Mikay's POV
"Ingatan ang mga sinasabi. Baka may makarinig na iba. Bawat isang pagkakamali o hindi pag-iingat ni Gino is equals to sapok sa noo." nagdabog si Gino nang basahin 'yung idinagdag ko sa listahan namin. "Mikay, grabe ka naman sa limang sapok. Hindi ba pwedeng apat lang?"
"Tse. Kung ayaw mong sumunod, maiwan ka. Balakajan." masungit kong sabi tapos lumabas na ako ng pinto. Ang gulat ko naman nang makita ko na agad s'ya sa hagdan. Nakasandal tapos nakangiti.
Mabilis akong lumapit sa kanya at.. "1-2-3-4-5." limang mabibilis na sapok ang binigay ko sa kanya. "Kulit mo talaga, 'no? Kasasabi lang e!" pinandalatan ko s'ya ng mata.
Tumawa s'ya. "Laki na naman ng butas ng ilong mo. Hahahahaha."
Sa sobrang pagkainis ko sa kanya, nilayasan ko s'ya. Tinatawag n'ya ako pero ni hindi ko s'ya nilingon. Basta mabilis na lang akong naglakad papasok sa campus dahil may mahalagang announcement daw yung prof namin sa research.
Ewan ko. Baka buntis.
Feelingero e. Bakla 'yun.
Gulat na gulat naman ako, dahil pagpasok ko sa classroom, pagmumukha agad ni Gino ang tumambad sa akin. At wow, nakuha pa talaga n'yang umupo doon sa upuan ko habang pinagtitinginan s'ya ng ilang mga kaklase ko. Na karamihan ay babae at bakla.
"Bakit andito ka?" gigil na bulong ko. Pero pinigilan ko ang sarili ko na makurot s'ya. Nakakahiyang magpaka-dragon dito e, baka maabutan ako ni Allen Richwell. Mate-turn off sakin 'yon.
"E iniwan mo ko e. Kaya inunahan kita." gigil n'ya ring bulong.
Napahawak ako sa bibig kong gulat. "Nanggigigil ka na rin sakin ngayon, ah? Doon ka sa park. Labas." itinuro ko 'yung pinto.
"Yoko nga!" binelatan n'ya ako at sinuot 'yung shades n'ya.
Ah, ganon ah. Sinusubukan mo ako.
Umupo ako sa hita n'ya at pinilit kong itulak s'ya paalis gamit ang pwet ko. Napatayo tuloy s'ya dahil malalaglag na s'ya.
"Wag ka nang sasama sakin bukas." mariing sabi ko sabay kurot sa tagiliran n'ya. Pero imbes na masaktan, nakita ko pa s'yang ngumiti.
"Ito naman si Mikay, oh. 'Di na mabiro. Wait kita mayang lunch ah? Kain tayo." kumakaway s'yang lumabas ng room.
Letse. Nakita n'yo 'yon? Alam na nga n'yang ang lakas ng charms n'ya sa mga girl boy bakla tomboy tapos kakaway pa? 'Yung mga haliparot ko tuloy na kaklase parang maiihi na dito sa sobrang pagmamalandi.
Nalipat ang tingin nila sa akin nung mawala sa paningin nila 'yung papansin na genie. At parang hindi ko nagugustuhan ang gusto nilang ipahiwatig. Lalo pa nang nagtutulakan na silang naglakad sa gawi ko. May nadapa pa nga na isa e.
"OMG, Mikay! Sino 'yon?"
"Mamshie ang pogi!"
"Artista ba 'yon?"
"Close kayo, Mikay? Shet! Nagwawala ang ovaries ko."
Tinignan ko nng masama 'yung kaklase kong bakla. Anong ovaries pinagsasabi non?
"Pinsan ko 'yon. Hindi s'ya artista. Nambuburaot s'ya ng pambili ng pagkain. Kaya pinalayas ko." pokerface na sabi ko. Umayos ako ng upo at nagpangalumbaba ako sa desk ko.
"Nambuburaot? 'Di siguro. Baka ikaw nambuburaot sa kanya mamshie."
"Sabihin mo ako na bibili ng lunch n'ya, Mikay. Subuan ko pa s'ya."
"Bili ko s'ya rubber shoes na pang basketball."
"May girlfriend ba 'yun?"
"Date kamo kami, mygahd. Kahit sa Paris, France pa 'yan."
"Lakas ng appeal n'ya mga mamsh, kahit naka plain white shirt lang."
"Model siguro sa Bench 'yun. Kyaaaa."
"Mukhang mabango rin. Sarap amuyin. Kuha mo nga ako ng brief n'ya, Mikay."
"Sheeeet!! Yung ovaries ko talaga ang likot!"
"Blah blah blah!!!"
"Asdfghjkl."
"Qwertyuiop!!"
Isang malalim na buntong hininga ako pinakawalan ko. Bahagya rin akong nagpause para kumuha ng sapat na dami ng hangin, tapos..
"PUNYETA!! BAKIT ANG DAMI N'YONG TANONG!? MAGSILAYAS KAYO DITO! ISA PA, UUTUTAN KO MGA BIBIG N'YO!"
Natahimik ang buong klase.
Napanganga 'yung mga haliparot sa paligid ko.
Pero nagsialisan din sila agad. May nadapa na naman ngang isa e. Natakot sigurong maututan ko mga bibig nila.
Ang kukulit kasi e! Parang mga naglalanding pusa sa bubong tuwing 2am. Ang kikire, sobra! OA sa pagkahaliparot! Ganon ba talaga kagwapo sa paningin nila 'yung genie na 'yon? E 'di hamak naman na mas gwapo si Allen Richwell don e! Tsk.
"Tapang ah? Gagawin mo talaga 'yun?"
Napatingin ako sa tabi ko at muntik pa kong mapamura nang makita ko ang nakangiting mukha ni Allen.
So hindi ko napansin, kanina pa s'ya dito? At narinig n'ya pala mga sinabi ko? Lahat? As in lahat? At nakita n'ya rin ang pagkadragon ko?
"Nakakahiya.." bulong ko at umiwas ako ng tingin sa kanya.
Buti nalang din at dumating 'yung prof namin sa research kaya madadivert na pare-parehas 'yung mga atensyon namin sa kanya.
Umayos na lang ako ng upo at bahagya kong nilayo upuan ko kay Allen. Nakakahiya talaga e. Kasalanan 'to nung genie na 'yon. Kung hindi ba naman s'ya nuknukan ng harot, hindi naman lalabas yung natutulog na dragon sa loob ni Mikaela Dela Rosa.
Tsk. Yari talaga sakin 'yun mamaya!!! Ilalaglag ko s'ya sa Bermuda Triangle!!
"Good morning class, as you already know, I have an important announcement to make. This is quite a huge change sa research n'yo but I think, mas magiging convenient 'to para sa inyo dahil magkakaroon kayo ng choice."
Sunod-sunod na 'yung parang bubuyog na bulungan ng mga kaklase ko right after mag-pause ni Sir sa pagsasalita.
"Poise?"
"The Voice?"
"Ano raw, rejoice? As in, yung shampoo?"
"Gago bakla, toys daw. Baka maglalaro tayo."
Inismiran ko sila kahit hindi naman nila ako nakikita. Are they trying to be funny? Well hindi sila nakakatawa. Nakakadagdag lang sila sa inis na nararamdaman ko right now. Sarap nilang pagbuhol-buholin tapos ibabalibag ko silang lahat kay Gino. Tsk.
"Sshhh. Calm down class. Better keep quiet because this won't take too long." nagpause nang kaunti si Sir pero nagpatuloy din. Dama rin siguro n'ya na mas iinit pa ang ulo ko kapag 'di pa s'ya nagstraight to the point. "Look at this."
Nagdrawing si Sir ng isang malaking box sa whiteboard. Pero nilagyan n'ya 'yun ng line sa gitna yun para maging dalawa. Sa unang box, nagsulat s'ya sa upper part nun ng word na 'THESIS' tapos sa kabilang box naman, 'VIDEO DOCUMENTARY."
"Yes, you guys read that right. You now have the choice to make a video documentary instead of a thesis. Napag-meetingan ng buong department ng college natin yung regarding sa suggestion ng ibang faculty members na magkaroon kayo ng choice para sa case study n'yo or simply your research. First, ayun nga. You will have a research paper, na idedefend n'yo sa harap ng panel. Yun 'yung thesis. But since gusto ng ibang faculty members, including me, na bigyan kayo ng another choice, we suggested a video documentary." tumalikod si Sir tapos may sinulat sa isang part ng white board.
SOCIOLOGY
"What is the sense of studying your course Sociology if hindi kayo magkakaroon ng deep understanding or broad contact sa society natin? I mean, with its different types and kinds, its aspects, components? That is why we want you to have a video documentary. Kasi gusto rin namin na bago kayo grumaduate, naiintindihan n'yo nang mabuti kung ano ba 'yung pinag-aralan n'yo sa course na 'to sa loob ng apat na taon at maoorient na kayo with what's ahead of it. If nasa field na talaga kayo, applying it." umiling si Sir tapos ngumiti. "Ang gulo bang intindihin? Let's get straight to the point. It's up to you if you want to have a social work, or you want to have a research about a certain social issue, or you want to propose a solution to it, name it."
Biglang nagtaas ng kamay si Allen Richwell sa tabi ko kaya napatingin ako sa kanya. Pero umiwas agad ako dahil ang pogi n'ya at kinikilig ako sa kanya.
"Sir, question."
"Go ahead, Mr. Richwell."
Tumayo si Allen. "Ano pong criteria or ibang measures, parameter, requirements para sa video documentary in case 'yun po ang piliin namin?"
"Good question, Mr. Richwell. You may take your seat."
Umupo nga si Allen tapos si Sir naman naglakad papuntang center aisle. "Regarding sa length ng video, maximum na ang 60 minutes. Minimum is 30 minutes. Yung main criteria like percent percent na bubuo sa grades n'yo? To be followed na lang dahil 'yun yung pagmemeetingan namin ngayon. So kung may tanong pa kayo, better ask now kasi at exactly 10 o'clock, aalis na ako."
Nagkaroon ng commotion dahil sa sinabi ni Sir pero dahil mabilis din akong nagtaas ng kamay at tumayo, nanahimik ulit sila. Tignan ko ba naman sila ng masama e.
"Uhm, Sir? Tanong ko lang po kung kailangan pang idefend sa harap ng panel ang video documentary in case na 'yun piliin namin." umupo ako nung senyasan ako ni Sir na umupo.
"Well regarding that, Miss Dela Rosa, napag-usapan ng board na hindi na kailangan idefend ang video documentary. Ang magdedefend lang, 'yung pipili ng thesis. Kasi wala ring hihingin na research paper sa video documentary. Hindi na kayo gagawa ng research paper."
Nagsigawan yung iba kong kaklase na animo nanalo sila sa sabong ng manok. Ikinainis ko rin lalo yung matitinis na tilian ng mga bakla. Buti na lang sumenyas si Sir na tumahimik kami. Maging ako natigilan din nang biglang ngumisi rin s'ya.
"Don't rejoice too soon. Kasi kung wala kayong ipapasa na research paper, at kung wala ring defense, malaki rin ang burden na mapupunta sa inyo. Why? 'Coz the video documentary itself should cover it all. Dapat 'pag natapos 'yung video n'yo, nabigyan n'yo ng hustisya 'yung title n'yo, natumbok n'yo yung pinaka pinupunto n'yo, yung video dapat covered yung buong topic n'yo, lahat ng questions, nasagot. In short, 'yung gusto n'yong iparating sa mga manonood, dapat matanggap nila."
Okay. Medyo parang complicated nga kung ganito pipiliin namin. Marami kaming dapat iconsider. Ang hirap lang na magbibigay kami ng expectations sa manonood tapos 'di namin masasatisfy 'yun sa huli. Para kaming nagpresinta na gumawa ng feeding program tapos 'yung pinakain namin hindi healthy at hindi masarap.
"Sir question po ulit. Sa video documentary po ba pwedeng may narration? Like voice or parang subtitle?"
"Another good question, Mr. Richwell. About that, pwede 'yun. And it's up to you kung narration ba gusto n'yo, may subtitle, documentary na parang journalist kayo, basta diskarte n'yo." nagpause ulit si Sir pero nagpatuloy din agad matapos n'yang uminom ng tubig. "Alam n'yo class? I will leave a piece of advice bago ako umalis for meeting: Just pour your heart out. Whether it's a research or a video documentary. Pour your heart out. In whatever you want to do. Pumili kayo ng topic na sa tingin n'yo magkakaroon ng great impact sa mga manonood. And most importantly, sa inyo. Na kapag naka graduate na kayo, masasabi n'yo na worth it 'yung ginawa n'yo, at hinding-hindi n'yo makakalimutan 'yun kapag tumanda na kayo. Okay? Bye for now. Any further questions will be discussed later kapag maagang natapos ang meeting. If hindi, follow up nalang sa gc ha? Okay, bye class."
Tinanaw namin si Sir hanggang sa makalabas na s'ya sa room. Unti-unti na namang nagkaroon ng bulungan pero ako, nanatili nalang doon na tahimik at nag-iisip.
Idk pero, parang deep inside, gusto ko yung video documentary.
***
Natagalan masyado 'yung meeting daw ng prof namin sa research kaya nagsialisan na rin kami after 1hr na 'di pa s'ya bumabalik. Tutal din naman sinabi na rin n'yang followup na lang sa gc.
May isa't-kalahating oras pa ako ngayon bago mag next subject. Yung genie na nakakainis? Ewan ko pero pagkalabas na pagkalabas ko sa room kanina, tumambad na s'ya agad sa harap ko na para bang pati yung oras ng pag-alis ko sa room e nasense n'ya.
At ang mas nakakainis pa? Bigla na lang din n'ya akong kinaladkad dito sa cafeteria. At nakuha pa talaga n'ya akong utusan na maghanap daw ako ng bakanteng table sabay nilayasan ako. Kaya ngayon, ito ako naghihintay sa kanya kahit na ba kumakalam na ang sikmura ko sa gutom.
Nako talaga. Siguradong babatukan ko siya ng tatlo pagbalik n'ya dito. Tsk!
"Grabe ka naman, babatukan mo talaga ako?"
Halos mapatalon ako sa gulat dahil sa biglaang bumulong sa likod ko. Nang lumingon ako ay biglang tumambad sa akin ang nakakainis na mukha ni Gino. Pawisan ang mukha at may bitbit na plastic bag ng pagkain na parang take out pa ata sa KFC.
"Lintek, Gino. Ayan ka na naman. Paano kung may naka—"
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko. Dahil si Gino, mabilis nang tinakpan ang bibig ko at ihinarap ako sa lamesa. Pinatong n'ya rin doon yung mga dala n'ya.
"Saan mo kinuha 'yan!?" pabulong na sigaw ko nang alisin n'ya ang kamay n'ya sa bibig ko.
"Wag ka nang mag-inarte d'yan at kumain ka na lang. Promise, walang nakakita sakin na sinummon ko 'yan. At hmm, binayaran ko 'yan. Hindi ko ninakaw. Bad 'yun." full of assurance na sabi n'ya.
Hindi na rin ako na nakapanlaban dahil yung sikmura ko sumisigaw na ng tulong. Saka sobra ring nakakatakam 'yung chicken oh, ang crispy ng balat. May kasama pang mashed potato at soup 'to. Tapos pwede pang papakin 'yung flavor shots na kasama.
Shet. Biglang nawala inis ko kay Gino.
Ngumiti ako nang parang tuta kay Gino tapos.. "Kakain na ako ha? Wait lang."
Yun nalang ang sinabi ko at tahimik na akong kumain. Kelan nga ba ang huling beses na kumain ako nang ganito? Yung 'di ko iniisip na magtipid? Yung pagbibigyan ko 'yung tiyan ko na kumain nang marami at masarap?
Haaay. Hindi ko na matandaan ah? Kasi para sa school needs ang pinaglalaanan ko. Puro 'yun ang una kong iniisip kung kaya pati yung para sa pagkain ko, naisasantabi ko na. Haaay..
Pinagpatuloy ko na lang ang pagkain ko dahil pakiramdam ko maluluha na ako pag nag-isip pa ako nang kung ano-ano. Nakakahiya pa dahil ito si Gino, naka-pangalumbaba pa sa harap ko at masayang-masaya na pinapanood akong kumain.
Inaalok ko nga e, kaso puro lang s'ya, 'Ubusin mo 'yan para tumaba.' Kaya 'yun nga ginawa ko. Inubos ko na lang kasi masunurin akong bata e.
Nasa last na subo na ako nang mapansin kong parang may mali. Parang may kulang. Napagtanto ko naman agad 'yun kaya pagkalunok ko nung huli kong subo, tumayo agad ako.
"Ikaw talaga. May pa mashed potato at soup ka pang nalalaman, pero wala ka namang biniling panulak." pokerface na sabi ko sa nagkakamot ng batok na genie na 'yon. Kinuha ko na lang 'yung wallet ko tapos pinahawak ko sa kanya 'yung bag ko.
Mahaba pa naman oras kaya pwede pa kaming tumambay dito, bibili lang ako ng tubig.
Nung makabili ako ng tubig, at pabalik na sana ako sa upuan namin, naramdaman kong parang may mali na naman. It's somewhere down there. Gustuhin ko mang kapain 'yung bandang pwetan ko, hindi ko naman magawa dahil nasa mataong lugar ako ngayon. Nakakahiya naman na magkakapa ako dito.
Kaya pumunta na lang ako sa pinakamalapit na c.r. Which is sa building ng mga maritime students. May pambabae namang c.r dito syempre pero haler, nakakahiya maglakad-lakas dito dahil halos puro lalaki ang mga tao.
Pagkaupo ko sa inidoro at pagkasilip ko sa salawal ko, gusto ko nalang magsisigaw doon sa sobrang inis.
"Pesteng red tide 'to. Wala man lang lumitaw na pimple sa ilong ko para magwarning e." gigil na bulong ko habang sinusuot ulit ang salawal ko.
Ngayon, paano na 'to? Paano ako makakalabas dito nang kaunting kaunti na lang, tatagos na 'yung dugo sa pantalon ko mismo? Paano pa ako makakabili ng sandwich na pantapal dito? Haaay. Malas naman oh.
Frustrated akong lumabas ng cubicle. Hinanda ko na rin ang sarili ko para tumakbo nang mabilis pabalik ng cafeteria dahil 'yun nalang ang naiisip kong paraan para makabili agad ng napkin.
"No need. Andyan na 'yung sandwich na kailangan mo. Kaya pala ang sungit mo mula pa kanina, magkaka regla ka na pala."
Halos mapatalon na naman ako dahil hindi ko pa naihahakbang ang paa ko palabas ng pinto, ay bigla na lang lumitaw ang isang pamilyar na braso na inaabot sa akin ang bag ko.
Mabilis kong kinuha ang bag ko at kinurot ko rin nang madiin sa tagiliran si Gino.
"Ano ba? Ba't ang dali lang para sa'yo na sabihin ang word na 'yun, tignan mo tuloy. May mga nakarinig sa'yo. Nakakahiya." inginuso ko 'yung ilang maritime students na pinupukulan kami ng nagdududang tingin. "Hala sige. Bumalik ka na sa cafeteria, doon mo ko intayin."
Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at bumalik na ako sa isang cubicle. Nagulat pa ako dahil may nakita akong black na jacket doon. Pero napasabunot na naman ako nang kaunti sa buhok ko nang makita ko 'yung isang pirasong EGG SANDWICH sa bulsa ng bag ko na mainit-init pa.
"Great, Gino. Just great." i said sarcastically, pilit na kinakalma ang sarili.
***
Tapos na ang klase ko for today.
Naglalakad ako ngayon pabalik sa dorm ko, at nasa likod ko yung nakakainis na genie. Hindi ko s'ya pinapansin dahil talaga namang parang aakyat lahat ng dugo sa obaryo ko paakyat sa ulo ko.
May regla ako? Tapos egg sandwich? Paano ko itatapal 'yon??
"Bwisit ka talagang genie ka, no? Kita mo, natagusan tuloy ako." sabi ko sabay kagat dun sa malamig nang egg sandwich. Hindi ko s'ya nililingon. Basta deretso lang akong naglalakad nang padabog.
"Pasalamat ka nga, binigay ko pa 'yang hoodie ko para ipangtakip mo sa pwet mo e." naramdaman kong sinabayan n'ya ang bilis ko sa paglalakad at hinarangan n'ya ako.
"Hoy!? Ba't mo inagaw!" sigaw ko. Pa'no ba naman biglang inagaw yung egg sandwich na hawak-hawak ko.
"Sabi mo bwisit ako, e bakit mo kinakain 'to?"
Sinamaan ko s'ya ng tingin at inagaw ko pabalik yung egg sandwich. Sinalpak ko na talaga nang buong-buo sa bibig ko para 'di na n'ya maagaw pabalik sa akin.
"Pake mo, sayang e." sabi ko nang malunok ko na lahat ng nasa bibig ko at naglakad na ulit ako.
"Kadiri kang babae ka. Pinasok mo na sa banyo 'yon tapos kinain mo pa."
"Buti nga, hindi ko sa'yo pinakain 'yun e." mapang-inis na sabi ko.
Narinig ko pa s'yang bubulong-bulong doon pero 'di ko na s'ya pinansin at mas nauna na akong pumasok sa building ng dorm namin. Naabutan ko naman doon sa may reception area 'yung katiwala ng dorm namin na parang may iniintay. Nang magtama 'yung paningin namin, ngumiti s'ya sa akin. Pero bigla ring nalipat ang tingin n'ya sa may bandang likuran ko.
Kaya napalingon na rin ako.
"Mauna ka na sa taas." sabi ko kay Gino na parang hindi alam kung ngingiti, magsasalita, o tatayo nalang doon.
Pero ayun, awkward na lang s'yang ngumiti at bumati ng magandang gabi dun sa katiwala namin saka umakyat sa hagdan. Sinundan ko na lang s'ya ng tingin hanggang sa mawala na s'ya sa paningin ko.
Ibinalik ko sa katiwala namin yung tingin ko at agad na akong nagsalita dahil nabasa ko na agad yung gustong ipahiwatig ng tingin n'ya.
"Pinsan ko, te. Galing probinsya, naghahanap ng work dito sa Manila. E walang matutuluyan, kaya ayun. Hehehe." ngumiti ako sa kanya at agad kong nakita yung surprise sa mukha n'ya.
"Galing probinsya 'yun? Hindi halata, ah? Gandang lalaki." natatawa-tawang sabi ni ate kaya nakitawa na rin ako para masegway ang usapan. Pero napurnada naman agad dahil bigla ulit sumeryoso ang itsura n'ya.
Napalunok ako nang madiin dahil mukhang alam ko na sasabihin n'ya.
"Pero Mikay, alam mo naman..
..sigurado ang number n'ya. Pahingi naman, ipapasa ko sa clan ko."
E-eh??
"Joke lang, ikaw naman!" tumatawang sabi ni ate sabay kurot sa tagiliran ko. Napangiwi ako sa sakit at sa kaisipan na pwedeng magpasa 'to mamaya.
"Pero Mikay, alam mo naman siguro na, pang-isahang tao lang ang kwarto mo. Kaya, paano ba gagawin natin ngayon?"
Halata ko sa boses ni ate yung concern n'ya. Pero inaamin ko, hindi agad ako nakasagot sa tinanong n'yang 'yon. Kaya s'ya na ulit ang nagpasyang magsalita after ilang moment ng katahimikan.
"May bakanteng kwarto tayo na pang dalawa hanggang tatlong tao. 9k yun. Pero kung hindi talaga kakayanin, Mikay.."
Pinutol ko na yung sasabihin ni ate kasi alam ko na 'yung gusto n'yang sabihin.
Ngumiti ako nang pilit. "Opo, ate. Ako nang bahala."
"Pasensya ka na, Mikay ah? Pati sa pinsan mo. Hindi naman ako ang masusunod dito. 'Pag nalaman kasi 'to ng may-ari, baka mapaalis ka agad-agad." hinimas n'ya ang balikat ko, sign ng pakiki-simpatya.
"Naiintindihan ko ate, trabaho lang. Walang personalan."
Ngumiti si ate at nagwait saglit kasi biglang nagring yung telephone sa receiving desk. Ako naman, nanatili lang doon na agad nilamon ng malalim na pag-iisip.
9,000 para sa isang kwarto na pwede kong isama si Gino? Hindi ko naman kakayanin 'yun. 'Yun nga lang 6,500 sa kwarto ko na pang-isahan, gipit na gipit na ako, 'yun pa kayang may dagdag na 2,500? Aba, baka mamalimos naman na ako non sa Quiapo Church para lang mabuhay.
Ipagkanulo ko na lang kaya si Gino? Palayasin ko na s'ya sa unit ko at bahala na s'ya sa buhay n'ya? Mamalimos din s'ya or magpagala-gala sa daan at dukutin ng puting van?
Teka. Ang sama ko naman pag ganon. Saka hindi ko kayang pabayaan ang isa na 'yon kahit medyo palpak s'ya. May malasakit pa rin ako sa kanya dahil andito s'ya sa mundo namin unang-una para tulungan ang mga tao; ako. Hindi naman ako kontrabida dito na goal hasikan ng kasamaan si Gino.
Haaay. Siguro, papatusin ko nalang yung tig 9k na unit tapos si Gino na lang pagbabayarin ko ng karagdagang 2,500. Or better yet, icoconvince ko si Susanna para sumama samin sa tig 9k na unit na 'yon para eksaktong tig 3k ang contribution namin.
Pero teka, baka naman magkaroon pa ng maitim na motibo si Susanna kay Gino. Or worst, baka madiskubre n'ya ang lihim ni Gino. So hindi pepwede ang naisip ko na 'yon.
E kung dun na lang kaya ulit si Gino sa loob ng aparador ko? Or sa kahit na saang pwede n'yang pagtaguan sa unit ko. Tapos sa campus na lang kami magiging lantad na mag-uusap at magkakasama kami?
Haaay. Mas hindi ko naman kayang gumawa ng illegal. Rules are rules. Kaya dapat sundin ko na isang tao lang pwede sa kwarto ko.
Pero teka, hindi naman tao si Gino! Genie s'ya!
Napasabunot ako sa buhok at hindi ko namalayan na nakaakyat na pala ako ng hagdan papuntang unit ko. Nadatnan ko doon yung numero unong source ng sakit ng ulo ko today na nakatayo at halatang naghihintay.
"May problema tayo." pambungad ko.
Pero parehas naman kaming napatingin sa direksyon ng hagdan nang makita namin doon ang humahangos na katiwala namin.
"Ang bilis mong umakyat, Mikay ha? Hindi kita nahabol agad." hingal na sabi n'ya pero nagpatuloy din. "May sasabihin kasi ako. Isang bad news, at isang good news. Yung bad news, occupied na rin pala yung natitirang pangtatluhang kwarto."
"And the good news is, mababakante na 'tong katabing unit. Tama po ba?" sabat bigla ni Gino na ikinalaki ng mata namin ni ate.
Pero hindi pa kami nakakabawi sa pagkagulat namin na 'yon nang biglang magsalita na naman si Gino.
"I'll take it na ate..
Wag lang akong mapapalayo kay Mikay.."