webnovel

Epilogue

NGITING NGITI si Hannah habang nakapangalumbaba sa counter ng Store Hours. Nakatitig sa kumikinang na bato. Sa loob ng libo-libong mga taon, mabibilang lang sa mga daliri niya sa kamay ang mga mortal na nagawang makapagbigay sa kaniya ng mutya. Tama ang kapatid niyang si Tala, may mga interesanteng kabataan sa bayan na iyon.

Sumulyap siya sa labas ng bintana at nakitang umaambon at umaaraw na naman. Mukhang hindi nag-aaway sina Anitun Tabu at Apolaki sa nakaraang mga araw. Mayamaya lang, siguradong lilitaw na uli ang bahaghari. Saang parte naman kaya ng Tala siya mapapadpad? Ano kayang mga tao uli ang papasok sa kanyang tindahan? Nasasabik na siya.

Napaderetso ng tayo si Hannah nang bumukas ang pinto at tumunog ang wind chimes. Isang lalaki at isang babae ang pumasok, magkahawak ang mga kamay kaya halatang magkapareha. Bumaba ang tingin niya sa tiyan ng babae kasi naramdaman niya ang munting kapangyarihang nasa loob niyon. Naramdaman din niya ang proteksiyon na sigurado siyang si Tala ang may gawa.

Matamis siyang napangiti kasi nakilala niya kaagad ang mga bagong dating. "Welcome! Marami akong tinda na puwedeng laruan para sa isang baby girl."

Halatang nagulat ang mag-asawa. Napahawak ang babae sa sinapupunan nito. "P-paano mo nalaman na babae ang baby ko?"

Nanatiling nakangiti si Hannah. "Hula ko lang. Hindi ako nagkakamali ng hula pagdating sa baby." Lumapit siya sa isang shelf, pinaraan ang kamay sa mga nakadisplay doon at huminto sa isang garapon na may lumulutang-lutang na liwanag sa loob. Hinaplos niya iyon. Naging tila oil ang laman niyon at ang liwanag na galing mismo sa kanyang kapangyarihan ay nagmukhang maliliit na petals ng bulaklak. Binulungan niya pa iyon at saka humarap sa mag-asawa na iniinspeksiyon ang mga nakadispaly sa lamesa.

"Para sa buntis, suggestion ko ito," sabi niya at inabot sa babae ang garapon. "Ipatong mo malapit sa kama, buksan at hayaang kumalat ang mabangong aroma sa silid. Puwede mo rin ipangmasahe. Nakakarelax at nakakaganda ng mood."

Binuksan ng buntis ang garapon at nilanghap ang laman sa loob. Nanlaki ang mga mata nito. "Ang bango nga."

"Sige, bibilhin natin 'yan," nakangiting sabi ng lalaki na inakyaban ang buntis. Nagkatitigan ang mga ito, halatang mahal na mahal ang isa't isa.

Bukod sa garapon ay bumili rin ng ballpen at notebook ang dalawa. Hinatid ni Hannah ang mga ito hanggang sa pinto at pinagmasdan pa habang naglalakad palayo. Excited na siyang makita ang paglaki ng batang iyon. Kasi isang regalo mula sa kaniya ang binulong niya sa garapon para sa sanggol na ipapanganak sa gabing kulay pula ang bilog na buwan.

She gave the baby a gift of beauty. Dahil ang totoo niyang pangalan ay Hanan, Diyosa ng Bukangliwayway, isa sa pinakamagagandang Diyosa sa Kaluwalhatian.

Mayamaya pa bumaba na sa kanyang tindahan ang dulo ng bahaghari. Tumingala siya at pabuntong hiningang ngumiti. "Okay. Oras na para lumipat." Pumasok siya sa Store Hours.

Ilang sandali pa, unti-unti na naglaho ang tindahan. Hanggang ang naiwan na lang ay isang maliit at bakanteng lote.

author's note: thank you for reading. if you enjoy this story please take time to give a good rating and review. it will be a huge help for me. <3 next volume coming up.

Nächstes Kapitel