webnovel

CHAPTER 8: Ang Simula ng Pagsasanay At Ang Sangtron Ni Nael

MAAGA AKONG NAGISING, ngayong araw ang pagsisimula ko ng pagsasanay. Ikatlong araw ko ngayon sa mundo ng Anorwa. Naligo ako sa bathtub – oo, bathtub na pahaba na gawa sa puting bato. Akalain mong may gano'n dito. Pero sa totoo lang, maraming bagay talaga sa mundong ito na gamit din sa mundo ng mga tao. May liquid na sabon na amoy bulaklak na nakalagay sa kakaibang hugis na salaming bote akong ginamit. At may pangsipilyo rin, nahahawig din sa toothbrush at ang toothpaste, matamis na parang prutas. Bumubula rin ang mga iyon at masarap sa pakiramdam.

Nagpatuyo ako. Ang bihisan ko ay nakapatong sa kamang tinutulugan ko – tulad ng kasuotan ni Rama, isang pang-sundalo na nagsasanay pa lang. Estudyante ako kumbaga tulad ni Rama, na parang OJT sa pagiging sundalo. May panloob din na parang boxer na kulay puti, una ko 'yong sinuot siyempre. Kahit mala-superhero ako rito ayaw ko namang magmukhang si Superman na nasa labas ang brief. May pantalong itim na makapal ang tela pero magaan lang at kitang matibay. Naghanap ako kung anong brand, pero wala – 'di yata uso rito ang gano'n. Sinunod kong isuot pagkatapos ng pantalon ang dark-green na long-sleeved na mukhang matibay din ang tela. Presko sa katawan ang mga 'yon at nakakagalaw ako ng maayos. Sunod kong isinuot ang baluti na pinag-aralan ko muna – brown na metal pero magaan. May design na parang guhit sa dahon ang nasa dibdib ng baluti at sa kabuuan nito parang gaspang ng balat ng kahoy ang design. Balat ng kahoy din ang hitsura ng metal na nilalagay sa mga kamay – panangga rin siguro 'to. Ang sapatos na boots na kulay dark-brown din, may halong metal din.

Nang masuot ko ang lahat, tumalon ako. Hindi siya mabigat sa katawan kahit pa kung titingnan parang napakabigat ng mga suot ko. Pinagmasdan ko ang sarili ko sa malaking salamin sa paanan ng kama. Kinuha ko ang tungkod ni Nael sa gilid ng kama at hinanda ko ang sarili ko lalo na ang isipan ko. At inayos ko ang buhok ko.

Paglabas ko ng kuwarto, pinagmasdan ko muna ang kabuuan nito, at tsaka ko pa lang napagmasdan ang lawak nito at ang simpleng ayos pero magara ang mga gamit na gawa sa kahoy at may mga palamuting berdeng bato at mga kristal.

Dinamihan ko ang kain ko ng almusal, kasabay ko sina Rama at Shem-shem. Sabi kasi ni Rama, mahirap ang pagsasanay at mas mahirap para sa 'kin lalo pa't wala akong pakpak – pumasok sa isip ko na baka pagpasa-pasahan ako sa ere, kasi nga wala akong pakpak. Si Pinunong Kahab, naghahanda na sa labas ng palasyo kung saan nagsasanay ang mga sundalo at sinasabi na sa lahat ang tungkol sa pagsama ko sa pagsasanay – hindi na lihim sa mga tagapalasyo ang tungkol sa misyon ko at ang kinakaharap ng buong kaharian, at ang pagkatao ko. Pero mananatiling lihim pa rin sa kabuuan ng Kaharian ng Ezharta lalo na sa buong Anorwa ang tungkol do'n.

~~~

"SIMULAN NA ANG pagsasanay!" malakas na sigaw ni Pinunong Kahab. Nasa taas siya, lumilipad.

"Hoooo!" sigaw ng daan-daang mga sundalo at sabay-sabay silang nagliparan, kasama roon si Rama. Bakas ang pagseryoso at pagiging agresibo ng lahat sa pagsasanay. Nagkaroon pa ng malakas na hangin dahil sa sabay-sabay na pagpagaspas ng mga pakpak. May ilang kababaehan sa grupo ng mga sundalong 'yon, at sabi ni Rama, ang ilang babaeng sundalo ay mas mahusay pa sa ibang lalaking sundalo.

Naiwan akong nag-iisa na parang dinaanan ng helicopter, nagulo ang buhok ko. Shit!

Lumapag sa harap ko si Pinunong Kahab. "Lakas naming mga diwata ang aming pakpak at iyon din ang aming kahinaan, kaya kailangan namin itong patatagin at palakasin. Dahil wala ka pang pakpak, ang paghawak muna ng armas ang kailangan mong pagsanayan."

Tumango ako sa sinabi niya. Nang tumingala ako para lingunin ang mga sundalo, napakataas na ng lipad nila at may ilang nagpapatihulog at mabilis uling lilipad pataas.

"Ano iyang hawak mo?" tanong ni Pinunong Kahab, nakatingin siya sa hawak kong tungkod.

"Armas ko?" sagot ko.

Ngumisi siya. "Sumunod ka, Nate. Ipapakita ko sa iyo ang tunay na armas."

Naglakad kami papasok sa bandang likod ng palasyo, para siyang tambayan ng mga sundalo, tipong opisina nila. Lumipad kami paibaba dahil walang hagdan – nasa malawak na basement kami ngayon ng palasyo kung saan maari ka pa ring lumipad. Medyo mainit sa lugar na ito at maingay – tunog ng pagtama ng mabigat na metal sa isa pang metal.

"Wow!" napangangang komento ko sa tumambad sa 'kin na pinuntahan namin ni Pinunong Kahab. Napakaming armas, mga iba't ibang uri ng sandatang may patalim. Nakasabit ang mga iyon sa pader.

"Ito ang taguan ng mga sandata, at dito na rin kami nagsasanay sa paghawak ng armas na aming maibigang gamitin sa pakikipaglaban. At karaniwang dito talaga nagsasanay ang mga baguhan," pakilala ni Pinunong Kahab sa lugar. "Sumunod ka," sabi niya.

Naglakad kami at may pinasukan kaming isang pinto sa gilid kung saan mas malakas kong narinig ang ingay ng mga metal.

"Dito ginagawa ang mga sandata, dito binubuo at pinapanday ng mga pinakamagagaling na panday sa Ezharta," presenta ni Pinunong Kahab sa lugar.

May mga diwatang malalaki ang katawan na abala sa ginagawa nila at may ilang ugpok din. At lahat sila pawisan, dahil siguro sa init ng lugar. May mga baga sa harapan nila, doon nagmumula ang init.

"Maogma!" bati ni Pinunong Kahab sa lahat.

"Maogma, Pinunong Kahab!" tugon ng lahat na sandaling tumigil sa mga ginagawa nila at lahat sila nakaharap sa 'min.

"Ito si Nate. Makakasama natin siya rito sa palasyo. Siya ang sinasabi ko sa inyo kanina, ang maglilitas sa Ezharta!" pakilala sa 'kin ni Pinunong Kahab sa lahat. Kanina, gano'n din ang sinabi niya sa mga sundalo bago magsimula ang pagsasanay.

"Maogma, Nate!" bati sa 'kin ng lahat.

"Maogma!" bati ko naman.

"Galingan nating lahat ngayong araw!" sigaw ni Pinunong Kahab kasabay ng isang malakas na bagsak ng palakpak.

"Hooo!" malakas na sigaw naman ng lahat at muling bumalik na sa kani-kanilang ginagawa.

"Ho?" tanong ko kay Pinunong Kahab nang palabas na kami ng pinto ng pagawaan ng mga sandata. Napansin kong 'yon din kasi ang sinigaw kanina ng mga sundalo.

"Ho, pagsang-ayon at pagpapakita ng diterminasyon sa ano mang ginagawa," sagot niya.

Pinuntahan namin ang mga armas na iba't ibang uri ng patalim, na kumikinang pa dahil sa talim ng mga 'yon. Karamihan kulay silver at ang mga hawakan ay iba't ibang shade ng green. May iba't ibang hugis, laki at disenyo ng espada. Merong may mahahabang hawakan na uri ng patalim at merong dalawahan. May mga pana rin at maliliit na patalim na pangbato. Marami pang uri ng sandata na unang beses ko pa lang nakita na talagang nakakamangha. At sa dami ng mga armas na 'yon, walang tulad ng tungkod na armas na hawak ko.

"Maogma, Pinunong Kahab."

"Maogma, Mira," tugon ni Pinunong Kahab sa babaeng lumapit sa 'min at bumati sa kanya.

"Maogma," bati ko naman. Kasing tangkad ko ang babae. Maganda, na nakaka-intimidate. Parang siya 'yong tipong 'di tatawa sa joke mo at mananapak kapag niloko-loko mo.

"Maogma," sagot ng babae sa 'kin. May suot din siyang baluti. Marahil isa siya sa mga babaeng sundalo.

"Mira, siya si Nate," pakilala sa 'kin ni Pinunong Kahab. "Nate, siya naman si Mira. Anak siya ni Marro na namumuno sa mga panday ng palasyo. Isa ring panday si Mira at isa ring mandirigma, isa sa mga magagaling na sundalo ng palasyo. Bihasa siya sa paghawak ng ano mang sandata at alam niya sa unang tingin niya pa lang kung ano ang uri ng armas ang nararapat para sa isang mandirigma. At karamihan na nakikita mong sandata rito, ay siya ang nagdisenyo."

Nakipagkamay sa 'kin si Mira. Ang galing lang. Hindi lang pala siya basta sundalo, designer pa. "Ilang taon ka na?" tanong niya.

"Seventeen," sagot ko.

"Ha?"

"Labingpito," mabilis na bawi ko sa sagot ko.

"Matanda ako sa 'yo 'di hamak ng ilang taon, kaya kahit ikaw pa ang magliligtas sa aming kaharian at sa buong Anorwa, 'wag mong asahang magiging pormal ako sa iyo at ituturing kang mas nakakataas sa akin. Ituturing kitang isang baguhang sundalo at hindi ako maawa sa iyo." Pero mukha lang siyang mga isa o dalawang taon ang tanda sa 'kin.

Napalunok ako sa sinabi niya. "Okay," nasabi ko. Tapos narinig ko ang pagpigil ng tawa ni Pinunong Kahab? Napaisip tuloy ako kung anong klaseng babae 'to?

"Siya ang magsasanay sa iyo, Nate. Sana ay maging kasinghusay ka niya sa paghawak ng sandata at pakikipaglaban," sabi ni Pinunong Kahab.

"Siguro ay dapat na maging mas mahusay ka sa akin at matalo mo ako, dahil sa iyo nakasalalay ang kaligtasan ng aming kaharian," madiing dugtong ni Mira.

Napahigpit ang hawak ko sa aking tungkod. "Hoooo!" sigaw ko kasabay nang pagpukpok ko ng isang dulo ng tungkod sa sementong sahig.

Ngumisi si Mira na parang sinasabi niyang duda siyang magagawa ko. Si Pinunong Kahab naman nakangiting tumango sa 'kin – naniniwala siyang magagawa ko.

"Mira, maari bang hanapan mo siya ng sandatang nababagay sa kanya?" utos ni Pinunong Kahab.

"Ito na po ang gusto kong sandata," sabi ko at hinarap sa kanila ang hawak ko.

Pinagmasdan ni Mira ang tungkod na hawak ko – waring sinusuri ito at inilapit pa ang sarili niya rito. "Puwede ko bang hawakan iyan?"

Inabot ko kay Mira ang tungkod. Parang naging kakaiba ang kilos niya.

"Maraming taon nang walang gumagawa ng ganitong sandata," pahayag ni Mira. "Saan mo ito nakuha?" tanong niya.

Pumasok sa isip ko ang sinabi ni Bangis na kailangan naming isekreto ang tungkol sa 'kin – sa una kong buhay. "N-Nahanap ko lang," sagot ko. At… at bigla akong nautot! Haist, shit!

Sumimangot sina Pinunong Kahab at Mira na napatakip ng ilong at sabay nilang pinagaspas ang kanilang mga pakpak para itaboy ang mabahong amoy.

"Sorry naman. Pasensiya," paumanhin ko.

"Isa iyang sangtron, hindi ba, Mira?" tanong ni Pinunong Kahab.

"Opo, Pinunong Kahab," sagot ni Mira. "Maraming sandatang tulad nito ang nakaimbak lamang sa isang silid dito dahil walang gustong gumamit ng ganitong sandata. Dahil dehado ka nga naman kung walang patalim ang iyong armas sa labanan, kaya itinigil ang pagkagawa ng ganitong sandata. At nasasayang lamang ang ilang metal at ang puno ng muwan kung saan ito gawa na isa sa pinakamatibay na kahoy sa Anorwa. At isa pa, mabusisi ang paggawa nito kaysa sa mga patalim na sandata. Uukitin ang kahoy at bubutasan sa gitna upang ipasok ang metal na nagdudugtong sa magkabilang dulong pabilog na metal na siyang pinakalakas nito. Hindi ito basta-basta napuputol kahit pa napakatalim na espada, ngunit wala rin itong gaanong epekto sa kalaban. Makakapanakit, ngunit hindi gaanong makakapinsala."

"Kahit ako, hindi ako gagamit ng ganyang sandata," komento ni Pinunong Kahab.

"Noon, armas ito ng mga tagabantay ng tarangkahan at ng ilang sundalo rin, pero sa paglipas ng panahon, nagkaroon na rin ng patalim ang mga hawak nilang sangtron. At ang mga ganitong uri, ay itinago na lamang o nilagyan ng patalim para maging makabagong uri ng sangtron…"

"Bakit, Mira?" tanong ni Pinunong Kahab. Natigilan kasi si Mira.

"Kakaiba ang sangtron na ito. Iba ang hitsura niya sa mga sangtron na ginawa noon nina ama na nakaimbak na lamang, iba ang disenyo ng metal sa magkabilang dulo. At makikitang gamit na gamit ito. May mga bakas ito ng hiwa ng espada – mababakas na ginamit ito sa matinding labanan o digmaan. Nakakapagtaka?" Pinukol ako ng tingin ni Mira matapos niyang magsalita. "Saan mo ba talaga ito nakuha?" tanong niya sa 'kin.

Napalunok ako. Iniisip ko kung sasabihin ko ba ang totoo o hindi? Pero nangako ako kay Bangis, at sa tingin ko, iyon din ang dapat gawin, na isekreto na lamang ang tungkol kay Nael at sa 'kin. Baka kasi kung saan pa mauwi ang usapang 'yon. At hindi 'yon sasabihin ni Bangis na isekreto na lang namin ang lahat kung walang rason. At ang naiisip ko, base sa mga nakita kong alaala sa dati kong buhay, naging malaki ang takot ng lahat kay Nael nang naging halimaw siya. Oo't bayani siya dahil sa mga nagawa niya, pero may nakakatakot din siyang nagawa na marahil ay may ibang diwata o mga Ezhartan na hindi iyon tanggap. Dahil sa buhay, kahit gaano pa karaming nagawa mong mabuti, kapag nakagawa ka ng isang kasalanan, iyon lang ang maaalala ng lahat – matatabunan ng isang maliit mong kasalanan ang marami mong nagawang kabutihan.

Oh, shit! Sigaw ko sa isip ko dahil magsisinungaling na naman ako. Ipinagdarasal ko na sana 'wag akong mautot. Hindi naman nila alam na nauutot ako kapag nagsisinungaling o nati-tense, pero baka maging obvious ako. "Nakita ko lang talaga 'yan, kahapon. Nang maglakad-lakad ako… sa… sa taas ng tore, sa tinatambayan ko. May kuwarto ro'n, do'n ko 'yan nahanap," sagot ko. At salamat, nakisama ang tiyan at puwet ko!

"May lugar nga doon kung saan may mga nakatambak na lumang gamit," sabi ni Pinunong Kahab. Mukhang naniniwala siya sa 'kin.

Pero ewan ko lang si Mira. "Hindi ito ang sandatang nararapat sa iyo," madiing pahayag niya.

"Pero bakit? Iyan ang gusto ko, eh," pagpupumilit ko.

"At bakit ang mababang uri ng sandatang ito ang gusto mo?"

Natigilan ako sa tanong ni Mira. At natanong ko sa sarili ko, kung bakit ba 'yon ang sandata noon ni Nael? Pero… parang… kung ako man, iyon din ang pipiliin ko noon.

Napanatag ang puso ko – nalaman ko ang sagot. "Dahil…" Huminga ako nang malalim bago magpatuloy. Siguro ito rin ang rason kung bakit pinili ni Nael noon ang sandatang sangtron upang maging armas niya sa labanan. "dahil nararamdaman kong isa kami ng sangtron na ito. Na madali ko siyang magagamit dahil magiging isa ang kilos namin – bilang isang bahagi na siya ng katawan ko. At…"

"At?" sabay na tanong ng dalawa.

"At wala itong patalim. Piling ko kasi masusugatan ko ang sarili ko kapag may patalim ang hawak ko," tapat na sagot ko. Oo. Aaminin kong medyo may pagkalampa ako. At talagang natatakot akong ako mismo mapahamak sa sarili kong hawak na sandata. Baka maputulan ko pa ng kamay o binti ang sarili ko, baka nga pati leeg. Ang tatalim pa naman ng mga armas nila rito.

Ngumisi si Mira. "Ang kilalang gumamit ng ganitong sandata, ay ang bayaning si Nael. At base sa ulat tungkol sa kanya, takot din siyang masugatan niya ang kanyang sarili sa patalim na armas – tulad mo," sabi niya. "At dahil nararamdaman mong isa kayo ng sangtron na ito na bahagi na siya ng iyong katawan kapag hawak mo at magiging isa ang kilos ninyo, ito nga ang nararapat mong maging sandata." At inabot pabalik sa 'kin ni Mira ang sangtron. "Sana ay mapantayan mo ang galing ni Nael sa paggamit ng sangtron, Nate."

"Bakit kailangan niyang maging katulad ng halimaw na bayaning iyon," medyo may something sa pagkakasabi no'n ni Pinunong Kahab.

"Dahil siya ang pinakamahusay sa paggamit ng sangtron."

"Pero halimaw siya. Hindi ko nga alam kung bakit naging bayani ang tulad niya."

"Marami siyang nagawang kabayanihan sa Ezharta at buong Anorwa. Siya ang nanguna sa pagpapaatras sa mga habo noon sa malawakang digmaan sa Anorwa."

"Pero sa huli, siya rin ang naging banta sa ating mundo."

"Pero hindi niya iyon ginusto. Nalason lang ang isipan niya."

"Kung talagang malakas siya, sana ay hindi nadaig ang kanyang isipan ng kasamaan."

"Sa huli, siya rin ang tumapos sa sarili niya para iligtas ang lahat. Nagbuwis siya ng buhay para sa kinabukasan ng Anorwa."

"Pero marami na siyang nawasak at napaslang bago pa siya nagpakamatay." Naging madiin ang pagbigkas ni Pinunong Kahab.

Sa pagsasagutan nila, tahimik lang ako. Malaki ata ang galit ni Pinunong Kahab kay Nael? Kaya pala no'ng magtanong ako kung sino 'yong estatwa nang makita kong dumapo sa rebulto ni Nael 'yong pulang paruparo, nang sumagot si Pinunong Kahab na si Nael, sumama ang mukha niya. Kaya tamang isekreto ko na lang ang tungkol sa pagkatao ko. Pero ano kaya ang dahilan?

Pero, matapatan ko kaya ang husay ni Nael sa paghawak ng sangtron? Kahit pa isipin kong ako siya, nagdadalawang isip pa rin ako kung magagawa ko ngayon bilang si Nate.

"Simulan ang laban!" sigaw ni Pinunong Kahab.

"Hooo!" sabay naming tugon ni Mira.

Pero sa isip ko, seryoso? Nasa gitna na kami ni Mira at magkaharap – maglalaban kami, simula na ng pagsasanay ko para mapaghusay ang paghawak ko ng sandata kong sangtron. Nakatayo lang si Mira hawak sa kanang kamay niya ang kanyang matalim na espada – manipis lang 'yon at kakaiba, pero kasing haba rin ng mga espadang naririto. Hinakbang ko ang isa kong paa – hinanda ko ang sarili ko sa pagsugod at sa posibleng pagsugod sa 'kin ni Mira, hawak ng dalawang kamay ko ang sangtron at nakatutok ito sa kanya. Pero si Mira, nakatayo lang talaga – hindi nakapormang opensa o depensa.

"Mauna ka," nakangis ing hamon sa 'kin ni Mira. "Ipakita mo sa akin ang sinasabi mong pagiging isa ninyo ng sangtron. Gumalaw ka na bahagi ng iyong katawan ang hawak mong sandata."

Kumilos ako – humanda sa pag-atake. Nararamdaman ko sa mga ugat ko na kayang-kaya kong gamitin nang maayos ang sangtron. At sa totoo lang, isang mahabang patpat lang naman ito na may metal sa magkabilang dulo. Magaan namang ipanghampas o ipamalo at nahahawakan ng maayos. Pero sa totoo lang talaga, at ito ang nararamdaman ko sa ngayon, dahil siguro sa unang buhay ko bilang si Nael, talagang iisa kami ng sangtron. Na ano mang maisip ko, makikisama ang sangtron, na matatamaan ko ang kalaban sa bawat pag-atake ko at mabilis akong makakakilos na walang pag-aalala dahil maipagtatanggol ko ang aking sarili laban sa kalaban gaano man ito kalakas. Nararamdaman ko ngayon ang kalamangan ko – dahil noon pa man, lumalaban na ako gamit ang sangtron na hawak ko!

Mauuna akong umatake! At matatalo ko ang babaeng mandirigmang si Mira! Sigaw ko sa isip ko na puno ng kompiyansa!

Nächstes Kapitel