webnovel

SLIP OF THE TOUNGE

"Ma!" tawag agad ni Flora Amor sa ina pagkapasok pa lang sa loob ng bahay. Madami siyang itatanong dito, marami siyang uungkatin.

Subalit sa halip na ang ina ay si Devon ang umiiyak na sumalubong sa kanya.

"Amor, tell pappy not to get my things from your room," pakiusap nito habang sunud-sunod ang paghikbi.

"Ha?"

Salubong ang mga kilay na nagmadali siyang pumasok ng kwarto habang hawak ang kamay ng bata.

Naratnan nga niyang naghahakot ng gamit ni Devon si Harold pabalik sa kwarto nito.

"Ano'ng ginagawa mo? Sinabi ko na kay mama na sa'kin na matutulog ang anak ko," saway niya sa kapatid, agad inagaw dito ang mga damit ng anak na hawak nito.

"Ate, he'll go back to my room!" giit ni Harold na noon lang niya nakitaang aburido at tila tuliro.

"No! He'll stay here!" maawtoridad na wika niya. "She's my son at dapat lang na nasa'kin siya."

Ibinalik niya sa loob ng kabinet ang mga damit ng anak, ang bata nama'y pinulot pa ang ilan nitong gamit na nakakalat sa sahig.

"Ate, alam ko ang tumatakbo d'yaan sa utak mo. Gusto mong makipagbalikan kay Dixal at sumama uli sa kanya," biglang pag-iiba nito ng usapan.

Takang napabaling siya rito.

"Walang kinalaman si Dixal sa paglipat ng anak ko sa kwarto ko! Bakit---" natigilan siya sa biglang rumihestro sa kanyang utak.

"So matagal mo nang alam na asawa ko si Dixal at wala ka man lang sinasabi sa'king nagkita pala kayo noong nagdaang linggo?" kumpirma niya't itinapon ang hawak na damit at nang-uusig na lumapit sa kapatid.

"Ate, ayukong makikipagkita ka pa uli sa lalaking 'yon. Magtanda ka na sa nangyari sayo noon, 'te. Kaya nating bayaran ang utang natin sa kanya pero hindi mo kailangang makipagbalikan uli sa sinungaling na 'yon!"

Sa nakikitang galit sa mukha ng kapatid ay halata niyang 'di biro ang pang-aangkusa nito kay Dixal.

"Ano'ng utang natin ang sinasabi mo?"maang niyang tanong.

Lumapit ito sa kanya at hinawakan siya sa magkabilang braso.

"Ate, makinig ka sa'kin. Ngayon lang ako nangingialam sa'yo dahil alam kong hindi tama ang ginagawa mo. Masasaktan ka lang uli 'pag nakipagbalikan ka sa sinungaling na 'yon. Tahimik na ang buhay natin. Nagawa nating buhayin si Devon nang wala siya. Hindi mo siya kailangan sa buhay mo, 'te. Guguluhin niya lang uli ang tahimik mong mundo. Paaasahin ka uli saka ka itatapong parang basahan tulad ng ginawa niya sa'yo noon!" mariin nitong paliwanag subalit wala siyang maintindihan sa mga sinasabi nito.

"May alam ka ba sa nangyari sa'min noon?" curious niyang tanong pero sa halip na sumagot ay hinawakan nito ang kamay ng bata at pilit kinarga ngunit nagpupumiglas ang huli kaya sinaway niya ito.

"Ano ba, Harold! Tinatakot mo ang bata eh!" sigaw niya't binawi niya ang anak mula sa kapatid at agad kinarga, ang higpit ng kapit ng bata sa kanyang leeg.

"Ano bang nangyayari sa'yo,ha? Ilang araw kang nawala rito tapos ngayong bumalik ka na saka ka maggaganyan!" sermon niya.

"Ate, hindi mo ako naiintindihan. Ayukong maulit ang nangyari sa'yo noon. Ayukong makikita ka uling humahagulhol habang pinupunit mo ang marriage contract niyo ng lalaking 'yon at galit na itinatapon ang wedding ring mo!"

Lalo siyang natigilan sa sinabi nito. Kilala niya si Harold. Tahimik lang itong binata, hindi ito madaldal na lalaki at lalong hindi ito nagagalit higit sa kanya. Pero ngayon, ano't kakaiba ang galit na makikita sa mukha nito, sukat ipagdiinang masamang tao si Dixal?

Nagtataka talaga siya sa inaasal nito ngayon.

"Ano ba 'yang ingay niyo?" usisa ng inang kapapasok lang sa loob ng kwarto niya.

"Ma, pagsabihan mo nga itong si Harold. Takot na takot si Devon sa kanya kasi pinipilit niyang pabalikin ang bata sa kwarto niya. Sinabi ko na sa'yo Ma, dito na sa kwarto ko ang anak ko," sumbong niya sa ina.

"Kailangan ko bang iuntog ang ulo mo sa pader para matauhan ka at nang maalala mo kung ano'ng ginawa sayo ng hayup na 'yon?" panunuyang wika nito sa kanya.

Nagpanteg ang tenga niya sa tinuran nito.

"Tarantado ka ah! Walang kinalaman si Dixal sa pakikipaglapit ko sa anak ko. Ate mo ako, hindi ka dapat nagsasalita sa'kin ng ganyan! At anak ko si Devon, natural lang na nasa akin ang anak ko!" hindi niya napigil ang sarili't namura na ito.

Hindi naman malaman ng ginang kung sinong aawatin sa kanilang dalawa.

Kung 'di pa umalingawngaw sa buong kwarto ang bulyahaw ng bata, hindi pa sila titigil sa pagsasagutan.

Pagalit siyang nagmartsa sa palabas ng kwarto at ilang minutong inikot ng lakad ang buong sala habang panapatahan ang bata.

"Tahan na bata, tahan na," alo niya rito.

"Why are you shouting at each other in front of me?" hiyaw nito sa pagitan ng pag-iyak.

"Sssshhh, it won't happen again. Nagulat lang si Amor sa asal ni pappy. Pero wala na 'yon anak, kaya tahan na. Lalong natutuliro si Amor 'pag naririnig kang umiiyak." paliwanag niya habang patuloy sa marahang pagyugyog at pag-alo rito.

Saka lang siya naupo sa sofa nang marinig niyang tumahimik na ito, madalang na lang ang hikbi.

Nang makita niyang lumabas ang kapatid ay pairap niya itong sinulyapan, saka lang siya bumalik sa loob ng kanyang kwarto.

Naratnan niyang nagpapahid ng luha ang kanyang ina. Nakaramdam siya agad ng awa, hinawakan ito sa balikat.

"Ma, sorry. Hindi ko talaga ini-expect na ganito ang mangyayari samin ni Harold. Nagulat lang kasi ako sa kanya, bakit niya pinipilit ang batang bumalik sa kwarto niya eh gusto nga ng anak ko rito?" malambing ang boses na paliwanag niya.

Tumango ang ina saka humarap sa kanya, halatang tumulo ang luha sa mga mata nito kaninang wala siya.

"Anak--" anitong hinawakan ang kanyang kamay na nakapatong sa balikat nito't hinimas iyon.

"Unawain mo na lang ang kapatid mo, ha? Hindi kasi 'yon madaling makalimot sa mga nangyari noon. Hindi ko alam kung anong nangyari pero sana naman maunawaan mo ang kapatid mo. Isipin mo rin ang hirap na pinagdaanan niya noong wala kang panahon sa anak mo, siya ang naging ama't ina ni Devon. Pero nakita mo naman, hindi 'yon nagreklamo. At ngayon, basta mo na lang kukunin sa kanya ang bata, syempre nasasaktan siya," paliwanag nito sa garalgal na boses.

"Hindi ko naman inilalayo ang anak ko sa kanya, Ma. Pero kasi'y ipinagdidiinan niya sakin ang tungkol kay Dixal. Wala namang kinalaman 'yong tao sa mga desisyon ko ngayon tsaka anak ko si Devon, alangang pabayaan ko ang anak kong ibang tao ang mag-alaga."

Tumango na uli ang ina at ilang beses na marahang tinapik ang kanyang kamay saka lumunok upang matanggal ang tila bumabara sa lalamunan nito, pagkuwa'y ngumiti sa kanya, iyong pilit na ngiti para lang payapain ang loob niya.

"Basta ikaw na lang ang umunawa sa kapatid mo, ha? Baka madami lang ang problema no'n kaya gano'n ang ugali niya ngayon," payo na lang ng ina bago lumabas ng kwarto.

Naiwan siyang napapabuntung-hininga. Ano'ng nangyari sa lalaking 'yon, bakit biglang naging marahas sa kanila ng bata? Ano'ng utang nila ang sinasabi nito? At bakit galit na galit ito kay Dixal? Pinunit niya ang marriage contract nila at itinapon ang kanyang singsing?

Naguguluhan siya. May tiwala siya kay Dixal, ramdam niyang mahal siya nito. Hindi ito gagawa ng bagay na ikakagalit niya na sukat itapon niya ang kanilang wedding ring.

Pero higit niyang kilala ang kanyang kapatid. Hindi ito magagalit nang gano'n nang walang dahilan. Kaya nalilito siya. Hindi niya alam kung sino ang paniniwalaan at papanigan sa dalawa.

Marahil ay tama ang ina, kailangan niyang unawain si Harold. Baka nga may pinagdadaanan ito ngayon at siya lang ang napagbuntunan ng galit, hindi siya kundi si Dixal, nasali lang siya.

Seguro'y hindi nito alam na sa kompanya siya ni Dixal nagtatrabaho. Pa'no kung malaman nito 'yon? Susugod ba ito doon? May dati bang hidwaan ang dalawa at gano'n na lang ang galit ng kapatid sa asawa niya?

Lahat ng mga kasagutan seguro'y naruon sa nawala niyang alaala. Anong gagawin niya para mawala ang kanyang amnesia? Ilang beses na siyang nagbalak na magpunta sa isang neurologist pero lagi na lang 'di natutuloy hanggang sa makalimutan na niya. Pero neurologist ba talaga ang kailangan niya? Ang sabi sa kanya, psychological trauma 'yon. 'Di kaya sa psychologist siya dapat magpunta?

Saka lang siya natigil sa pag-iisip nang maramdan niyang tulog na ang anak, nakatulog habang humihikbi.

Inihiga niya ito sa ibabaw ng kama at kinumutan saka siya lumabas ng kwarto't hinanap si Harold ngunit wala na naman ito doon. Marahil ay lumabas na naman ng bahay.

Ang ina na lang ang kanyang hinanap. Seguradong ando'n ito sa loob ng tindahan ngunit wala rin ito doon kaya't pumasok na siya sa kwarto nito.

Nakita niya itong nakaupo sa gilid ng kama, pinagmamasdan ang hawak na picture frame.

"Ma--" tawag niya.

Bahagya pa itong nagulat at agad itinago ang hawak na frame sa ilalim ng unan nito.

"Ma, sorry sa nangyari kanina,"lambing niya habang papalapit rito't agad na yumakap sa likuran nito.

Sa halip na sumagot ay suminghot ito.

"Ma," tawag niya uli.

"Ayan ka na naman. Ano na naman ang hihilingin mo?" Inunahan na siya't marahang hinampas sa tagiliran.

"Ma, 'di pa ako nakapagwithdraw ng sahod ko. Gusto kong bumili ng sasakyan para hindi ako mahirapang mag-commute tsaka para masundo ko mga kapatid ko sa school," hirit niya.

"Asus, ni pagsundo nga sa anak mo, minsan mo lang magawa, pagsundo pa kaya sa mga kapatid mo," pambabara nito.

"Ma, sige na baka may pera ka d'yan. Tsaka magpapagawa rin akong sariling banyo nang 'di na ako nag-iingay sa umaga kakasermon kay Hanna," hirit niya uli sabay patong ng baba sa balikat nito.

"Para namang may gano'n akong pera," sagot nito't inayos ang pagkakalagay ng unan sa ibabaw ng kama at palihim na tinakpan ang frame sa ilalim niyon.

Lalo tuloy siyang nacurious kung kaninong picture ang itinatago ng kanyang mama. Baka sa papa niya. Mamaya 'pag maisip nitong lumabas ng kwarto titignan niya agad kung sino ang nasa larawan.

"Ma, ano kaya kung isanla muna natin itong bahay para lang makabili akong sasakyan."

pabiro niyang suhestyon.

Napaharap ito sa kanya't ang lakas ng pagkakahampas sa kanyang braso.

" Aray ko Ma, ang sakit naman!" angal niya sabay irap dito.

Tumawa ito nang malakas.

"Pa'no'y kung anu-anong sinasabi mo d'yan." natatawa nitong sagot.

Lihim siyang napangiti. Parang gumagana na ang kanyang strategy para makapaglabas ito ng kahit anong palatandaan na may itinatago nga itong kayamanan tulad ng sinasabi ni Dixal, kahit maliit na antique man lang.

"Ma, seryoso ako. 'Di ka ba naaawa sakin, araw-araw akong nag-aabang sa tapat ng seven-eleven, nakikipaghabulan at nakikipagsiksikan sa mga pasahero sa loob ng bus. 'Yong puhunan mo sa tindahan, ibigay mo muna sakin nang makabili akong sasakyan," pangungunsensya niya saka pairap na bumaling rito.

"Hayyy naku, Flor. Isip bata ka pa rin talaga. Ikaw itong may trabaho pero sa'kin ka humihingi ng pera." Napapailing na lang na sambit nito saka tumayo at nagtungo sa harap ng tokador.

"May sakit ako, Ma. Madalas nang sumakit ang dibdib ko tsaka parang binibiak ang ulo ko sa sakit." Hindi niya alam kung anong kalokohan ang pumasok sa isip niya't 'yon ang sinabi niya sa ina.

Namumutlang napalingon ito sa kanya, umawang ang bibig upang magsalita pero walang lumabas na kahit anong salita mula roon.

Nag-angat siya ng mukha at nahuli ang makahulugang titig sa kanya ngunit agad din nitong iniiwas ang tingin.

"Mahilig ka kasi magpalipas ng gutom. Kaya ayan tuloy," paninisi sa kanya subalit kapansin pansin ang biglang paggaralgal ng boses.

"Kaya nga naisipan kong bumili na lang ng sasakyan para hindi na ako napapapagod tumakbo para lang makasakay ng bus papuntang trabaho," aniya rito.

Kung maniniwala ito sa drama niya o hindi, depende 'yon sa acting niya at sa itsura ng mukha niya.

Humarap ito sa kanya, siya nama'y pinalungkot ang mukha at parang maamong tuta na tumingin rito.

Isang buntunghininga ang pinakawalan nito saka tumalikod at binuksan ang isang drawer sa tokador na tila may hinahanap.

Sinamantala niya ang pagkakataong 'yon para palihim na kunin ang frame sa ilalim ng mesa at picturan ito agad ng phone niyang nakalagay sa bulsa ng kanyang slacks.

Eksaktong pagharap nito'y naibalik na niya sa ilalim ng unan ang frame.

"O ayan lang ang maibibigay ko sa'yo. Bigay sa'kin 'yan ni papa bago siya mamatay. 'Yan lang ang pamana niya sa'kin," anito't iniabot sa kanya ang isang luma nang pera.

"Piso?" bulalas niya, puno ng pagkadismaya ang mukha nang mailagay na sa palad ang ibinibigay nito.

"Ano'ng piso? Pera 'yan noong unang panahon. Antique 'yan. Palibhasa kasi'y 'di ka marunong kumilatis ng mga bagay," pairap na wika nito.

Napahagalpak siya ng tawa sa sobrang tuwa.

Sa wakas, nabula niya nang gano'n lang ang ina't binigyan siya agad ng antique. Tama nga ang sinabi ni Dixal. Sa mama nga ipinamana ng ama nito ang maraming antique. At ang perang hawak niya sa kamay ay ilan lang sa mga 'yon.

Nagmamadali siyang bumaba sa kama at mahigpit na uli itong niyakap.

"Ang bait talaga ng mama ko," sambit niya sa sobrang tuwa bago nagtatakbong lumabas ng kwarto nito ngunit napahinto rin bago tuluyang nakalabas at nilingon ang ina.

"Segurado ka bang makakabili ito ng sasakyan, Ma?"paneneguro niya.

"Oo," tipid na sagot nito.

Pumapalakpak siya sa tuwa nang tuluyang lumabas sa kwarto nito.

Ang ina nama'y tila biglang nawalan ng lakas ang buong katawan at agad namalisbis ang luha sa mata kasabay ng pabagsak na pag-upo nito sa gilid ng kama.

"Papa, 'wag ang anak ko. Maawa ka. 'Wag ang anak ko, papa," hagulhol nito.

Pagkalabas lang sa kwarto ng ina ay tumuloy na siya sa kanyang kwarto at agad nilinis ang binigay nitong coin. Saka niya napagtantong gold coin pala 'yon ngunit ngayon lang niya nakita ang gano'ng klaseng barya, isang banyagang salita ang nakasulat duon.

Binuksan niya ang kanyang lappy at inisearch sa google kung saang bansa nanggaling ang coin, nang makita ang larawan ng katulad sa hawak niya'y napanganga siya sa nalaman.

1,500 years old na ang gold coin na hawak niya ngayon. Patunay lang na sa mama talaga niya ipinamana ng papa nito ang madaming antique na pagmamay-ari ng huli. Pero bakit hindi 'yon inilalabas ng kanyang ina?

Napaisip siya.

Dahil 'pag ginawa nito 'yon, malalaman ng mga kapatid nito na buhay pala ito at nasa paligid lang?

Nahihintakutang naibagsak niya sa work table ang gold coin. Alam ba ng mga kapatid nito ang bawat antique na pagmamay-ari ng namayapa niyang lolo?

Hindi niya iyon pwedeng ibigay kay Dixal kung dahil lang do'n ay mapapahamak ang kanyang ina. Nalaman na niyang may tinatagong kayamanan nga ang kanyang mama. Wala nang dahilan pa para isiwalat niya 'yon sa madla. Kung nagawa nitong itago ang mga 'yon, magagawa rin niyang itago ang lihim ng ina hanggang kamatayan.

Natatandaan niyang sinabi nitong pinalayas siya ng mga asawa ng papa nito. Marahil saka lang ito hinanap ng mga 'yon nang malamang dito ipinamana ng papa nito ang kayamanan.

Nakapagdesisyon na siya. Ibabalik niya ang gold coin sa mama niya. Hindi siya pwedeng makialam sa mga bagay na pagmamay-ari nito.

Tumayo siya agad para ibalik ang gold coin ngunit napaupo din nang maalala ang picture frame na piniktyuran niya kanina.

Dinukot niya ang phone sa bulsa ng kanyang slacks at pinagmasdang mabuti ang picture.

Family picture nga 'yon ng mga Randall. Tinignan niyang mabuti ang larawan ng ina, ang laki ng kaibhan ng mama niya sa dalagita sa larawan. Kung ikukumpara ito noong kabataan pa nito masasabi niyang malaki ang ipinagkaiba ng mukha nito ngayon. Kaya seguro hindi na ito makilala ng mga kapatid.

Napabuntunghininga siya. Darating din ang araw na magiging masaya nang tuluyan ang kanyang mama. 'Yong wala itong katatakutan kahit na magliwaliw sa kalsada.

Hindi niya ipapahamak ang ina. Itatago niya ang pinakaiingatan nitong sekreto.

Nächstes Kapitel