webnovel

Kabanata Apat [2]: Ang Pagsapi

Nang makita ang kagimbal-gimbal na hitsura ni Joshua ay hindi napigilan ni Nevada ang sarili, nasuka siya't buti na lamang ay natakpan niya kaagad ang sariling bibig bago pa tuluyang maibuhos ang sama ng loob sa sahig. Biglang nangasim ang sikmura niya sa nadurog na mukha ng lalake, lalong-lalo na't may mangilan-ngilang laman at dugo na kumapit sa kaniya matapos tumalsik.

Agad niyang binitawan ang duguang martilyo at mabilis na tinalikuran ang bangkay ng lalakeng nakatali. Hindi na siya nagtagal pa at mabilis na umakyat sa hagdanan palabas ng basement.

"Linisin mo 'yung katawan niya Steve," utos niya nang magkasalubong sila ng lalake sa labas ng bungad ng basement, "Maglilinis lang ako ng katawan saglit." Aniya at ipinakita sa lalake kung gaano siya karungis ang damit niya na dulot ng kumakapit na dugo.

"Pinatay mo siya?!" Hindi makapaniwalang bulalas ng lalake.

"Ang ingay niya Steve, wala man lang maibigay na impormasyon. Nabubwisit ako." Reklamo niya't dali-daling umakyat palabas, habang pilit na inililihim sa lalake ang pakiramdam niya.

Hindi na siya nag-abala pang lumingon at nagpatuloy na lamang. Agad siyang dumiretso sa banyo ng sariling bahay at dinaluhan ang lababo. Doon ay hindi na nagpigil pa at diretsong inilabas ang sama ng loob; bumulwak ang nangangasim niyang kinain kanina palabas ng bibig at nalalasahan niya ang mapait nitong lasa.

Hindi pa rin siya nakuntento at hindi niya lubos maintindihan ang namumuong kung ano sa kaniyang sikmura, kung kaya't sa desperasyon niyang ilabas ito lahat ay isinilid niya ang sariling hintuturo sa lalamunan at pilit na kinakalabit ang laman doon. At hindi nga naman siya pumalya, nailabas niya nga ang natitirang sama ng loob ilang segundo ang makalipas.

Sa kabila nito ay nagsisi siya sa kung bakit niya 'yun ginawa sa lalake, napawi nga ang kaniyang galit ngunit ang laki naman ng epekto nito sa kaniya, isa pa ay napatay niya ang lalakeng maaaring magbibigay na sana ng impormasyon sa kaniya kung pinahaba pa niya ang kaniyang pasensya.

Nilinis niya kalaunan ang lababo saka nagmumog ng tubig, naghilamos na rin siya upang alisin ang natitirang pait at asim sa lalamunan at bibig. Mabilis niyang hinubad ang sariling damit at inilublob ang duguang T-shirt at pantalon sa isang batyang puno ng tubig, siniguro niyang nasakop ito ng likido upang labnawin ang dugo. Hinayaan niya lang ang damit sa batya at napagpasyahang sa susunod na araw na niya ito lalabhan, naisip niyang kailangan pa niyang magtrabaho ng maigi upang mabigyan ng hustisya ang pamilya niya.

Bagkus ay nagpatuloy siya sa paglilinis ng katawan sapagkat nakaramdam na siya ng pagkairita dulot lansang hatid ng dugo. Agad niyang inilublob ang sariling braso sa isang baldeng tubig at doon ay himihingal hinugasan ang sariling kamay na kung saan ay nanunuyo na ang mga dugo ni Joshua.

▪ ▪ ▪

Alas otso ng gabi at mangilan-ngilan na lang ang nakasalubong niyang mga tao sa sidewalk, ngunit binabaha pa rin ng mga motor at kotse ang kalsada. Malamig ang simoy ng hangin at nanunuot ito sa loob ng suot-suot niyang sweater, bahagya siyang nilalamig pero hindi ito alintana sa kaniya.

Matapang na binalikan ni Nevada ang bahay na pinagmulan ni Joshua habang dala-dala ang bag na naglalaman pa rin ng droga. Ilang lakaran na lang ay mararating na niya rin ito, kitang-kita niya mula sa kalayuan ang bahay na maaaring pinamumugaran pa rin ng mga taong matagal na niyang inaasam na mapatay.

Hindi muna siya lumapit, sa halip ay napaupo siya sa isang mahabang upuan sa ilalim ng lilim ng kahoy. Tahimik siyang nakatingin sa direksyon ng bahay na mimamanmanan niya habang nalulunod sa iniisip. Wala siyang kaalam-alam sa pangyayari sa loob; kung may tao ba ito o wala, sa pwesto niya ay nagtatalo ang kaniyang isipan sa kung ano ang magiging desisyon niya sa puntong ito.

Hindi naman nagtagal ay agad siyang nakapagdesisyon, nang makita niyang nagsilabasan ang mga kalalakihan sa bahay na binabantayan ay plano niyang pasukin ito kaagad. Nakakatuwang umaayon sa kaniya ang pagkakataon sapagkat tanging isa na lang ang natira at nagpaiwan sa bahay. Nang makitang sinarhan nito ang pintuan ay agad siyang tumayo at dali-daling naglakad patungo sa pinupuntiryang bahay habang suot-suot pa rin ang pulang bag. At bago tuluyang lumapit ay pinulot niya muna ang isang bato na kasing-laki ng sariling kamao at ito'y mahigpit na hinawakan.

Kumatok siya ng tatlong beses at naghanda sa maaaring mangyayari nang nasa harapan na siya sa bungad ng pintuan. Hawak-hawak ang pulang bag ay malakas na napapasinghap ng hangin si Nevada, kinakabahan para sa sarili pero labis namang nasasabik sa gagawin niya.

At hindi nagtagal ay narinig niyang iniikot na ang busol ng pintuan, naghanda naman siy't mahigpit na hinawakan ang bato. Saktong pagbukas ng pinto ay sinalubong niya kaagad ang lalake ng isang malakas na hampas sa mukha gamit ang batong napulot, sapul ito sa gitna ng dalawang mata at narinig niya ang malutong na tunog na nagawa nito.

Napaatras ang lalake dahil sa hilo at napasigaw ito sa sakit. Dali-dali naman siyang pumasok at sinarhan kaagad ang pintuan saka binitawan ang bato sa isang tabi. Siniguro naman niyang kinandado niya ng maayos ang pinto upang walang ibang makikialam sa gagawin niya, hangga't maaari ay gagawin niyang kapana-panabik ang pagkakakataong ito at produktibo, kung maaari ay magiging maganda ang daloy ng pangyayari lalo na't pumapalya pa rin siya sa mga pinipigaan niya ng impormasyon.

Doon ay agad niyang binunot mula sa likod ang isang baril, Glock 19 at ito'y tinutok sa lalakeng iniinda pa rin ang pananakit sa mukha; hirap ito sa pagtingin ng maayos dahil sa parang naapektuhan ang kaniyang mata sa sakit na nadarama. Wala itong magawa kung hindi ang mapaluhod na lang habang nakataas ang magkabilang kamay; nanginginig at labis na pinagpapawisan. Natawa na lang si Nevada nauutal ito at ramdam niyang takot na takot ito.

"H-H'wag, m-maawa k-ka. P-Pag-usapan na-natin 'to."

"Sige, tumayo ka riyan at umupo ka roon sa bakanteng upuan."

Nächstes Kapitel