lalaki na kulay itim. Halos kasing taas ito ng isang limang palapag na gusali.
Tinitigang mabuti ni Gabriel ang higante, na nagsimulang maglakad papalapit sa kanya. Napansin niya na nababalot ng makapal na buhok ang katawan nito. Ang mga mata nito, na parehong kulay pula, ay nagliliwanag sa dilim. Ang puting-puti at matatalas na ngipin naman nito ay nakakagat sa isang tabakong kasing taba ng isang troso. Makapal ang usok na lumalabas mula sa nagniningas na dulo nito.
"N-Naman. Ang laki!"
Titig na titig ang kapre kay Gabriel. Humithit ito mula sa tabako at ibinuga ang usok sa ilong.
"Isang batang paslit?" Parang kulog ang boses ng kapre.
"Hoy! Sinong batang paslit?" galit na tanong ni Gabriel. "Humanda ka. Pipitpitin kita na parang... parang... parang isang tabako!"
Tumawa ang kapre. Nakabibingi ang halakhak nito kaya't walang nagawa si Gabriel kundi takpan ang kanyang tainga.
"Ang ingay mo!"
Biglang tumahimik ang kapre. "Nakakatawa ka naman, batang paslit."
"Ah, ganon. Puwes, etong sa'yo!" Dinukot ni Gabriel ang dalawang baril sa kanyang likuran. Itinutok niya ito sa kapre at sunud-sunod na pinaputok.
Hindi natinag ang kapre.
Nang maubos ang mga bala sa kanyang baril, saka lamang napansin ni Gabriel na hindi man lamang nagalusan o nagasgasan ang dambuhala.
"Mukhang totoo nga yung sinabi ni Bagwis," bulong niya sa sarili.
Dahan-dahang itinaas ng kapre ang dalawang kamay at nag-inat-inat. "Matagal na ring may nakakuha ng Mutya. Sayang naman at isang bata lamang ang makakaharap ko ngayon. Ni hindi man lamang ako pagpapawisan."
Napakunot ang noo ni Gabriel sa narinig. "Pambihira, hangin ka ba?
"Bakit"
"Ang yabang mo kasi, eh." Biglang tumalon si Gabriel at sinugod ang kapre.
"Mabilis ka," sabi ng kapre. "Mukhang mayroon kang gintong buhok ng tikbalang."
Isang suntok ang pinakawalan ni Gabriel ngunit madali lamang itong nasangga ng kapre. Napangiwi ang batang lalaki. Para kasing sinuntok niya ang isang kongkretong pader.
Iniunat ng kapre ang kanyang kamay at itinulak si Gabriel. Tumalsik ang batang lalaki at dumausdos na lupa ngunit agad din namang nakatayo.
"Matibay ka, ha. Mukhang kailangan ko nang gamitin ito." Inilabas ni Gabriel ang Kampilan Bolo at binunot ito mula sa lalagyan. "Sige, laban!"
Sumugod ang kapre. Kahit na malaki ito, mabilis itong kumilos. Sa isang iglap ay nasa harapan na ni Gabriel ang kapre. Gamit ang dalawang kamay ay pinukpok nito ang batang lalaki.
Mabilis namang kumilos si Gabriel at tumakbo palayo. Umikot siya at pumwesto sa likuran ng kapre.
"Andito ako, duling."
Tumalikod ang kapre at hinarap si Gabriel. Hindi maipinta ang mukha nito dahil sa panunuya ng batang lalaki.
"Ah, duling! Duling na, bulag pa."
Sumigaw ang kapre at muling umatake. Katulad ng ginawa niya kanina, matuling tumakbo si Gabriel patungo sa likuran ng kapre. Ngunit sa pagkakataong ito, hiniwa niya ang kanang paa ng higante.
Muling napasigaw ang kapre, ngunit sa pagkakataong ito ay dahil sa sakit.
"Mukhang matalas talaga itong bolo na ito, ah," masayang sabi ni Gabriel.
Muling pumihit ang kapre at sinunggaban ang batang lalaki. "Tatapusin kita!"
Madaling nailagan ni Gabriel ang kamao ng kalaban. Muli ay tumakbo siya at initak naman ang kabilang paa ng lamanlupa.
"M-Magbabayad ka," sabi ng kapre. Hinarap nitong muli ang batang lalaki ngunit halatang bumagal na ang kilos nito.
"O, ano? Ako naman." Parang kidlat ay sumugod si Gabriel. Sa pagkakataong iyon ay tinungo niya ang tuhod ng kapre.
Napaluhod ang kapre sa sakit dahil sa hiwa ng bolo ni Gabriel.
"I-Ikaw..."
"Tama. Ako nga," sigaw ni Gabriel.
Nagulat ang kapre ng biglang sumulpot ang batang lalaki sa harapan ng kanyang mukha.
"Etong sa'yo. Supeeeeeer Kick!"
Isang malakas na sipa ang tumama sa pisngi ng kapre dahilan upang tumalsik ang subo-subo nitong tabako. Isang malakas na kalabog ang narinig ng bumagsak sa lupa ang higante. Nayanig at nabiyak ang lupa sa bigat nito.
Imposible. Hindi maintindihan ng kapre kung paano siya natalo ng isang batang paslit. Sigurado, isa lamang iyong masamang panaginip.
"Ano, suko ka na ba?"
Dumilat ang kapre at nakitang nakatayo si Gabriel sa kanyang dibdib. Ang hawak nitong bolo ay nakatutok sa kanyang lalamunan.
"Ayokong tapusin ka. Gusto ko lang namang makuha ang Mutya. Para naman walang masabi si Tandang Bagwis."
"B-Bagwis? Bagwis ba kamo?" Biglang humalakhak ang kapre. Umaalog ang buong katawan nito dahilan upang mawalan ng balanse si Gabriel at mahulog sa lupa.
"Aray ko! Ano bang nakakatawa, ha?"
Dahan-dahang bumangon ang kapre. "Ang matandang iyon pala ang nagpapunta sa iyo dito." Muling tumawa ang kapre.
"O-Oo."
"Kung gayon, hindi na masyadong nakakahiya na tinalo mo ako." Dito ay tumayo na ang kapre at naglakad papalayo.
"Teka, saan ka pupunta?"
"Aalis na ako. Nasa iyo na ang Mutya. Wala nang dahilan para manatili ako dito."
"Ganun ba," sabi ni Gabriel.
"Ikamusta mo na lamang ako sa matandang iyon ha." Biglang bumuka ang lupa at dahan-dahang pumasok ang kapre. Naiwan si Gabriel na nakaupo pa rin sa lupa.
"Hay salamat. Tapos na din." Mabilis na tumayo si Gabriel at nagpagpag ng sarili. Pagkatapos ay lumapit siya sa malaking bato na inihagis kanina ng kapre.
"Superman pala, ha." Tinitigan ni Gabriel ang kanyang kamao at pagkatapos ay mabilis na sinuntok ang bato. Sa malayo, biglang nagliparan ang mga ibon na para bang nagulat.
Sumabog ang bato na para bang mayroong bomba sa loob. Halos napulbos ito sa lakas ng suntok ni Gabriel. Hindi makapaniwala ang batang lalaki sa kanyang nakita.
"Ayos," masayang sabi niya. "Superman nga!"