Inisip ko noong una na lumipat na lang ng boarding house pagkatapos ng mga pangyayaring yun pero inisip ko rin na panibagong adjustment na naman. Nabuo na ang tiwala at samahan namin nina kuya Noel. Nakaclose ko na rin ang mga babaeng boarders lalong lalo na si Beatrice.
Si Beatrice na sa tuwing uwian sa hapon ay hinihintay ko sa labas ng gate ng unibersidad para sabay ang pag-uwi namin. Kapag naglalakad kami, humihinto kami sa may kanto paliko bago ng boarding house para tumusok ng fishball at kwek kwek. Imbes na pamasahe sa traysikel, nagiging panghuling meryenda ang baryang natira, salitan kami ng gastos, minsan nadaratnan kami ng ibang papauwing boarders at lumalaki ang mga mata nila o kaya ay ngumingiti sa amin na parang may pahiwatig ng panunukso. Hanggang nakasanayan na rin nila na makita kaming laging magkasama ni Beatrice.
May mga hapunan na nagpapalitan kami ng ulam o kaya pag wala pa ang mga kakwarto ko ay nakikisalo ako sa kainan nila.
"Ed ha, aminin mo nga sa akin, kayo na ba ng pinsan ko", nakangiting sita sa akin ni Ate Mae bitbit nya ang baldeng puno ng maruming damit habang ako ay nagbabanlaw ng labahan ko. Gabi ng Byernes. Wala si Beatrice, maagang nagbyahe kanina dahil wala daw ang last subject instructor nila, paalam nya sa akin nung madaanan nya ako sa pasilyo ng CAS building.
"Naku, Ate Mae magkaibigan lang kami ni Beatrice, parang kapatid na ang turing ko sa kanya."
Hindi ko alam kong naging sinungaling ako sa sarili ko, napakamot na lang ako sa ulo.
"Aha, aha, yang linyang yan, flat tire na sa akin yan ha, narinig ko na yan kay Marvin Agustin noong nainterview sila ni Jolina!"
"Hindi po talaga ate." Diin ko habang patuloy ang banlaw ko sa mga uniporme ko.
"Mabuti na yung magkalinawan tayo Ed ha, ako mananagot kay Tita kapag nalaman nyang may boyfriend na ang anak nya", ang tinutukoy nya ay ang mama ni Beatrice.
"Sympre naman ate, study first muna kami."
Hinampas nya ako ng tuwalya nya.
"Ay, ay, ay, anong 'kami' ang narinig ko, Ed ha, nahuhuli ka na sa bibig mo."
"Ate mae naman, ang kulit mo, yung 'kami' walang malalim na ibig sabihin yun", patawa-tawa kong depensa sa kanya.
Natapos na akong magbanlaw at muli pumasok ako sa kwarto namin para kumuha ng hanger. Nagulat ako sa nakita ko.
"Oh, Hemerson, akala ko umuwi kayo ngayon, saan kayo galing, ginabi yata kayo ng uwi", usisa ko sa dalawa na parang nagulat din noong makita nila akong pumasok.
Nagtinginan ang dalawa, parang nagtuturuan kong sino ang magsasalita.
"Ah eh, galing kami doon sa downtown, kinatagpo namin ang kaklase namin noong high school." Si Gener ang nagsalita, iba ang aura ng dalawa, parang namumula ang kanilang mga mata.
"Ganun ba, may natira pang kanin sa kaldero baka hindi pa kayo kumain kaso walang ulam kasi nakikain na lang ako kina Ate Mae kanina."
"Parang gutom nga ako", tumayo si Hemerson at muntik na itong mabuwal at mauntog sa kanto ng higaan. Dire-diretso ito sa kusina.
" Uminom ba kayo", tanong ko sa dalawa, pinilit kong amuyin ang ere kung may amoy tsiko ngunit wala akong maamoy na ebidensya. Walang sumagot sa dalawa.
Humiga si Gener sa higaan ni Kuya Noel na sa pagkakataong yun ay nasa taas.
Pagkalabas ko ng kwarto, napansin ko ang pagkain ni Hemerson.
"Tol, maubos mo yan?" Niluwa nya lahat ng kanin sa kaldero ultimo tutong, nakayod lahat at ang pinang-uulam nya ay soy sauce lang.
"Tol, solb na solb na ako dito, sarap ng soy sauce parang adobong manok", namumutok ang subo ni Hemerson sa kanin.
Iniwan ko syang kumakaing mag-isa sa kusina at ipinagpatuloy ko ang pagsasampay sa labada ko. Pagkatapos kong nagsampay ay naligo lang ako saglit. Pagbalik ko sa kwarto, nabungaran ko si Hemerson na nakaupo at tila may binibilot na papel, huli na para itatago nya sana sa pagitan ng kanyang hita.
"Tol isara mo agad ang pinto", gulat na utos ni Hemerson sa akin.
"Tol ano yan?"
Sinenyasan nya ako na umupo sa tabi nya, pagkasuot ko ng shorts at sando, tumabi ako sa kanya.
"Tol, sekreto lang natin ito at wag na wag mong ipagsabi kahit kanino dahil mapapahamak tayo." Pulang pula nga talaga ang mata ni Hemerson samantalang si Gener ay mahimbing ng natutulog.
"Tawag dito tol ay paap."
"Anong paap?" Nakatingin ako sa hawak nya at sa laman ng posporong nakabukas. Tuyong dahon na durog durog. Marijuana ang unang pumasok sa isip ko. Yun ang unang pagkakataong nakakita ako ng ipinagbabawal na halaman na ganun. Nagkaroon ng tambol sa dibdib ko.
"Maryjane ito tol, paap ang tawag namin dahil dadalhin ka nito sa alapaap." Paliwanag ni Hemerson na tila lango sa tama ng halaman na ito. Kaya siguro naubos nya mag-isa ang kanin kanina na soy sauce lang ang ulam dahil sa epekto nito sa katinuan nya.
"Tol bawal yan, pag nahuli kayo hindi lang kayo papagalitan ni Sir Del kundi baka ipakulong pa nya kayo", pag-alala ko sa dalawa.
"Tol naman, hindi ka naman magsusumbong di ba", tugon niya sa akin. "Alam mo tol, natural ang halaman na ito, ginawa lang syang bawal dahil wala na silang mabebentang sigarilyo." Tumayo ito.
Lumabas si Hemerson, bitbit ang kanyang tuwalya, nakita kong binasa nya ito sa lababo at piniga. Inilagay nya sa hanger at pumasok na sa kwarto namin. Isinabit nya ang hanger malapit sa bentelador sa taas ng higaan namin.
Natatakot ako sa susunod na gagawin nya ngunit sa kabila ng pakiramdam ko ay naroon ang isang pitik ng kuryusidad sa halamang ipinagbabawal kung sa paanong paraan ito kinukunsumo.
"Bakit yang twalya, para saan yan", usisa ko.
"Para hindi mangamoy usok dito sa kwarto natin at dito lahat mapunta ng naibugang usok."
Hindi ko pa makuha ang ibig sabihin ni Hemerson. Sinenyasan nya akong ioff ang ilaw na sinunod ko naman. Tagos sa siwang ng pinto namin ang liwanag sa kusina. Naaninag ko si Hemerson na sinindihan nya ang nakabilot na papel. Nagbaga ito at tumindi ang baga nito habang malalim na hinihitit ni Hemerson. Wala akong makitang usok ngunit ang amoy ay parang sa sinusunog na toothpaste na di ko mawari. Ilang hitit pa at umubo na sya, pigil at humila siya ng malalim na buntong hininga. Tumingin sya sa akin at iniaabot ang nasa kamay nya.
Dinig ko ang kabog ng puso ko, parang naglapit ang puso ko sa tenga ko, hindi ko alam kung bakit kumilos ang isang kamay ko at kinuha ang nasa kamay nya.
"Isubo mo at sipsipin mo na parang sigarilyo, huwag na huwag mong ibuga ang usok, lunukin mo, tumapat ka sa twalya."
Nanginginig ang kamay ko at inilapit ko ito sa nguso ko, hinitit ko ng malalim, naubo agad ako.
"Hahaha!" Tumatawa si Hemerson. "Dahan dahan lang tol."
Inulit ko ang paghitit saka ko nilunok. Isang hitit pa, at nasundan pa hanggang muli ay umubo ako ng paulit-ulit. Kinuha ni Hemerson sa kamay ko ang hawak ko.
Napaupo ako sa higaan nya. Parang umakyat lahat ng takot at konsensya sa isip ko.
Maling mali ang ginawa ko. Maling mali…
(itutuloy)