SAMANTALA SA TITANIA kakatapos lang idinaos ang kasal ni prinsipe Ringo at ni Tsukino at ngayon ay isasagawa naman ang kanilang koronasyon bilang bagong emperador at emperatriss ng Titania. Makulay ang paligid at makikita ang karangyaan, mula sa mga mamahaling dekorasyon, mga bulaklak isama pa ang makukulay na mga kasuotan na suot-suot ng mga taong imbitado sa marangyang selebrasyon sa Titania.
Hindi maalis sa kanilang mga bibig ang ngiti habang pinagmamasdan ang prinsipe, ang kaniyang asawa, at ang duke na hawak-hawak ang papel ng proklamasyon at sa kaniyang tabi ay dalawang diyadema na korona ng emperador at ng emperatriss.
Sa kabila ng kasiyahan ng mga tao ay hindi maipinta ang mukha ng prinsipe dahil hindi siya masaya sa mga nangyayari.
Hindi siya masaya na ikinasal siya sa babaeng hindi niya mahal at hindi siya masaya sa katotohanang mali ang desisyon na ginawa niya—na naniwala siyang kayang patayin ni Kira ang buhong na ama o ang pagplanuhang patayin siya at mali siyan hindi man lang siya nag-imbestiga, mali na pumayag siyang magpakasal kay Tsukino, mali na sinaktan niya si Kira at hinayang makulong at madala sa bundok ng paghihirap na baka sa araw at oras na ito patay na ang kaniyang tunay na minamahal.
Patay na si Kira. Patay na ang babaeng naglalaman ng kaniyang puso.
Nagsisisi siya na hindi niya nagawang iligtas si Kira, na sana noong pinigilan niya ang heneral na gahasain ito ay sana pinigilan na rin niya ang pagpapadala sa dalaga sa bundok ng paghihirap.
Binibiyak ang kaniyang puso sa tuwing naalala niya ang pagmamakaawa nito at ang sakit na gumuhit sa mukha ng dalaga noong binitiwan niya ang huling salita bago ito ipadala sa bundok.
Napakawalang kwenta niya.
Unti-unti niyang naramdaman ang pagtulo nang saganang luha mula sa kaniyang mata at ang pagkirot ng kaniyang puso.
"Masaya ka ba kaya naiiyak ka na kasal na tayo, mahal ko?" matamis na ani ni Tsukino nang makita ang mga luha sa mata ng prinsipe, mahigpit din niyang hinawakan ang kamay nito na agad marahas na tinanggal ng prinsipe.
Puno nang poot na tiningnan ng prinsipe ang babae na ikinagitla ng madla dahil mukhang hindi masaya ang prinsipe sa kasalanang naganap. Napuno nang mga haka-haka at bulong-bulungan ang mga bisitang mga taga-Titania na ikina- ingay ng paligid.
"Kasal lang tayo sa papel, pero alam mong hindi ako masayang kasama ka at alam mong hindi kita kayang mahalin," aniya ng prinsipe at nagsimulang magbulong-bulungan muli ang mga tao at ang pag-alat ng ekspresyon ni Tsukino.
"Mahal na prinsipe? Itutuloy po ba ang koronasyon?" Pa-utal-utal na wika ng duke na responsable sa seremonya.
Hindi sumagot ang prinsipe bagkus ay tumalikod at naglakad palabas, hinubad niya ang kaniyang itim na kapa at marahas niya itong itinapon sa kung saan.
Agad namang pinigilan ni Tsukino ang prinsipe at mahigpit na hinawakan ang kamay. "Sandali! Hindi ka puwedeng umalis! Asawa mo ako!" wika ni Tsukino ngunit inaalis lang ng prinsipe ang kaniyang kamay.
Tumawa si Tsukino nang malakas. "Ah! Si Kira ba? Kaya ka ba nagkakaganiyan?" Natigilan ang prinsipe sa paglalakad. "Patay na siya, patay na ang kriminal mong mahal, hindi na siya babalik--"
"TUMAHIMIK KA!" Dumagundong ang sigaw ng prinsipe sa lugar at napa-upo sa sahig si Tsukino dahil sa lakas nito pati ang mga tao ay nagsi-tahimik sa gulat at takot.
"Bakit totoo naman! Kriminal si Kira, sa iyo na nangaling na nararapat siyang paslangin," natatawang ani ni Tsukino hindi man lang natinag sa galit ng prinsipe at ang pagtunog ng buto nito sa pagkuyom nito ng kamao.
"Bakit? Ayaw mong marinig ang katotohanan? Kriminal si Kira at patay na siya!—" hindi na naituloy ni Tsukino ang sasabihin ng tumalsik siya sa malayo at ang paglabas ng lila at itim na apoy sa katawan ng prinsipe.
"TUMAHIMIK KA!" Muling dumagundong ang boses ng prinsipe at kumalat ang itim at lang apoy sa paligid, nagsi-sigaw at nagsi-takot ang mga tao sa nangyari.
Nanlilisik ang mata ng prinsipe at halos kakulay na ng dugo ang kulay ng mata nito, lumalabas din ang mga pangil nito dahil sa ngitngit nito. "Kinasusuklam kita, Tsukino," malamig na wika ng prinsipe at naglakad na palabas ng silid, na hindi pa rin pinapatay ang lila at itim na apoy na unti-unting lumalaki at kumakalat nang mabilis.
"Tubig! Kumuha kayo ng tubig!" Natatarantang ani ng mga tao. Ngunit sa kabila ng mga natatarantang mga sigaw, naka-upo lamang si Tsukino sa sulok at nagsimulang humalakhak.
Samantala, naka-kuyom ang mga kamay na naglalakad ang prinsipe papunta sa hardin ng palasyo.
Sa paboritong lugar ni Kira.
Pinagmasdan niya ang paligid at wala itong pinagbago, maganda pa rin. Puno ng mga halaman, puno at samot-saring mga bulaklak ang paligid na nakabalibot sa buong lugar na tila ba isang maze.
Humapdi ang mga mata ng prinsipe at ang galit ay napalitan ng lungkot habang naglalakad sa hardin, hinaplos-haplos niya ang bawat halaman na madaan lalo na ang mga asul na rosas at mga tulips na paborito ni Kira.
Naalala niya ang mga tawa nito habang naka-paa'y nagsasayaw at sa mga kamay nito ay ang mga paborito nitong bulaklak na bagong pitas.
Ang pag-tama ng sinag ng araw sa porselana nitong balat na kumikinang at ang suot nitong puting bestida na mas lalong nag-papaganda kay Kira.
Ang mga masasaya nitong titig sa kaniya habang pilit siya nitong hinihila upang sumayaw din at magsaya.
Na kailanman ay hindi na mangyayari dahil sa kaniyang ginawa.
"Kira, aking rosas...patawad," wika ng prinsipe at nagsimulang tumulo ang saganang luha mula sa kaniyang mata.
Napaluhod siya sa lupa at narinig ang kaniyang sigaw ng hinanakit sa sarili at pagsisi sa maling desisyon.
Sa bawat tulo ng kaniyang luha ay ang pagbalik ng masasayang alaala at kabaitan ng dalaga na sana ay isinaisip niya bago ito'y saktan at ipadala sa bundok ng kamatayan.
Nakatingin si Kira sa bintana habang ito ay kumakanta. Pinagmamasdan lamang niya ang dilag at napangiti sa pagkanta nito.
Talulot ng mga bulaklak na nagsasayawan sa hangin,
Ako'y namangha at sayaw nila'y ginaya rin,
Sa bawat hampas ng tubig sa talampas,
Tawag ng aking damdamin ay bumubuhos nang malakas,
Damdaming marubdob para sa pangarap na nais maabot,
Tumingin sa langit at nanalangin kay bathala
Napangiti lalo ang prinsipe habang pinakikingan ang matamis na boses ng dalaga, hindi nakatiis at lumapit din.
Napasinghap ang dalaga at mukhang nahiya na narinig ng prinsipe ang kaniyang pagkanta.
"Ano ang ginagawa mo rito, mahal na prinsipe?" Mahinang wika ni Kira.
Hindi puwedeng malaman ng dalaga na siya'y pumunta rito upang magmasid sa mismong dilag, sakto nama'y naalala niya ang nalaman na ginawa raw ng dalaga na kapahangasan.
"Ano itong narinig ko na sinuway mo si ama at tinulungan ang mga tao sa sinunog na bayan? Paano kung napahamak ka?" wika ng prinsipe, kahit na alam niyang malakas si Kira dahil sa katalinuhan nito ay hindi pa rin maalis sa kaniyang isip at puso na mag-alala para sa dilag.
Nagulat naman ang dilag at nagpakawala ng isang tawang ninenerbyos. "Huwag kang mag-alala sa akin, kaya ko naman."
Hindi na siya sumagot at sinunggaban ng yakap ang dalaga.
"Talulot ng mga bulaklak na nagsasayawan sa hangin,
Ako'y namangha at sayaw nila'y ginaya rin,
Sa bawat hampas ng tubig sa talampas..." kanta ng prinsipe habang patuloy siyang humagulgol.
"Patawad, Kira... Patawad," paulit-ulit niyang sambit kahit na naramdaman na niya ang pagtulo ng ulan mula sa langit na tila sinasabayan ang kaniyang panaghoy.
"M-Mahal na prinsipe! Pinapatawag po kayo ng inyong asawa."
Natigilan ang prinsipe ng marinig ang boses ng isang kawal sa kaniyang likuran nang marinig ang pagbanggit ng asawa ay bumalik ang galit ng prinsipe at matalim na tiningnan ang kawal.
"Wala akong pakialam sa kaniya. Ngunit, may ipapaggawa ako sa iyo, lipunin ang iyong mga kasama sa hanay at si heneral pilo at kunin niyo ang mahiwagang bulaklak ng malbarosa sa nakatagong silid upang magsilbing pananggalang sa kakaibang kapangyarihan at umalis kayo kinabukasan papuntang bundok ng paghihirap, kunin niyo ang bangkay ni Kira at dalhin dito sa akin," ani ng prinsipe na nagpaluwa sa mata ng kawal.
"Ngunit...ayon kay prinsesa Tsukino ay hayaan ang bangkay ng pumatay sa inyong ama sa lugar na iyon!" Masamang tiningnan ng prinsipe ang kawal na nagpa-atras dito sa takot.
"Sino ang susundan mo? Ako na dugong maharlika o siya na asawa ko lang?" Malamig na wika ng prinsipe.
"K-Kayo po, mahal na prinsipe!" utal-utal na wika ng kawal.
"Kung gayon ay sundin mo na ang utos ko!" Sa sinabi ng prinsipe ay agad na tumakbo ang kawal.
Nawala muli ang galit sa mata ng prinsipe at bumalik ang lungkot. Isang magandang libing ng pagpupugay ang dapat ibigay sa dilag at kahit man lang sa huling pagkakataon ay makita niya ito at humingi ng tawad sa ginawa niya.
Napatingin siya sa umiiyak na langit habang ninanamnam niya ang lungkot at pagsisisi na nanahan sa kaniyang puso.
Lingid sa kaniyang kaalaman ay galit siyang pinagmamasdan ni Tsukino na nasa may sulok ng mga kwadra ng mga kabayo.