webnovel

FROM THE LITERATURE CLUB’S URBAN LEGEND ANTHOLOGY

NOONG UNANG PANAHON, nang ang mga Diyos, Diyosa at iba pang nilalang na may kapangyarihan ay nagpapakalat-kalat pa sa kalupaan, nagkaroon ng isang malaking digmaan. Nabiyak at nahati sa mga isla ang dating isang buong bayan at binalot ng apoy ang mga taniman at kagubatan.

Nagsimula ang lahat sa matinding disgusto ni Dumagat na may mga immortal na naninirahan at naghahari sa lupa na dapat ay neutral ground para sa kanilang lahat. Para matapos ang digmaan, gumawa ng batas si Bathala na kailangan lisanin ng lahat ang kalupaan. Ipinagbawal na rin na makipagkita at makipaglapit sa mga mortal. Kaya naman, ang mga Diyos at Diyosa ay umakyat sa Kaluwalhatian at hindi na nagpakita pa sa mga tao kahit kailan. Kung may iba mang nagpapakita pa rin, bihira iyon at palihim.

Dahil din sa batas na iyon nilikha ni Bathala ang isa pang dimensiyon na parehong pareho sa tunay na kalupaan. Doon malayang maninirahan ang lahat. Kalaunan ang dimensiyon na iyon na tinawag na Nawawalang Bayan ay napuno ng makapangyarihan at malupit na mga nilalang. Ang mga Danag at iba pang naninirahan sa dilim ay umalis sa Idalmunon (kabaligtaran ng Kaluwalhatian) at naghari sa dimensiyon na iyon.

Kaya naman, ang mga immortal na likas na mapayapa, ayaw ng gulo at iyong mga wala lang talaga pakielam sa ibang lahi ay humanap ng lagusan para makatakas at patagong makabalik sa mundo ng mga tao. Isa sa mga iyon ang lahi ng Dalakitnon na kayang gayahin ang pisikal na hitsura ng mga mortal. Katunayan, hindi mo alam pero sa mga nakakasalamuha mo araw-araw, lalo na kapag may sayawan at kasiyahan, mayroon doon na siguradong Dalakitnon at nagkukunwari lang na isang tao.

At kapag oras na nang uwian, hindi sa mga bahay ang punta ng mga ito kung hindi sa kagubatan. Sinasabing ang mga pinakamalalaking puno ng balete roon ay ang daan papunta sa tagong palasyo ng mga Dalakitnon. Pero mag-ingat kasi kapag pumasok ka roon ng walang permiso, hindi ka na makakalabas pa.

Nächstes Kapitel