webnovel

A BRAVE MOTHER

"Flor, I'm sorry," untag ni Anton sa halos isang oras na katahimikan mula nang iuwi nito si Flora Amor sa bahay ng huli.

Hindi siya sumagot, bagkos ay nanatili lang nakaupo sa sementong sahig sa sala at nakasandig ang likod sa center table habang nakayuko at yakap ang nakabaluktot na mga tuhod.

Halos isang oras na siya sa gano'ng ayos mula nang iuwi ng kaibigan.

Tahimik siyang umiyak, panay lang patak ang kanyang mga luha.

Hindi niya kayang ipaliwanag ang sakit na nararamdaman ng mga sandaling 'yon.

Pinakamamahal niya ang kanyang ama, ipinagmamalaki sa lahat ng naging kakilala niya.

"Nagtitinda lang sa palengke ang papa ko pero proud ako sa kanya kasi kahit gano'n lang ang trabaho niya, napag-aaral niya kaming magkakapatid at naibibigay niya mga pangangailangan namin sa school," 'yon ang madalas niyang sabihin sa dalawang kaibigan at kahit sa paaralan nila sa t'wing ipinakikilala niya ang sarili.

Tindero sa palengke. Gusto niyang matawa sa naisip.

Halos dalawang taon siyang pinaniwalang tindero lang ito sa palengke, na napakasipag nitong ama, na kaya isang beses sa isang linggo lang ito umuuwi kasi laging busy sa pagtitinda ng mga isda.

'Di man lang siya nagtaka kung bakit 'pag umuuwi ito'y maayos ang damit na suot, amoy na amoy niya ang mamahaling pabangong gamit nito, mas makinis at maputi ang balat ngayon, samantalang ang kanyang ina, pag umuuwi'y amoy ng isda ang naaamoy niya sa katawan nito at 'di man lang malagyan ng pulbos ang mukha, sa edad na 40 ay mukha nang 50 dahil sa mga kulubot sa noo at pangingitim ng balat sa araw-araw na pagtitinda sa palengke.

'Yon pala, ang kanyang mama lang ang nagpapakahirap sa trabaho para lang mapakain sila tatlong beses sa isang araw at mapapag-aral siya sa kolehiyo, samantalang ang pinagmamalaki niyang ama'y ando'n sa kandungan ng iba, kumakain ng masasarap na pagkain, nabibili lahat ng gusto, tinitingala at kinikilala sa buong lugar na 'yon.

Tama si Mamay Elsa. Ginagawa lang nitong palahian ang kanyang ina, paulit-ulit nitong niloloko at sinasaktan.

"Flor, if you wanna cry, just cry it out," nag-aalalang sambit ng binata habang nakaupo sa tabi niya.

Walang narinig na sagot mula sa kanya.

'Papa... Papa...' paulit ulit na sambit ng kanyang isip.

Bakit siya ikinaila ng sariling ama sa harap mismo ng kabit nito? Ikinahihiya siya nito, mas mahal nito ang kabit kesa sa kanilang orihinal na pamilya.

Gusto niyang magalit rito. Gusto niyang balikan ito sa City Hall at ipakita ang galit niya. Wala itong kwentang asawa at lalong walang kwentang ama!

"Flora Amor, anak!" Sa labas pa lang ng bahay ay dinig na ang tawag ng ina at halos tumakbo na papasok ng bahay ngunit tila naging tuod nang makita ang itsura niya, tulala siyang nakaupo at tahimik lang na lumuluha, ni 'di marinig ang paghikbi niya.

"Flor..." nanginginig ang boses na usal nito.

Hindi siya tuminag na para bang wala siyang narinig.

Inilang hakbang lang ng ina mula pinto ng bahay hanggang sa kinaruruonan niya saka siya niyakap nang mahigpit habang humahagulhol.

"Anak patawarin mo ako. Hinayaan ko pang ikaw ang makaalam ng lahat. Patawarin mo ako, anak. Wala akong lakas ng loob na sabihin sayo ang totoo," wika nito sa pagitan ng pag-iyak.

Manhid na ang utak niya. Tumigil na ang pagpatak ng kanyang mga luha. Gusto niyang sigawan ang ina, gusto niya itong sumbatan. Kasalanan nito kung bakit ipinagpalit sila ng ama at naghanap ng magandang babaeng kakalinga rito. Nagpabaya ito sa sarili. Nawalan ito ng oras sa asawa. Kasalanan nito ang lahat!

"Anak patawarin mo ako. Patawarin mo ako," paulit ulit na sambit nito.

"Auntie, kanina pa po siyang ganyan, hindi nagsasalita, tumutulo lang ang luha pero walang boses na lumalabas sa bibig. Ni hindi siya humihikbi," nag-aalalang sabad ni Anton.

"Ha?" pinagmasdan ni Aling Nancy ang dalaga at inayos ang nakaladlad niyang buhok na tumatakip sa kanyang mukha habang nakayuko.

"Anak magsalita ka. Kung galit ka sakin, ilabas mo ang galit mo," nagsimula na rin itong mag-alala.

Wala pa ring sagot mula sa kanya, ni walang emosyong mababanaag sa kanyang mukha.

"Anton kuha kang isang basong tubig."

Agad na tumalima ang binata, pagbalik ay merun nang dalang baso ng tubig.

Kinuha agad 'yon ng ginang at iniangat ang mukha ng anak.

"Anak inumin mo tong tubig para gumaan pakiramdam mo," anang ina.

Sa wakas, kumilos din ang kanyang isang kamay at hinawakan ang baso, subalit nagulat ang dalawa nang bigla na lang niya 'yong ihagis sa sahig.

"Flor-" tangi lang nasambit nito, ngayon lang siya nakitang gano'n kabayolente.

Sinulyapan nito ang basong nagkapira-piraso sa sobrang lakas ng pagkakahagis niya, saka bumaling sa kanya.

"Anak, wag kang ganyan. Magsalita ka."

"Nancy! Nancy!" Humahangos ang amang pumasok sa loob ng bahay.

Galit na sinunggaban agad ito ng ginang at sinalubong ng sampal.

"Ang kapal ng mukha mong magpakita rito pagkatapos ng ginawa mo sa anak ko!" naniningkit sa galit na sigaw nito.

"Nancy, hayaan mo akong magpaliwanag." sagot ng lalaki pagkuwa'y sinulyapan ang napayukong si Anton.

"Hindi na kailangan! Lumayas ka rito! Hindi ka na namin kailangan!"

"Nancy, pakinggan mo ako. Kailangan kong gawin 'yon sa harap ni Cathy," paliwanag nito pagkatapos hawakan sa magkabilang balikat ang asawa.

Napahagulhol ng iyak si Aling Nancy.

"Simula ngayon, hindi ka na pwedeng makaapak sa pamamahay na to," mahina ngunit maaworidad nitong wika.

"Nancy, listen to me please."

"Lumayas ka!" sigaw nito sabay tulak sa asawa.

Isang buntunghininga ang pinakawalan ng Mayor. Marahil nga hindi ito ang tamang panahon para dalawin ang pamilya. Matapos pagmasdan ang mukha ng galit na asawa at sulyapan ang anak na noo'y tulala pa rin ay tumalikod ito't lalabas na sana ng bahay nang---

"Papa!" sa wakas ay nagawa niyang magsalita.

Lahat ng galit niya kanina para sa ama ay biglang naglaho. Hindi! Hindi niya ito kayang kamuhian. Mas nanaig ang pagmamahal niya rito nang mga sandaling 'yon.

"Pa!" Parang bata siyang umiyak nung tumayo at patakbong niyakap ang biglang humarap na ama.

"Pa, 'wag kang aalis. 'Wag mo kaming iiwan."

Nasapo ni Aling Nancy ang bibig at pigil ang paghagulhol samantalang ang ama'y nangilid ang mga luha at agad na gumanti ng yakap sa kanya.

"Patawarin mo si Papa, anak. Hindi ko gustong ikaila ka sa kahit kanino. Ipinagmamalaki kita. Pero kilala ko si Cathy. Baka kung anong gawin niya sa'yo 'pag nalaman niyang anak kita," garalgal na paliwanag nito.

Mugto ang mga matang puno ng luha na nag-angat siya ng mukha at nagmamakaawang tumitig sa ama.

"Magpapakabait ako Pa, lahat ng ipag-uutos niyo sakin susundin ko. 'Wag mo lang kaming iiwan. 'Di pwedeng mawala ka samin. Bumalik tayo sa Bicol. Ayuko na rito, Pa."

Niyakap uli siya nang mahigpit ng ama. Ang tangi niya lang magagawa sa mga sandaling 'yon ay umiyak at magmakaawa ritong 'wag lang silang iiwan, kaya't 'yon ang ginawa niya.

"Patawarin mo ako anak. Patawarin mo si Papa. Pero hindi ako pwedeng sumama sa inyo. Baka kung anong gawin ni Cathy sa inyo 'pag iniwan ko siya."

Nagpantig ang kanyang tenga. Ang akala niya'y sobra ang pagmamahal ng ama sa kanya kaya ito humabol sa kanya pauwi. Ang iniisip niya'y gagawin nito ang lahat ng gusto niya 'pag nakita nang umiiyak siya at nagmamakaawa. Pero bakit gano'n? Sinabi na niya ang laman ng isip, ibinulalas na niya ang mga salitang gustong ilabas ng dibdib, pero sa huli, 'yong kabit pa rin ang gustong piliin nito. Wala na ba silang halaga para sa ama?

Anong klase itong padre de pamilya?

Sa sobrang sama ng loob ay itinulak niya ito.

"Wala kang kwentang ama!" 'di makapaniwalang sambit niya. Ang ina ma'y nagulat sa lumabas sa kanyang bibig.

"Anak pakinggan mo ako. Hindi mo kilala si Cathy. Hindi siya---"

"Takot kang iwan ang kabit mo kasi mayaman siya at maraming pera samantalang si mama ay wala man lang maibili para sa sarili niya! 'Yon ang sabihin niyo!"

"Hindi 'yan totoo, Flor," sagot nito.

Inihakbang nito ang paa para lapitan siya nang biglang mag-vibrate ang smartphone nito sa bulsa saka iyon inilabas at tiningnan ang tumatawag. Salubong ang kilay na bumaling ito sa kanya pagkuwan.

"Anak, kailangan kong umalis. Babalik ako dito pagkatapos ko ayusin ang problema ko."

"Pag umalis ka ngayon, 'wag ka nang babalik. Hindi ka na namin tatanggapin." Sa pagkakataong 'yon, sumusuko na siya. Kahit ano pa segurong sabihin niya, hindi na magbabago ang desisyon nito. Kaya't nakapagdesisyon na rin siya.

Lalo lang nagsalubong ang kilay ng ama at tinitigan siyang mabuti saka mabilis na tumalikod palabas ng bahay.

Biglang nanlambot ang kanyang mga tuhod. Buti na lang nahawakan siya agad ni Anton na nang mga sandaling 'yon ay nasa likod niya lang, katabi ng kanyang mama.

"Anak, buo na ang desisyon namin ng papa mo. Pakiusap, tanggapin mo na lang ang lahat. Lalo lang magiging magulo ang buhay natin 'pag bumalik siya satin," sabad ng inang garalgal pa rin ang boses at 'di mapigil ang pagtulo ng luha sa mga mata.

Tumaas ang dalawang kamay nito para yakapin siya pero pumiglas siya mula sa pagkakaalalay ni Anton saka lumayo sa ina at nanghihinang kumapit sa gilid ng hapagkainan.

"Flor, kausapin mo ako. Kung galit ka sakin, sabihin mo. Alam kong sakin mo isinisisi ang lahat ng 'to. Pero tao lang ako, anak. Masakit din sakin ang nangyari. Pero wala akong magagawa, kailangan kong tanggapin 'yon, dahil mas kailangan kong maging matatag at maghanap-buhay kesa magmukmok at isipin ang problema ko."

Hindi siya umimik. Wala siyang lakas makipag sagutan sa ina. Wala rin namang silbi kung magsasalita siya ngayon. Hindi na niya maibabalik sa dati ang akala niya'y masaya niyang pamilyang puno ng pagmamahal.

Ngayon niya napagtantong, balatkayo lang pala ang lahat ng mga masasayang sandali nila sa piling ng pinakamamahal niyang ama. Lahat ng 'yon, isa lang palang hiram na mga sandali.

Gusto niyang matawa. Sila ang totoong pamilya pero sa nangyari, parang sila pa itong anak ng kabit na nagmamakaawa sa atensyon at pagkalinga ng isang magulang. Ga'no ba kasakit ang ipagkaila ka sa harap ng kabit ng iyong ama? Walang kasingsakit 'yon para sa kanya. Habambuhay marahil 'yong tatatak sa kanyang puso at isip. Pero handa siyang kalimutan ang lahat bumalik lang sila sa dati.

"Anak kausapin mo ako. Sigawan mo ako kung gusto mo. Ilabas mo lahat ng galit mo sakin. 'Wag ka lang ganyan sakin. Hindi ako sanay nang 'di mo ako kinakausap." nasasaktang untag ng ina.

Hindi siya galit sa ina. Masama lang ang loob niyang makitang wala man lang itong ginawa para pigilan ang kanyang ama na 'wag silang iwan.

Muli itong lumapit sa kanya at mahigpit siyang niyakap sa likod.

"Anak, patawarin mo ko. Wala akong magawa para ipaglaban ang papa mo. Ayuko lang kasing maging mahina sa harapan niya. Gusto kong ipakita sa kanyang matapang ako. Hindi mo ako mauunawaan ngayon anak. Pero sana maunawaan mo ako pagdating ng araw."

Napahikbi siya. Bakit ba kahit nakatalikod na siya'y tila alam ng ina ang laman ng kanyang isip?

Ang kanyang hikbi ay naging hagulhol saka humarap dito at gumanti ng yakap.

"Ma..."

"Anak, magiging matatag si Mama para sa inyo. Ipapakita ko sa inyong kaya ko kayong itaguyod nang mag-isa basta ipangako mo lang saking tatanggapin mo ang lahat ng 'to. Gagayahin mo si Mama, magiging matapang ka rin, huh?"sa pagitan ng pagluha'y pagsisikap nitong ipaunawa sa kanya ang lahat.

Hagulhol lang ang naisagot niya samantalang si Harold nang mga sandaling 'yon ay 'di kinaya ang matinding emosyong namayani sa kanila kaya't pansamatala itong lumabas ng bahay.

Nächstes Kapitel